Senti. Mental. Value

Nadagdagan na naman ang koleksyon ko ng libro ko nang di sinasadyang pagkakataon. Di talaga sinasadya dahil nangangalkal lang naman ako ng mga gamit na gusto ko ng itapon para makatikim man lang ng salitang ‘linis’ ang kuwarto ko. Ayun, dalawang tahimik na libro ang muli kong nahawakan at naisama sa mga koleksyon. Di ko na babanggitin yung title at awtor. Basta pareho silang tagalog na libro, at parehong sanaysay ang tema. Tungkol sa alak at reminisce. Maayos ang kondisyon ng libro. Medyo lumambot ang cover dahil na rin siguro sa pangungulila sa mambabasa.

May babasahin na naman ako ulit.

Iba talaga yung feeling kapag nakahagilap ka ng bagay o gamit na matagal mo ng hinahanap at pagkatapos ng ilang taon o eleksyon, matatagpuan mo siya dahil sa walang dahilan. Parang bente pesos sa pantalon na hindi mo alam kung bakit meron dun. Basta wala lang. Kusa lang nag-program ang utak na “gawin mo ‘to, gawin mo ‘yan” at [insert nostalgic soundeffects here], isang bagay ang muli mong mahahanap! Medyo nawala nga ang momentum ko sa paglilinis dahil napahinto ako ng 15.8 seconds para basahin ang title ng libro at sandaling mapa-upo. Ang saya at ang cool sa pakiramdam. May ilang mga bagay na magpa-flashback na sandaling magpapangiti, o minsan e magpapasira ng mood. Pero iba ngayon. Nostalgic at excited.

Ayoko man maniwala, pero totoo nga siguro na merong sentimental value ang isang gamit na pinakatago-tago at pinakaingatan ng mahabang panahon. May dalang instant nostalgia. Tulad ng pagkahanap sa nawawalang libro, ganun na ganun yung naramdaman ko nung isang beses na nakauwi ako ng probinsya, at nakita ko ulit yung mga nakakatuwang picture, magmula high school hanggang mag-college. May mga mensahe pa sa likod na hindi ko alam kung matatawa ba ko sa mensahe o sa panget na penmanship. Yung puting t-shirt ko pagka-graduate ng high school na puno ng pirma at ‘farewell message’ na naging dilaw na, nakakaaliw pa ring basahin. Meron pa ngang nakalipas na Id, ID laces, dating ballpen, lumang notebook, yearbook, exam permit, class cards etc. Kanya-kanyang memory. Kanya-kanyang version ng istorya. Di man literal, pero alam mo yung pakiramdam na para kang nag-time travel sa imagination? Halimbawa, yung ID ko nung high school. Sa loob ng ilang segundo o minutong muni-muni, nakapag-reminisce ako ng hindi sinasadya. Mahaba ang panahon ng high school, pero dahil sa nostalgia e masa-summarize mo ang mga highlights at eksenang gustong-gusto mong balikan, at mga eksenang ayaw mo ng maalala pa. May mga pagkakataon pa ngang aatake ang memory gap at pagka-tanga dahil may mga tao akong naging kaklase o nakasalamuha noon na ngayon e hindi ko na maalala ang pangalan. Pero masaya sa feeling. Nakakabuhay ng holy spirit. Parang yung kanta ng Rivermaya na “Daang-daang larawan ang dumaraan sa’king paningin. Daan-daang nakaraang ibinabalik ng simoy ng hangin…”.

Pero dahil na rin sa sentimental value kung bakit dumarami ang gamit ko na hindi ko naman ginagamit. Pampasikip lang. Nung isang beses na nag-general cleaning ako, ang dami kong naitapon. Pinili ko pa kung alin ang wala naman talagang value. Anay lang ang makikinabang. Sa 100% kong natagpuang gamit muli, 75% lang dun puwede pang itago. Yung iba isasama na sa basurahan. Yung mga natira, bahala na kung madadagdagan pa ang value o magiging tambayan ng mga anay.

Nakakapanghinayang minsan itapon, pero, ano pa nga ba ang silbi ng gamit na puro alaala lang naman ang ibibigay? Alaalang minsan masaya, malungkot, masakit sa bangs at masakit sa puso. Pero gano katagal at pano nagkakaron ng sentimental value? Dahil sa mahal ang presyo? Galing sa espesyal na tao? May one of a kind na history? Traumatic?

Ganyan din ang naisip ko sa mga lumang lalagyan ng ice cream at inipong plastic bag sa bahay. “Magagamit pa natin yan!”, katwiran ni ermat. Pusang gala, lumaki na yung populasyon ng mga lalagyanan ng ice cream kasama ng mga plastic na kutsara’t tinidor, ilang pasko at birtdey na lumipas, di rin naman sila nagagamit! Pag nag-suggest ka naman na itapon na tutal wala naman kaming ref at marami ng version ang lalagyan ng mga ice cream, maririnig ko lang din ulit ang katagang “Magagamit pa natin yan!”. Mas meaningful lang yung deliverance at tono ng boses.

Totoo to. Minsan ang mga naging treasure na regalo (galing sa dating irog) ay darating sa panahong mas gusto mo na siyang sunugin para ialay kay Bathala. Maraming ganyan, nagtatago pa ng mga remembrance na sa huli, mage-emo lang din naman. Di ko alam kung dahil sa sentimental value o dahil lang sa mamahalin yung regalo. Kaya naniniwala din ako na hindi lahat ng may sentimental value e may dalang nostalgia o magandang alaala.

Kaya nga minsan gusto ko magkaron ng sariling bahay na may attic o basement. Kahit pang-horror ang itsura. Dun kasi puwedeng itago ang mga bagay na masama sa loob kung itatapon. Ayaw ko kasing mag-display ng mga bagay na hindi na rin man kaaya-aya sa paningin lalo pa’t kumakain ng space PERO meron ngang sentimental value. Parang yung manyikang si Annabelle. O kaya yung videotape ni Sadako.

Alam mo ba yung tv program na The Pickers? Palabas sa cable channel yun na kung saan, may dalawang hunter na naglalakbay sa maraming estates ng America tapos binibili nila yung mga antigong gamit o bagay (minsan basura na) para i-preserve, i-restore at ibenta ulit sa mas mataas na halaga, depende sa kondisyon at value. Para silang junkshop buyer. Parukyano ng mga bagay na may malalalim na history. Magmula sa lumang laruan, signboards, appliances, damit, kotse, bisikleta, atbp. Mas rare at vintage, mas mabenta sa kanila. Oo, kahit sira at kinain na ng kalawang. Basta matindi ang history, sigurado akong magkakaron ng deal at bentahan. May mga side comments at brief history pa ang natagpuang ‘gintong-basura’ na hinding-hindi nasagap ng utak mo o naituro man lang nung elementary. Very educational at ang astig.

Isa pang programang tulad nun yung Pawn Stars. Iba naman ang proseso nun. Yung mga nagbebenta naman ang pupunta sa pawnshop ng mga antigo at sobrang valuable na gamit. As in sobrang valuable na kahit ikaw e magtataka at mapapaisip kung bakit meron pa lang ganung bagay sa mundo na nagkakahalaga ng malaking salapi. At kung bakit at paano naging ganun ang sentimental value nun sa kabila ng history. Yung iba controversial pa ang history. Nung isang beses nga, may ipinakitang maliit na piraso ng bakal na nakalagay sa kahon ng singsing na nagkakahalaga lang naman ng isang milyong Euro dollars. Bakit ganun ang value? Simple lang. Piraso daw yun ng yumaong barko ng Titanic. Kung bakit at paano nila nasabing piraso nga ng Titanic yun, di ko alam. Nakakatamad mag-summarize. Parang gusto ko na tuloy matutong mag-dive at hagilapin ang lokasyon ng Titanic. Hahanapin ko lang yung panty ni Rose at toothbrush ni Jack.

Minsan naiintindihan ko na rin ang meaning ng ‘pamana’. Mga bagay o gamit na pasalin-salin na sa maraming henerasyon. Masuwerte yung kasalukuyang may hawak. Parang nakamit na niya ang lumang kapangyarihan na nagsimula pa nung panahon na hindi pa naiimbento ang regalo sa facebook. “Anak, ingatan mo ang pamana kong singsing na gawa sa ngipin ng lolo ng lolo ng lolo mo. Araw-araw kong tinu-toothbrush-an yan kaya pearly white pa rin. Ingatan mo para sa susunod pang henerasyon…”.

Pero ngayon, di na ata mauuso yun. Yung mga sobrang sentimental na regalo. Kahit pa nga love letter. Lahat kasi dinadaan na lang sa internet. Pasa-pasa na lang sa e-mail. Pati yung regalo, pang-virtual reality na rin. Wala ng excitement. Ni hindi na rin makakaramdam ng nostalgia. Hindi rin mabibigyan ng sentimental value. Hindi mo mahahawakan. Di mo maipagyayabang ng personal. Hindi rin aalikabukin sa aparador.


Sa gamit ko, parang wala akong maitatago para mabuhay ng matagal at tubuan ng sentimental value. Wala kasing akong alahas, di ko hilig. Di ko ugali mag-imbak ng mga gamit na puwede namang itapon na kahit alam kong mapapakinabangan ko balang araw. Katwiran ko e baka merong ibang makinabang maliban sa mga daga at anay. Hindi rin kasi ako sigurado sa petsang balang araw. Ay meron pala. Mga koleksyon kong libro. Sana maka-survive silang lahat lalo pa’t ibang level na ang mga dumadaang bagyo sa Pinas. Parang dambuhalang eraser. Nambubura ng mapa.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!