Bawal Basahin Ito!



BAWAL BASAHIN, NAKAMAMATAY









Pero dahil nagtatalo ang konsensiya at ang pagiging curious mo sa mga bagay – kahit na bawal, ipipilit mo pa rin ang gusto mo sa dahilang gusto mong matugunan ang pangangailangan ng utak at damdamin mo, dahil sadyang masarap ang bawal. Mas maganda pa ngang sabihin na lang na “Bawal hindi subukan ang bawal”, tutal hindi naman natin kayang panindigan na ang salitang bawal ay nangangahulugan lang na ‘tanga ako minsan’, o ‘madalas bobo ako’. Baka mas epektibo pa nga ang babala na ganito ‘pag nagkataon: “BAWAL BASAHIN, MADE-DEACTIVATE ANG FACEBOOK ACCOUNT MO!”

(para sa kapakanan ng bawat isa, minabuti ng awtor na gamitin ang salitang “AKO” bilang halimbawa sa mga kalokohan nating mga Pinoy para maiwasan ang turuan at sisihan)

Mainit ang ulo ni  ‘AKO’ sa mga taong tapon lang ng tapon kung saan-saan, tapos sisihin ang gobyerno dahil sa kawalan ng pondo para malinis ang mga walang pakinabang na kanal at estero. Pero si ‘AKO’ kakatapos lang kumain ng Mentos at pakunwang nalaglag ang balat ng kendi, sa isang establisyamentong may babalang “NO LITTERING”. Kung nabasa man ni ‘AKO’ ang babala, siguro hirap siyang umintindi ng ingles, kaya may konsiderayson pa rin.

Nagsindi ng yosi si ‘AKO’ na isang nursing student habang nagaabang ng masasakyang dyip. Swerte ni ‘AKO’ dahil isang dyiip na walang nakaupo sa harapan ni mamang drayber, kaya dali-dali siyang sumakay habang hawak pa nito ang yosi. Nang malingunan ni ‘AKO’ ang “NO SMOKING” sign na may kasama pang mga parusa, inisnab lang niya at pinangatawanang ‘action star dapat ang awra ko’ kaya pinagpapatuloy na lang ni ‘AKO’ ang paghitit ng yosi. Nursing student si ‘AKO’ kaya alam niya kung kelan lang bawal ang yosi.

Nagmamadaling pumila sa “NO CASH” lane si ‘AKO’ dahil sa kahabaan ng ilang pila sa isang supermarket. Sumagi sa isip ni ‘AKO’ na customer naman siya kaya malamang na pagbigyan naman siya ng kahera kahit bayaran ni ‘AKO’ ang kanyang mga pinamili gamit ang pera. Inisip na lang ni ‘AKO’ na ang “NO CASH” na babala ay para lang sa mga mahihirap.

Dire-diretso si Donya ‘AKO’ sa isang grocery store na magsasara na sa loob lang ng 5 minuto. Agad itong hinarang ng guwardiya ngunit nagdahilan si Donya ‘AKO’ na bibili lang ng inuming tubig para sa anak na dehydrated. Makalipas ang kalahating oras, tulak-tulak na ni Donya ‘AKO’ ang ilang push-cart ng mga groceries, kasama ang ilang mga katulong nito.

Galing sa inuman si ‘AKO’. Habang papalakad pauwi, hindi na niya napigilan ang sarili na huminto pansamantala sa isang ‘liblib’ na kanto para dyumingel. At dahil wala na sa katinuan si ‘AKO’, wala na ring saysay ang babalang “BAWAL OMEHE D2, POTOL TITE” sa kanya. Minabuti na lang ni ‘AKO’ na mag-dirty finger sa babala habang masaya siyang nagbabawas ng likido sa katawan.

Masayang nagkukuwentuhan si ‘AKO’ kasama ng ilang mga tambay sa isang gilid ng bahay na may babalang “BAWAL ANG ISTAMBAY DITO”.

Papasok ng isang internet shop si ‘AKO’ bitbit ang isang cheeseburger at isang lata ng soda para mag-check ng facebook. Maganda ang nasabing internet shop ngunit sa pintuan nito ay may nakapaskil na “NO FOOD/DRINKS ALLOWED”, kaya lihim niyang binulsa ang dala-dala niyang pagkain dahil alam niyang aabutin siya ng gutom sa loob ng ilang oras na pag-like niya sa facebook.

Ngayon, gaano ba talaga katigas ang ulo ni ‘AKO’? Kahit ata mapa-ingles o tagalog na babala, hindi naman umuubra kay ‘AKO’ ang mga ganung kasimpleng babala, ‘di ba? Siguro dahil sa nakita niya na may gumawa namang ‘iba’ kaya gumaya na rin si ‘AKO’ para ‘in’. O kaya, may kakayahan siyang basahin ang utak ng guwardiya, kaya nakasisiguro siyang hindi siya haharangin nito o pagbabawalan man lang sa anumang balak niya na ‘bawal’. Siguro, naisip naman niyang hindi uso sa ‘Pinas ang bawal kasi ang mismong nagpapatakbo ng sistema ng ‘Pinas ay walang alam o inosente sa salitang ‘BAWAL’. O dahil na rin sa kawalan ng pagkapantay-pantay kaya dapat lahat ay sumubok ng bawal. O ang katwiran na “wala namang nakukulong sa ganitong klaseng bawal kaya ‘dapat’ maexperience ko rin ito!”.

Kung papansinin, nagiging brutal na ang ilang mga babala sa pagnanais nitong mapukaw naman ang atensyon ni ‘AKO’, o tablan man lang ng kahihiyan. Ang simpleng babalang “BAWAL UMIHI DITO” ay narevised na sa katagang “TANGA KA ‘PAG UMIHI KA DITO”, o “ASO LANG ANG UMIIHI DITO”. ‘Yung iba naman ay pinagkakakitaan na lang: “BAWAL UMIHI, HULI BAYAD P500.”. P-E-R-O, wala pa ring epekto kahit sapul na ang kahihiyan at delicadeza ni ‘AKO’. “Eh ano, kesa naman magkasakit ako sa bato!”, “Ihing-ihi na ‘ko eh, p@#$% ‘yan!”.

Parang kulang pa rin na lakipan ng mga salitang ‘mura’ ang pagbabawal para lang maipaintindi ni ‘AKO’ kay ‘AKO’ na “huwag mo itong gawin, please?”. Parang dapat makabago ang mga babala, ‘yung unique. Astig. May sense. At higit sa lahat, susunog sa kaluluwa mismo ni ‘AKO’ para tablan:

-          BAWAL MAGYOSI SA LUGAR NA ITO KUNG AYAW MONG I-HACK KO ANG FACEBOOK ACCOUNT MO
-          PUMILA NG MAAYOS, KUNG AYAW MONG SUNUGIN KO ANG BAHAY NIYO
-          HUWAG MAGTAPON NG BASURA DITO KASI MABAHO ‘YUNG BASURA ‘PAG TUMAGAL,
NA NAGIGING SANHI NG DIARRHEA, CONSTIPATION AT CHOLERA. KADIRI ‘DI BA?
-          BAWAL ANG ISTAMBAY DITO, DEPENDE KUNG MAGPAPAINOM KA AT MARAMING PULUTAN
-          PUWDE UMIIHI DITO BASTA BUBUHUSAN MO AT MAGBIBIGAY KA NG P1000
-          HUWAG KANG TATAWID DITO KUNG BELOW 100 LANG ANG ‘FRIENDS’ MO SA FACEBOOK
-          BAWAL MAGSAKAY DITO, DEPENDE KUNG IA-ADD MO KO SA FACEBOOK
-          BAWAL TUMAWID, NAKAMAMATAY (DEPENDE KUNG WALA KANG INSURANCE O MUTANT KA)
-          BAWAL MAGSUGAL DITO DAHIL LAGI KA NAMANG TALO AT INUUTANG MO LANG ANG PANGSUGAL MO KAYA MANAHIMIK KA NA LANG SA BAHAY NIYO
-          BAWAL MAGTINDA SA LUGAR NA ITO LALO NA KUNG MANG-AAGAW KA NG DYOWA AT HANGGANG NGAYON WALA KA PA RING DYOWA
-          HUWAG MAG-INGAY SA LUGAR NA ITO. BUKAS NA LANG KASI BIRTHDAY KO

Ang katigasan ng ulo ng isang tao, o pati na ang pagiging masunurin nito sa batas ay naayon sa sitwasyon, dumepende sa tao, lugar o panahon, at ang kakayahan ni ‘AKO’ na intindihin kung bawal ba talaga o ‘wala namang masama kasi nagbabayad naman ako ng buwis’. Ang masakit, minsan, pakitang tao lang. Maipakita lang na masunurin siya kaya tumawid siya sa tamang tawiran, pero sumakay sa “NO LOADING ANG UNLOADING ZONE”. Para bang ‘cool’ ang pagsuway sa batas. Tatawanan ka, kasi ‘law abiding citizen ka’, at kakantiyawan ka pang bisaya.

Si ‘AKO’ na edukado at maganda ang estado sa buhay, kagalang-galang at respetado ang pagkatao, pero minsan na ring sablay sa batas. Marami akong kilalang ganyan, na ipamumukha niya na anak siya ni ganito o ninong niya si ganun, o nakainuman na niya si ganito kaya hindi mo siya dapat diktahan kung bawal man ang gagawin niya dahil:

  1. may pera siya
  2. maimpluwensiya ang pamilya nila
  3. nakapagtapos siya ng bigating kurso, sa isang bigating eswelahan
  4. may salitang ‘attorney’ ang pangalan niya
  5. men of authority
  6. may tsapa sa uniporme
  7. limang beses ng kagawad sa barangay
  8. youtube sensation


“The law applies to all, otherwise none at all”. Ang bangis nito ‘dre. Parang mas okey ipalit sa lahat ng istasyon ng TV na may nakalagay na “Parental Guidance” sa screen. Pero dahil nga sa may isyu si ‘AKO’ sa salitang bawal, malamang sablay din ito agad.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan