7 Deadly Sins Part 2: Pride
Halos magiisang linggo ko ng
napapansing wala sa sarili ang katabi ko sa trabaho. Hindi normal ang
ikinikilos. Nawala ang pagiging ‘jolly’ at palabirong identity. Parang dinapuan
ng makabagong tuklas na virus. Napapadalas ang pagiging tulala niya at parang naghahanap
ng hidden mickey sa kisame. Out of nowhere, lagi na lang siyang wala sa mood. Hindi
kumikibo o nakikisali man lang sa mga usapan. Parang robot na nawalan ng
baterya. Kumbaga sa lasing at bagong gising, mahirap biruin. Nakakatakot
magbitaw ng salitang “Wassup?” at baka mapuyat ako kakapulot ng sariling
ngipin. Inisip ko na lang na baka matindi ang ‘dalaw’ at ‘bisita’ niya, kaya hinayaan
ko na lang siyang mag-concentrate sa trabaho. Inaantay ko na nga lang magkulay
dilaw ang buhok niya para maging ganap na super saiyan sa sobrang
konsentrasyon.
Pero dahil hindi ako sanay sa ikinikilos niya, naglakas
loob na rin akong kibuin siya bago pa tuluyang mag-transform ang pagkatao niya
bilang robot o mannequin. Ganito yung naging intro ko: “Girl, may problema ba?”
habang dahan-dahan kong nilalayo ang upuan ko sa pwesto niya, sakaling umangat
man ang kamay niya o paa na buong pwersang dadapo sa mukha ko. Pero hindi
kumibo. Iling lang ang reaksyon. Nagdalawang-isip pa ko kung susundan ko agad
yung tanong ko o magpapalipas muna ako ng ilang buntong-hininga. Makalipas ang
2 minutes and 35 seconds, nagtanong ulit ako, “Tahimik mo kasi, may sakit ka
ba?”. Pilit na ngiti lang ang reaksyon at simpleng “Wala…okey lang ako,” ang
sagot. Pero dahil hindi ako kumbinsido at saksakan ako ng usisero, sinamantala
ko na ang mga tanong na parang isang paparazzi, hanggang sa lumitaw na ang hindi
inaasahang sagot na “Yung boyfriend ko kasi…” na medyo maluha-luha. Maya-maya,
automatic na siyang nagkukuwento tungkol sa LQ nila ni boyfriend. Muntik-muntikan
na daw kasi silang maghiwalay kun’di lang dahil sa pagpapaubaya at pagmamahal
sa lalake. Abot-abot na nga daw ang pagso-sorry niya na halos magamit na niya
ang mga script sa mga telenobela, pero wa-epek pa rin.
Yung isang linggong away, iisang bagay lang ang mitsa: Pride.
Hindi ko tuloy alam kung saan ako huhugot ng magandang
advise para makatulong kahit papano at bumalik kahit saglit ang dati niyang
personality. Mahina kasi ako sa love advise. Kung hindi mo siya kakilala,
malamang sa malamang na hayaan mo na lang maghapong salubong ang kilay niya
habang napapanisan ng laway. Pero mahirap kasi kalabanin ang sitwasyon niya
lalo pa kung may isang taong ayaw paawat sa kasiyahan habang winawagayway ang
sariling pride. Useless ang mga advise galing internet at tabloids. Kaya minabuti
ko na lang na manahimik.
Makailang beses ko na ngang narinig ang awayan at hiwalayan
dahil sa pride, mapa-showbiz man o reyalidad. Isa kasi yun sa rason kung bakit
nahahantong sa breakup o calloff ang mag-jowa, kun’di man sobrang selos o third
party. Bukod sa mahirap unawain, walang nakalaang petsa o panahon kung kelan
huhupa ang pride ng isang tao para makipagayos sa ngalan ng pagibig, lalo na
kung nakasanayan o nakaugalian na ito. Mas masaklap pa e kung talagang nasa
pagkatao na niya ang salitang pride at yun ang bumubuhay sa kanya. At walang
ibang krypton ang taong ma-pride kun’di ang sarili.
Himayin muna naten: ano
ba ang pride? At bakit ito naging masama? Kelan naman nagiging positive ang
pride? Bakit ginawang pangalan ito ng produktong sabon?
Ang pride ay isang ugali o asal ng isang tao na may sobrang
pagkabilib sa sarili. Yun bang proud na proud sa kung anong merong katangian,
skills, talent o special abilities. Maaaring kung umasta ay parang anak siya ng
Diyos at miyembro ng mga malalakas na mutant. Kumbaga sa mga halimaw, class S.
Sobrang daming alam sa buhay na pwede ng tawaging ‘walking encyclopedia’ at
madalas, hindi tumatanggap ng pagkatalo. Ilan sa mga kamag-anak ni pride ay si
yabang, angas, at arogante. Hindi lang ako sure kung magpipinsan sila o
magkakapatid.
Heto naman ang ilan sa mga script ng mga taong nababalutan
ng soobrrang pride sa sarili:
“Wala akong pakelam!”
“Eh ano naman?”
“Bahala ka!”
“Manigas ka!”
“I don’t give a s***!”
“So what???”
“Hindi ko kelangan ng
tulong mo, kahit isa ka pang call center agent!”
“Kaya ko na ‘to,
okey?”
Parang yung namumuong giyera ng North at South Korea . Parehong maprinspiyo
at may dignidad. Parehong naliligo sa pride, kesihodang sino man sa kanilang
dalawa ang mas karapat-dapat, mas modern at dapat maghari. Matagal na panahon
ng hiwalay ang dalawang bansa na halos isang dura lang naman ang pagitan. Kung
tutuusin, yung salitang ‘north’ at ‘south’ lang naman ang pagkakaiba nila.
Koreano pa rin ang lahi nila kahit saang anggulo o pagaaral tingnan:
Pero hindi lang naman NOKOR o SOKOR
ang nababalutan ng ganung uri ng sistema. Kung tutuusin, buong mundo ang may
kanya-kanyang term ng pride. Labanan ng kung sino ang mas modern, high tech at
masigla ang ekonomiya. Umuulan pa nga ng kung ano-anong survey kung aling bansa
ang dapat hangaan at aling bansa naman ang dapat iwasan. Kaya hindi pa rin
makakaligtas dito ang salitang ‘discrimination’. Maghahari ang mga bansang
malalaki at maunlad at makikisama naman ang mga bansang umaasa lang sa
‘alliance’ at naniniwala sa katagang “If you can’t beat them, join them!”.
Dito nga lang sa Pinas, inuulan na
tayo ng kung ano-anong klaseng pride. Yung labanan ng mga local channels,
kinalakihan ko na nga ata ang bangayan nila. Si ABS at GMA. Parang NOKOR at
SOKOR. Walang gusto magpatalo. Walang gusto maging humble. Pareho nilang
bino-broadcast araw-araw na pareho silang number 1. Paramihan ng medalya o
award sa lahat ng klase ng programa na sila rin naman ang promotor. Pero ni
minsan, hindi ko pa sila nakitang nagbigay ng parangal sa isang programa na may
pinakamaraming commercial. Wala lang, trip lang.
Ang tanong: Paano nga kaya nagsimula ang salitang pride?
Eba: Wala akong pake kung mag-break tayo, dahil hindi lang ikaw ang lalake
sa mundo!
Adan: Hello? Ako pa lang kaya ang lalake sa mundo!
Nakamamatay daw (ayon na rin sa
biblia) ang taong nakalulula ang pride sa sarili. Dahil bilib na bilib ito sa sarili,
wala na itong kikilalaning ideya at teorya kun’di lang galing sa sarili at
kusang lalabas sa sarili ding gawa o pagiisip. At pag sumobra na talaga ito,
kakalabanin nito ang mga kapwa ma-pride. Kung sino ang mas lamang, automatic na
ang pagkapanalo.
Magulo minsan ang konsepto ng pride
sa batas ng tao. Tingnan mo, sa mga oras na isuko na ng tao ang sarili niyang
pride, lumalabas lang na tanggap na nito ang sarili na ‘loser’ at walang
pakinabang. Mas lamang sa kanya ang salitang ‘pakikisama’ kahit unti-unti naman
nitong tinatapakan ang sarili at nawawalan ng self-esteem kasabay ng pagkatunaw
ng sariling identity at dignidad. Hinangin na rin sa kawalan ang prinsipyo na
pwede pa sanang pakinabangan balang araw. Wala na siyang ganang lumaban o
mangatwiran kung ano at alin ang tama. Basta para sa peace of mind, ibababa na
niya ng kusa ang sariling pride. At iyon ay alang-alang sa kapakanan ng iba. Yung
usaping sarili, timeout muna.
Maganda lang naman ang pride minsan
kung maraming tao naman ang makikinabang. Hindi yung parang solo mode lang.
Halimbawa, yung isang sundalo. Mas nanaisin na niyang mapatay ng mga kalabang
sundalo kesa naman buhay siyang mahuli ng mga ito. Kasunod kasi nun ang torture
hanggang sa ilabas nito ang lahat ng nalalaman niya kahit yung sarili niyang
password sa facebook. Pag nagkataon, lumalabas na isa siyang traydor ng
sariling bansa.
Isang pang magandang halimbawa ng
kwentong pride ay yung panahon nila Bonifacio at Rizal. Kung nagpakumbaba ba
sila, tingin mo malaya kang makakapagbasa ng ganitong uri ng blog? Kung hindi
ba nila ginamit ang sarili nilang pride, tingin mo ba masasagot mo ang tanong
na “Sino ang pambansang bayani ng Pinas?” at “Sino ang pasimuno ng war-la nung
panahon ng mga espanyol?”? Kung kusa nilang kinalimutan ang Pinoy pride, may
bansang Pilpinas kaya sa mundo ngayon?
May tamang panahon ang paggamit ng
pride, hindi lang sa oras ng paglalaba. At alam na alam na naten na masama ang
sobra-sobra. Sapat lang, okey na e. Hindi naman na mawawala sa isang tao ang
minsang paganahin nito ang sariling pride. Tao ka lang. Tao din sila. Tao din
ang mga taong paggagamitan mo nito. Ngayon kung aabusuhin mo, hindi ka na tao.
Pwede ka ng ihanay bilang alien o android.
Takdang-aralin:
1.
Sa
sariling opinyon, ipaliwanag ang kahalagahan ng pride sa pakikipagrelasyon. Magtanong
sa ex.
2.
Kailan
dapat ibaba ang pride? Bakit? Kelan din dapat itaas? Bakit? Sigurado ka?
3.
Humanap
ng magazine na naglalaman ng kung ano-anong klase ng istoryang ma-pride. Basahin
habang nagmumura.
4.
Ipaliwanag
sa loob ng 5 salita kung bakit nasisira ang relasyon ng dahil sa pride. Gawan
ng paraan.
Comments
Post a Comment