Ang Tunay na Lalake sa Panahon ng mga Telenobela



(PAUNAWA: Ang susunod na blog ay may temang hindi angkop sa mga mambabasang mapanghusga at kasalukuyang nakikisali sa RH Bill. Ang mga sumusunod ay opinyon lamang at ‘wag husgahan ang awtor kung may lahi ba siyang Beki. Wala lang, uubusin lang naman niya ang lahi nyo gamit ang nuclear warfare ng hambog na China)

Masyado na ngang judgmental ang mga tao ngayon. Konting maling galaw, ganito ka na o ganun ka na. Hindi man lang nabigyan ng pagkakataong magpaliwanag ang salarin habang tuwang-tuwa ang ‘mapang-husga’ sa kanyang hinusgahan. Hindi pa nasiyahan, ikakalat pa sa kung sino-sinong tenga at gagamit pa ng social network site. Blind item ka pa sa status ng ilang napagsabihan. At ang nahusgahan, ayaw na mag-defense mechanism. Bakit? Siguro dahil hindi naman totoo, o wala lang siyang pakelam. O busy lang siya sa bagong telenobela.

            Pakelam mo nga naman.

Sa totoo lang, hindi ako ganun kasang-ayon sa bagong standard ng “Ang Tunay na Lalake” (pero salamat at respeto pa rin para kay Sir Lourd).  Masasabi kong pwede, pero hindi naman lahat yun applicable sa bawat Adan sa mundo, gaya ng daily horoscope. Ang akin lang, bakit meron pang batayan? Tsaka, ano naman? May kanya-kanyang karakter ang lalake sa mundo, at hindi lahat apektado ng kung ano-anong ‘dapat’ sa imahe ng isang tunay na adan. TUNAY. Ibig sabihin, walang bahid ng kung ano-ano. Kumbaga sa aso, hindi crossbreed. Sa hamburger, walang cheese. Sa bedspace, males only. Hindi peke. Totoo.

Natatawa pa nga ako sa isang t-shirt na may nakasulat na “Manifesto ng Tunay na Lalaki”. At talagang manifesto ang salitang ginamit. Kumbaga, batas ang nakasaad sa damit. Pamantayan. Standard operating procedure. Meron ka dapat nito at dapat sundin ang nakasaad dahil base yun sa pagaaral at obserbasyon ng mga dalubhasa sa karakter ni ADAN:


  1. Ang tunay na lalake ay di natutulog. – Wow ha. Ngayon ko lang napagtanto na ang mga Dracula ay hindi tunay na lalake kahit pa madalas na babae ang gustong-gusto nilang biktimahin. So lumalabas na ang isang taong hobby ang pagtulog, alanganin na? Paano na ang mga call center agent at nurse na puyat? “Nurse Jun-Jun, natutulog ka na naman? Sabi na eh, hindi ka tunay na lalake!”.

  1. Ang tunay na lalake ay di nagte-text-back, maliban na lang kung papasahan ng load. Gayunpaman, laging malabo ang kanyang mga sagot. – Kuripot siya. O hindi lang talaga siya interesadong magreply sa mga ambilibabol chain messages, o laos na jokes. Hindi naman kasama sa batas na dapat magreply sa bawat text messages na matatanggap. Maraming dahilan ang isang tao kung bakit hindi siya nagre-reply. Busy, walang load, lowbatt, inangkin na ng snatcher, nag-sucide at nagbabasa ng Xerex kaya ayaw paistorbo.

  1. Ang tunay na lalake may extra rice. – Lagot na. Paano kung hindi na kakasya ang budget mo para sa extra rice. “Sir, hindi po kayo mag-eextra rice? Pogi nyo pa naman. Sige po, diresto na lang kayo sa taas. Dining area po para sa mga hindi tunay na lalake.”. Hindi pare-parehas ang bituka ng lalake. Marami akong kilala na mabilis mabusog kahit kiddie meal lang ang in-order. Take note: babaero pa siya.

Hindi talaga ako sang-ayon sa ganitong manifesto dahil may mga lalakeng bawal ang kanin sa bituka. Allergy man yan o inutos ng doktor, basta bawal masayaran ng kanin ang choosy-ng bituka.

  1. Ang tunay na lalake ay hindi vegetarian. – Sa pagkakaalam ko, merong relihiyon na ayaw talaga sa karne, hindi dahil sa sawa na sila sa KFC at Mang inasal, kundi dahil sa yun ang paraan nila ng pananampalataya. Pamilyar ka ba sa Vegetarianism? Malamang hindi. Hindi naman kasi sila gaya ng mga  Catholic at Christian na masyadong marami sa mundo.

Sinabi ng “The Vegetarian Society” noong 1847 na ang salitang “vegetarian” ay nanggaling sa salitang Latin na ‘vetus’ na lively o vigorous.

Yung mga sinaunang taong late na nadiscover na pwede palang kainin ang mga hayop, sila ang unang grupo ng mga hindi tunay na lalake? Kung tutuusin, malaking tulong ang bilang ng mga taong ayaw sa karne dahil sa kabawasan ng demand sa karne. Hindi ko rin naman masasabi na mas gusto ko ang karne, pero may mga pagkakataon na mas gusto mong ngumuya ng damo. Gaya nila Danny Devito, Dustin Hoffman, Richard Gere, B.B. King, Bob Dylan, Chris Novoselic (Nirvana), George Harrison, Ringo Starr, Paul Mccartney (RIP sa dalawa(?), The Beatles), Kirk Hammett (Metallica), Steve Perry (formed lead singer The Journey), Sting (Police), mga maimpluwensiyang tao na naniniwala sa kapangyarihan ng dahon. At walang masama sa pagiging vegetarian. Tandaan: maraming bata ang nagugutom.

  1. Ang tunay na lalake ay walang abs. – Uso na daw kasi na kung taong-gym ka, hindi ka tunay na lalake. Tambayan na daw kasi ng mga hindi tunay na lalake ang nasabing lugar. Yung bang ipagpapalit ang kung ano man sa ngalan ng ABS. At bakit nasali ang abs? Panahon pa naman ng dinosaur likas ng may abs ang mga mangangaso (Source: 10,000 B.C., 300, Apocalypto, Troy, Immortals, Clash/Wrath of the Titans, etc)? Ah… siguro dahil sa ang mga Pinoy sa ngayon lalo na yung ginagawang pangmumog ang alak eh parang tatlong buwang buntis. Astig nga naman. Mga tomador pala ang batayan ng tunay na lalake. Pero pansining magaganda ang katawan ng mga lalakeng model ng alak. At isa pang take note: Hindi lahat ng nasa gym, abs ang hanap. Ilan sa kanila ay may health problem conditions. “Anak, may abs ka? Mapapahiya ako sa mga kumpadre ko niyan! Hala, heto ang pera. Bumili ka ng maraming beer at magsaing ka ng isang kilong bigas!”.

  1. Ang tunay na lalake ay hindi sumasayaw. – Minsan na rin akong nailang sa mga bruskong nagba-ballet. Pero ano ang magagawa naten? Trip nila yan. Isasantabi ba ng mga lalakeng may talent sa sayaw ang pagsasayaw para lang masabi na tunay siyang lalake? Hindi ba’t maituturing ding exercise ang pagsasayaw? Pero siguro nga, kasi sabi nila, ang tunay na lalake, walang abs. Sa bawat “5,6,7,8! And 1,2….”, mo sa dance floor, unti-unti ka ng hinuhusgahan ng mga tunay na lalake.

  1. Ang tunay na lalake ay umaamin ng pagkakamali sa kapwa tunay na lalake. – Eto yung sharing moments. Kiss and Tell syndrome. Ibibida ang sarili na na-ano niya si ano at ang galing ni ano mag-ano kaya lang nakokonsensya dahil kasalukuyan siyang may jowa. Inaamin niya na nagkamali siya pero sa kabilang banda, bida pa rin siya at bruskong brusko ang dating niya sa mga kainuman niyang inggit na inggit sa sinapit ng kanilang bida. Ganyan na ganyan ang imahe ng mga nalaos na action star ng Pinas.

  1. Ang tunay na lalake ay laging may tae sa brief. – Teka, lage?

Eksena sa Resort:

Tunay na Lalake 1: Tara banlaw na tayo pre!

Lalake 2: Sige!

(at sabay silang naghubo sa tapat ng shower, napansin ni Tunay na lalake 1 na walang bahid ng tae ang brief nito)

Tunay na Lalake 1: Hala? Wala kang tae sa brief? Hindi ka pala tunay na lalake eh! (at magtatawanan ang ilang mga tunay na lalake kuno sa shower room

Lalake 2: (kabadong napahiya) Ganun ba? Saglit lang… (at dali-dali itong dumampot ng piraso ng manure sa kalapit na inidoro at mabilis ipinahid sa brief, sa bandang guhit ng pwet.

Mga tunay na Lalake sa loob ng shower room: (nagiiyakan habang pumapalakpak) Yes!!! Welcome to our family! (at group hug).

            -the end-

            Sa anong aklat o pag-aaral nasabing dapat may bahid na nicotine ang underwear ni Adan? Sila ba yung mga taong ayaw sa tabo o tissue?


  1. Ang tunay na lalake ay hindi naghuhugas ng pinagkainan o nagliligpit ng kanyang gamit dahil may babaeng gagawa non para sa kanya. Mas lalong nagiging tunay ang pagkalalake kundi niya kilala o di niya maalala ang pangalan ng babae. – Ang bangis ah. Ipangangalandakan talaga ni lalake kay babae na hindi pwede mabasa ang kuko niya habang nanunuod ng Oprah si lalake. Na dahil siya ang nagta-trabaho bilang beautician sa isang parlor, dapat hinding-hindi siya hahawak ng scotch brite at dishwashing liquid. Ano man ang mangyari, padre de pamilya siya ay siya ang masusunod. Isantabi na natin ang Alzheimer disease at amnesia, so kelangan kalimutan talaga ang pangalan ni Eba para maging ganap na tunay na lalake si Adan?

Tunay na lalake: Miss ano na nga ba pangalan mo ulit?

Babae: (kinikilig) Talaga? Nakalimutan mo na pangalan ko? Wow! Ang macho mo naman! Isa kang tunay na lalake!


  1. Ang tunay na lalake ay hindi nagsisimba. – Maselan na naman ito. Usaping relihiyon na naman. Paano nasali ang pagsimba sa ganitong manifesto? Lulong ba siya sa zonrox o sadyang sinanla na niya ang kaluluwa niya kay Lucifer at inutusan itong ipakalat sa mundo na “wag magsimba kung ayaw mong tawaging bakla!”. Bago pa man maitatag ang mga sinaunang simbahan, marami ng tunay na lalake sa mundo, may simbahan man o wala. Wag ng isali to, please lang. Iba na lang.


Sa mga nabanggit na ‘tunay’, 3 sa sampung manifesto ang wala sa karakter ko. Kung alin man yun, sikreto ko na yun.

      Sampu pa lang yan, pero paniguradong marami ang aalma, magre-react, hindi sasang-ayon, sang-ayon at deadma lang. Tingin ko, base na lang yan sa obserbasyon dahil na rin sa mabilis ang pagdami ng mga Adang may pusong Eba. Hindi ka dapat ganito o ganyan dahil, alam mo na. Pero tingin ko hindi pa tapos ang manifesto ng tunay na lalake.

      Kung ganun-ganun lang din ang labanan, gagawa na lang ako ng sarili kong manifesto ng “Tunay na lalake”.


  1. Ang tunay na lalake bihira mag-pink at yellow shirt(s).
  2. Ang tunay na lalake hindi namimili ng pulutan.
  3. Ang tunay na lalake may bold o porn dvds na nakatago sa cabinet.
  4. Ang tunay na lalake hindi hilig ang mga lovestory movies na galing lang sa kanta ang title.
  5. Ang tunay na lalake, nasayaran na ng alak ang atay at nicotine ang baga, kahit pa may balak itong tumigil at magbagong buhay.
  6. Ang tunay na lalake may tattoo at nagbabalak magpa-tattoo.
  7. Ang tunay na lalake hume-headbang sa tugtog ng Metallica
  8. Ang tunay na lalake napapasuntok sa kawalan habang nanunuod ng boxing ni Pacquiao.
  9. Ang tunay na lalake medyo dilaw ang ngipin.
  10. Ang tunay na lalake natutulog pagkatapos gumawa ng blog.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!