"Pluviophile"

Mag-aalas otso na ng umaga ako nagising. Araw ng linggo, restday. Akala ko alas sais pa lang sa kulimlim ng kalangitan. Medyo malamig ang simoy ng hangin at malumanay ang patak ng ulan. Tahimik ang paligid sa loob ng subdivision. Sinilip ko ang bintana para tanawin ang basang kalsada. Hindi maputik. Walang bakas ng baha. Walang mga batang naglalaro na nakasanayan ko na ang ingay tuwing weekends. Parang may iba sa araw na ‘to. Hindi pangkaraniwan. Hindi weird at hindi rin naman bad vibes.

            Maganda ang araw ng linggo ko. Maulan at malamig.

            Pansamantala ko munang pinatay ang electric fan. Nag-inat-inat at kinapa-kapa ang lagusan ng muta. Walang namuong produkto. Mabilisang sulyap sa salamin. Medyo puyat, pero ayos lang. Bahagyang inayos-ayos ang buhok. Diretso ako ng banyo para maglabas ng pang-umagang likido. Madami-dami, mga kalahating litro na kulay tsaa. Tapos diretso ng kusina, naglagay ng tubig sa pakuluan ng tubig saka naglabas ng kutsarita at mug. Nakalimutan ko, wala na pala akong stock ng instant coffee. No choice, kelangang lumabas.

            Bitbit ang coin purse at payong, tinahak ko ang basang kalsada papunta sa pinakamalapit na bakery. Mas malamig ang hangin sa labas kumpara sa loob ng apartment. Dahil sa hindi naman gaano kalakihan ang payong, may ilang patak ng ulan ang dumadampi sa braso at balikat ko na lalong nagpalamig sa pakiramdam. Medyo nagsisi ako sa sandong suot, pero ayos lang. Mas lalo akong natakam magkape.

            Walang gaanong tao sa paligid na naglalakad, maliban sa mga pedicab at traysikel na dumadaan. Oo nga pala, walang pasok ang mga estudyante kaya mababa ang porsiyento ng noise barrage sa buong lungsod. Pagdating sa bakery, kasabay ko ang ilang mamimili na sa tantiya ko e mga bagong gising lang din. Siguro, pare-pareho din ng pakay. Mainitan sa lamig ng panahon habang nag-aalmusal. Mabuti at dalawa ang tindera kaya medyo mabilis ang serbisyo. Sunod-sunod ang bilin ko sa tindera: isang 3-in-1 coffee, apat na itlog, sampung pisong pandesal at isang pakete ng instant chicken mami noodles. Yung katabi kong matanda, halos pareho lang kami ng pinamili. Ibang flavor nga lang ang noodles niya.

            Diretso na kong kusina pagkabalik ng apartment. Isinalin ko na sa mug ang instant coffee kasunod ang bagong kulong tubig. Inuna ko ng lutuin ang noodles habang binabate ang itlog. Nakabukas ang tv, walang balita kaya lipat agad sa History channel. Ayos, tungkol sa alien ang topic. Ilang minuto matapos kumulo ang noodles, isinunod ko na ang itlog. Scrambled para mas mabilis lutuin. Nakaramdam na ko ng gutom sa aroma ng kape at amoy ng usok ng noodles. Ilang minuto pa, nagsimula na kong mag-almusal.

            Hindi araw ng suweldo o kung ano man, pero gusto ko ang araw na ito. Payapa at tahimik. Malamig at presko sa pakiramdam. Isa ito sa mga araw na gustong-gusto ko, maliban sa restday at araw ng sahod. Pakiramdam ko e kalmado lang ako at unti-unting nababawasan ang stress ko, kahit papano. Ito rin ang isa sa pinakagusto kong klima tuwing magsusulat. Kaya pagkatapos na pagkatapos ko mag-almusal, diretso na ko sa harap ng netbook.

            Asar na asar ako nitong kakatapos lang na summer. Sa mga tulad kong nagtatrabaho sa gabi at tulog sa umaga, mortal na kalaban ang init at pawis sa leeg tuwing matutulog. Masuwerte na kung dire-diretso ang tulog ko. Mas madalas kasi na bigla na lang akong nagigising sa sariling pawis at dehydration. Kusa akong bumabangon para magpunas at uminom ng dalawang basong tubig. At kung mamalas-malasin pa, mawawala na ang antok. Masuwerte na rin kung aabot ng lima hanggang anim na oras ang tulog, kung hindi mapeperwisyo at maba-bad trip sa init. Pero minsan sa tindi ng init, may mga pagkakataong bumabangon ako sa gitna ng tulog para lang mag-shower. Pansamantalang kaginhawaan. Walang binatbat ang dalawang electric fan sa init ng singaw. Kaya minsan parang mas gusto ko na lang sa opisina mag-stay in, na halos manginig ako sa lamig at datnan ng katakot-takot na antok.

            Ayaw ko sa summer. May halong takot at galit ang pakiramdam ko sa ganung weather. Hindi ako natutuwa sa ganung klima na halos araw-araw, tatlong beses ako maligo para lang mapreskuhan, kahit pansamantala. Madalas na hindi maganda ang mood ko dahil lumalapot ang dugo ko sa katawan, na nagreresulta ng pagkabugnutin a moody. Kinikilabutan ako sa init. Nakakatamad magkiki-kilos. Kalalabas mo lang ng banyo, sumasabay na agad ang patak ng pawis. Tinatalo ni haring araw ang deodorant at pabango ko tuwing papasok. Walang silbi ang ilang oras na paliligo sa ilang minutong pakikipagsapalaran sa kalsada. Pagdating sa opisina, para akong galing fun run. Tagaktakan ang pawis at naglalangis ang mukha.

            Mabuti na lang talaga at tag-ulan na.

            Bukod sa kape at maayos na daloy ng internet connection, malamig na simoy ng hangin at sayaw ng patak ng ulan ang ilan sa mga factor na tumutulong sa’ken para makapagsulat ng maayos at may kabuluhan (kung meron lang nama). Dagdag vitamins sa utak, hindi man rekta. Wala man scientific explanation para dito, pero ewan kung bakit para akong robot na automatic nagpa-function ang ilang sulok ng utak ko na makapagsulat. Nakakapang-halina at engganyo ang tunog ng patak ng ulan sa bubungan. Parang ngayon---hindi ko napapansin---nakaka-dalawang pahina na pala ako sa MS Word.

            Gusto ko ang tag-ulan, pero hindi yung sobra. Ayoko din naman ng bagyo (pero okey na rin dahil minsan walang pasok!) lalo na pag may kasamang pagbaha. Boring at halos maghapon lang akong nakatunganga sa kwarto. Pinagmamasdan ang taas ng tubig habang kunot ang noo at humihigop ng mainit na kape. Mananawa sa tv na pulos tungkol sa bagyo ang balita, lilipat sa netbook para mag-internet, saka lilipat sa ilang librong nabasa na, at kung tinamaan pa ng katamaran, diretso na ng idlip. Very productive.

            Noong panahong nasa elementarya ako, may kakaibang siglang dala sa’ken ang ulan. Madalas, kung hindi pagbabawalan ni ermats, e naliligo ako sa ulan kasama ng ilang mga kalarong wiling-wili sa paglalaro, nang kahit ano lang. Kahit pa sabihing payatot ako nang mga panahong yun, hindi ko ramdam ang ginaw at lamig dahil sa pagiging aktibo ko sa mga larong kalye. Wala akong pakelam kung may makukuha man akong sakit sa pagsuong ko sa ulan. Ang mga panahong yon e mas masayang i-enjoy ang pagkabata kasama ng mga kalaro, kumpara sa ngayon na halos sumakit ang batok ng mga kabataan kakayuko sa tablet o smartphone, habang umuulan. Isa pang very productive.

            Kapag bumibiyahe ako papuntang probinsya (o kahit saan basta lulan ng bus), para akong bata na natutuwa sa pagdaloy ng patak ng ulan sa bintana. Parang settings ng isang music television. Ugali ko pa naman ang mag-soundtrip sa biyahe. Sa mga ganung pagkakataon, lalo kong nae-enjoy ang mga kanta, na dati e halos yung rhythm at melody lang ang naiintindihan ko. Mas okey din pala kung maintindihan mo yung mensahe ng kanta, sa gitna ng ulan, sa lamig ng bus at boring ng mahabang expressway.

            May mga ilang bagay na sa tag-ulan lang maganda gawin. Isa na diyan ang pagkain ng mami. Hindi instant. Yung mamihan na lulan ng bisekleta o motor. Okey din naman yung mamihan talaga na may maayos na upuan at mesa, pero mas malakas ang impact ng mami kasabay ng ilang parukyano na nakatayo, kahit halos magkabanggaan na kayo ng siko at magpalitan ng ingay dulot ng paghigop ng mainit at maanghang na sabaw at ilang pang-singhot. Dito unlimited ang sabaw. Bahala ka na kung paano mo kakalkulahin ang cholesterol mo pagkatapos. At dahil sa ayoko ng mami lang, lagi akong may baong mainit na pandesal. Isasawsaw ko sa mainit na sabaw, saka unti-unti kong ngunguyain, kasunod ang ilang hibla ng mami. Pero kung talagang gusto kong magpakabusog, pares ang sagot diyan. Mas mabigat ang dala nito kumpara sa ampaw na pandesal. Dahil bukod sa taba at ilang hiwa ng karne ng baka, masarap ibuhos sa buhaghag na sinangag ang malapot na sabaw na tinaktakan ng ilang pirasong kalamansi, paminta, hot sauce at toyo (depende sa alat o panlasa). Kung ginanahan pa, may mga pagpipiliang dagdag ulam tulad ng sunny sideup, skinless longganisa at hotdog. Bahala ka na gumawa ng sariling value meal. Pero panigurado akong hindi aabot ng isandaang piso ang gastos, bundat at pawisan ka na pagktapos ng session. Solved. Pagkain ng tao sa panahon ng tag-ulan (sa mga oras na ito, parang gusto kong itigil ang pagsusulat at dumiretso na sa mamihan).

            Gusto ko ang tag-ulan hindi dahil sa malamig ang panahon kun’di dahil sa…well…malamig nga ang panahon. Kung may dalang ‘peace of mind’ man sa’kin ang tunog ng patak ng ulan at simoy nito, siguro nga. Basta, mas payapa ang utak ko sa ganitong uri ng klima. Pero alam kong marami sa’ten ang ayaw nito. Bukod kasi sa panira ng gala o gimik, pahirapang pagpapatuyo ng sampay at pag-postponed ng ilang events, phobia ito para sa ilang mga kababayan nating nagkaron ng hindi magandang experience sa ganitong klaseng klima. Isa na sa magandang halimbawa nito si Yolanda. Sino---sa kasaysayan ng Pinas---ang mag-aakala na ang super-duper na bagyong si Yolanda ay parang eraser na bumura sa ilang mapa ng bansa? Walang matatalinong manghuhula o propesiya ang nakapag-predict sa bangis nito na halos kumitil ng maraming buhay at sumira ng milyon-milyong budget. Na kahit ang PAGASA ay matuliro at masiraan ng bait dahil sa hindi inaasahang delubyo na kung bakit dito pa sa bansa natin napagtripang mag-drive thru. Na halos ang buong mundo ay apektado sa sinapit ng mga kababayan natin, na inabot ng ilang buwan na naging laman ng mga headlines sa balita, dito man sa Pinas o sa buong mundo. Bumuhos ang tulong at donasyon sa maraming bansa sa mundo, na ewan kung bakit kelangan pang haluan ng politika at kontrobersiya.

            Nakaramdam na naman ako ng sama ng loob.

            May mga ilang bagay lang akong ayaw pag tag-ulan. Hassle pumasok sa trabaho lalo na kung basa ang medyas sa paglalakad. Dagdag na hassle yung nakapayong ka nga pero wa-epek sa lakas ng hangin at buhos nito. Bunbunan ko lang ata ang hindi basa. Mainit sa loob ng dyip na nagdudulot ng samut’ saring amoy na kulang na lang e magsindi ng lighter, para na kaming gasolina na anytime magniningas. Humahaba ang pila ng sasakyan, LALONG-LALO na sa EDSA. Parang may meeting de avance ang mga kotse. May mga pagkakataon pang pahirapan sa pagsakay ng dyip sa dami ng mga pasahero. Ayaw ko pa naman ng siksikan at “Isa na lang…tatakbo na!”. Uso ang sakit at sick leave. Tumataas ang merkado ng paracetamol at phenlypropanolamine. Bumabantot ang mga sampay dahil sa kulob. Nasisira ang planong gala. Bumibigat ang timbang ng ilan kakakain. Umaatake ang brown out at kung mamalasin pa e black out. At higit sa lahat, naglalabasan ang mga palaka! (may phobia ako sa mga madudulas na nilalang tulad nila).

            Tag-ulan pa rin ako kumpara sa summer. Basta, ayoko ng summer. Ayoko ng panahong malagkit sa kilikili at singit. Ayoko ng maalinsangang panahon. Hindi ako naaaliw sa pa-beach-beach na yan. Walang dating sa’ken ang view ng mga babaeng naglalangis sa sunblock habang naka-two piece. Hindi ko trip ang mag-adventure sa ilalim ng tirik na araw. Tinatamad akong gumala dahil sa heat wave. May mga pagkain akong hindi ko makain dahil sa init ng panahon. Basta. Ayoko talaga ng summer.


            (Teka, lumalakas ang ulan. Yung sinampay ko nga pala)

Comments

  1. hindi pa din pala nagbabago ang mga pananaw mo sa buhay-buhay.. Slow clap erd! Apir!

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!