7 Deadly Sins Part 5: Anger
Bagamat maraming superhero ang mas nakilala ang
alamat sa pelikula kesa sa komiks, si Incredible Hulk ang sa tingin ko medyo
unique. Sa lahat ng superhero, siya lang ang sa tingin ko e habambuhay ng
magtitimpi, ano’t ano man ang sitwasyon sa buhay. Hindi siya pwedeng mapikon sa
kahit anong biro. Mahirap din kasama sa mga gimik, lalo na sa inuman.
Paniguradong umiiwas din siya sa mga comedy bars. Tingin ko ayaw niya din
maging topic ang gobyerno o pulitika. Dahil pag nagkataon, lahat ng pwedeng
magbiro at painitin ang ulo niya, kung hindi man comatose, giniling na bopis
ang huling picture niya. Ikaw ba naman ang masampolan ng galit niya, ewan ko na
lang kung gugustuhin mo pang magbiro sa mutant na parang nag-gym ng isang taon,
ng walang hinto at pahinga. Malamang ma-experience mo maging bala ng tirador,
parang angry birds. Pagbagsak mo, para ka na ring zombie sa plants vs zombies,
ngunguya ka na lang ng gulay habambuhay sa comatose. Kaya siguro walang
nangahas tropahin siya. Kung meron man siyang facebook account, hindi din
siguro siya pinadadaanan ng mga game request(s) na dagdag notification lang.
Hindi rin nata-tag ang pangalan niya sa kung ano-anong bogaloyds na status,
lalo na ang problema sa jowa. Kung usaping jowa naman, siguro marami ang
umiiwas sa kanya makipag-date. Syempre kelangan umiwas din siya magselos. Pag
nagkataong mahuli niya na may third party ang irog niya, malamang pagdikitin
niya ng buhay at gawing biscuit sa lamay.
Curious lang din ako kung saan siya nakakabili ng
pantalon na sumasakto ang size sa bewang niya everytime na magta-transform
siya. Pati na yung belt.
Sabagay, karamihan naman ng takbo ng kwento ng mga
superhero, kun’di dahil sa pagibig, laging may halong galit. Paano nga naman
magkakaron ng aksyon at bakbakan kung walang mga sigawan, suntukan at ubusan ng
bala? Hindi pa kasali dun yung bakbakan sa kama .
Tapos ang laging magsisimula ng gulo, yung kontrabida. Lagi din mainit ang ulo.
Parang lalagnatin kapag hindi nakagawa ng krimen. Syempre magagalit si bida,
gagawa din ng sariling basag-ulo para mahimasmasan ang kontrabida na usually,
si leading lady ang may kasalanan o laging nadadamay. Ang gusto lang naman ni
kontrabida e manulot ng syota o maghanap ng gulo, samantalang si superhero
naman e nandadamay ng mga inosenteng tao. Hindi lang halata, pero ang totoo,
yung bida ang madalas gumagawa ng gusot sa istorya, si kontrabida naman ang
magpapasimuno ng mga special effects.
* * *
Maraming may ayaw ng metal music sa kadahilanang
may sapi daw ng samu’t saring demonyo ang tugtugan. Hindi daw yun music. Mas
malapit daw sa kategorya ng ingay kesa sa melody o rhythm, di gaya nila Justin Bieber at Lady Gaga. Yun daw
ang tunay na music(?). At isa pa, noise barrage lang naman daw ang produkto ng
mga mahahabang buhok na hume-headbang. Asan daw ang music sa mga lyrics na
“Hwaaaarrrgg!” at “Roaarrrrr!”? Parang laging nagtatawag ng mga kaluluwa at
preview ng impyerno. Mas lamang daw na galit at poot ang mensahe ng mga kanta
nila, di gaya
ng mga hiphop music na pulos kayabangan, pera, sex at drugs lang naman ang
gusto. Kunn’di man daw galit sa gobyerno, relihiyon at equality ang tema, mas
lamang ang mensahe ng end of the world. Puro negative. Pero hindi ako agree sa
ganung prinsipyo. Isa ako sa mga hume-headbang sa tugtugan ng Metallica. At
wala akong nakikitang masama dun, kahit sabihin pa ng iba na pang-adik lang daw
ang ganung genre. Hindi lang nila nahahalata, na mas maraming galit ang mga
love songs na bitter ang tema. Yun ang totoong galit at poot, na kadalasang
hambuhay na dala-dala, pero clueless ang tao kasi mellow at ‘love songs’ kasi
ang genre.
Bahala sila.
* * *
Totoo to, na mas naaapektuhan tayo ng mga walang
basehang tsismis at insecurity kumpara sa mga bagay na dapat magalit tayo. Mas
madali tayong magalit sa mga bagay na entertaining gaya ng showbiz at trending sa lahat ng mga
network sites, pero hindi natin magawang magalit sa mga taong abusado. Yung mga
headlines sa balita, puro buntong-hininga at iling na lang ang reaksyon naten
kapag may pumapatay, napapatay, nanakawan, naholdap, ni-rape…basta krimen. Sama
mo na yung mga disaster na lumipol ng maraming bahay at buhay. Pero pag dating
sa sports at showbiz, napapadabog at taas-kilay pa, na para bang
apektadong-apektado ang lifestyle niya sa buhay ng iba.
Hindi natin magawang magalit sa mga bagay na mas
alam nating dapat bigyan ng atensyon at effort para sa mga darating pang
panahon. Siguro dahil sawa na tayo sa presyo ng bilihin na linggo-linggo (o
araw-araw pa!) nagbabago na parang equalizer. Bababa ngayon, bukas makalawa at
sa mga susunod na araw, tataas ulit. Ganyan na ganyan ang headlines ng mga
balita na nakakaumay at “T@#$% lagi na
lang ganyan!”. Buti pa ang mga gadgets, laging may bago. Laging may bagong
pautot at special features. Buti pa ang mga networking sites, laging may
trending at may time pang i-share kahit kababuyan at kagaguhan.
Buti pa sila.
* * *
Hindi daw healthy ang isang relasyon kung walang
away moments. Ibig lang sabihin nito, komportable tayo sa karelasyon na magalit
dahil alam nating magkakaintindihan din naman sila bandang huli, matapos ang
palitan ng mga maaanghang na salita, murahan, sigawan at sumbatan. Yung nga
lang minsan, nahahaluan ng bayolanteng debate. Pero ang totoo, isang paraan din
ito ng ‘hidden bonding’ at communication kahit parehong nagpapalitan ng volume
ng boses, na kadalasan ding may kasunod na luha. Ganun ang eksena ng LQ.
Sisimulan sa walang kibuan, at magtatapos sa iyakan at pre-marital sex. *Ngiti*
Pwede nating sisihin ang selos bilang mitsa ng
awayan. Common at normal naman yun. Usually, ganun naman talaga ang trending
topic ng away-magjowa. Ang hindi normal, yung usaping pera at third party. Ang
panget. Walang kasing panget.
Ano nga naman ang silbi ng relasyon ng walang
argumento at manaka-nakang debate? Boring. Walang sustansya. Walang kulay at
parang walang buhay. Kumbaga sa boxing, walang excitement. Mas maraming ligaw
na suntok at iwasan. Wala namang tinatamaan na bigla na lang hihiga.
Hindi ko naman sinasabing dapat lagyan ng awayan
ang isang relasyon para lang maging healthy at masigla ang samahan. Kung
magaaway man kayo ng dahil trip lang at para may mapagusapan lang, ibang usapan
na yan. Dalawa lang yan: either isa sa inyo ang may sapak o trip lang ang
relasyon.
Bagamat wala namang saktong petsa o oras ang
awayan, nakatutulong naman ito para ma-challenge ang isa’t isa kung paano
iha-handle ang isang sitwasyong anytime na pwedeng sumira ng relasyon. Ang
ilang taong pagsasama, pwedeng sirain ng isang oras na away. Ganun lang
kabilis. Kung sino yung unang bibigay, talo na agad. TKO. Pero kung pareho
namang gagamitin ang tenga at utak, at isasantabi muna ang emosyonal na
reaksyon, maaaring isang joke na lang ang awayan. Bandang huli, matatapos na
naman ang isang giyera na ewan kung kelan ulit mangyayari.
Ang maganda sa ganung eksena, lambingan naman ang
next scene. Yun e kung magkakabati kayo agad.
* * *
Ang suicide ay isang paraan ng pagpapakita ng taong
nakararamdam ng ‘hopelessness’ at galit sa sarili, maging sa paligid nito, ay
isang magandang solusyon (daw). Kaya kadalasang laman ng mga suicidal note,
kun’di paninisi at paglalahad ng lahat ng poot at galit, ang ending, pamaalam
pa rin at pagpapatawad sa kung sino man ang nagkasala sa kanya. Minsan may
pahabol pang ‘last will’. Kung hindi niya nagawa ang magpatawad, dun na lilitaw
ang sinasabi nilang sumpa, na ewan kung ganun nga talaga ang alamat ng mga
sinasabing kwentong-barberong sumpa. Dahil hindi naman kaya ng konsensya nya
ang pumatay, at pakiramdam niya’y habambuhay na siyang mabubuhay sa poot at
galit, madalas isipin ng mga taong hindi kontrolado ang subconscious mind ang
pagpapatiwakal.
At suicidal na nga ang permanenteng solusyon para
sa pansamantalang problema.
Para sa mga tulad nating nagdarahop at bibihira
kumain ng 3 beses sa isang araw, isang malaking joke ang pagkitil ng sariling
buhay. Ang suicide ay para lang sa mga taong nakalulula ang bank account at
hinahabol ng BIR sa tax evasion. Pero bakit kung sino pa yung marangya ang
buhay, sila pa yung nagkakaron ng panahon na iwan ang mundo? Bakit tayong mga ‘commoner’s,
hindi naman naten maisipang magpakamatay dahil wala tayong pagkakataong
magkaraon ng sariling kotse at linggo-linggong bakasyon sa Singapore ?
Bakit hindi naten maisip na “P@#%^&
buhay ‘to! Wala na ata akong pagasang makabili ng touch-screen na plantsa.
Mabuting tapusin ko na ang buhay kong walang kwenta!”?
Ngayon, ano ba ang madalas ikinagagalit ng tao?
Bakit at paano nagsimula ang galit?
Eba: Bebeh ko, inalok ako ng mansanas ni ahas kanina. Ang sarap! Kaya
heto, ipinaguwi kita!
Adan: T^&*$@*^! Di ba sinabi na sa’yo na wag na wag kang
magpapatukso sa kahit anong alok nung ahas?! Tanga ka?! Ahas na nga yung
pangalan nung hayop, nagtiwala ka pa?
Eba: (humihikbi at maluha-luha) Nagsasawa na kasi ako sa mga gulay e.
Gusto ko lang naman ma-experience ang fruit diet kaya…
Adan: Punyeta, hindi ko kelangan ng mansanas mo! At FYI, carnivore ako!
Letse!
Sa totoo lang, mainitin ang ulo ko. Madali akong
magalit sa mga taong sinasayang ang common sense at taba ng utak. Parang mas
magandang ibenta na lang nila yung utak nilang hindi pa nagagamit, baka
sakaling mabili sa malaking halaga. Pero isang malaking PERO, hindi ko
sinasabing ubod ako ng talino at mataas ang IQ ko.
Parang ganito:
Ako: (Nagabot ng sampung piso) Mama, bayad ho…
Mamang Drayber: Ilan?
Ako: (Buntong-hining at iling) Isa lang po ang kasya diyan, pero pwede
na ring dalawa kung ayos lang sa inyo.
Mamang Drayber: O yung nasa dulo diyan, hindi ka pa nagbabayad.
Sasakay-sakay kayo tapos di naman pala kayo magbabayad…
Ako: (Lingon-lingon sa katabi kung sino ang tinutukoy)
Mamang Drayber: Ikaw yung tinutukoy ko! Magmamaang-maangan ka pa! Mahiya
ka naman oy!
Ako: Ang tanong, nagsukli ka na ba? Bababa na ko, hanggang ngayon wala
pa yung sukli ko sa isandaan!
(a true story)
Ang pagkaramdam ng galit ay isang temptation. Wala
sa oras o lugar. Depende ang impact ng galit ng tao kung gaano din katindi ang
rason nito para magalit. Pero para sa mga pinanganak ng pikon na walang ibang
expression kun’di pagmumura, kasama na sa daily habit nila ang instant anger na
ewan kung paano nila kinakalimutan. At kung paano man nila ginagawan ng
sariling solusyon, mapa-emotional man o bayolente, wala akong idea.
Sa showbiz, ang tsismis ay nagsisimula at
nagreresulta sa galit. Gaya
na rin ng sports, politika, giyera at pakikipagrelasyon. Ang lahat ng bagay na
pwedeng maka-trigger sa galit ng tao, ay kadalasang nagtatapos sa hindi
magandang resulta. Nagsisimula ang away na kasamang galit, pero walang
assurance na kahit tapos na ang away, tapos na rin ang galit. May mga tao na
ginagawang halaman ang galit na nararamdaman. Tinatanim sa isip, at pinalalago
ng damdamin hanggang sa makaisip na ng hindi maganda, kaya tumataas ang
porsyento ng krimen.
Sa sobrang stress ng isang tao, hindi malayong
makaramdam tayo ng galit. Normal ulit yan. Ikaw ba naman ang mawalan ng oras sa
social life lalo na sa sarili, hindi ka ba magagalit?
Kaya hindi na ko nagtataka kung masigla ang
ekonomiya ng alak at sigarilyo. Signos ito na maraming tao sa mundo ang gusto
makawala at makalimutan ang galit, pansamantala. Hindi lang dahil may
selebrasyon kaya may alak. Hindi lang dahil sa maraming budget kaya maraming
nalululong sa droga. At hindi lang dahil sa pagiging ‘single’ kung bakit marami
ang bumabaho ang hininga sa alak at yosi ang dahilan kung maganda ang bentahan
ng alak sa mundo. Ginagalit kasi ng tao ang mundo para magalit ang mundo kaya
ang mundo ay nabubuhay sa galit. Galit sa boredom, kaya naimbento ang mga
entertainment showcases at gadgets. Galit sa third party at panunulot, kaya
naimbento ang alak. Galit sa kapitbhay, kaya naimbento ang massacre. Galit sa
mayaman, kaya naimbento ang holdap, carnap pati na dognap. Galit sa gobyerno
kaya naimbento ang welga at rally. Galit sa matatalino kaya naimbento ang
salvage. Galit sa privacy, kaya sandamakmak ang cctv sa kung saan. Galit sa
Diyos kaya merong atheism. Galit sa hayop kaya nagkaron ng animal rights.
Anger is everywhere.
Kaya nga may ilang tao na naging propesyon ang
pag-handle ng galit ng tao. Ang solusyon: anger management. Isa itong psychological
therapeutic techniques at exercises para sa mga taong hobby ang paninigaw,
pagbabasag ng pinggan at pagmumura. In short, para sa mga mainitin ang ulo.
Ayon kasi kay Prof. Ray DiGuiseppe ng St. John’s University, ang galit ng tao
ay isang secondary emotion ng mga madadalas na clinical theories, kaya sumibol
ang samu’t saring disorders ng tao ng dahil lang sa simpleng galit. Galit na
hindi na makontrol ng sarili, kaya sasaluhin ng mga espesyalista para manahimik
at kumalma. Kung paano at magkano ang dahilan, hindi ko alam.
Heto ang ilan sa mga halimbawa ng karaniwang dahilan
ng galit ng tao:
Gobyerno – mababa ang kolekta ng buwis, kaya
hahabulin ang mga tax evaders
Pulis – nakipagkompetensya na ang mga traffic
encforcers sa ngalan ng kotong
Guro – estudyanteng ayaw bumili ng yema
Estudyante – araw ng Linggo at Lunes na naman
kinabukasan
Empleyado – gaya
ng estudyante; walang appraisal; kupal ang visor/boss
Doktor – galit sa mga bagong sibol na gamot at
mababang porsyento ng mga nagpapa-checkup
Nurse – galit sa palautos na doktor
Caregiver- galit sa palautos na nurse
Senador – mababang pork barrel at mahina ang
exposure sa media
Kapitbahay – mas mataas ang bakod at mas malakas
ang sound system ng kalapit-bahay
Magsasaka – pangit na weather at tamad na kalabaw
Kabit – illegal ang relasyon, assuming na magiging
legal someday
Blogger – walang maisip na iba-blog
Commuters – T R A F F I C
Drivers – gasoline, gasolina, gasoline
Senior citizens – mga establisyementong hindi kumikilala
ng senior citizen discounts. Eg. Motel(s)
Drug lord – matamlay ang ekonomiya ng droga
Drug user- matamlay ang gamit na drog
Drug pusher – matamlay ang bentahan sa merkado
Manginginom – wala ng yelo
Smoker – malayo ang bilihan ng yosi
G.R.O. – walang tip
Service crew – gaya ng GRO
Dentista – madaldal na pasyente
Athletes/sportsminded – talo ang iniidolong koponan
Referee – kupal na player
Coach – kupal na referee
Sugarol – sa kapwa sugarol
Facebook user – isang linggong hindi nag-open ng
account, 100 ang notifications, 99 puro game requests
Tambay – walang pambili ng bisyo
Single – depende kung man-hater o na-trauma
In a relationship – hindi makamtan ang pre-marital
sex
Mambabasa ni Juan Mandaraya – walang kwenta ang
blog. Mabuti pang nanuod na lang ng balita, may goodnews pa kahit papano
Takdang-aralin:
- Buuin ang
pangungusap ayon sa sariling experience: Galit ako sa ex ko kasi _____.
- Magbigay ng mga
dahilan kung bakit galit sa baboy ang mga “Angry birds”.
- Sumulat ng sanaysay
kung ano-ano ang mga dapat gawin ni Incredible Hulk para makaiwas sa gulo.
Ihanda ang sarili.
- Sa loob ng limang
pangungusap, isulat ang mga dahilan kung bakit ka dapat magalit sa awtor
ng blog na ito. Umayos ka.
- Mag-experiment ng
galit ng tao. Subukang baguhin ang password ng facebook account ng mahal
sa buhay. Abangan ang reaksyon.
Comments
Post a Comment