7 Deadly Sins Part 6: Sloth

Hinanap ko yung history kung paano at kailan nagsimula yung paborito kong fiction character ng mga pinoy na si “Juan Tamad” (pinsan ni Juan Mandaraya). Buti na lang talaga at natulungan na naman ako ni Mang Google at pareng Wiki. Ang alaala ko lang kasi sa kanya e yung istorya ng bayabas. Pero para mas maintindihan natin lahat kung bakit nga ba siya tinawag na ‘tamad’ at naging youtube sensation, heto ang ilan sa mga kwentong barberong paniguradong narinig mo na (o hindi pa) tungkol sa kanya. Isinalin ko na lang sa salitang tagalong para naman maengganyo ka pa rin basahin ang blog na to (revised version):

Si Juan Tamad at ang mga Alimango:
                                  
Isang araw habang bising-bisi si Juan sa paglalaro ng ‘Candy Crush’, inutusan ito ng kanyang nanay na bumili ng alimango para sa tanghalian. Dahil na rin sa katamaran na magbitbit ng mga malalansang shells, inutusan na lamang nito ang mga alimango na umuwi, diretso sa rice cooker. Makalipas ang isang noontime show, mainit ang ulong sinalubong ito ng ina at hinahanap ang pinabili. Ipinaliwanag naman nito ang pagutos sa mga alimango sa malumanay na boses. Sa galit ng ina, nagpa-deliver na lang ‘to sa McJolly.

Si Juan Tamad at ang mga Kakanin:

Dahil sa kawalan ng budget sa pagbili ng bagong DVD player, naisip ng ina ni Juan na gumawa ng mga kakanin isang araw, at inutusan nito ang anak na ibenta sa pinakamalapit na palengke. Habang pasipol-sipol na tinatahak ni Juan ang daan papuntang palengke, nakasalubong nito ang mga palakang tuwang-tuwang naglalaro sa kanal. Sa katamaran nito at sa page-enjoy sa panunuod ng mga hayop, inihagis na lamang nito ang mga kakanin sa mga palaka na tuwang-tuwa habang nagpu-foodtrip. Pagkauwi, sinabi na lamang nito sa ina na inutang ng mga mamimili ang paninda, at sa katapusan pa ang bayad. Agad-agad namang nag-dirty finger ang nanay nito saka nag-walkout.

Si Juan Tamad at Pamatay-Peste:

Inutusan (na naman) ni Aling Juana si Juan na bumili ng palayok para sa gaganaping ‘pot session’ nito kasama ang mga amiga. Pauwi na ito bitbit ang mga pinamili, sinalubong naman ito ng mga pesteng ‘flea’ na naging dahilan para mahulog at mabasag ang mga hawak nitong palayok. Mabilis naman nitong dinampot ang pira-pirasong palayok at dali-dali nitong dinurog ng pino para gawing pulbos, ibinalot sa dahon ng saging, saka pumunta ng palengke para ibenta bilang ‘flea-killer’. Ilang oras lang ang nakalipas, masayang umuwi si Juan dala ang pinagbentahan at agad itong inabot sa ina. Ipinaliwanag nito sa ina ang tungkol sa badtrip na peste kung kayat’ nabasag nito ang mga palayok, kaya ginawa na lang niya itong ‘flea-killer’ at ibinenta. Gustuhin man magalit ng ina, dali-dali na lang nitong kinuha ang pera saka inaya ang mga amiga nito na maglaro ng bingo.

Ang Paghahanap ng mapapangasawa ni Juan Tamad:

Isang hapon habang busy sa pagpepeysbuk si Juan, kinausap ito ng kanyang ina tungkol sa paghahanap ng mapapangasawa. Sinabihan nitong nasa tamang edad na at gusto na rin nitong magkaron ng apo bago pa mang dumating ang mga alien sa mundo. Tinanong naman ng anak ang ina kung ano-ano ang mga gusto nitong katangian sa isang babae. “Basta hindi madaldal..” yun lang ang nasabi ng ina nito. Kinabukasan ng umaga matapos pumapak ng bacon at lumagok ng isang tasang kape, dali-dali nitong sinimulan ang paghahanap ng mapapangasawa. Lahat ng makilala nito ay pawang madadaldal, palengkera at foreigner ang gusto kaya hirap ito sa misyon. Sa kabutihang palad, napasok nito ang isang tahanan na may nakatirang isang lola at isang dalaga. Nang makita nito ang dalaga, agad nitong tinanong ng “Will you marry me?”, pero nakatitig lang ito sa kanya. “Aha…eto ang hanap ko! Hindi madaldal!” kaya dali-dali nitong binuhat ang dalaga saka inuwi. Dahil sa tuwa, nawalan ng malay ang ina nito ng malamang isang bangkay ang napili nitong mapapangasawa.


Nakakatuwa ang paggamit ng common sense of humor ni Juan, sa kabila ng pagiging tamad nito. Ewan ko na lang kung paano ito pinalaki ng mga magulang, kung gaano kalawak ang pagintindi at kung hanggang saan at kailan nito natiis ang ‘katalinuhan’ ng anak. Pero dalawa lang ang napuna ko sa mga istorya: sadyang pala-utos ang nanay, at missing in action naman ang tatay.

Kung magagawi ka sa siyudad ng Olongapo, mapapansin mo ang slogan na “Bawal ang tamad sa Olongapo”. Kung naintindihan man yun ng mga bakasyunista at turista (lalo na kung foreigner), malamang sa malamang na nagdalawang-isip na sila kung bababa pa ba sila sa sinasakyan nilang bus o lalaktawan na lang ang nasabing siyudad. Bawal ang tamad. Ibig sabihin, hindi welcome dito yung mga taong walang trabaho at hobby ang cutting classes. Kung may malaking impact man ito sa mga nakakabasa, hindi ko alam. Motivation? Pwede. Discrimination? Pwede rin. Quotation? Ewan.

Hindi ko nga alam kung dahil ba sa may salitang ‘sloth’ (laziness) ang title ng blog na to kung bakit hirap na hirap ako sa intro. Hirap din ako kung paano ko ipapaliwanag at magsasalaysay sa ‘entertaining way’ dahil kasabay ng pagpindot ko ng mga letra, inaantok-antok pa ko habang naguulan. Mas masarap magkape at humigop ng sabaw ng instant noodles habang nanunuod ng pelikulang “Paul” (galing ng writer nun, parang gusto ko na rin maging atheist) kumpara sa pagsusulat na ewan kung meron mang natutuwa. Kung meron man, dala na lang siguro ng kawalan ng oras sa mas kapaki-pakinabang na bagay, gaya ng pagla-likes sa mga status sa peysbuk at paghahanap ng sagot kung bakit hindi kasali ang Pinas sa “20 Laziest Country in the World” (source: http://www.forbes.com/pictures/eihg45gjhg/20-laziest-countries-in-the-world-4/).

Ang galing no? Mantakin mo, hindi pala tayo kasali sa pinakatamad na bansa, sa buong mundo? Holy syit! Buong mundo ang pinaguusapan dito! Aakailan ko bang ang bansang ‘Malta’ (na ngayon ko lang nalaman na meron palang ganung bansa) ang nangunguna sa listahan, kasama ng mga mayayamang bansa tulad ng Saudi Arabia, Kuwait, United Kingdom, UAE, Malaysia at Japan. Hindi ko alam kung ano at paano ang standard nila sa salitang ‘lazy country’, pero curious pa rin ako kung bakit hindi tayo kasali. Hindi ko tuloy alam kung compliment ba yun, o takot lang silang sugurin ng mga Abu Sayyaff. Ang galing talaga! Para tuloy akong tinamad matulog mamaya.

Minsan nasakay ako sa dyip. Dalawa lang ang pasahero, pangatlo ako. Yung dalawang nauna, parehong nasa dulo nakapwesto malapit sa main entrance. Ugali ko pa naman ang pagbabayad pagkasakay. Pagkaabot ng bayad, narinig ko rin nagsalita yung nasa kaliwa ng “Paabot ng bayad..”, na sinundan na rin nung isa pa. Walangya! Ako lang pala ang inaantay nila! Paano kung pareho silang nakarating ng babaan ng walang kibuan at gustong magabot ng bayad? Kaya ayun, kamot ako ng ulo habang silang dalawa nama’y maluwalhati na ang pakiramdam.

Paano nagsimula ang katamaran?

Eba: Mahal ko, halina’t gumayak tayo papunta sa hardin ng Eden. Balita ko may gig daw dun ang Linkin Park!
Adan: (Humikab) Ikaw na lang. Tinatamad ako. Tsaka wala akong hilig sa metal music…

Ang katamaran ng isang tao ay parang pamamalagi sa mundo bilang bato. Hindi yung nilalagay sa foil. Simpleng bato na makikita kahit saan. Walang kwenta. Parang wala lang. Alam lang ng tao na nage-exist ka, pero hindi nila alam kung kelan ka pakikinabangan. Bukod sa pwede kang gawing instant weapon o pangkalso, wala kang ibang maiaambag sa pamumuhay ng tao kun’di maging palamuti. Pwede ring dahilan ng pagkainit ng ulo o aksidente dahil nakakalat ka kung saan-saan na madalas sanhi ng pagkadapa o pagkatalisod. Sa loob-loob ng taong tamad, wala siyang ginagawang masama para madapa ka o dumugo ang tuhod mo. Ipagpalagay na nating wala kang ginawa, pero wala ka rin namang ginagawa, gagawin o magagawa. Kasi nga, isa ka lang bato.

Isang magandang simbulo para sa salitang tamad ay pagtulog. Ilang beses ko ng narinig ang mga litanya na yung taong past time o hobby ang pagtulog ay nuknukan daw ng katamaran. Bagamat automatic na sa utak ng tao ang ganung prinsipyo, mas maganda sigurong alamin muna kung ano ang dahilan ng paggawa niya ng maraming muta. Pwedeng nalasing ang tao sa kasipagan nitong maginom at makipagkwentuhan sa mga kainuman, kaya halos dose oras itong tulog. O kaya isang security guard na masipag na ginugol ang dose oras na shift, kaya dose oras din syang tulog (o higit pa), gaya na rin ng ilang mga call center agents na pwede ng bansagang makabagong bayani, sunod sa mga OFW. Kaya malabo sa’ken na ang pagtulog ng mahaba ay equals sa katamaran.

Mas pinili ko ang salitang ‘mandaraya’ kumpara sa salitang ‘tamad’ dahil sa mas katanggap-tanggap ang ganung bansag sa bansa ni Juan. Pero dahil sa tinatamad akong magpaliwanag, basahin na lang ang blog na ito: www.definitelyfilipino.com/blog/2011/11/03/juan-tamad-o-juan-mandaraya/.

Sa totoo lang, naniniwala akong isang epidemya ang katamaran. Tulad ng sakit, lahat ng tao pwedeng dapuan nito, kahit ang kinikilala mong pinakamasipag na tao. Ano’t ano man ang sitwasyon, may mga oras na bigla na lang naglalaho ang kasipagan ng tao, depende sa panahon, oras at nutrisyon sa katawan. Tulad ng:

-          paliligo sa madaling-araw tuwing buwan ng Enero hanggang Pebrero
-          “Kumain” (prinsipyo ng mga nagda-diet)
-          Magregalo tuwing may okasyon (walang budget o jobless)
-          Mag-reply ng salitang ‘I love you too’ (busy sa DOTA)
-          Mag-exercise (prinsipyo ng mga taong pangarap bumaba ang timbang)
-          Manligaw (torpe)
-          Magpagawa ng sirang kalsada (si Mayor na nangako noong nakaraang eleksyon)
-          Gumising ng maaga (call center agents, students, etc…)
-          Monday – Friday sickness (Sali mo na rin ang payday at ‘emergency’ sickness)
-          Mag-aral (ilang estudyante na anak ng Lucio Tan at senador)
-          Panunuod ng tv (oras ng mga telenoblela at balita)
-          Maghanap ng trabaho (tulad ng ‘mag-aral’)
-          Magsimba (umuulan ng malakas, walang kuryente para plantsahin ang da best na polo, walang ka-date)
-          At iba pang mga nakakatamad na bagay tulad na lang ng pagtatapos ng blog na to


Takdang-aralin:


  1. Piliin ang mas nakakatamad gawin at bakit: manuod ng telenobela, kumain ng gulay, bumoto
  2. Sa iyong palagay, bakit tamad maligo ang ilang lahi? Magbigay ng halimbawa ng lahing tamad maligo.
  3. Payag ka bang dugtungan ang pangalan mo ng Tamad? Bakit hindi? Bakit oo?
  4. Sumulat ng isang sanaysay kung bakit hindi kasali ang Pilipinas sa pinakatamad na bansa sa buong mundo. Wag tamarin.
  5. Kung tinamad kang basahin ang blog na ito, paano mo nalaman na meron pa lang takdang-aralin ang huling segment ng blog na to? Ipaliwanag habang tinatamad.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!