Onli In Da Pilipins Part 6: Nasaan ang 'O' ng Opm?

(Ang sumusunod na blog ay pawang opinyon at kuro-kuro lamang ng awtor)

‘Pag naglabas ng bagong kanta ang Eraserheads noong dekada nobenta, asahan mo ng masigla ang lahat ng number 1 radio stations sa Pinas kasabay ang ekonomiya ng mga songhits. Oo, maniwala ka. Kahit anong istasyon ng radyo, hinding-hindi lilipas ang isang araw ng walang E-heads na maririnig sa maraming sulok ng bansa. Pati ang ilang mga tv programs (kahit pa commercials), asahan mong andun sila; tumutugtog ng sariwa nilang kanta kahit lipsynch.

Pag ganun na ang siste, marami na namang Pinoy ang hindi mapakali sa pagkabisado ng lyrics ng kanta nila, at isa na ko doon. At walang Pinoy na hindi kilala ang Eraserheads. Kahit nasa elementarya pa lang ako ng mga panahong yun, naiintindihan at nae-enjoy ko na ang OPM. Wala man akong sariling ‘walkman’ noon, masaya na ko sa nagi-isang cassette player at radyo namin na saksi sa tagumpay ng OPM ng 90’s. Hindi ako masyadong updated sa 80’s.

Halos masira ko na nga ang ‘record button’ ng cassette player namin kaka-record ng mga kanta dahil alam mo na, hindi pa naman uso noon ang piratahan at ‘download’ syndrome. At dahil sa wala pa naman akong sariling pera noon, nagkakasya na lang ako sa pa-record record at pakabi-kabisado. Kung may magandang-loob man na magpapahiram ng songhits, mas masaya. Dun ko na makikita kung alin at ano sa mga lyrics ang tama at alin ang inimbento ko lang base sa kung ano lang ang naintindihan ko. Pero minsan, nagkakamali din ang mga songhits sa mga lyrics. Totoo yun.

Ganun katindi ang OPM noong 90’s. Kelangan mong masabayan ang uso dahil…wala e. Maganda talaga pakinggan. Natatandaan ko pa noon nung mga panahong kakalabas lang ng “214” ng Rivermaya”. Walang’ya sa angas ang kanta! Kumpleto ang spelling ng Original Pinoy Music. Ang lakas maka-last song syndrome. Pakiramdam ko nga sila yung mortal na kalaban ng E-heads nung mga panahong yun. Kelan ko nga lang nadiskubre na ang meaning pala ng ‘214’ e mula sa unang tatlong salita ng lyrics, “Am I real?”

OA na kung OA pero ang mga banda noong dekada nobenta ang masasabi kong naligo ng talento pagdating sa musikang pinoy. Hindi man nabiyayaan ng kagwapuhan o kagandahan, bawing-bawi naman sa talent. Mismo.

Noon, meron tayong Eraserheads, The Dawn, Side A, Parokya ni Edgar (matira matibay daw), Rivermaya (si Bamboo pa ang vocalist), Barbie’s Cradle, Prettier Than Pink, Put3ska, Rizal Underground, True Faith, Introvoys, Siakol, Wolfgang, Yano, The Youth, The Teeth, Grin Dept, FrancisM (sige na pati na si Andrew E. at Michael V.), Alamid, Color It Red, Mojofly, Nexxus, Tropical Depression, South Border (andun pa si Brix), Orient Pearl…wheew! Marami pa sila. Noong mga panahong lulong pa ko sa OPM, halos sila-sila pa lang ang madalas kong napapakinggan. Sila pa lang ang kilala ko.

Tsaka noon, laos ka pag hindi mo alam ang lyrics ng ‘Ang Huling El Bimbo’. Walang pinoy na hindi alam ang kantang ‘yun, kahit sa panahon natin ngayon na halos gawin ng santo si Justin Bieber.

Bukod sa huling el bimbo, tandang-tanda ko pa noon kung paano sumabog sa mga radyo at telebisyon ang 214, Buloy, Lakas Tama, Huwag Na Lang Kaya, Multong Bakla, Your Love, Line to Heaven, Halik ni Hudas, Prinsesa, Laklak, Kapayapaan, Kaleidoscope World, Alapaap, Awit ng Kabataan, Banal na Aso, Paglisan, Kahit Kailan, Pagsubok, atbp. Madami silang magagandang kanta at astig. As in kanta na sasabayan mo at makakaramdam ka ng pansamantalang holy spirit. Sa dami ng magagandang kanta noon, baka mauubos ang oras ko kung lahat e ilalagay ko.

Hindi naman maikakaila na hilig ko ang pagbabanda. Bata pa lang ako, mulat na ko sa mga tugtugan ng Metallica, Pantera at Guns-N-Roses dahil na rin sa impluwensya ni erpat at ni tiyo. Pero hindi sila kasali sa usapan ng OPM. Wala lang, maipasok lang.

Tingin ko nga E-heads ang kauna-unahang ‘rockstar’ ng Pinas noon. Lahat na ata ng guesting at endorsements nagawa na nila. Hindi na rin mabilang ang mga awards na nakuha nila. Halos umaabot pa ng platinum ang album selling nila. Ikaw ba naman ang bansagang ‘Beatles’ ng Pinas, ewan ko na lang kung hindi ka ma-star struck sa galing nila.

Masamang-masama ang loob ko noon ng mabalitaan kong nabuwag na ang E-heads. Noong una akala ko joke. Pero nung naging trending na sa mga balita, magazines at songhits, wala na. Pakiramdam ko talo na ang OPM. Pilit akong nag-research kung paano at ano ang mitsa ng pagkabuwag nila. Noong mga panahong yun kasi wala pang gustong magsalita. Bigo ako. Nagkasya na lang ako sa mga sabi-sabi at rumors. Inisip ko na lang na siguro nga, may mga bagay na kelangan ng matapos. Kahit masakit. Kahit mahirap intindihin. Kahit hindi tanggap ng marami.

Isa pang masaklap na balita, nawala na sa ere ang nagi-isang radio station sa Pinas na talagang astig pagdating sa rock genre. NU 107, wala ng iba.

Inisip ko, bakit? Wala ng budget? Paano na ang rakrakan at headbang-an?

Last episode ng isang radio show nun ng NU 107, at hindi ko mapigilang sumama ulit ang loob dahil…wala.Talo na naman ang OPM. Nakakapanlumo. Bilang pagtatapos ng istasyon, “Ang Huling El Bimbo” ang farewell song.

Matapos ang mahigit isang dekada, kamusta ang OPM?

Nauuso ang mga ‘one hit wonder’ na banda sa panahon natin ngayon. Napanuod ko sa isang interview kay Dong Abay kung paano niya idineskrayb ang mga bagong sibol at henerasyon ng banda sa kasalukuyan: Pogi Rock.

Medyo natawa ako, pero parang totoo nga. Katulad ng mga reality at talent shows, required na sa isang banda ang dapat pogi/maganda kahit pilit ang talent. Parang dynasty na rin ang dating dahil sila-sila ring magkakakilala ang nabibigyan ng tsansang mag-ambag sa industriya ng musikang pinoy (kung totoo ngang may mai-a-ambag). Business na ang OPM. Hindi na sumusugal sa mga dapat at talentado. Maraming producer at recording companies ng Pinas ang takot maglabas ng pera para sa mga bagong sibol na artist(s) na meron at merong ibubuga pagdating sa OPM.

Alam ko, na mahirap ng sundan ang yapak ng E-heads. Hindi yun kadali. Pansinin mong karamihan sa mga bagong sibol na banda e halos hanggang unang kanta lang. Pahirapan pa ang second album. Gusto ko sanang isipin na pati ba ang OPM e nahahaluan na rin ng politika?

Inakala ko rin na magbabalik na ang dating ‘Tunog-Kalye’ sa industriya ng musika dahil sa pagbabalik ni Bamboo Manalac sa bandang  ‘Bamboo’. Unang banat pa lang ng ‘Noypi’, maangas na talaga. Litaw na litaw ang pagiging 90’s band. Nabulabog ulit ang natutulog na OPM dahil sa kanila. Nagsunod-sunod pa ang mga hits nila. Pero bigo ulit ako. Gaya ng dati, nabuwag na naman sila. Tsk tsk tsk…

Marami sa mga artists ngayon ang nagkakasya na lang sa mga revival at acoustic version. Sa totoo lang, hindi ako gaanong natutuwa. Ewan kung nauubusan na ba talaga sila ng panahong gumawa o sumulat ng bagong kanta. O wala na talaga silang inspirasyon para sa salitang originality.

Habang tumatagal, lumalabo na ang letrang ‘O’ sa OPM.

Hindi ko trip manuod ng mga variety shows dahil sa mga ngumangawang singer. Hindi naman contest pero hihigitan ng isang diva ang kasabay nitong diva sa mas mataas na tono. Resulta? Para kang nakikinig ng mga bagong silang na sanggol sa ospital. Kung masaya man sila sa trip nila dahil meron silang ‘mataas’ na boses, ay naku, bahala na sila.

Dumating na nga tayo sa sistemang indie. Dumarami ang mga artists (partikular ang mga rapper) na humuhugot ng pagkakataon sa sariling gawa, gamit ang internet at lakas ng loob. Hindi man lehitimong artist, pero tatalunin nito ang mga artist na hilig ang mga revival at acoustic versions.

Kelan kaya babalik ang OPM?

Siguro naman hindi pa huli ang lahat.

Sana hindi pa tapos ang laban.



Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!