7 Deadly Sins Part 4: Gluttony
(PAUNAWA: ANG SUSUNOD NA BLOG AY MAY
MASESELANG OPINYON NA HINDI ANGKOP SA MGA…MASISIBA. MALAWAK NA PANGUNAWA ANG
KINAKAILANGAN. SORRY NA RIN SA MGA TATAMAAN IN ADVANCE)
Masarap ang junkfoods kahit hindi ko
gusto ang unang salita sa “junkfoods”. Dahil kung walang katotohanan ang sinabi
ko, hindi uulanin ng sangkaterbang ‘pagkaing-basura’ ang mga sari-sari store o
groceries. Lahat na ng pwede nilang maisip na flavor na in the future e pwede
mo ng gawing favorite hobbies, pulutan o ulam, naisip na nila. Ganyan sila
kasigasig magisip sa ngalan ng satisfaction at happiness. Kung happiness mang
maituturing yun sa karamihan.
Kung
literal man na junk ang kinakain naten, bakit hindi sa junkshop sila nabibili?
Pero
hindi naman kaila sa’ten na ilang porsyento ng bawat pirasong isusubo nateng
tsitsiria eh may halong monosodium glutamate o simpleng vetsin (pati pala asin,
sorry). At yun talaga ang rason kung bakit ang saaarrraaap-sarap nila papakin
at gawing past time, kahit wala naman talaga tayong napapala. Lalo na yung mga
tsistriang malalaki yung supot. Yung nabibili lang sa mga de-aircon na
groceries.
Yung
iba naman, iba ang side effect sa utak ng masobrahan sa vetsin. Minsan
ipagyayabang pa na presyong-ginto ang pinapapak. Hindi makakaligtas pati mga
network site. Masabi lang sa status na “Watching
“Ang Babae sa Bintana” with my ka-sosyalan while eating Super-Junk-Foods 2013!
Yum yum!” na may kasama pang close-up photo ng nasabing tsitsiria. Gusto magpapansin
na hindi kumikilala ng tigpi-pisong tsitsiria ang sikmura niya kaya dapat
galing sa malalaking supot na may mahabang salaysay ng ‘nutrition facts’ ang
kinakain niya, na ewan kung ano ang meaning nun sa katawan.
Nutrition
facts. Tunog healthy living. Pero kung tutuusin, hindi naman mahalaga sa’ten
kung ano mang detalye ang ilagay ng mga nutritionist dun (bakit laging nasa
likod nakalagay?). Hindi naman lahat, miyembro ng “health conscious society”.
WALA tayong PAKELAM kung ano mang ingredients ang isasaksak nila sa mamahaling
pagkaing-basura, basta ang mahalaga, makain sila ng consumers. At wala rin
tayong pakelam kung meron o wala mang health benefits. Kaya hindi ko alam kung
bakit kelangan pang maglagay ng ‘nutrition facts’, gayung alam na ng common
sense of humor naten na isa lamang silang junk sa katawan. Yung nutrition na
nabanggit, baka nakalagay mismo dun sa supot o plastik. O baka natunaw na sa
taas ng porsyento ng asin at vetsin. Baka naman nasa resibo?
Nung
isang beses, sinubukan kong umubos ng isang balot ng junkfood habang nanunuod
ng brutal at nakakadiring pelikula. Malaking junkfood na potato chips na
in-export dito sa Pinas. Tapos yung tema ng pelikula, gore at brutal. Nakalimutan
ko na rin yung title. Basta mala ‘texas chainsaw massacre’ na parang ‘wrong
turn’. Bawat subo ko nun, para na rin may libreng ketchup na lasang dugo ang
kinakain ko. Enjoy na enjoy naman si tanga habang nagmamantika ang nguso at
daliri. Nang maubos, hindi pa nakuntento. Dinilaan pa yung ilalim na parte ng
supot. Resulta? Bukod sa umay at limpak-limpak na kolesterol, sumakit ang ulo
ko.
Ang
buong akala ko, dahil sa sigawan, tilaan, saksakan at habulan scene ang
dahilan. Yun pala, tumaas ang sodium level sa katawan kaya sakit sa ulo ang
side effect. Sumobra daw ako sa pagkonsumo ng pagkaing-basura kaya hindi na raw
nagtaka ang doktor sa resulta. ‘Wag daw masyadong masiba sa ganung uri ng
pagkain lalo na kung nagsosolo lang. Okey lang daw kung may ka-share. Kaya
nirestahan niya ako ng bagong tsitsiria at uri ng pelikula na hindi dapat
ikombinasyon. Love story pala dapat.
Gusto
ko sanang mag-react sa salitang “masyadong masiba”. Siguro nga, sinolo ko. E ano
naman??? Sa pagkakaalam ko, wala namang nakalagay na warning sign sa kinain
kong tsitsiria na “Government warning: Huwag kainin ng solo”. Hind rin naman
ako binalaan ng cashier tungkol dun. Ang alam ko lang, naligo lang naman sa
asin at vetsin ang kinain ko. Yun lang.
Hindi
ko na rin matandaan kung kelan ako naging masiba sa pagkain. Noong bata ako,
siguro. Lalo na pag nasa harapan ako ng mesa ng handaan. Yun bang lahat ng
pagkain na ma-target ng mata ko, dapat magkasya sa iisang plato. Yung tipong
tatalunin lahat ng super value meals pati buffet. Hindi tuloy alam ng mga
kamag-anak ko kung ano ba ang teorya ko sa tamang dami ng pagkain. Curious lang
naman sila sa kasibaan ko dahil nung mga panahong yun, patpatin pa ang body
figure ko. Madalas tuloy akong kainggitan ng mga taong iwas sa carbohydrates.
Pero
ngayon, hindi ko na magawa sa dahilang madali akong masuka. Kaya nagtitiyaga na
lang ako sa affordable meals, dine in. May kasama pang take-out.
Pag
sinabing ‘masiba’, usually mga heavy-guts ang pinupuntong uri ng tao. Mga tipo
ng tao na hindi kilala ang salitang ‘obessity’. Wala sa prinsipyo nila ang low
carbs, diet, health living at malnutrition. Sila yung may paniniwala sa
prinsipyong “Di bale ng malaki ang tiyan, basta pagkain ang laman.” At hindi
naniniwala sa poverty. Pero ewan lang kung bakit minsan, may mga taong hindi
makontrol ang sobrang konsumo ng pagkain.
Pero
may ilang masisiba na ang pigura ng katawan ay parang hindi kilala ang kanin at
carbohydrates. Ang lakas kumain, pero hindi mo naman alam kung diretso ba sa
hita at binti ang kinakain kaya parang hindi napupuno ang sikmura. Baka nga
totoo na yung kasabihan na “may alaga sa tiyan”. Pero kung meron man, ano yun?
Anong lahi? At bakit sa tiyan pa inaalagaan?
Tingnan
mo, nagawa nga ng mga eksperto na lagyan ng kung ano-anong ingredients ang mga
masesebong pagkain para mabawasan ang side effects nito, pero hindi nila kaya
lutasin ang patuloy na paglobo ng tiyan ng karamihan. Parang sinasadya nilang
damihan ang problema at trabaho ng mga nutritionist, doktor at trainor ng mga
gym. Patay-bahala. Hindi ko alam kung talagang sinasadya lang talaga nilang
tuksuhin ang mga tao na maging ganap na masiba para lang dumami ang salapi
nila.
Mga masisiba sa kapangyarihan.
Bakit hindi nila
magawang gumawa ng sangkap na magpapasira sa appetite ng masisiba?
Nabubuhay pa man din tayo sa henerasyon na
‘buy 1 take 1 burger’ sa ngayon.
At ito na ang paboritong tanong ni
Juan: Sino ang kauna-unahang naging
masiba sa mundo?
Eba: Badtrip ka naman! Inubos mo
lahat ng mansanas na bigay sa’ken nung ahas! Ang siba mo! Sana lumaki yang tiyan mo na parang tatlong
buwang buntis!
Adan: (Nag-pose na parang body
builder) Hoy excuse me…hindi nakakalaki ng tiyan ang fruits! Hitsura mo!
Paano
na lang kung hindi lang isang kagat ng mansanas ang nagawa ni Eba? Paano kung
isang buo? Paano kung siya ang unang nagkaron ng ‘bulimia’? Dadami pa kaya ang
listahan ng kasalanan ng tao? Wala lang. Natanong lang.
Alam
mo ba yung ‘Binge eating disorder’? Compulsive overeating? E yung bulimia
nervosa? Yung sakit ng tao na sobra-sobra kung kumonsumo ng pagkain? Hindi no? Ako
rin e. Sa google ko lang nabasa. Parehas pala tayo, haha. Aakalain mo bang
‘disorder’ at sakit na ng tao ang pagkain ng limpak-limpak?
Pati
yun, talagang pinagubusan nila ng common sense of humor at samu’t saring
research. Hindi ko alam kung gaano kalaki ang ginastos nila at kung gaano
katagal sila nagsunog ng kilay gamit ang asin at vetsin. Nang magkasundo na
sila sa teorya at nakagawa na ng conclusion na sila-sila rin lang naman ang
nagkakaintindihan, na hindi na maganda sa paningin ng tao ang overweight at mga
soon to be sumo-wrestler, ipinakalat na nila sa mundo na isa ng ganap na sakit
ang pagkain ng sobra-sobra. Ang resulta, yung mga taong pakiramdam nila e
normal lang ang pagkain ng marami, lalo pang na-stress. Lalo tuloy nag-panic
buying sa pinakamalapit na groceries, diresto sa aisle ng mga junkfoods.
Marami na nga ang nagugutom, maiisip pa ba
ng ilan ang mga ganung disorders? Parang pang-mayaman lang ata ang ganung uri
ng sakit.
Pero
‘wag ka. Hindi lang sa pagkain sangkot ang usapin ng kasibaan. Para sa mga
manginginom, applied to. Kaya ikaw na nagmumumog na alkohol, wala lang. Tuloy
mo lang. Pag nagkasakit ka dahil sa kasibaan mo sa alak, saka mo na i-like ang
blog na to.
Masama ang sobra. At ang sobra
ay…masama (huh?). Kahit naman tanggalin mo ang salitang ‘masama’, yung salitang
‘sobra’, hindi na maganda sa bokabularyo sa batas ng tao. Maganda lang i-apply
ang salitang ‘sobra’ kung --- hindi lang iisang tao ang makikinabang. Dahil sa
totoo lang, sa panahon naten ngayon na ang instant noodles ay isa ng uri ng
ulam, daig ng sobra ang sapat.
Ganyan tayo kahirap mga floyd.
Anyway,
hindi naman naten pwede ituro o sisihin ang mga taong sobra ang konsumo ng
pagkain sa katawan. Bakit? Marami silang sobra. Sobrang pagkain, sobrang pera at sobrang pagkakataon na hindi lahat
meron. Hindi lahat nakakaranas ng salitang ‘sobra’. At kahit ang salitang
sapat, maalat pa sa MSG ng tigpi-pisong tsitsiria na maranasan ng karamihan.
Teka,
ano ba pinaglalaban ko dito?
Takdang-aralin:
1.
Bakit kaunti ang laman ng mga mamahaling tsitsiria kumpara sa mga
tigpi-piso? Pangatwiranan.
2.
Ano ang kinalaman ng calories at carbohydrates sa inuman? Pangatwiranan
kasama ang mga kainuman.
3.
Ipaliwanag kung bakit kelangang lagyan ng nutrition facts ang mga
junkfoods. Magtanong sa cashier.
4.
Lahat ba ng kumakain sa ‘eat all you can’ restaurant, masisiba?
Ipaliwanag mo ng maayos.
5.
Kung bibigyan ka ng pagkakataong maging masiba sa pagkain, anong uri ito
at bakit? Ayusin ang katwiran.
6.
Sumulat ng sanaysay kung bakit dapat doble ang bayad ng mga taong
matataba sa jeep o tricycle. Mag-sorry kung kinakailangan. Isulat ang pangalan
at lagdaan sa bandang left-bottom ng likod ng papel. Lakipan ng alinman sa mga
sumusunod na proof of purchase at ihulog sa pinakamalapit na groceries,
nationwide:
-
20 sachet ng Super-Junk-Foods-2013 (Paksiw flavor) 20 gms.
-
20 sachet ng Sobraang Alaat Chips 20 gms.
-
45 sachet ng DinayaSaVetsin Chips 20 gms.
-
3 bottle cap ng Wasak Gin (any flavor) 120 ml.
-
3 crown ng SobrangSwabe Beer 30 ml
-
1 sako ng Sosyal-Ang-Rice-Mo-Ate! (tanggalin ang bigas)
Comments
Post a Comment