Biyernes na Naman

Biyernes. 6:15 pm. Maalinsangan ang panahon kahit tag-ulan. Maingay ang kakalsadahan dahil sa mahabang traffic. May nasusunog na tindahan sa hindi kalayuan. Dagdag sikip ng trapiko. Dagdag din ang noise barrage ng nagwawalang sirena ng ambulansiya at fire truck. Agawan sa jeep. Nasisiraan na ng bait si mamang traffic enforcer. At amoy shawarma ang katabi kong estudyante na sarap na sarap sa biniling naglalangis na donut.

            Biyernes na naman.

            Gusto ko sana ang araw na ‘to dahil kinabukasan walang pasok. Pero nahahati sa ‘gusto’ at ‘badtrip’ ang ganitong araw. Paano ba naman, ang bango-bango kong umalis ng bahay para pumasok (pang-gabi ako), inagahan mo na nga dahil expected na ang delubyong traffic, heto’t parang may kung anong mantra na nagaganap sa buong Metro Manila na nahahati ang populasyon ng mga natutuwa, nae-excite at nagmumura! Walangya to the highest level (badtrip + punyeta kasi sa Pasay pa ang opisina ko)! Masikip na nga ang kakalsadahan, nakukuha pang bumusina ng mga atat. Para namang may magagawa ang pag-iingay. At agawan sa sasakyan. Parang concert. Nawawala ang pila, at makakapal ang mukha ng mga  nagpi-feeling VIP. May pila naman, pero isisingit ang sarili kahit marami na ang nagpaparinig at nagmumura.  Kaya tuloy parang laging araw ng eleksyon ang Biyernes. Maingay. Magulo. Badtrip sa pakiramdam. At malagkit sa kili-kili. Nawawalan ng gana magtrabaho ang deodorant ko.

            Paborito kong araw ang Friday nung mga panahong nag-aaral pa ko. Maganda kasi ang impact nito sa mga estudyante na halos isang linggong nakikipaglaban sa mga subject(s) at sariling budget. At nakakasawang mukha ng teacher na nagpapanggap na teacher. Simbulo ito ng kalayaan para pansamantalang itigil ang paghawak ng ballpen, lapis, kwaderno at aklat na ewan kung ilang beses ng ginawang pamalo ng terror na teacher. Hihinto din pansamantala ang paggamit ng common sense sa pag-aaral, lalo pa sa mga oras ng quizzes at exam. Nakakapagod ang maghanap ng sagot sa kisame at mag-ala-matang-lawin sa pangongopya. May kung anong enerhiya na kumakalat sa buong classroom na sabay-sabay nakakaramdam ng sigla at excitement sa hindi malamang dahilan. Kaya pati pagtuturo ni teacher, naaapektuhan. Tinatamad at iniaasa na lang sa assignment. Pero malungkot din minsan dahil parang ‘temporary farewell’ sa mga mag-jowa. Maga-antay na naman ng Lunes.

            Senyales din ang Friday ng gimik at ‘happy hours’, na ewan kung bakit nagkakaron ng hindi maipaliwanag na siyensa sa buhay ng tao. May kung anong chemistry at physics na parang utot na biglang sumiklab sa buong bansa na madaling nakahawa sa karamihan. Nagta-transform ang EDSA bilang pinakamalaking ‘parking lot’ sa buong mundo dahil sa mga nagbabalak gumala, mag-mall, out of town at kung ano-ano pang bagay na masama sa loob gawin tuwing araw ng Lunes hanggang Huwebes. Parang may kung anong pagpupulong at ‘get together’ ang mga sasakyan na naisipang mag-bonding tuwing biyernes---na nagreresulta ng katakot-takot na bilang ng pagmumura, pagka-high blood, at hindi na mabilang na dirty finger. Lahat nagmamadali. Lahat naaatat sa mga bagay na hindi magawa magmula pa nung Lunes.

            Biyernes nga naman.

            Sumasabay pa ang ekonomiya ng bansa sa ganitong araw. May Friday sale sa kung saan mang mall, lalo pa kung nadikit o lumapit sa araw ng sahod. At ang mga bars, nagkakaron ng kung ano-anong promo na kulang na lang e isama mo na pati kapit-bahay nyo sa laki ng makukuhang discount. Natural, mauulol ang mga sunog-baga at bar hoppers. May early bird promo pa na talaga namang nagtatawag ng mga ibong sabik sa alkohol. Lumalakas ang merkado ng alkohol at yosi. Naglalabasan ang mga bagong damit na nung nakaraang Linggo pa pinlantsa.

            Ano ba talagang meron sa Biyernes?

            Pang-lima ang araw ng Biyernes sa mga empleyado at estudyante. Pang-anim naman ito sa kalendaryo. Unang araw din ito ng weekends. Ka-close nito ang Sabado, dahil medyo solemn ang dating ni Sunday. Kung pag-aaralan ang isang linggo, Biyernes ang pinto ng pagpapahinga, pagre-relax at pagtaas ng noise barrage sa buong Metro Manila.

            Sa ibang kultura, itinuturing na malas ang araw na ‘to. Para sa mga hobby ang paglalayag, hindi raw magandang simulan ang paglalakbay sa katubigan tuwing araw ng Biyernes. Pero superstition lang naman ito ng mga manlalayag. Hindi ko rin alam kung bakit ayaw nila sa ganung araw. Kung araw man ng parusa ni Poseidon yun o makakasalubong nila ang grand eyeball ng mg pating, wala akong ideya. Tanong mo na lang daw sa pagong.

            Alam kong pamilyar ka na rin sa urban legend na Friday the 13th (friggatriskaidekaphobia ang tawag sa phobia sa ganitong petsa). Ang kombinasyon ng Friday at ang kawawang numerong ‘13’ na pinakamalas sa lahat (buti pa ang 666) ay nagresulta para tawaging ‘Black Friday’. Ganung araw kasi namatay si Hesus, samantalang si Judas ang itinuturing na pang-labing-tatlo sa clan ni Hesus, na alam naman nating malas. Pero pauso lang yun ng mga taong nakaranas ng sunod-sunod na malas ng matapat sa ganung petsa at araw. Kung swerte man ako dahil hindi ako nakaranas ng masamang pangitain tuwing may lakad o pasok ako ng ganung petsa, hindi ko rin alam. Sa totoo lang, medyo alangan ako sa mga superstitions. Kung ipagpipilitan kong merong mangyayaring hindi maganda tuwing sasapit ang Friday the 13th, baka ultimo pagtatae o pagkain ng pusa sa ulam ko ng gabing yun, isisi ko pa. “Put@!#$^ yan! Asan ang ulam ko? Kinain ng pusa?! Syet! Ang malas ng Friday the 13th ko talaga!”

            Friday the 13th din ang kamatayan ni Tupac. At kahit hindi tumapat ang trese sa araw ng Biyernes sa kalendaryo ng Pinas, may sarili na tayong version ng ‘malas’.

            Iba-iba rin ang paniniwala ng mga relihiyon sa araw ng biyernes. Yung iba, pinaka-holy. Yung iba naman, pinakamasama. Pero dahil ayaw ko ng ganitong topic, next paragraph na tayo agad.

            Madalas na ang mga headlines sa balita tuwing Lunes e galing pa nung Biyernes. Wag na magtaka. May karapatan din silang umulit ng balita dahil alam nilang wala kang panahong makibalita. Alam na alam din nilang namumutakti ng iba’t ibang klase ng scoops na ewan kung bakit Biyernes natatapat. Kaya nag-revised na lang sila kahit abutin pa ang balita ng isang linggo. Sayang nga naman kung hindi mo mababalitaan. Sana nga lang, hindi ikaw yung headline.

            Isipin mo, ano ba talagang meron sa Biyernes? May connection ba ito sa inter-planetarium ng solar system? Bakit mas malakas ang kapangyarihan ng mga manghuhula tuwing sasapit ang araw na ito? Bakit nagtataas ng rate ang mga motels pag weekends? Ano ang istorya sa likod ng TGIF? At bakit sumisigla ang katawan ng mga empleyado sa araw na to?


            Biyernes nga naman.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!