Break na Kami, Anong Gagawin Ko?
Ilang araw ka ng wala sa sarili. Hindi mo makain ‘yung
paborito mong almusal. Wala ka ng ibang pinapatugtog sa sarili mong playlist
kun’di mga pang-broken-hearted. Ilang araw mo ng kapiling si suka at hangover. Para ka ng miyembro ng K-Pop kakaiyak ng luhang hindi na
kayang saluhin ng simpleng panyo lang. Hindi mo na magawang mag-facebook.
Naubos na rin ang leave mo sa trabaho para magkulong sa kwarto kakahagulgol at
maghapong humilata kakasinghot at pahid ng luha. Iniiwasan mo ang mga kissing
scene sa mga telenobela. Pakiradam mo’y pinapatakan ng kalamansi ang puso mo sa
tuwing makakakita ka ng mag-jowang inggit-to-death ang PDA. Malinis na ang
inbox mo. Bumaba na ang timbang mo (medyo good news yun). Litong-lito ka na
kung ano ang pinaka-safe na paraan ng suicide.
Break na
kayo…gusto mo ng mag-move on. Ilang beses mo na rin minura ang sarili mo kung
bakit ayaw niya mag-move on kahit ilang lunar eclipse na ang nakalipas.
Pero sabi
nga nila, hindi ‘yun kadali. Kung gaano kabilis pindutin ang button para palitan
ang status mo sa facebook, makailang libong beses naman kahirap kung paano
ibabalik sa normal ang wasak na wasak mong puso. Kung paano mo naabot ang cloud
9 nung mga panahong inggit na inggit ang mga langgam sa tamis ng lambingan
niyo, hindi na mabilang na “Goodnight bebeh ko…I love you…mwaaaah!” sa text o
comment sa fb, panunuod ng sine na pareho namang hindi gusto at pinagtyagaan na
lang, kung saan-saang lugar para mag-date at bonding, palitan ng laway,
mabababaw na tampuhan, iyakan, selosan na madalas wala sa lugar, at kung
ano-ano pang memorable moments…tapos na ang lahat sa inyo. BREAKUP na.
Ginawa mo
na lahat. Ginaya mo na ang ilan sa mga gasgas na script sa pelikula para lang
maisalba ang naghihikahos na relasyon. Ga-tabo na ang luha at kinalyo na ang
tuhod mo kakaluhod, maging okey ang lahat. Niyakap mo na ang pagiging tanga. Iniwan
mo na sa aparador ang sarili mong pride. Nagbingi-bingihan ka sa mga love
advise. Sinunod mo ang puso mo. Kinalimutan mo na ang sarili mo. PERO sa huli,
talo ka pa rin. Nganga. Hindi mo na naasam ang happily ever after kahit alam
mong para sa mga isip-cartoons lang ‘yun. Huminto ang oras. Pansamantalang
nagbakasyon sa impyerno ang kaluluwa mo. ‘Yung sarili mong mundo, hindi gumuho.
Wala naman. Lumapit lang namn ng bahagya sa araw kaya tuluyan ng nasunog. Kung
meron pang hihigit sa salitang ‘masakit’, pakinggan mo na lang ‘yung kanta ni
Michael V na “Sinaktan mo ang Puso ko”.
Walang
kasing-hirap ang maka-move on. Hindi tulad ng sugal na posible pang makabawi, o
higitan ang pagkatalo. Mas madali nga sana
kung parang math na lang ang ‘move on’. Atlis alam mong laging may solution,
kesihodang gasgasin nito ang IQ mo, matapos lang ang love-problem solving. Para mas mabilis, gamitan na ng calculator. Equals lang
ang katapat, tapos ang problema.
Kung nakakabili nga lang ng gamot
sa mabilisang paglimot, malamang laging out of stock. At hinding-hindi ka na
magsasayang ng tissue kakaiyak. Walang inuman session na sa huli, iiyak at
mage-emo ka pa rin pagkagising mo sa umaga. Masakit na ang utak at bulsa mo,
pinaglalamayan naman ang broken-hearted mo. Kung paano at kelan ang recovery,
wala sa Google ang sagot. Sa bawat tanong ng kung sino man na “ok ka lang?”,
kasinungaling “OO” ang isasagot mo na may dalang kurot sa puso. Niloloko mo ang
sarili mo na lagi kang okey, kahit ang photoshop eh mahihirapang i-adjust ang
mukha mo sa kalungkutan.
Alam kong binasa mo ‘to dahil…well,
na-experience mo rin ang mapabilang sa mga taong broken-hearted (ewan lang kung
kasalukuyan kang ganun o wala pa ring closure). At para na rin sa kahilingan ng
mga mambabasa sa walang kasusta-sustansiyang pahina ng mga blog ni JUAN, heto
ang ilan sa mga hakbang na sa tingin ko naman eh makakatulong ng bahagya.
Basahin maigi, bitawan ang alak, tanggalin ang lubid sa leeg, at itapon mo muna
ang hawak mong muriatic acid. Pagtapos mong basahin ito, saka ka na lang
mag-decide:
TANGGAPIN ANG
KATOTOHANAN –
hindi ka nanaginip, o binabangungot. Tinapos na ni kwan ang relasyon niyo. Alam
mong hindi siya nagbibiro, kaya ‘wag ilabas ang pekeng ngiti. Period. Tanggapin
ang reyalidad. Iwasan ang mga pantasyang baka may second chance pa, gaya ng mga mumurahing
love story ng Pinas. Cast of characters at credits na lang ang pinapakita sa
love story niyo na anytime, magsasara na ng tuluyan ang kurtina. Kelangan mo ng
umalis kasi ‘single viewing’ lang. Kung nagbabalak kang panuorin ulit ang
nasira niyong pelikula, hindi pa rin naman magbabago ang ending. Dadagdagan mo
lang ang karayom na nakaturok sa puso mong may sebo. Irespeto ang ganitong uri
ng eksena na sarado na at wala ka ng balak pang buksan ulit.
IDISTANSIYA ANG
SARILI – hindi
naman malayong maging ‘friends’ ulit kayo kahit sa facebook lang, PERO ‘wag
ngayon. Malamang na ituring mo siyang isa sa mga sumpa at alagad ni Lucifer
kaya hindi nakagtatakang minumura mo ang primary photo niya tuwing nakikita mo
siya. Sariwa pa ang nana sa puso mo kaya mas makabubuting iwasan ang mga landas
na tatahakin niya. Kung kelangan mong magpaka-ninja, sige lang.
Kung
maisipan naman na mas mabilis mawala sa paningin ang mga bagay na galing sa
kanya tulad ng pagsusunog at pagdo-donate sa mga nangangailangan, maigi. ‘Wag
na ‘wag lang gawing bagong photo album o primary photo ang pag-aabot ng mga
stuff toys.
Lahat ng
mga bagay na maaaring maging tulay ng communication sa kanya ay…tama. DELETE.
Hanggat nakakatanggap ka ng mga nakakalokong quotes at simpleng “musta k n?”,
magkakaroon lang ng expectations at misinterpretation. Tandaan na gusto mo ng
move on, hindi round 2.
‘WAG NA SIYANG
PAGUSAPAN – may mga pagkakataon na hindi maiwasan ang ganitong eksena.,
lalo na kung hot seat ka sa inuman o simpleng kwentuhan. Ayaw mo man, hindi
maiiwasan ng mga taong hindi updated sa lovelife mo ang tanong na “musta na
kayo ni [insert your ex name here]?”. ‘Wag na ‘wag sasagot ng “Hindi mo pa ba
alam? Break na kami…” dahil magiging main topic lang ito at hahaba lang ang
usapan AT LALO mo lang sinariwa ulit ang mga bitter moments niyo. Magpaka-poker
face. Ibigay ang mala-orocan na ngiti at simpleng sagot na “Okey naman kami…”
sabay tagay ng isang basong alak. Damputin mo na rin ‘yung parte ng pulutan na
may sili. Nguyain at namnamin para
labanan ang papatak na luha. Sabay banat ng ibang topic gaya ng politika, gobyerno
at pasahod. Para mas interesting. Pero ‘wag
ipahalata na umiiwas sa ganung uri ng usapan. Hanggat maaari ay gawing normal
ang sarili. Kung sakaling tanungin kung saan man naroroon ang ex-jowa mo, mas
magandang sumagot na lang ng “Ewan ko dun. Baka kalaro ni Lucifer sa
pusoy.” Sabay tawa, kahit peke. Hayaan
na lang ang mga tropa ang magkwento ng kung ano-ano.
Minsan
nakakagaan din ng loob kung magkukwento ka tungkol sa nangyari, sa una. ‘Wag
lang ugaliin. Magmumukha ka lang kaawa-awa at sirang cd, sinasariwa mo pa ‘yung
sitwasyon. Baka matuliro ang mga close friends at iwanan ka na lang magisang
kumakain sa fast food chain.
LAKTAWAN ANG SISIHAN
AT TURUAN – kung sisisihin
mo ang sarili mo, ba’t ka pa nagtataka kung nag-break kayo? At kung siya naman
ang sisisihin mo, mas madali mag-move on. Siya pala may kasalanan eh. Wag na
din idamay ang mga magulang o kaibigan kung naging elemento man sila ng
pagaaway at misunderstanding. Tandaan na kayo lang ang sangkot sa trahedya.
Ginawa niyo ang lahat, pati ang hindi sinasadyang pagkakamali. Kwits lang. Kung
may mga puntong nanlamig ang isa’t isa, hindi mo pwedeng sisihin ang mga tropa
mong hobby ang pagiinom, o ang kakatapos lang na teleserye. Malamang sa
malamang na hindi nga nag-work out ang relasyon, kaya tanggapin na lang ang
katotohanan. Kahit ilang libong beses ka man naglakad paluhod sa simbahan at
nagdonate ng kung ano-ano sa foundation, kung sadyang malabo na at wala ng spark ang relasyon, tanggapin
na lang ulit ang katotohanan. Atlis alam mo sa sarili mo na ginawa mo ang mga
imposible sa ngalan ng pagibig, kesa sa wala lang.
MATUTO SA SINAPIT – sa mga susunod na araw, linggo o
buwan, maaaring nakamove on ka na, at hindi malayong umibig ka ulit. Pag-aralan
ang mga bagay na nakapagpaganda sa daloy ng relasyon at suriin ang mga
pagkakamali. ‘Yung mga dahilan ng away at tampuhan, gawan ng sariling solusyon,
for future reference. Ang buhay ay binubuo ng good at bad experience, at hindi
exempted ang breakup dito. Matuto sa sariling pagkakamali. Parte ng pagkatuto
sa nagdaang masaklap na ex-jowa eh ‘yung sariling experience kumpara sa mga
digest book o manual. Pihadong ilang beses ka na rin naman nakarinig ng mga bad
experience sa isang relasyon mula sa mga kaibigan. Pwede ding gamiting pointers
‘yun. Makipagdebate at magpalitan ng kuro-kuro kung ano-ano at alin ang mga
bagay na ‘do’s and don’ts’ para sa mas masayang pagsasama.
MAG-VISUALIZE NA WALA
KA NA SA KANYA –
tapos na eh, para saan pa ang mga pangarap na siya dapat ang makakasama mo sa
buhay? Mag-imagine na masaya ka na sarili mong buhay na wala siya, kung kaya.
Magisip ng mga masasayang sandaling na hindi mo siya kasama gaya ng gimik
kasama ang tropa, nakakabili ka na ng sarili mong gamit, hindi ka na gaanong
nagtitipid, wala ka ng sakit sa ulo, hindi ka na laging unlicalls/text, mas
maraming oras sa sarili at pamilya, wala ng pinagseselosan at wala ng
pinoproblemang regalo tuwing monthsary. Ang lahat ng oras at pagkakataon ay
iyong-iyo, walang kahati at nagbabawal.
SARILING FOCUS – at dahil solo ka na ulit, bigyan
ng maraming oras ang sarili sa mga bagay na kapaki-pakinabang bago pumasok sa
panibagong love story. Kung naging hassle o stressful man ang nakaraang
pagibig, oras na para sa recovery. Pwede kang mag-gym para sa bagong friends.
Sumubok ng sports. Kung may talent o hobby man, ibuhos ang natitirang oras sa
kanila. Gawing busy ang sarili. Magpakitang gilas sa pag-aaral o trabaho. Kung
kelangan ng make-over sa pisikal na hitsura, humayo ka! Marami kang dapat
baguhin at dapat iwanan na ang mga bagay na nakasanayan na, gaya ng mga oras na kasama mo pa siya.
SLOWLY BUT SURELY
(AND EFFECTIVE) – hindi
nakukuha sa paspasan ang totally move on. O yung mga bagay na sobra gaya ng social life,
pakikipagbarkada, flirting, social climbing at social friends. Hindi magandang
tingnan. Magmumukha ka lang desperado/desperado na may malaking pangangailangan
sa katawan. Relax, chill, smooth ang galaw at i-enjoy ang sarili. ‘Wag lang
umasta na parang kulangot sa kasuluk-sulukan ng ilong, hard to get. Hindi mo
namamalayan, napaliligiran ka na ng bagong prospect.
Pagaralan at kilalanin muna ng mabuti ang taong
manghihimasok sa buhay mo, kahit pa ulanin mo siya ng mga tanong galing sa
resume o slum note. Walang masama dun. Isipin na isa siyang empleyado na dapat
makapasa sa qualifications mo. Damihan ang bilang ng pagde-date para sa mas
magandang pagkakakilanlan. ‘Wag i-entertain ang sarili kung sakaling
nagmamadali ka sa panibagong relasyon. Tandaan ang salitang turn-off. Ano’t ano
man, pakiramdaman ang sarili kung okey na ang lahat at handa ka ng masaktan o
umibig ulit, dahil ‘yun naman talaga ang anatomy ng nagmamahal.
IWASAN ANG COMPARISON – ang dati ay noon. Past is past. Iba
ang personality ni ex sa personality ni ‘new significant other’. Hindi lahat ng
taong naka-date mo ay pare-pareho ang autobiography kaya ‘wag hanapan ng kung
ano-anong similarities at differences. ‘Wag mag-expect na magiging tulad din ni
ex si ‘new significant other’, at mag-expect na ganun din ang magiging script
at eksena niyo sa gagawin niyong love story. BAGO nga eh, kaya dapat, bago rin
ang lahat ng mga paraan at bagay-bagay na sa tingin mo ay dapat at hindi na
dapat pang gawin, ulit. Tandaan na
nagbreak kayo ng may rason, kaya gamitin kahit papano ang common sense.
Ang pinakaimportanteng
bagay na dapat nakasuksok sa utak mo pagkatapos ng breakup ay manatiling ‘positive’.
Hindi ibig sabihin ng breakup ay may babagsak na bulalakaw mula sa kalawakan at
guguho na ang mundo. Sobrang dami ng tao sa mundo at marami ka pang makikilalang
tao na magiging parte ng sarili mong autobiography kaya tigilan na ang
pagmumukmok at paguubos ng panahon sa mga bagay na lalo lang nagpapahirap at
komplikado. Hindi porke mura ang alak ay pwede ng gawing hobby tuwing maisipan.
Sarili mo lang ang sinisira mo. Maraming tao ang tulad mo na nakatakas at
naging masaya na sa buhay dahil ginamit nila ang IQ nila. Idikdik sa kokote na makakamove
on ka, ASAP.
Hindi mo namamalayan, nakamove on
ka na pala.
Comments
Post a Comment