Juan Tamad o Juan Mandaraya

Kasasakay ko lang ng dyip, dalawang pasahero lang ang laman. Bale pareho silang babae na nasa kanan kaya sa kaliwang pwesto na ko umupo. Dumiretso ako agad sa likod ng driver para iabot ang pamasahe, dahil tingin ko na tatarayan ako ng dalawa kung sakaling isigaw ko ang salitang “BAYAD!” tapos deadma lang. PERO, hindi pala ganun ang siste. Dahil pagkakuha ko ng sukli, saka pa lang nagbayad ang dalawang eba, at ako ang naging tulay nila. Walastik, ako lang pala ang inaantay nila. Syempre masama na loob ko, pero kelangan mong maging gentleman kahit isang beses lang sa isang buwan (at “tangina ayos” na lang ang nasambit ko sa sarili ko, na may kasamang plastik na ngiti). At habang ganun ang set-up, saka naman nagsakayan ang ilang pasahero, at nanatili akong messenger ng mga pasahero. At ang kaninang “tangina” na expression, narevised agad sa salitang “Shit…”.

            Hindi ko sinasabi na sukdulan ako ng kasipagan, dahil may mga oras na talagang tatamaan ka ng katamaran kahit madalas na “masipag” ang deskripsyon sa’yo ng mga nakakakilala sa pagkatao mo. Ang normal na tao ay nakakaramdam din ng katamaran, lalo na sa mga oras na nagtatalo ang utak at katawan kung dapat ka pa bang kumilos, o kelangan mo namang mag-break (kahit papano).

            Hindi naman kasi simbulo ng masipag ‘yung lagi kang may hawak na walis o wala kang late (o perfect attendance) sa eskwela,  o maging sa opisina. Lalo nang hindi matatawag na masipag ang isang tao na puro “like” lang ang alam sa facebook, at hindi uso sa kanya ang comment. Hindi rin maituturing na masipag ang isang tao kung sinmbilis siya ng operator magreply sa lahat ng text mo. MARAMING BASEHAN ANG PAGIGING MASIPAG. At ang masaklap niyan, nadadaya na rin ang salitang “kasipagan”.

            Himayin naten: isa sa popular na katamaran ng isang tao ay ang pagtanggal ng VOWEL sa isang text message. Umamin ka na, kasama ka rin sa mga ganung uri ng tao. Ngayon, sa sirkulasyon ng text conversation, ang isang taong mabagal mag-reply na parang taga-zimbabwe ang nababansangang “tamad”, samantalang ang taong matipid ang character sa text (reply: “K”, na OK for short) na halos wala pang 1 minuto ang responde ang siyang nababansagang masipag. Astig ‘di ba? Isama mo pa ang mga dakilang acronyms na  ASAP, FYI, BTW, OMG, LOL, ROFL at TY.

            Ngayon eto naman ang imadyinin mo: paano kung walang ACRONYM?

Part 1

Reporter: Kanselado po ang pasok ngayon sa lahat ng antas ng paaralan ayon sa Department of Education. Ayon na rin sa Philippine Atmospheric, Geophysical And Astronimical Services Administration, nakataas na ang signal number 3 sa buong Metro Manila at tinatayang aabot ang pananalasa nito ng hanggang dalawa o tatlong araw. Naghahahanda na rin ang buong pwersa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, katuwang ang Metro Manila Development Authority sa anumang magiging epekto ng bagyong “____” sa kasalukuyang nananalasa sa buong Luzon….

Part 2

Reporter: Kanselado po ang pasok ngayon sa lahat ng antas ng paaralan ayon sa DepEd. Ayon na rin sa PAGASA, nakataas na ang signal number 3 sa buong Metro Manila at tinatayang aabot ang pananalasa nito ng hanggang dalawa o tatlong araw. Naghahahanda na rin ang buong pwersa ng NDRRMC, katuwang ang MMDA sa anumang magiging epekto ng bagyong “____” na kasalukuyang nananalasa sa buong Luzon….


            Hindi sukatan ang pagiging “kumpleto” para matawag na masipag. Sadyang may mga pagkakataon lang na mas okey na “maigsi” na lang, kesa “pahabain pa” kung hindi naman kinakailangan. At diyan pumapasok ang pandaraya natin bilang masipag.


            Paano kung hindi uso ang text-short-cut?

Part 1

TEXTER: D n me mkkpnta s hauz u. D me pinygn ng prents qoh kc l8 n dw. Syng nga ih. Miz q p nmn kyo. Jn n b tropa? Syng tlg. Txt2 n lng h? tnx…


Part 2:

TEXTER: Hindi na ako makakapunta sa bahay niyo. Hindi kasi ako pinayagan ng parents ko kasi late na daw. Sayang nga eh. Miss ko pa naman kayo. Andiyan na ba ang tropa? Sayang talaga. Text-text na lang ha? Thanks…

(pansinin ang mga natipid mong letra at lakas kung gagamitin mo ang part 1 pattern)


            Katamaran ba talaga ito o pandaraya?

            Ang mga masisipag na kartero ay hindi na rin uso sa ngayon (though may mga ilan pa rin gaya ng messenger). Pinalitan na kasi ang trabaho nila ng E-MAIL. Pansinin na halos hindi na rin uso sa isang bahay ang may mail box. Ano ba naman ang laban ng  snail-mail sa e-mail? Madaya ba ang e-mail o convenient lang talaga?

            Tanong: mas masipag ba ang isang tao na naglalaba ng “handwash” kesa sa “machine-wash?” kung pareho lang ang dami ng nilalabhan nila? Kung nagtitimpla ka ng kape gamit ang 3-in-1 at hindi ang nakabukod na kape, asukal at creamer, may kasipagan ba sa ganung istilo? Ang araw-araw na pagligo, kasipagan din ba? Ang walang puknat mong pagtitiyaga sa mga teleserye, maihahanlintulad na rin ba sa mga taong masipag magbasa ng libro o kahit na diyaryo?

            Kanya-kanyang version na kasi ang kasipagan ng tao habang tumatagal at nilalamon na ng modernisasyon ang sana’y sibilisasyon. Pinapalitan na ng mga appliances at gadgets ang imahe ng isang masipag. Maituturing na kasing kasipagan ang isang taong paulit-ulit ang ginagawang aktibidades katuwang ang ilang mga magigiting na imbensyon na malaki ang naitulong sa lifestyle ng mga tao, ng walang masyadong pawis at dugo, o yung hindi man lang nabigyan ng matinding effort. Pwede na ring sabihing masipag kang mag-jogging gamit ang threadmill kesa sa kasipagan ng jogging sa track and field, o kahit sa paligid lang ng mall. Ang “GM” o group message ay matatawag na ring kasipagan, lalo na sa mga taong walang magawa at kaligayahan ang simpleng quotations o laos na joke.

            Eto ang nakakatuwa sa facebook: mabibilang mo ang taong “animoy” masipag. Sila ‘yung laging online, madalas mong mabasa ang pangalan sa pag-like, maya’t mayang palit ng status, pag-post ng kung ano-anong videos, links, quotations etc… ‘Yung simpleng pag-post mo lang na picture na “kunwang” nagwawalis, ka o status mong “general cleaning with my jowa” ay talaga namang uulanin ng comment na “ang sipag mo naman!”. Kakaiba to the next level. Eto lang ah, tingin ko hindi pa siya nasasabihan ng “ang sipag mo namang !@#$%^ ka!”  sa buong buhay niya kaya naisipan niyang i-share at i-broadcast ang kasipagan niya. Unfair nga naman kung hindi man lang mapupuri ang pagpupunas niya ng alikabok sa notebook niya or sa I-Phone niya.

            Sa totoo lang, hindi ako pabor sa bansag na Juan Tamad. Pinoy? Tamad? Kelan pa? Kung tamad kami, bakit ang daming nagtitinda sa kalye ng kung ano-ano? Ang daming takatatak boys? Bakit ang daming nagtatrabaho sa mga nightclub? Sa diskuhan? Sa Jueteng? Sa saklaan? Pasugalan? Peryahan? Sa mga stall ng piniratang DVD? Pekeng sapatos at damit? Ukay-ukay? Karinderya? Nagkalat ang mga ganyan? Tamad ba kami? Hindi!

            May pedicab ba sa bansa niyo? May mga bata bang sumisigaw sa tapat ng bahay niyo ng “TAPON!” at kukunin nila ang dapat sana’y ikaw ang magtatapon na basura, kapalit ng barya? Mga batang nagpupunas ng malinis na windshield sa EDSA? Mga batang bitbit ang ilang sako ng plastic o bakal para ibenta sa junkshop? Mga taong bitbit ang sala set at ibinebenta ng pahulugan? Ang nightshift na magbabalot? 24 hours na pila ng pedicab o tricycle? Double shift na guwardiya?


Hindi kami tamad… Mandaraya lang…

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!