Sabi Nila???

Nitong mga nakaraang araw nahihilig ako sa pagpapak ng scrambled egg. Wala lang. Sarap na sarap lang ako kahit asin lang ang magpapalasa sa kanya.

            Sabi nila, maganda daw almusal ang itlog dahil mabilis daw makabusog at malamang sa malamang na onti na lang ang kakainin mo pagdating ng tanghalian, at aprubado ng mga taong bokabularyo ang ‘diet’. Bukod dun, ang dami pa lang sikretong itinatago ng isang itlog (ng manok). Isantabi na lang naten ang pagiging alarm clock nila sa madaling araw.

            Ayon kasi sa pagaaral, ang isang itlog eh naglalaman lang naman ng 75 calories (lang) at anim na gramong protina, na may 5 gramo ng taba (fat), bitaminang A, B6, B12, at E, thiamin, riboflavin, blah blah blah, etc…at kung ano-ano pang bagay na hindi sinasabi ng doktor. Sinasabing ang protina ang isa sa mga necessity ng mga taong-gym para makatulong magkaron ng muscles at kaya nitong higitan ang bilang ng protina kumpara sa gatas ng ina.

            Pero isang beses nakapanuod ako ng balita, sinabi nila (ayon sa recent studies daw) na hindi daw healthy ang pagkonsumo ng maraming itlog. Bukod kasi sa magastos kumpara sa sinangag at tirang ulam sa gabi, at magastos din sa gasul (o uling), MATAAS ang bilang ng kolesterol nito. Meron din itong saturated fat na hindi maganda para sa katawan lalo na sa mga taong allergic sa kolesterol at isang taon ng naka-enroll sa gym.

            Parang nawalan tulpy ako ng ganang makasama sa umaga si itlog. Magulo kasi sila kausap.

            At iyon ay sabi NILA.

            Minsan deskompyado na ko sa mga bagay na sila-sila na lang ang nakakaalam. Tulad ng mga ganitong paniniwala:

            Sabi nila, bawal daw magwalis sa gabi, lalabas daw ang malas.

            Sabi nila, masama ang maggupit ng kuko sa gabi.

            Sabi nila, magandang gawing unan ang ensayklopedya o makapal na diksyunaryo para tumalino.

            Sabi nila, laway ang matinding pangontra sa usog ng bata.

            Sabi NILA, paniwalaan mo sila dahil walang masama kung maniniwala ka.

            Ang magandang tanong, sino si NILA?

            Sila ba ‘yung mga unang taong nakaranas ng malas ng maisipang magwalis sa gabi? Sila ba ‘yung unang naka-experience ng karma ng mapagtripang maggupit ng kuko sa gabi? O baka naman sila ang mga unang taong naka-discover na ang laway ay naglalalaman ng kung ano-anong bitamina at nutrients para makaiwas sa usog?

            Kahit ang google at yahoo, hindi masasagot kung sino-sino ang mga member ng NILA. Pwedeng sila ‘yung mga taong nabiyayaan ng kakaiba at rare na katalinuhan, kaya naisipan nilang ipasa-pasa ang mga paniniwalang sila-sila ang nakakaalam ng tunay na dahilan at balang araw ay magiging tradisyon na lang at katuwaan.

            At ang labo NILa kausap.

            Hindi ko tuloy malaman kung dapat ko bang paniwalaan ang mga “a recent study shows that” o ang sarili kong sikmura. Kung ano-ano na kasing impormasyon ang nagkalat na ewan kung alin ang totoo at alin ang parang pinagtripan lang ng mga taong lulong sa nilagang itlog.

             Sa facebook lang, kung ano-anong ‘facts’ o ‘good information’ ang maya’t maya mo mababasa, na kadalasang mapapa “Ah…ganun pala ‘yun!” na lang ang makakabasa, na pasa-pasa lang din kung saan mang website o trip ng isang estrangherong espesyalista, na hindi na malaman tuloy kung sino at ano ang totoo. Kung matuwa man, like o share button lang ang katapat at presto! Dagdag kaalaman kuno para sa lahat ng mga katulad nateng ignorante.

            Hindi mo napapansin, nabubuhay na tayo sa “copy + paste” syndrome, sa ngalan ng dagdag kaalaaman.

            Hindi mo ba nahahalata, na ang mga litanyang “A recent study shows…”, “Scientists says that…”, “Clinical study shows that…” eh isang napakalaking OK at mabilis pa sa mga tatakbong senador na paniwalaan? Sa panahon naten ngayon na pindot na lang ang kasagutan sa mga katanungan, at simbilis na lang din ng pindot para maniwala ka at sirain ang sariling paniniwala dahil sa pasa-pasang impormasyong walang assurance kung totoo, madaling magpaikot ng utak ang mga taong walang ibang pinagkakaabalahan sa buhay kun’di pagaralan ang mga bagay na sa tingin ko eh hindi naman gaanong importante.

            Dumadami ang mga espesyalista at pagaaral sa mga bagay na hindi naman pinroblema ng mga unang taong naka-discover ng apoy.

            Hindi ka tuturuan ng blog na ‘to na pasinungalingan ang lahat ng mga recent o scientific studies ng mga dalubhasa. Mahirap makipagdebate at argumento sa kanila lalo pa na may pinanghahawakan silang degree at mataas na tuition fee nung mga panahong nagaaral pa lang sila. Mas maganda kasing maging observant o mapanuri MUNA sa mga bagay na hindi dapat agad-agad paniwalaan.

            Tingnan mo, maraming nagkalat na libro ang magtuturo sa’yo ng kung ano-anong mga bagay na hindi mo alam, at maluwag sa kalooban nilang ise-share sa’yo sa mga oras na mauto ka nila para bilhin ang librong naglalaman ng katakot-takot na trivia, na maswerte na iilan lang ang nakakaalam. At iilan lang din ang kabibiliban.

            Ngayon, naitanong mo na ba sa sarili mo kung makabuluhan ba o may katotohanan ba ang lahat ng mga facts o trivia na nababasa mo?

            Eh ano naman ngayon kung malaman mo ang mga bagay na hindi mo naman talaga magagamit sa everyday life?

            Sinasabing maraming nakatagong impormasyon ang mundo na HINDI kailanman napasama sa mga subject nung mga panahong nakasukbit pa ang ID mo at plantsadong uniporme. Mga bagay na hinding-hinding-hindi mo malalaman kung hindi mo gagamitin ang sariling curiosity at common sense. Never mong malalaman kung hindi ka magtatanong at sisimulan ng gawing tambayan ang library.

            ‘Yung mga sinaunang templo, rare na bato, lumang libro, sinaunang mapa, abnormal na bungong nahukay sa kung saan eh pinaniniwalaan ng mga eksperto (ulit) na ang mundo noon pa man ay misteryosa na. Na ang mga naunang bagay ay may nakatagong code na maaring makatulong sa pag-predict ng mga darating pang maraming-maraming future. At maaaring apektado ito sa ekonomiya at lovelife ng nakararami.

            Teka lang, ano naman ang nasa isip ng mga taong gumawa ng templo na wala pang tulong-serbisyo ng mga nasa pulitika? Naisip ba nilang magtayo ng templo para hulaan ang nasa isip nila at paglaruan ang mga tao sa mga susunod pang henerasyon? Inisip kaya nilang maglagay ng code o problema sa mga mag-aaral kung bakit nila itinayo ang mga naunang templo? Sila-sila ba ang nagpauso ng mga kauna-unahang riddle sa mundo para matuwa tayo sa kung ano mang trip nila?

            Paano nagawa ang unang mapa kung wala pang nagkalat na satellite sa labas ng mundo at hindi pa naisisilang ang koponan ng NASA?

            May dalang kababalaghan ba talaga ang mga modern fossils?

            At paano nila nasabi ang mga sinaunang impormasyon, gayong ang panahon naten sa ngayon ang naglabas ng mga librong nahaluan lang ng impormasyon sa kung ano-anong libro at pasa-pasang bibig? Wala pang talkshows noon at showbiz talks na naglalaman ng malulupit na impormasyong nakakangilo sa ngipin?

            Sakit sa bangs ‘di ba?

            At ano naman kung malaman naten ang mga bagay na sila-sila ang nagsabi?

            Masakit isipin na may mga bagay na madaling paniwalaan ng walang patunay o ebidensya, basta galing sa laway at bibig ng taong maimpluwensya at kilala.

            Sa totoo lang, nasa panahon tayo ngayon ng mga bagay na nailalabas na ang mga impormasyong matagal ng pinagdadamot ng mga taong higit ang IQ sa nakararami. At dahil maraming tao ang gustong higitan ang nakararami at sirain ang mga naunang paniniwala, nagkakagulo ngayon ang tao na hindi malayong magkaron ng mitsa para sa World War 3. Sila yung mga taong kayang baluktutin ang naunang prinsipyo sa buhay. Kayang-kaya nilang gawing mali ang tama, at tama ang mali. Na sa isang pindot lang, kaya nilang ilihis ang mga tamang paniniwala ng tao, papunta sa mas miserable at komplikadong impormasyon at kaalaman, sa ngalan ng kapangyarihan.

            Paano kung ang mga pinaniniwalaan mo eh puro tsismis lang at walang katotohanan? Na ang lahat ng nalalaman mo ay puro sabi NILA?

            Tskt tsk tsk…sayang ang utak ng tao kung aasa lang sa teorya NILA.

            Hindi naman dapat paniwalaan agad ang mga impormasyong okey balang araw kahit pa galing sa nabasang mamahaling magazine o sikat na programa sa tv, damay na rin syempre ang impluwensya ng internet. Hindi porke marami ang humanga at sumang-ayon sa isang bagay na deskompyado sa totoong buhay, eh dapat share-share agad. ‘Wag basta-basta hahanga sa mga bagay na alanganin, kahit sabihin nilang ignorante ka sa maraming bagay.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!