Ang Makulay na Mundo ng Banyo
“Payag ka bahay niyo sinlaki ng Disneyland ,
pero walang banyo?”
Madalas kong basag-trip na tanong ‘yan sa mga kakilala ko.
Natural na marami ang papayag. Sinlaki ba naman ng Disneyland ?
Pero walang banyo? Comfort room?
Toilet room? Bathroom? Latrine? Powder room? Washroom?
Parang ang hirap naman.
Sa totoo lang, hindi naman natin
pansin o alintana kung naka-ilang beses na tayong naglabas-masok sa banyo, at kung
gaano man ito kahalaga sa buhay naten, kumpara sa bigas at I-Phone. Hindi ito
tulad ng sala na madalas binibigyan ng masusing pag-aaral at pagpapaganda.
Iilang oras lang ang ginugugol dito (depende sa haba ng session lalo na sa
kababaihan), kumpara na rin sa silid-tulugan. Kung meron man huling-huling
parte ng bahay na pwedeng problemahin, isa na diyan ang banyo (sa mga
anak-mayaman na mansion ang tinatapakan, mas marami silang kwarto na pwedeng
problemahin).
Naisip mo na ba minsan kung gaano
ba talaga kahalaga ang banyo sa buhay ng tao? Alisin mo na yung mga bagay na
hindi maiwasan talagang gawin gaya ng pagligo, pagbawas ng sama ng loob at
pag-ihi, ano-ano pa ba ang mga bagay na hindi mo namamalayan na sa banyo mo
lang pala nagagawa? (Kung lalake ka at binabasa mo ito, alam ko na ang nasa
isip mo. Bad yun)
Walang araw na hindi mo dadaanan
ang banyo. Wala ring eksaktong oras kung kelan ka lumabas o pumasok. Walang
makagsasabi ng eksaktong bilang kung ilang tao na ba ang nakapasok dito. Kung
gaano karaming tubig, sabon, shampoo, conditioner, toothpaste at kung ano-ano
pang sanitary hygienes, walang may alam. Bakit? Dahil hindi naman tayo
interesado kung anong mang nangyayari sa loob nito. Ang alam lang naten,
papasok lang tayo dito kung kelangan lang. Kung pakiramdam lang naten eh
tinatawag tayo ng kalikasan.
Maraming pwedeng gawin sa banyo, na
alam naman naten na ‘weird’ kung hindi normal gawin. Na-try mo na bang tumapos
ng isang libro sa loob ng banyo? O kumain ng pancit canton habang nakaupo sa
trono? Tapusin ang isang jigsaw puzzle? Maglagay ng xmas decors? Mag-band
rehearsal? Gumawa ng school project? O kahit magplantsa ng medyas? Hindi normal
‘di ba? Bakit? Dahil ang isang banyo ay maituturing na banal na lugar na
limitado ang galaw. Gaano man ito kalaki, magara man o simple, hindi lahat ng
normal na gawain ay pwedeng dalin sa loob nito. Dahil hindi natin napapansin,
may ‘special role’ ang banyo sa buhay naten.
Pero sino nga ba ang nakaisip ng
isang silid na tanging ikaw lang at sarili mo ang pwedeng gumawa? ‘Yung mga
bagay na ikaw lang ang dapat makakita? ‘Yung eksena na ayaw mo ipakita at may
dalang kahihiyan? Dapat bigyan ng parangal ang taong ‘yun dahil kun’di dahil sa
kanya, malamang, weirdo ang ikot ng mundo.
Paano kung walang banyo?
Imagine, panahon ng mga ninuno,
walang palikuran. Normal ang buhay. Wala silang iniindang germs. Walang
pandidiri. Walang panghuhusga. Kahit saan man sila abutin ng ‘tawag ng
kalikasan’, okey lang. Bakit? Dahil hindi pa ganun kaarte ang tao. Hindi pa
ganun kalala ang insecurities. At kaya nilang higitan ang edad ng isang tao
nasa Guiness book of records, sa ngayon. Kahit wala silang tissue at albatross.
Wala din silang pagpipiliang kwarto gaya
ng MALE/FEMALE. Wala pa akong nakitang banyo na apat ang pinto bukod sa male at
female.
Lingid sa kaalaman ng lahat,
matindi ang role ng banyo sa buhay ng tao. Parang pelikula. ACTION. Dito madalas nagaganap ang
suntukan o square ng mga kabataan lalo na sa mga high school students. Madalas
pwede na ring venue ng hazing. R-18.
Dito nagaganap ang mga damdamin ng mag-irog na hindi na mapigilan ang sakit ng
puson, kahit nakaw lang na sandali. SUSPENSE.
Madalas gamiting taguan ng mga bida sa pelikula ‘pag hinahabol ng serial killer
na tatanga-tanga. COMEDY. May mga
banderitas na nakasabit. Iba-ibang kulay, iba-ibang amoy. Madalas amoy singit. HORROR. ‘Yung eksena na naiihi ka na
tapos pagharap mo sa inidoro, may lumulutang na submarine. Hindi basta-bastang
submarine. At tulad ng suspense, paboritong lugar din ito ng mga multo na
walang arte sa katawan, lalo na ang ungdin. Dito nagaganap ang paboritong hobby
ng mayayaman at broken-hearted. Tama ka. Perfect venue para mag-suicide. FANTASY.
Itinuturing na studio ang banyo dahil dito lang inilalabas ng mang-aawit ang
kanyang awitin sa saliw ng tubig sa gripo at lagaslas ng bula dulot ng shampoo.
Parang isang dambana na kung saan dito natin nakakausap ang sarili natin habang
nakatingin sa salamin at inaamoy ang hininga sa umaga. ROMANCE. “Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?!”. Ilang beses na bang
ginawang kissing scene ang banyo? Kahit ikaw, nagawa mo na ‘yun ‘di ba? Yung
kahit saglit lang at romansang pato, pwede na. Kasi may biglang kakatok dahil
natatae na daw siya. Istorbo di ba? DRAMA.
Kung mahiyain ka, dito mo ibubuhos ang wagas mong luha dahil sa A.
broken-hearted B. Hindi mailabas na suka. C. Nagtatae. D. May ibang kulay na
likidong lumabas sa ari mo, ng hindi inaasahan. Yung kelangan ng antiobiotic. As in seryosong likido.
Walang banyo, walang ginhawa.
Napakahalaga ng banyo. Sa tuwing lalabas ka dito, marami ang nagbabago sa’yo:
magmula sa hininga, balakubak, libag, anghit o kahit na simpleng pagpapalaya ng
sakit sa puson, dito mo lang sila inaalis. Pinapawalang-bisa. Parang spa na
nakakaginhawa ng pakiramdam. Kumpletong spelling ng GINHAWA. Parang isang time
machine na paglabas mo sa ganitong uri ng kwarto, iba ka na. Malinis ka na. Ang
nakaraang amoy at aura ay kinain na ng inidoro at tuluyan ng lumubog sa kung
saan mang langit sila mapapadpad. Wala na ang sama ng loob. Success.
Pasalamat na nga lang ako dahil kun’di
pa nagloko ang sikmura ko, malamang wala rin akong matinong maisusulat hanggang
ngayon. Akalain ko bang banyo ang susunod kong topic? At bakit hindi? Hindi ko
na nga mabilang kung ilang beses na niya akong binigyan ng bagong pag-asa at
ginhawa. Milyong beses na niyang binago ang sarili ko, pisikal o mental man. Madalas
kasi na dito ako nakakaisip ng mga bagay na interesante habang nagbabagsak ako
ng atomic bomb. Parang library na puno ng idea ng mga libro, hindi nga lang
literal na pahina ng mga libro. Dito ko naa-aaply ang ‘concentration’. Malaya akong
nakakapagisip ng ako lang ang pwedeng magkomento, kesihodang tawanan ko ang
sarili ko o batukan anumang oras dahil sa mga bagay na sana , kahit pantasya o panaginip ay
magkatotoo.
(time-out, hugas lang ako ng pwet…)
Comments
Post a Comment