Matalinong Botante Ka ba? Weh?

Ngayon lang ako makikipagsabayan sa isyu na trending sa facebook ngayon (pero kahit saan ata trending). Gusto ko sanang makealam at manigaw (gamit ang blog) dahil hinding-hinding-hindi ako sang-ayon sa nasabi niya, pero napagisip-isip kong hindi pala ako dapat mag-react agad, lalo na, bayolante. Sa gantong paraan na lang ako aapela.

Hindi naman sinasadya, pero automatic talagang kumunot ang noo ko, kasabay ang “Ganun?” pagkatapos kong mabasa ang mga kataga ni Ginang Cynthia Villar na sa totoo lang, ang panget basahin. Parang hindi ko ata mapapalampas ang ganung uri ng usapin, lalo pa’t kilalang tao at malaki ang magiging impact nito sa darating na eleksyon (para sa mga hindi pa nakakaalam kung ano man ang pinagsasasabi ni Ginang Villar, hanapin na lang sa facebook o i-google). Hindi pwedeng “Yaan na naten siya!”. Dapat, “Wala sa ayos ah?!”.

Marami na ang nag-react at napahampas sa keyboard, pero hindi na ko makikisali dahil --- wala naman akong mapapala. Nasabi na ang nasabi, touch move. Hindi ko lang alam kung ano ang nakain ‘niya’ sa mga oras na nasabi niya ang mga salitang nakakainit ng ulo, hindi lang para sa mga nurse(s), kun’di sa lahat ng pinoy. O sadyang wala lang talaga siyang ideya kung ano man meron sa lifestyle ng mga nurses sa bansa, magmula unang semester, hanggang iyakan tuwing board exam.

Sa kabilang banda, may malaking epekto din pala ang ganung isyu. Marunong naman pala tayong kumilatis ng iboboto, pero bakit parang walang nangyayari? Bakit kelangan pang maging trending ang isang tao bago kilalanin at hanapan ng plataporma (o nagawa) ang isang kandidato, kung marunong naman pala tayong mamili? Hihintayin ba talaga naten sa internet kung sino ang maraming likes at shares sa pangangampanya para lang masabi nateng “Iboboto ko siya dahil ang ganda ng cover photo niya!”? Pataasan na ba ng followers at likes ang batayan ngayon para makapili ng kandidatong hindi mo alam kung saan galing ang perang ginagamit habang kumakaway sa entablado at sumisigaw ng kung ano-anong pangako?

Isang magandang sampol ang nagawa ni Ginang Villar na hindi lahat ng edukado at may alamat na apelyido e may lisensya na para tumambay sa malakanyang. Period.

Nakakarindi na nga ang mga paulit-ulit na paalala sa mga matatalinong botante na bumoto ng ‘tama’ at  piliin lang ang sa tingin naten e may mapapala tayo. Inuulan na naman nga ng samu’t saring tv ads/commercials ang lahat ng local channels sa Pinas (maging sa radyo at demonyong bus). Hindi mo na nga napapansin na ginagawa na tayong tanga ng ilang mga kandidato dahil naisip nilang sa araw-araw mong makikita ang pagmumukha nila, wala ka ng ibang choice kun’di iboto sila dahil nakakaaliw ang jingle at tv ads nila. At ‘yun ay kung tanggap mo na talagang ‘tanga’ nga tayo pagdating sa pagboto.

Pero nakakalungkot lang isipin na hindi naman lahat may pake sa eleksyon. “Ba’t pa ko boboto? Paulit-ulit lang naman nangyayari! T@#$%! walang pagbabago!”.

Hindi naman talaga magkakaron ng pagbabago kung ‘yung mismong botante, walang bago sa istilo ng pagboto. Sila ‘yung mga botanteng naimpluwensyahan lang ng media at ng kakilala, iboboto agad kahit hindi man lang sinasiliksik kung ‘sino’ man ang pauupuin niya sa palasyo at ilang libong beses makikita sa telebisyon, kung kontrobersya man o nakagawa ng batas. Angal ng angal dahil hindi nanalo ang magaling at matalinong kandidato, pero hindi rin naman bumoto. Sarap budburan ng vetsin ang kili-kili.

Hindi ko sinasabing ang mga bagong kandidato ang magsisimula ng pagbabago, at ang mga trapo e dapat ng manahimik sa sariling bahay at mamudmod na lang ng relief goods tuwing may kalamidad. Magandang pagaralan muna kung ano ang motibo at ipagmamalaki ng isang kandidato bago sila isama sa listahan. Madaling mahawa ang mga baguhan kung magpapahawa sa mga batikan. At mas nanaisin ko ng iboto ang mga trapo na alam kong maraming nagawa, kahit hindi sila umaamin kung nangurakot man sila, kahit isang beses.


Parang pagbili lang naman ng junkfoods ang isang kandidato: ‘wag basta-basta magtitiwala at mamamangha sa pangalan at balot nito. Magandang suriin muna ang sarili nitong nutrition facts para maseguro kung may sustansya man siyang idudulot sa bansa. Huwag basta mabubulag sa presyo, at buy 1 take 1.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!