Uy, Bad Words Yan!
Tutal lagi
naman nating isinasama sa araw-araw na buhay ang mga salitang ito, bigyan ko na
rin ng pansin para sa ikalalawak ng opinyon o pakahulugan naten sa dalawang
salitang hanggang ngayon ay hindi ko alam kung paano napasama sa bokabularyo
nating mga Pinoy. At kung bakit ang sarap silang isama sa bawat pangungusap na
bibitawan naten.
(kung nasa
edad 18 pababa ka at sagrado ang buhay mo, makabubuti na iwasang basahin ito
para na rin sa kapakanan ng iyong dignidad… Pero kung isa ka sa naguubos ng
oras katititig sa facebook, bahala ka na…)
Matagal ko
ng tanong sa sarili ‘to. Kahit ang google at wikipedia kasi wala namang
paliwanag sa dalawang salitang ito. Ikaw –-- sa tingin mo --- ano ang
pinagkaiba ng salitang GAGO at TANGA?
Halimbawa:
“Kinain mo
‘yung panis na tocino?! GAGO ka ba?”
“Kinain mo
‘yung panis na tocino?! TANGA ka ba?”
“Parang
GAGO ‘yung presidente. Parang walang alam…”
“Parang
TANGA ‘yung presidente. Parang walang alam.”
“Tingnan
mo ‘yung batang nangungulangot, parang TANGA ‘no?”
“Tingnan
mo ‘yung batang nangungulangot, parang GAGO‘no?”
Ngayon,
ano ang pagkakaiba ng dalawa?
Kadalasang maihahanay ang salitang “tanga” sa mga taong
hindi nagiisip. Isang magandang halimbawa d’yan ay ang mga taong malinaw naman
ang mata, nabasa naman ang babalang “HUWAG TUMAWID DITO. NAKAMAMATAY”, tumawid
pa rin. Eto lang ah --- alam ba niya sa sarili niya na tanga siya o gusto niya
lang ma-experience ang “nakamamatay” na babala? Naku naman, kahit ang hindi
nakatuntong ng hayskul ay maiintindihan ang gustong ipahiwatig ng
pagkalaki-laking babala. Hindi pa ba epektibo ang salitang “nakamamatay” para
magdalawang isip ang isang taong tinatamad gumamit ng overpass? Eh kung i-edit
kaya ng MMDA ang babala at gawing “TANGA KA ‘PAG TUMAWID KA SA NAKAMAMATAY NA
KALSADANG ITO!”, tatawid ka pa kaya?
‘Yung mga taong gusto ng pagbabago at demokrasya pero
bumoto ng tangang pangulo (Sali mo na rin ang ilang senador, congressman/woman,
mayor, konsehal at kahit na kagawad lang), eh mas tanga. Wala ng mas tatanga pa
sa taong naniwala sa isa pang tanga. Eto ‘yung mga taong ang daming reklamo sa
buhay at madalas sisihin ang gobyerno pero hindi naman gumagamit ng
sentido-komon tuwing eleksyon. Susme, kung tanga ang pangulo, tanga ang
botante, tanga ang gobyerno, eh ‘di parang sinabi mo na rin na tanga ang Pinas!
‘Yung ilang mga pulitika na nagpapagawa ng kalye tuwing
tag-ulan ay tanga; ang magyosi sa “non smoking area” ay inubos na ng nicotine
ang utak dahil sa pagiging tanga; ang pagbayad ng sampung piso ng isang pasahero
at tanungin ng driver kung “ilang” ay nuknukan ng tanga at wala ng mas tatanga
pa sa ilang pulitiko’t pulitika na hindi alam ang salitang “kurapsyon” na
talaga namang tinubuan ng katangahan sa utak.
Sa kabilang banda, ang gago ay isang salitang naglalarawan
sa isang gawain na inalisan ng kahihiyan o ang mga makakapal ang mukha (“Gago
ka, ba’t mo kinain ‘yung pigrolac?!”). Bagay dito ‘yung mga pulitiko’t pulitika
na walang habas na nilampasan ang salitang “kurapsyon”. At mas bagay sa kanila
ang itapon sa bulkan.
Tanga ang isang taong tumawid sa maling tawiran, pero gago
ang isang traffic enforcer na sumenyas pa na bilisan ang kanilang pagtawid. Ang
pangit ng kombinasyon. Kagaya na rin ng isang gagong isnatcher na ini-snatch
ang cellphone ng isang tangang tao na alam na niyang pugad ng snatcher ang
lugar pero proud na proud sa sarili na meron siyang mamahaling cellphone.
Tanga ka na nga dahil nagyosi ka sa
isang non-smoking area, eh pa’no pa kung nasa tabi mo na ang tapunan ng upos
pero nilaglag mo pa rin sa paanan mo at basta mo na lang tinapakan? Gago ka
p’re… no less.
Ang pinagkaiba lang naman ng
dalawang salitang ito eh ang paraan ng paggamit. At pwedeng isigaw, mapa-babae
man o lalake; gago kay adan, gaga kay eba. Ewan lang kung tanggap ng lahat ang salitang tange, na minsan na ring
dinadagdagan ng “k” sa dulo para mas sosyal at mabawasan ang impact at epekto
sa isang tao (“Bakla nalaglag ka sa kanal? Tangek ka talaga!”). Nag-evolve na
rin ang salitang tangek sa salitang bekimon na “shongak” na halos 40% na lang
ang epekto sa sinumang masabihan nito, samantalang ang gaga ay naging gagita
na.
Pero mga floyd, ang magkapatid na
salitang ito ay kailanma’y hindi na maituturing na miyembro ng mga
ipinagbabawal na salita. Mas pipiliin ko ng maging expression ang dalawang ito
kesa sa P!@##$% INA, o ‘yung ilang maseselang parte ng babae. Alam na kasi ng
isang tao kung galit ka sa tuwing masasabi mo ang mga salitang ito. Madaling
intindihin. At sakop kasi nito ang kalimitang damdamin natin na nakatutulong para
magpahayag ng hinanakit, galit, pagkabigla o minsan na ring pagkatuwa. At hindi
‘yan napipigilan tulad ng hindi inaasahang utot.
Sa araw-araw na ginawa NIYA, kelan
mo ba hindi masasambit, KAHIT ISA ang mga salitang ito? Makita mo lang ang mga
nakahambalang na pagmumukha ng ilang mga pulitiko tuwing panahon (o hindi man)
ng eleksyon, gago na agad sila. Tapos tanga ‘yung nagpaskil noon sa
ipinagbabawal na lugar ng paskilan. ‘Yung jeepney driver na tanga magsukli.
‘Yung gagong pulis na nabubuhay sa kotong. Kaya wala na, gaguhan na talaga.
Napapalibutan na tayo ng mga likas na tanga at gago. Epidemya na wala ng lunas.
Kung meron man, kagaguhan na lang.
Kagaguhan ang pagkakaroon ng isang gobyernong tanga.
Katangahan naman ang pagkakaroon ng pagbabago na hindi iniisip kung kelan at
kung paano. Nasusunog na ang utak ng tao sa paghihimay ng ilan kung alin ba ang
katangahan at kagaguhan, kaya p’re, ‘wag mo ng dagdagan pa.
Comments
Post a Comment