Onli In Da Pilipins Part 5: Ang Ating Pelikula(ng)
Nakakapanibago.
Hindi ako sanay. Mantakin mo, sa loob ng mahigit isang dekada, ngayong taon
lang absent sa MMFF (Metro Manila Film Festival) ang Shake, Rattle & Roll?
Baka
naubusan na ng nakakatakot(?) na short story kaya nagbakasyon muna?
Noong
dekada nobenta, pag naglalabas ng bagong franchise ang Shake, Rattle & Roll, talagang nakakaramdam ako ng takot at mas
madalas na hindi ko matapos-tapos panuorin. Sabagay, normal naman yun sa isang
batang tulad ko (noon yun ha? Nire-remind lang kita) na hindi pa ganun kamulat
kung ano at alin ang nakakatakot. Hindi ko pa alam kung ano ang silbi ng CGI at special effects. Basta may lumabas na multo, aswang o babaeng may
apelyidong ‘Napoles’, hindi ko maiwasang makaramdam ng takot at kaba. Takot na
halos iwasan kong umihi sa madaling-araw. Matindi pa ang term ng horror sa’ken.
Noon. Pero nung tumagal, parang nawawala na ang essence ng mga salitang shake, rattle at roll. May mga pagkakataon
kasi na mas lumilitaw ang pagiging science fiction at comedy kesa sa horror.
Parang magbabago
na nga ang takbo ng MMFF ngayon.
Bukod sa absent ang SRR, missing in
action na rin si Enteng at Agimat. Kung naubusan man sila ng
istorya para magkaron ng sequel, hindi ko alam. Kung prequel naman, aba’y
siguro medyo cool. Baka lang naman.
Ewan lang
ha, pero siguro nasanay lang ako na lagi silang may sequel kaya pakiramdam ko
iba talaga ang MMFF ngayon.
Manila Kingpin ang huling nuod ko ng isa sa mga
entry ng MMFF. Yun lang kasi ang sa
tingin ko ay ‘naiiba’ sa lineup. Kinunsinti kasi ako ng subconscious mind ko na manuod ng aksyon kasi matatagalan daw bago
maglabas ulit ng action movies ang ‘Pinas. Na-enjoy ko naman ang nasabing
pelikula kaya ayos na rin. Hindi na masama.
Medyo hindi
ata maganda ang naging resulta ng El
Presidente noong nakaraang taon kaya naglabas ulit ng action movie si George Estregan ngayong 2013. Matapos
ang history ni Asiong Salonga, si Boy
Golden naman. Astig. Mabuti at hindi na ulit matatagalan ang pag-aantay
kong makapanuod ng action films na gawa sa ‘Pinas. Hindi ako alam kung sequel
yun para kay Asiong Salonga. Okey na rin. May dahilan na naman ako para manuod
ng sine.
Sa totoo
lang, bibihira ako manuod ng mga tagalog movies. Hindi dahil sa walang time o
walang budget, pero ang dahilan ko e…wala. Hindi ko type. Ewan. May hinahanap
akong quality ng pelikulang Pinoy kaya mas madalas na mga English movies ang
binibigyan ko ng pansin. Mas updated pa ko sa mga pelikulang labas kesa dito sa
Pinas.
Hindi sa
ayaw ko ang mga pelikula natin. Siguro ang dahilan ko lang e gusto kong masulit
ang pera ko kung sakaling tatambay man ako ng sinehan, para manuod at hindi
magpalamig o makipagkwentuhan. Gaya
nga ng sinabi ko sa ODP part 1 (mga telenobela), ayokong manuod ng isang
programang mismong sarili ko ay kaya kong gawan ng buod o ending, kahit sa
trailer pa lang. Ang gusto ko lang naman e may thrill, may sense, astig, cool
at higit sa lahat, unique. Yung iba naman. Yun bang nasa cast of characters na ko e masikip pa rin ang daloy ng dugo sa utak
ko kakaisip ng istorya ng pelikula.
Madami na
rin naman akong napanuod na Pinoy Films, hindi nga lang sa sine. Mas madalas na
napanuod ko na sila sa cable channels. Sige na nga, pati na rin sa mga 18 in 1 dvd’s. Kilala ko ang mga
pelikula ni Robin Padilla, FPJ, Andrew E., Vic Sotto, TVJ at Michael V., at
marami pang iba. Kilala ko nga si Rene Requestas, Panchito, Palito, Paquito
Diaz at Babalu e. Tsaka baka tamarin ka ng magbasa nito kung babanggitin ko ang
lahat ng mga pelikulang napanuod ko na sa kanila.
Walang
dahilan para ayawan ko ang karamihan sa mga pelikulang Pinoy. Ayoko lang
pilitin ang sarili ko sa hindi ko gusto para lang maging ‘in’ at sumabay sa
uso. Wala namang batas na kelangang panuorin mo kung ano at alin ang uso.
Hindi naman malabong makagawa tayo
ng mga world class na Philippine
movies, di ba? Nakagawa nga tayo ng OTJ
(On the Job) na hinangaan pa ng maraming bansa. Mismong Hollywood e napa “Wow pare ang astig!” sa kakaibang pelikula na
ewan kung bakit inabot ng maraming panahon bago mai-produce. Nung mga oras na
ibinabalita sa tv kung paano na-impress ang Amerika sa OTJ, nasabi ko na lang sa sarili ko na “Pwede naman pala tayong
gumawa ng ganun e…”.
Inaantay ko na nga lang na magkaron
tayo ng sarili nating version ng Lord of
the Rings o Harry Potter, PERO
dapat may originality. Kumbaga sa spaghetti, Pinoy style dapat.
Nakakatuwa lang isipin na kahit
gasgas, paulit-ulit at copycat ang
mga pelikulang inilalabas ng Pinas nitong mga nakaraang taon (dekada?), may mga
taong kumbinsido pa rin na ang pelikulang Pinoy e dapat tangkilikin, hindi
dahil sa usaping kwalidad, kun’di dahil sa 1. uso 2. sikat ang artista
3. bagong love team 4. maangas(?) ang special effects. Marami
pa rin sa atin ang gustong gumastos para lang sa isang pelikulang ang hirap
hanapan ng mga salitang originality, cool, astig at uniqueness.
Napansin mo ba na nitong mga
nakaraan e halos lahat ng mga love story movies na lumabas e puro ‘sulutan’ ang
tema?
Sa totoo lang, may sakit ang
pelikulang Pinoy. Ang mangopya, wala ng iba. Mahilig tayong gumaya kung saan
naagaw ang atensyon ng marami. Madalas nating sundan ang yapak ng mga naging successful. Basta kumita sa takilya,
nag-blockbuster at nabansagang “Bossing number one…number one…number one!”,
asahan mo ng may film production na maiinggit at aabutin lang ng ilang buwan,
makakapaglabas din sila ng sarili nilang version. Title lang pagkakaiba. Sabagay, hindi na ko magtataka. Kahit nga
ang OPM, nawawala na ang salitang ‘original’ dahil mas lamang sa’ten ang revival at acoustic version. Ewan kung tinatamad na ba ang mga pinoy artists
sa salitang original kaya “Tara mag-acoustic version na lang tayo tutal kilala
naman na tayong artist sa Pinas kahit malabo na tayong magkaron ng second album!”.
Sa part 6, pagu-usapan natin ang
OPM. Ayos, instant topic agad!
Alam ko, alam na alam mo na kung ang
mga pelikula ay gawang pinoy. Marami ng writer/blogger ang pumuna sa sistema ng
pelikula ng Pinas kaya isa ako sa dadagdag sa kanila. Mananariwa at mamumuna
tayo kung ano-ano ang anatomy ng Philippine movies:
Action –
mamili ka: rebelde, revenge, pag-ibig, pera, politika at lokohan. Ilan yan sa
mga pwedeng maging topic ng kinikilala nating action movies. Hindi kelangan ng
istorya. Ang kelangan lang e maraming suntukan, basagan ng bote, kidnap-an,
bedscenes, lumang factory, habulan ng mga lumang sasakyan na pasasabugin at
ire-replay ng hindi bababa sa tatlong beses at daldalan habang may hawak-hawak
na baril. Tapos.
Comedy –
hindi pa kilala ang ‘Vice Ganda Syndrome’ (see “Vice Ganda Syndrome” blog) kaya
sikat pa ang slapstick joke. Ang lahat ng nakakatawa ay naayon sa ikikilos ng
komedyante. Ang comedy films ay binubuo ng mga sumusunod na eksena:
-
May
batukan portion
-
habulan
habang paikot-ikot sa mesa ng paulit-ulit na naka 2x fast forward
-
may
kaunting action bago mag-ending
-
may
kaunting drama para sa moral lesson
-
ang
pangit na bida ay may gwapo/magandang partner o vice-versa
-
may
mga green jokes at green moves (e.g. banggaan ng boobs)
-
marami
pang iba
Horror –
kung nakapanuod ka na ng mga naunang version ng Shake, Rattle & Roll,
maiintindihan mo na kung bakit may horror din ang Pinas kahit papano. Uso pa
kasi noon ang mga original horror characters natin gaya ng aswang, mananangal, kapre, nuno sa
punso, undin, tiyanak, tiktik at ilang mga senador na naninirahan sa haunted
house. May mga white ladies din tayo kahit kayumanggi naman talaga ang mga
Pinoy. At speaking of haunted house, common scenes na sa isang horror films ang
mga haunted house, lalo na yung luma. Mas mabenta kung noong panahon pa ni
Rizal at Bonifacio yung pagsyu-shoot-ingan ng movie. Hindi pa ko nakapanuod ng
horror movies ng Pinas na sa mall o sinehan naganap. Best selling kasi ang
ospital, lumang bahay sa probinsya, apartment at sementeryo. Minsan try din
nila sa mga amusement park o sa Malakanyang.
Napansin mo rin bang nung panahon ng
kasikatan ni Sadako, dumami ang mga kamag-anak niya dito sa Pinas?
Romance –
hindi ako mahilig sa ganitong tema. Hindi kasi ako madaling tablan ng sinasabi
nilang ‘kilig-movies’. Inuulit ko, hindi sa ayaw ko ng ganitong movies. At
hindi rin ako KJ. Napanuod ko na ang ilang Korean movies na natuwa at na-astigan
ako gaya ng My Sassie Girl, A Moment To Remember,
Windstruck at 200 pounds Beauty (tama ba?). At ang mga yun ay masasabi kong
astig at approve. Bakit? Panuorin mo na lang.
At gaya ng tradisyon, ang romance ng Pinas ay
binubuo ng halikan, sulutan, sampalan, iyakan at minsang umaabot na rin sa
pagiging bayolente. Kaya hirap ang MTRCB kung saang kategorya ilalagay ang
romance films. Kung rated PG ba o SPG. Mas madalas kasi na R18 dahil sa
sulutan. Masama yun. Nasa ten commandments yun.
Hindi rin tayo hirap mag-isip ng
title ng movie. Title lang ng kanta, tapos na ang usapan. Mas madalas pa nga na
salitang ingles ang title ng movie. Para mas
cool daw panuorin. Magiging mahalay kasi kung tagalog yung title. O kaya
magiging comedy. Ayaw mong maniwala? Subukan nating mag-translate:
Endless Love – Walang Katapusang
Pag-ibig
My First Romance – Ang Una kong
Romansa
My Amnesia Girl – Ang Babae kong
Makakalimutin
No Other Woman – Walang Ibang Babae
My Neighbor’s Wife – Ang Asawang
Babae ng Aking Kapit-bahay
You Changed My Life – Binago Mo
ang Buhay Ko
Got to Believe – Dapat Maniwala
The Mistress – Ang Kabit; Ang
Kerida; Ang Kalandian; Ang Ka-flirt
When I Met You – Nang Makasalamuha
Kita
Love at First Sight – Pag-ibig sa
Unang Tingin; Pag-ibig sa Unang Kita; Pag-ibig sa Unang Sulyap (bahala ka na
kung ano term mo ng ‘sight’)
You Are My Everything – Ikaw ang
Lahat sa Akin; Ikaw ang Lahat ng Bagay Sa Akin
One More Chance – Isa Pang Tiyansa;
Isa Pang Pagkakataon
Till My Heartache End – Hanggang
Matapos ang Sakit ng Puso Ko
One True Love – Isang Tunay na
Pag-ibig
In The Name of Love – Sa Ngalan ng
Pag-ibig
Won’t Last a Day Without You – Hindi
Kayang Tumagal ang Araw ng Wala Ka
O ‘di ba? Malilito ang mga manunuod
kong love story ba ang panunuorin nila o comedy. O kaya indie film na mahalay.
Suspense –
Bihira ang ganitong kategorya. Madalas kasi na kahati nito ang horror. Sabagay,
hindi uso sa Pinas ang salitang ‘serial killer’. Pero kung ang tingin mo sa mga
senador e serial killer, hindi kita pipigilan diyan. Apir!
Bold/Porn/R18
– wala na din ‘to. Dati halos lagi akong nakakapanuod ng mg trailer ni Rosanna
Roces. Madami pang sumikat na bold/sexy star noon na hindi pa pino-protesta ng
mga…yun na yun. Basta, wala na sila. Wala ng ibang meaning ang mga salitang pinya, pakwan, papaya, talong at santol.
Drama - Nora Aunor. Vilma Santos. Sharon Cuneta.
Lorna Tolentino. Maricel Soriano. Ilan lang yan sa mga astig na drama
artists ng Pinas. Sad to say, missing in action na sila ngayon. Gaya ng mga action movies,
limot na ng tao ang makapanuod ng mga pelikulang makapagpapaluha. Meron man,
nasa Indie films na sila nakatambay.
Ano ba naman ang drama kung walang
iyakan (to the highest level), murahan, palitan ng bad words, sampalan at
yakapan sa huli?
Sci-Fi –
Dati ng kilala si Captain Barbell, Darna,
Lastikman, Super Inday at Kumander Bawang. Bagong sibol lang sila Gagamboy,
Super Inggo at Kristala. Pero sila Wooly
Booly (tama ba?), Rubberman at Extrang
Hero, kilala mo ba?
Pinoy version lang ni Superman si Captain Barbell na halos pareho lang din ang istorya kung paano
nagsimula. Hindi rin naman nalalayo ang imahe ni Darna kay Wonderwoman.
Kahit si Lastikman e si Mister Fantastic ng Fantastic Four. At si Gagamboy??? Nagkakamali ka. Hindi niya ginaya
si Spider-Man. Basta. Malabo yun.
Napansin mo bang kung nasan ang
superhero, nandun ang gulo? Ibig sabihin, ang pasimuno talaga ng gulo at away
ay yung superhero na laging nandadamay ng mga inosente. Madalas babaero o
salawahan pa.
Pag nagkaron pa ng Pinoy version ng
Justice League, hindi na ko magtataka. Promise.
Hindi ko na hinahangad na magkaron
tayo ng Lord of the Rings, Harry Potter,
Twilight Saga o Titanic. Ang inaantay ko e magkaron tayo ng mga pelikulang
disaster ang tema. Mala-Deep Impact, The
Core, Twister o kaya 2012. Kaso
mukhang malabo
yun. Kelangan kasi ng limpak-limpak na salapi para sa ganung pelikula. Ang mga
talent artists palang, mataas na ang budget, pano pa yung special effects at
libo-libong ekstra?
At bakit wala pa tayong mga
pelikulang sinakop tayo ng mga alien-g walang magawa sa sariling planeta?
Ay meron na pala. Si Kokey. Yung
alien na mukhang ari ng lalake na na-impeksyon.
(Cast of Characters)
Comments
Post a Comment