Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Totoo, na mas naalala natin ang isang guro/titser dahil sa mga kapintasan nito kesa sa mga naituro nito sa’ten nung mga panahong kinakagat-kagat pa natin ang mongol para sa extension ng buhay ng pambura at auto-sosyal mode ka na agad kung sign pen ang gamit mo nung college ka (ayon kay Ginoong Joselito Delos Reyes). At kahit hindi pa kumpleto ang common sense natin nung ‘mag-a-aral’ pa lamang tayo, nabigyan na natin sila ng ‘code name’, na mas madaling bigkasin kesa sa apelyido nila (P.E. teacher ko dati, kahawig na kahawig ni Chiquito, peksman!).

Minsan pa nga, naalala natin sila base sa kung pano sila manamit, magsalita, magmura at pumorma. At kung susuwertihin, naalala natin sila dahil naging crush natin sila.

Pero dahil sadyang ipokrito/a tayong lahat, pinasasalamatan din naman natin ang lahat ng mga guro-slash-titser kahit sinumpa at inulan na natin sila ng mura makalipas ang halos isang dekada. Ganyan natin sila na-appreciate.

Mahirap din isipin na minsan sinisisi natin sila kung bakit minsan barok tayo mag-ingles dahil sa nakakatawang accent nila, kung bakit hanggang ngayon missing in action pa rin si ‘x’ lalo na sa algebra, at kung bakit laging hinahanap ni Maria Clara si Crispin at Basilio. “Wala akong natutunan kay [insert your favorite teacher here], kaya mahina ako sa english. It so ampeyr!”

Gaya ng marami sa’ten, iba’t ibang klase ng guro/titser na ang nakasama natin ng halos isang taon, bawat taon (except sa mga repeater). At sa dami nila, meron pa din akong naaalalang mga guro/titser na hanggang ngayon e hindi ko makakalimutan.

Part 1: Mababang Paaralan

Meron akong titser sa Sibika at Kultura (kaway-kaway mga batang 90s!) na sa sobrang terror e mas gugustuhin ko ng magkaron ng lindol kesa pumasok sa subject niya. Para siyang si Medusa, tingin pa lang niya magiging bato ka na. Eto, totoo to. Hindi ito talk-shit o kwentong barbero lang. Nasubukan ko ng tumapos ng isang subject ng walang short isang beses sa klase niya. Oo, walang short. Polo at underwear lang ang nakaharang sa katawan ko habang pasimpleng nagtatawanan at nagpipigil ng hininga ang mga kaklase ko. Ano ang kaso ko? Simple lang. Pinakabisado lang naman sa’min ang buong eksena ng pagbabakasyon ni Magellan dito sa Pinas hanggang sa maging biktima siya ng extrajudicial killings. 6 pages yun, baligtaran. Kinabukasan, kelangan mong ikwento sa buong klase yun, magmula sa unang salita hanggang sa huling tuldok, kahit pa narinig mo na yun sa mga naunang kaklase mo na maagang niregla sa sobrang kaba. At dahil mahina ako sa memorization, kelangan kong tanggapin ang parusa: hubarin ang short hanggang matapos ang klase. Swerte, dahil marami-rami kaming naparusahan (kasali babae nun). Malas, dahil nadiskubre nilang ako lang ang naka-brief noon na sira ang garter.

Yema. Dahil sa matamis na punyetang yan e naranasan kong magka-grado ng 85, instantly sa Filipino subject. Hindi dahil sa pagbibigay ng temporary wisdom nito sa utak, kun’di dahil kelangan kong bumili nito bilang ‘special project’. Ayaw kong maghinala na modus lang yun dahil marami naman sa’min ang na-hook sa marketing ni titser. Wala akong idea kung ano ang special project noon kaya kahit dalawang piso na lang ang pera ko, pikit-mata akong bumili ng yemang mas matigas pa sa chalk.

Nagkaron din ako ng titser noon na parang mannerism niya ang manakit. Babae siya. Pero mas malupit ang tantrum niya pag nasira ang mood. Para siyang si Gambit, lahat ng pwede niya mahawakan ibabato niya. Eraser, chalk, chalk box, ruler, thumbtacks, libro, notebook at halamang nasa paso. Seryoso. Hindi ko na matandaan kung anong halaman yun, pero natatandaan ko pa rin kung paano niya mabilis na dinampot yun at hinagis sa bandang likuran namin. Bukod sa kurot sa singit, paghila ng patilya at pagpalo sa kamay, catch and throw ang paborito niyang hobby sa klase niya na ewan kung may kinalaman yun sa Music.

(Ni minsan, hindi ko nagawang magsumbong sa DepEd nun)

Part 2: Mataas na Paaralan

Ipinahamak ako dati ng chewing gum. Isang hapon, P.E. subject. Sinita ako ng titser ko nun, bakit daw ako naka-chewing gum sa klase niya, bad breath daw ba ko (folk dance ang tinuturo niya sa’min). Natural mente, comedy sa tenga ng mga kaklase ko ang mabara ng titser lalo pa’t hininga ang pag-uusapan. Hindi ko alam kung wala lang ba ko sa mood nun o sumobra lang ang sugar content nung chewing gum kaya naisipan kong ibalik sa kanya ang tanong niya. “Bakit Ma’am, nung nag-chewing gum kayo bad breath din kayo?”. Yung tawanan ng klase, dumoble. Yun nga lang, hindi na ako yung pinagtatawanan. Ending, sa harap ng guidance counselor ko nilunok ang chewing gum ko (binagsak niya din ako).

Meron akong trip na trip na titser nun sa Values Education. Napaka-cool niya. Sobrang understanding at hindi napipikon. Ganto ang routine niya: papasok siya sa klase, magsusulat ng topic sa araw na yun, magtuturo habang palakad-lakad siya sa harap namin (nang hindi tumitingin sa’min) na magtatapos sa pa-assignment. Buburahin ang sinulat, kukunin ang gamit saka dire-diretsong lalabas. Normal ba? Hindi. Imadyinin mo yung eksena niya habang kami e nagkukuwentuhan lang at nagdadaldalan. Yung bang wala siyang pakelam sa’min, at wala din kaming pakelam sa kanya. Walang nakikinig sa kanya at wala rin siyang sinisita sa’min. Astig. Idol siya.

Titser ko sa Economics, masyadong seryoso sa buhay. Lahat ng aspeto, kilos at pananaw namin, ire-relate niya sa ekonomiya. Kesyo uunlad daw ang Pinas kung mas maganda ang gupit naming mga lalake. Na mas tataas daw ang halaga ng piso kung matututunan lang ng mga babae na pumili ng tamang kulay ng lipstick base sa kung saang row sila nakaupo. Na mas lalakas pa ang ekonomiya ng bansa kung idadaan na lang sa pagpapa-xerox ang babasahin namin. Naintindihan ko naman siya. Ayaw niyang mapagod ang mga kamay namin at sayangin ang tinta ng ballpen para lang kopyahin ang isang buong blackboard ng lecture (take note: nagtitinda din siya ng ballpen).

First subject ko nung 4th year ang Physics. Unang subject pa lang, nakakadugo na ng utak, pano pa kung pinapa-almusal ka na rin ng mura? Oo, yung mga bad words na madalas mong naririnig sa inuman. “P*** i** nyo, ang tatamad nyo! Ang simple-simple ng assignment ko, hindi nyo nagawa? Mga p*** at bobo kayo! Sinisira nyo agad ang araw ko mga letse kayo!”. Gusto ko siya murahin, hindi dahil sa minumura niya kami, kun’di dahil sa hindi ko ma-gets ang theory of relativity (naka-bonding ko na din siya kasama ng guidance counselor, at oo, binagsak niya din ako).

Part 3: Pinakamataas na Paaralan

Nagkaron ka na ba ng titser na puro pleasing personality lang? Na ewan kung paano siya naging titser? Kakaiba talaga, as in. Pogi si Sir *toot*, at hindi na kami papalag dun. Ang kaso, kung ano ang kina-pogi niya, yun naman ang…ano ba…kahinaan niya sa pagtuturo. Saan ka naman nakakita ng titser na sa estudyante pa nagtatanong kung ano ang ituturo??? Kun’di ba naman tinamaan ng kulangot ni Zeus, pano ko ba siya tatawaging ‘sir’? Maswerte na nga lang kami kung sisimulan niya kami sa linyang “Guys, our lesson for today is…”. Pero gaya ng gradong uno na bibihira mo makita sa report card, ganun din ang trip niya sa pagle-lecture. Bihirang-bihira yung prepared siya at gagamit ng white board. Pero wag ka, lagi kaming may quiz na ewan kung galing sa slum note ba yung mga tanong niya, na sa sobrang simple e gusto mo ng palitan yung pwesto niya.

Pagsamahin mo ang terror na titser at librarian. Anong resulta? Wala naman. Ayos lang naman lalo na kung matututunan mong huwag huminga ng isang oras. O pahintuin ang daloy ng dugo. O kalimutang kumurap. Pwede ring magpanggap na statue, wag lang masita. Ganyan na ganyan ang eksena namin sa basic accountancy. Yung klase namin, nagkakaron ng sariling time zone sa sobrang tahimik. Dalawang ingay lang ang maririnig mo sa klase niya: yung boses niya at yung tibok ng puso mo. Wala ng iba. Ganun siya kalupit. Balak ko sana siyang tanungin kung idol ba niya si Hitler pero sinarili ko na lang. Awa ng Diyos, naipasa ko siya.

Maswerte na yung magkaron ka ng titser na dalawa ang personality. Yun bang titser sa umaga, tropa sa gabi. Naalala ko siya, ang kaisa-isa kong titser sa computer subject na pwede mong ihiwalay ang personal na buhay gamit ang computer habang nagtuturo siya. Magaling siya kung pagtuturo lang ang pagu-usapan. Entertaining at mae-enjoy mo ang subject niya na ikaw na mismo ang parang mabibitin sa oras, kahit isa’t kalahating oras ang subject niya. After ng klase niya at makasalubong mo siya sa hallway o sa labas ng campus, tropa-tropa na yan. Ganun siya kamahal ng mga estudyante. Pero gaya nga ng matatandang paniniwala, yung mga mababait pa ang maagang kinukuha ng langit. Maaga siyang kinuha ni Lord dahil sa komplikasyon sa baga. Wala pa siyang trenta noon, napakabata pa talaga (RIP sa’yo Ma’am).

Gaya nga ng sinabi ko kanina, anuman ang naging papel ng mga guro-slash-titser sa’ten, dapat tayong magpasalamat sa kanila. Sa kanila natin unang natutunan ang mga basic na bagay, at sila rin ang nagmulat sa’ten na ang utak ay dapat ginagamit, kahit paminsan-minsan. Kaya late man ang blog na ‘to, gusto kong batiin ang lahat ng mga guro-slash-titser sa buong mundo ng belated Happy Teacher’s Day. Kun’di dahil sa inyo, hindi ko matututunan gumamit ng computer. Kaya kung ikaw man ay isang guro-slash-titser na nagbabasa nito, ikaw ang tunay na idol.

At para sa lahat ng mga future guro-slash-titser, alam nyo na ang gagawin. Peace.


May I go out?

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Bawal Basahin Ito!