High School Reunion

Hindi ko alintana ang nararamdaman kong antok, pagod, gutom at nagbibisi-bisihang mga kalye ng gabing iyon dahil sa dami ng mga babiyahe ngayong kuwaresma. May tatahakin akong ilang kilometro din ang layo at humigit-kumulang na 2 oras na biyahe (dahil alam mo naman ang traffic, parang pirated cd, kahit saan meron) para sa isang kasiyahang inabot ng isang buwan na pagpaplano. Sana lang nga eh maraming sumipot. Sa pagkakaalam ko, medyo busy na rin ang lahat sa kanya-kanyang buhay. Sa loob ba naman ng halos isang dekada, ano na nga ba ang lifestyle nila? Panigurado may mangilan-ngilang pumayat, tumaba, nawala ang kinis ng mukha, kumulit, naging madaldal, nabawasan na ang pagiging conservative, bumuo na ng sariling pamilya, at tuluyan ng nag-transform ang gender. Uso naman yun kaya ok lang.

Matagal-tagal pa ang biyahe, ilang siyudad pa ang lalampasan ko bago ako makarating sa paroroonan (Muntinlupa – Manila). Gusto ko munang humagilap ng antok kahit saglit, masaya na ang diwa ko nun. Pero ayaw makisama ni utak. Takbo ng takbo kakaisip. Hindi naman pwedeng hindi ko pagbigyan, baka iwanan ako at pagbaba ko ng bus eh naglalaway na ko at idiretso na ko sa Mandaluyong. Mga clip sa sarili kong buhay, sampung taon na rin ang nakakalipas ang sayaw ng sayaw sa diwa ko. Ang bilis. Pakiwari ko eh busy akong tao kaya pati yung sampung taon na dumaan eh parang wala lang. Marami ng nagbago, mapa-gupit ko man ng buhok, pananamit at pananaw sa buhay. Ganun nga yata pag nadadagdagan ang edad. Atlis alam ko na tao ako.

Rewind ng 10 years:

Yamot na yamot ako sa araw-araw na paggising sa madaling araw. Minsan kasi ganung oras ako nagpaplantsa ng uniporme. Mantakin mong mula alas siyete ng umaga (hindi pa kasali ung 6:45 na flag ceremony na habang papalapit ang bakasyon eh umoonti at umiikli ang pila) hanggang alas singko ng hapon, suot-suot ko ang ‘konti na lang dilaw na’ ang polo ko na may nakapaloob na ‘konting tambling pa at dilaw na’ ang puting t-shirt ko. Ang wash and wear na pantalong singkulay ng mga makalumang pulis. Sapatos na hindi inaangkop sa luwag o style, basta uso, tapos! Tapos ang mapagbirong haircut na parang isang multo ang pananaw na ‘gugupitan ko ang bangs mo pag wala sa standard ng school ang haircut mo’, sama mo na ang tamang haba ng ID lace. Sagwa nga naman kung hanggang laylayan ng polo ang haba. Sana nagkurbata na lang kami. Eto ang gusto kong pilospiya sa pagaaral: may ID na, may school logo pa ang polo, samantalang hindi naman mansion ang laki ng paaralan ko para maligaw. Sa gupit pa lang naming mga lalake, alam na ng mga tao kung saan kami nag-aaral. Kahit pa nasa likod ng CEU ang paaralan namin at nasa mapa ng U-BELT, kilala ang Alma Mater namin sa Aguinaldoo cut (imagine mo na si Aguilnaldo ay may dalang transparent bag, naka-tuck in ang polo, parang joke di ba?). Sa apat na taon kang lalagi dun, imposibleng hindi mo makabisado ang lahat ng short-cut, fire exit, mga sulok na pwedeng pagtaguan pag magka-cutting, mga ruta ng terror na teacher, mga bakod na pwedeng gawing entrance kung walang ID, CR na parang terminal ng bus at boxing arena para sa mga mahilig sa away, at mga haunted na classroom (ayon sa sabi-sabi, karamihan sa mga paaralan ay dating sementeryo).

Exciting ang cutting classes. Trademark na ata ng high school life yun. Yung senaryo na tinamad ang isa, at nagkahawaan na, at presto! Gagawa na ng sariling selebrasyon kahit wala. Maswerte kung may magbo-volunteer na bahay para gawing tambayan. Andun na ang foodtrip, movie trip, inuman session at ang paborito ng magsing-irog na ‘lambingan-romansahan mode’. Dagdag swerte na rin kung matindi ang hospitality ng mga magulang. Yung tipong ipaghahanda pa kayo ng pagkain sa kabila ng kasinungalingan at pandaraya sa klase. TIPS SA INUMAN: wag ng pilitin ang mga kaklaseng ayaw sa alak, strict ang parents at lalo na kung isa siyang EBA. Katakutan ang salitang KICK-OUT, SUSPENDED, at Bantay Bata.

Natatawa ako minsan sa nagawa kong kalokohan.

P.E. Subject:

Mrs. Bahala na Gang: Mr. Mandaraya, bakit lagi lang naka-chewing gum sa klase ko? Siguro bad breath ka no? (tawanan ang buong klase)

Juan: (niluwa ang chewing gum, nagsalita ng malumanay) Bakit Ma’am? Nung mga time na naka-chewing gum kayo, bad breath din kayo? (2x na tawanan ng klase)

Mrs. Bahala na Gang: (high blood mode) Sa guidance tayo magusap!

-the end-


Ang mga guro talaga parang si Arnold Schwarzenegger (tama spelling ko dahil kay Google), mahirap ispellingin ang utak. Ayaw nila sa mga estudyanteng hindi alisto. O yung tamad na tamad sa resitation. Pag sila naman ang binalikan mo at nakipagdebate, pakiramdam nila napaka-bright mo kaya magkukulay ang grado mo sa card.

Nasa high school life ang tinatawag na puppy love. Bihira lang ata yung nagsimula sa high school hanggang sa ikasal na paglipas ng maraming panahon at premarital sex. Parang practice mode ng pagibig ang arena ng high school. Paramihan ng experience. Parang laging contest ang ligawan. Naabutan ko pa ang panahon ng love letter kaya maswerte pa rin ako. Yung tipong dapat presentable ang gagamiting papel at makalaglag-panty ang nasasaad sa sulat, Sali mo na rin ang penmanship. Hindi pa laganap ang pick-up lines. Age of the korni youth pa. Malas lang kung maraming makabasa ng sulat. Trending ka sa klase at kung minalas-malas pa, mapasakamay ng guro ang sulat. Magdasal ka na sana atakihin na lang siya sa puso kesa i-broadcast niya ang nilalaman ng korni mong puso. Pero napakaswerte mo naman sa balat ng high school life kung matikman mo na ang status na ‘taken’. Karamihan kasing dinadahilan ng mga babae sa lalake kung ayaw talaga nila eh strict ang parents o ‘bata pa ko’.

Kaakibat na rin ng high school life ang riot, gangwar, school wars, fraternity wars at kahit ano pang basag ulo. Magkatinginan lang ng masama, away na agad. Aabangan ka na sa labas ng gate. Isa laban sa sampu. Very wise. Patas na patas talaga. Juan Mandaraya laban sa kampon ni John Lloyd Van Damme. Isang fliying kick agad ang sumalubong sa likod ko, 4 na raw pa lang ako pumapasok nun. Marka ng rubber shoes agad sa polo. Tumingin ako sa suspek, medyo maliit lang, nakaamba ang dalawang kamay pero dahan-dahang umaatras. Ano gagawin ko? Madami sila, busy si Spiderman sa taping at baldado na si Superman. Kaya dahan-dahan kong hinubad ang sinturon ko, itinali sa kaliwang kamay habang nakalaylay ang bakal ng katarungan, at nagipon ng spirit shotgun sa kanang kamay, saka ubod lakas binitawan sa nakatangang kaaway. Walang makalapit sa bangis ng sinturon ko. At sa tulong ng mga kaklaseng ‘to the rescue’, nakabuo na rin ako ng sarili kong Justice League. PERO sayang ang effort dahil nagtakbuhan na ang mga kontra bida. 1-0.

Makailang ulit na rin pinatawag ang taga-gabay ko nun dahil sa pagiging sira-ulo ko. Pati ang teacher sa Physics, hinamon kong magusap kami sa guidance dahil na rin sa almusal ng klase na pagmumura at panlalait. Sayang at wala akong tape recorder para maganda sana ang session sa guidance office.

Ang mga mortal na kaaway ng isang estudyanteng ga-graduate: assignment, homework, gawaing-bahay, takdang-aralin, recitation, quiz, project (ok na rin para dagdag allowance), at ang 4th grading period. Araw ng paghuhukom. Periodical test pa ang term. Isang napakahalagang araw sa mga estudyanteng makailang beses nagalay ng manok at naglakad paluhod sa simbahan ng Quiapo para lang makapasa kahit every other day lang kung pumasok sa klase at parang pinatakan ng zonrox ang answer sheet tuwing may test. Malinis.

Sa wakas at nakarating na rin ako sa destinasyon ko. Matapos ang bus at jeep, eto na ko sa piling nila. Hindi pa dumarating ang iba. Ang call time na 5 pm ay may konsiderasyon na 2-3 oras na pagaantay, depende pa kung hanggang 16 ang numero ng relo. Umatake na naman ang Filipino time. Pero ok lang dahil sa busy nga naman ang isa’t isa. Malayo pa ang pinanggalingan ko pero isa ako sa mga nauna. Hindi na rin nakakahiya.

Gawa-gawa lang naman ang reunion namin dahil na rin sa request ng nakararami. Wala namang masama. Social life din ‘ika nga nila. At makamusta na rin ang mga dating kaibigan. Maswerte nga ako at may ganito akong senaryo. Pakiramdam ko eh talagang may kumakaibigan pa sa tulad ko. (Walang iyakan, wala tayo sa game show)

Simpleng salo-salo sa pagkain at ilang bote ng alak ang naging main course ng reunion. Lumilipas ang oras na puro tawanan at alaala ng nakaraan ang topic, kasabay ng unti-unting pagdating ng mga late sa usapan. Apir, beso-beso at minsan na rin tapik sa balikat ang intro. Gamit na gamit ang mga litanyang ‘namiss kita ah?’, ‘ang taba mo na?’, ‘pumayat ka…’, at ‘ganda mo na ah?’ na di ko malaman kung pagpupuri ba, compliment o nangaasar lang. Sampung taon ang lumipas. Normal lang na magbago ang pisikal na katawan ng tao. Mas maganda na yun kesa silipin nila ako sa sarili kong ataul. Panget ng trip.


Habang hindi sila magkamaliw sa piktyuran sa isa’t isa, kanya-kanyang kwentuhan at biruan na may halong drama, lihim naman akong nakangiti sa kabila ng mahapding lalamunan ko at masakit na tiyan at likod katatawa. Mga kaibigan ko sila, kahit anong mangyari. Sana sa susunod na dekada, ganito pa rin kami. Masaya pa rin kami. Kahit iba-iba na ang haircut namin, ilan na ang anak namin, tinubuan na kami ng lahat ng klase ng buhok sa katawan, iba-iba ng estado sa buhay. At naalala pa rin namin ang high school life.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!