Spokening Peso Part 1




Iritadong-iritado ako sa ganitong topic.









Porke ba nag-iingles, matalino na? Mayaman na? Angat sa buhay? May lahing kano? Sosyal?
Call center agent? Nag-masteral ng secondary language?

Hindi ba pwedeng expression lang?

            Napapansin ko kasi, na sa bawat sulyap ng tao sa facebook, may mga taong minsan eh sobra ang insecurity pagdating sa “English grammar”. Naglipana ang mga taga-puna at mga taga-hanga. ‘Yun bang minsan ka lang magbitaw ng quotation na ingles na talaga namang pagkalalim-lalim ng kahulugan, o tipong copy + paste lang sa isang napagtripang website na sayings, napaka-big deal na para kang gumawa ng imoral.

“Huwaw! English ‘yun ah?”

“Ang lalim p’re! nalunod ako!”

“Nosebleed ‘tol!”

“Sosyal ng lola mo!”

            Teka teka teka: ano ba ang dalang sumpa ng ingles sa mga tulad nating may sariling lenggwahe?

            Wala naman, ‘di ba?

            Binibigyan lang minsan ng ibang kahulugan. O nagpapapansin. O hindi niya lang matanggap sa sarili niya na nahigitan ng iba ang kayang abutin ng dila niya para mag-ingles. Para bang ayaw bigyan ng pagkakataon ang isang tao na magsalita naman ng banyaga, kasi nag-aral naman siya, at marami naman siyang natutunan sa loob ng ilang taon niyang pagkuha ng asignaturang ENGLISH. Para bang tinatanggalan niya ng karapatan ang isang tao na magpahayag ng saloobin sa ibang paraan, na may ibang dalang emosyon, lalo na kung i-convert mo ang damdamin mo sa salitang INGLES.

            ‘Tangna, kung si Pepe nga, “national hero ng Pinas”, ang daming alam na lenggwahe, pag-iingles lang, kumukunot na ang noo mo?

            Hindi nga dapat binibigyan ng debate ang ganitong usapin, lalo na, mas maraming bagay na dapat pagukulan ng pansin. Gaya ng gobyerno. Sweldo. Edukasyon. Trabaho. Ekonomiya. At marami pang iba. Sa session nga ng mga politiko’t politika, bakbakan na ng matitinding ingles. Sa loob ng classroom, sa mga call center company, sa sosyal na mall, sa sinehan, sa mga bar, at maging sa kanto lang ng bahay niyo na may nagiinuman. Pupusta ako, may magiingles sa kanila anumang oras.

            Minsan sa isang usapan, magbitaw ka lang ng ilang salitang ingles, ngingiti-ngiti na ang mga kausap na parang nakakaloko, o papuri na hindi naman. Sasabayan pa ng palakpakan. Hanggang sa maisip niya na sana hindi na lang siya nagsalita ng ingles. PERO bakit ‘pag nagsalita ka naman ng purong FILIPINO, tatapunan ka na nila ng mala-alien na tingin at tatawagin kang makata? Ngayon, sa’n ka dapat lumugar? Kasalanan din ba ang Tag-lish?

            Hindi rin naman sukatan ng pagiging purong Pinoy ang pagiwas sa salitang ingles. Hindi mo pwedeng kausapin ng FILIPINO ang isang taong INGLES lang ang alam banggitin. Kawalan na ng respeto, at magmumukha pa kayong tanga.


Purong Kano: Hey, excuse me. Do you know where I can find a drugstore?

Pinoy (100%): Paumanhin ngunit ang mga salitang iyong binigkas ay hindi naayon sa aking kaisipan. Mawalang galang na, ngunit maari mo bang bigkasin ang iyong salita sa salitang PILIPINO?

Purong Kano: I’m sorry, but I don’t understand you.

Pinoy (100%): Ang gulo mo ah!



            Isa pa sa mga nakakainis na ugali ng tao eh ‘yung gramatista (todo puna sa ingles). ‘Yung tipong kung umasta eh laki sa states, graduate ng Harvard, at may allergy sa carabao engish. Wala ka namang magagawa kung ‘yun lang talaga ang inabot ng kakayahan niya. Wala naman sa batas na pag nagkamali ka ng grammar, pupugutan ka ng ulo, o isang taong parusa ng panunuod ng series ng Harry Potter. Ikaw ‘yan. At siya naman ‘yun. Ganun lang kasimple.

            ‘Yun ngang malalapit na bansa sa aten na hirap sa pagiingles, hindi naman big deal sa kanila kung pumulupot man ang dila nila sa paghagilap ng mga salitang dapat ay maintindihan mo to the tune of engish grammar. Ang ilan sa mga bansa ng Asya ay hindi naman ganun ka fluent mag-ingles, pero maunlad ang bansa nila. Bakit? Tanong mo sa kanila.

            Pero may babala din naman ako sa mga taong, ewan ko ba. Sanay lang ata siguro sa mga script ng Smallville o Greys Anatomy kaya maya’t maya ang ingles. Pare, nasa Pinas ka. Ang nationality sa birth certificate mo ay Filipino. Kaya utang na loob, bawas-bawasan mo ang pagiingles, dahil minsan, nakakairita, lalo na pag OA na. Tapos ang matindi pa, ‘yung slang na delivery ng mga salita na parang nagpipilit maging egoy. ‘Tangna p’re, pakinggan mo minsan ang sarili mo, baka sakaling matauhan ka. Hindi naman lahat ng eba ay natutuwa sa mga adan na parang sinapian ng rapper kung manligaw. At hindi naman lahat ng adan ay natutuwa sa mga eba na climb na climb ang pagiging social. Sabi nga ni Lourd, iayon ang kagandahan sa asal.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!