Liars Go to Hell? Part 2

Napapadalas ang pakikinig ko ng programa sa radyo sa gabi. Kasabay yun ng oras ng trabaho ko, at kasabay din ng pag-atake ng antok. Magandang pampalipas ng oras ang pakikinig ng mga love story na mas madalas e hindi happy ending, hindi rin pang-teleserye, at lalong hindi puwedeng ihanay sa mga nagdaang love story ng Pinas na puro title ng kanta ang title ng pelikula. At kapansin-pansin na mas malala at mabenta ang isyu ng niloko, iniwan, nasulot at naano lang. Lam mo na yun.

            Gaya ng mga nakagawiang love story, nagsisimula ang lahat sa maganda, papunta sa komplikasyon at dalawang ending: happily ever after at Sana maging masaya na siya sa bago niya, huhuhu…” [insert sad love song here]. Sa mahigit isang taon kong pakikinig ng ganung programa sa radyo, mas mataas ang bilang ng mga luhaan at bigo. At lalake din ang kadalasang dahilan ng ganung uri ng problema (tsk tsk tsk…). Pero-pero-pero, hindi ligtas ang lahi ni eba sa usaping pag-ibig. Kaya wag magpakasaya.

            Ewan ko ha, pero napapansin ko sa bawat hinaing ng mga kawawang caller (na minsan sa ending ng istorya e sila rin pala ang may kasalanan!), nagsisimula ang komplikasyon at lamat ng relasyon sa isang ugali: ang magsinungaling. Totoo yan, at kahit hindi ka makinig sa radyo at masira ang ulo sa mga teleserye, kasinungalingan ang umpisa ng pagkasira ng relasyon. Sabagay, naumpisahan nga sa kasinungalingang panliligaw, na nagtapos din sa kasinungaligang proseso. Ending, pareho silang naglokohan lang.

            Nung nakaraang gabi lang, isinalaysay ng isang caller kung paano siya niloko ng dati niyang karelasyon. Maganda naman daw ang pagsasama nila sa mga unang taon, pero kalaunan e bigla daw nagkaron ng pagbabago sa pakikisama nito. In short, nanlamig. Hindi na tulad ng dati at parang iba na ang ikinikilos nito. Ang dating nakakalikot na cellphone at facebook account, off limits na siya. At dahil sa likas sa babae ang ‘woman instinct’, ang dating hinala ay nagtapos sa madramang ending. Kumpirmado, may iba na ang lalake niya. Lagyan na lang ng maraming commercial ang love story nila, ‘My Legal Wife’ na ang datingan nila.

            Wala lang. May ma-intro lang.

            Binanggit ko sa unang part ng blog na ito kung gaano tayo kalala magsinungaling sa araw-araw nating gawain. Ipinaliwanag ko sa medyo cool na paraan kung paano at bakit hindi maiwasan ng tao ang magsinungaling. Yun nga lang, may mga mambabasa na medyo hindi nakaintindi sa punto ko. Huwag ko daw turuan magsinungaling ang mga mambabasa. Na-guilty ako, kaya paulit-uit kong binasa ang nauna kong blog. Siguro nga, may punto ang reklamo niya, PERO ipinaliwanag ko lang naman na minsan e parang-kelangan-mo-magsinungaling-sa-ngalan-ng-buhay. Hindi ko in-elaborate na dapat-kang-magsinungaling-dahil-cool-ito-at-tao-ka-lang. Basahin mo na lang para maka-relate ka.

            Gaya nga ng sinabi ko sa unang part, may mga pagkakataon na hindi maiwasan ang magsinungaling. Pero hindi kasing-brutal ng mga matatalino nating senador. Medyo lang. Kumbaga sa pagnanakaw, kupit lang. At ang tinutukoy ko dito ay ang white lies. Ang medyo-nagsinungaling na proseso sa ngalan ng magandang motibo.

            Mortal sin ang pagsisinungaling, walang duda. Gaya ulit ng nabanggit ko sa unang part, kasama ito sa sampung utos NIYA at isa sa “7 deadly sins”, ayon na rin sa mga katoliko. Bukod sa masamang ugali at pagpapagulo ng sitwasyon, ang kasinungalingan ay maaaring maging mitsa o resulta ng panloloko. At ayaw na ayaw natin ng ganun, lalo na sa pakikipagrelasyon. Puwedeng ikatwiran ang pagsisinungaling para makaiwas sa away o gulo, pero hinding-hindi maikakaila dito ang nauna ng kasalanan. Normal ang makaramdam ng guilt sa gantong kaugalian at masamang maging habit. Kung isa kang abogao o senador, hindi kita masisisi. After all, pera ang katumbas sa bawat kasinungalian sa ganung uri ng propesyon. Kung necessity yun, hindi ko alam.

            Ang kasinungalingan ay kapatid ng magnanakaw, pero hanggang ngayon, hindi ko alam kung sino ang mas matanda sa kanila. (Tss…korni)

            May mga isyu lang ako na ‘sana’ e hindi na mahaluan ng kasinungalingan. Una, yung media. Mga programa sa telebisyon, lalo na yung commercials. Nakakatuwang isipin kung paano nito bilugin at bahagyang i-hypnotize ang masa sa produktong paulit-ulit nilang ipalalabas na ewan kung bakit hindi naman tayo nakukulitan. “Bilhin mo ang produkto na ito dahil uso at ito ang magpapayaman sa kumpanya ko!”. Sa tagal ng panahong umeere ang lahat ng klaseng produkto sa telebisyon, radyo , internet at kung ano-ano pa, maraming beses na tayong nauto at nahalina sa mga jingle nila, kahit hindi naman dapat. Alam natin na binobola lang tayo ng mga higanteng kumpanya sa mga produkto nila, pero wala tayong magawa dahil A. Uso B. Medyo kailangan C. Ang sexy/pogi ng model D. Kailangang magwaldas ng pera.

            Mahilig ako sa fried chicken, at hindi lilipas ang isang linggo na hindi ako nakakain ng pritong manok, mapa-kanto man yan, karinderya o produkto ng mamantika at dinaya sa breadings na fastfoods. May mapanuod lang akong commercial tungkol dun na bago at ‘ang laki sa commercial pero bakit ang liit sa totoong buhay?’, naa-attempt ako kahit maghapon ng puro manok ang ulam ko. Kahit yung mga nakikita kong advertisements sa bus, billboards o simpleng tarpaulin, nagpapaloko ako sa hitsura ng dinayang pritong manok, dahil hilig ko talaga. Kaya hindi na ko magtataka kung isang araw e tubuan na ko ng palong. Maswerte nga at wala akong allegy sa ganung uri ng pagkain. Buti na lang talaga.

            Pangalawa, politika. Yun lang. Di na kelangang palawakin pa ang gantong isyu. Hindi ako dapat maapektuhan. Dapat next paragraph na kasi wala namang kwentang pagsayangan ng oras o pagdebatehan to. Hindi naman gaano mahalaga yun dahil araw-araw na silang laman ng balita. Tsaka dapat…. (please proceed to next paragraph).

            Pangatlo, edukasyon, partikular na ang history. Kawawa naman ang mga estudyante sa ngayon. Sa dami ng bersyon ng pagre-revised ng mga textbook, hindi na ko magtataka kung magdebate ang estudyante at magulang nito sa nakagawiang sistema ng pag-aaral. Isinabay nila sa bagong kurikulum ang pagtatama sa ilang nilalaman ng libro na ewan kung bakit ngayon lang nila napagtripan. Baka natakot sa wikipedia at google.

            Pang-apat, buwis. TAX. Pera ng bayan. Perang kinakaltas sa sahod ko. At nila. At namin. At tayo. Kung makikita lang nga mga magigiting nating gobyerno kung ano ang facial expression ng mga empleyado tuwing masisilayan ang payslip, baka magdalawang-isip na silang magpulbos ng mukha tuwing magpapa-interview sa media.

            Balik tayo sa pakikipagrelasyon.

            Aminin na natin, na sa loob ng maigsi o mahabang panahon ng pakikipagrelasyon, hinding-hindi tayo makakaiwas sa kasinungalingan. Ayaw mong maniwala? Puwes, heto ang ilan sa mga gawaing alam kong nagawa mo na sa ngalan ng ‘play safe’ at iwas-gulong relasyon:

Nagtampo si Maria kay Juan dahil sa pagkalimot nito sa kanilang monthsary. Idinahilan na lang ng lalake na sinadya niya ito para sorpresahin ang babae, kahit gawa-gawa lang nito ang istorya.

Na-wrong send ng text si Juan kay Maria, bagay na ikinagalit nito. Para makaiwas sa away, ikinatwiran na lang nitong naki-text ang barkada niya na aksidenteng nai-send sa kanya. At para mas makatotohanan, nag-galit-galitan na lang ang binata na ikina-sorry naman ng dalaga sa huli.

Naikwento ng malapit na kaibigan ni Maria ang paggagala ni Juan na may kasamang ibang babae kamakailan lang. Sa galit nito, tinawagan nito si Juan at tinanong kung may katotohanan nga ba ang ikinuwento ng kaibigan. At dahil sa angking talino ni Juan, idinahilan na lang nito na pinsan nito ang kasama sa mall, kahit magka-holding hands itong pumasok ng sinehan.

Nagpaalam si Juan kay Maria na dadalo sa isang birtdey ng kaibigan. Para maging komportable ang nobya, idinahilan na lang nito na puro lalake ang mga kasama niya, kahit birtdey naman talaga ng ex-girlfriend nito.

Ilang oras na ang nakalilipas pero hindi pa rin nagre-reply si Juan kay Maria pagka-out sa trabaho, bagay na bihirang gawin ng nobyo nito. Dahil sa hindi mapakali ang babae, tinawagan na nito si Juan at idinahilan na lang ng binata na nag-overtime ito, kahit nakaka-dalawang case na sila ng beer kasama ang mga katrabaho.

Magkakaron ng company outing ang opisina ni Juan. Ikinuwento nito sa dalaga ang buong detalye ng nasabing outing. Gusto sanang sumama ng dalaga pero mariing tumanggi ang binata dahil sa eklusibong lakad ng kumpanya. Hindi na nagawang magpumilit at inintindi na lang nito ang nobyo, kahit lihim na natuwa ang binata dahil gawa-gawang outing lang ito ng mga barkada niya.

Maagang nagpaalam si Maria kay Juan sa pakikipag-text. Idinahilan na lang nito na masama ang pakiramdam, bagay na inintindi ng binata. Matapos ang pagpapaalam, lihim na tineks ng dalaga ang dating nobyo at nagkamustahan hanggang madaling-araw.

Matagal ng magka-chat si Juan at Maria at hindi naglaon ay na-develop ang communication nila. Long distance ang relasyon nila dahil sa empleyado ng Dubai si Juan. Matagal ng hinihiling ng binata sa dalaga na makausap ito sa ‘video call’ pero tumatanggi si Maria sa takot na mahalata ang boses lalake nito at makita ang malaking braso nito.

M.U. si Juan at Maria na kasalukuyang magkasama sa trabaho. Walang commitment ang relasyon nila na halos laging hinihiling ni Juan sa dalaga. Ikinatwiran na lang ni Maria na hindi pa ito nakaka-move on sa dating nobyo, kahit kasalukuyan pa itong kasal.

(tama na, baka may may maghinala pa…)


Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!