Anatomy ng High School

Kung ako ang tatanungin, hindi ko masasabi na isa sa pinakamasayang parte ng buhay ko ang high school life. Mas bagay ata na pinaka-interesante at mala-alamat kumpara sa anim na taon ko sa elementarya na walang ibang dalang alaala kun’di malabnaw na champorado sa canteen, kurot sa singit galing sa gurong magsuot lang ng boots pwede ng wrestler, nakakaantok at sapilitang flag ceremony-con-exercise (kahit isang piraso lang ng pandesal na dinuraan lang ng kaunting butter ang lasa), makasaysayang yema ni Ma’am [insert your terror teacher’s name here] tuwing periodical exam at ang paboritong litanya ng mga sulsol sa away, “Kakasa ka ba kay Bruno? Sige nga, hawakan mo nga ‘yung tenga!”.

            At kumpara na rin sa buhay kolehiyo na umuulan ng pa-xerox, makapigil-hiningang quizzes, hindi makatarungang project, magastos na yellow pad at iyakan-moment tuwing final exam, high school ata ang pinakabatayan ng isang tao kung ano ang pwede niyang kalagyan at tatahakin matapos ang humigit-kumulang na 16 na taong (o higit pa, depende sa pagmamahal ng guro at ng paaralan) pagsusunog ng kilay. Eto ‘yung matinding background profile ng isang tao kung sino at ano siya paglipas ng maraming taon.

At bakit high school? Anong meron sa ilang taon mong pag-upo sa upuang galing sa gobyerno (o donasyon man ng kung sinong magiting na pulitiko) at ilang pwet na ang dumaan habang napupudpod ang common sense mo sa samu’t saring asignatura na hindi mo naman pala magagamit pagdating ng itatakdang panahon, kung meron man? Bakit marami ang nagmamalaki at proud sa kani-kanilang high school life na kung babalikan ang kanilang panahon ay halos isumpa nila ang mga terror na teacher at nagdulot sa kanila ng unang broken-hearted? Ano-ano ang mga hindi maipaliwanag na kasiyahan at memorya sa high school na mas magandang ihanay sa “most embarrassing moment”?

(Sakay na sa sariling kong time machine, magre-rewind ako ng ilang taon pabalik ng high school life. Game?)

            Nakakatakot ang unang tapak ko sa high school. Sa manila pa ang una kong taon bilang fresh man, at halo-halo ang nararamdaman ko ng mga panahong mag-e-enroll na nga ako. Hindi ko alam kung natatae ako o puno lang ng kabag ang sikmura ko habang nagro-royal rumble ang mga daga sa nagbibinata kong dibdib. Malaki na kasi ang pagbabago at adjustment. Hindi na siya gaya ng nakasanayan kong paaralan (sa Makati naman ako nag-elementary) na halos ilang kuwarto at pagmumukha lang ang nakikita ko.

            Ibang atmosphere na. Eto na ‘yung sinasabi nilang astig na yugto ng pag-aaral. Dahil nagbibinata na kaya dapat umastang astig habang pumipiyok pa ang boses sa bagong sibol na adam’s apple. Hindi na pwedeng umastang parang hindi pa tule. Hindi na pwedeng umiyak at magsumbong sa magulang sa larangan ng suntukan pagkatapos ng klase. Hindi na rin pwede ang mga gamit sa eskwela na may mukha o logo ng mga cartoon character dahil pag inabot ka ng mga ispiritu ng kamalasan, araw-araw kang makakakita ng mga estudyanteng nagtatawanan at nagbubulungan sa imahe mong matindi pa ang pagnanasa sa mga anime. Iiwan mo na rin ang mga bagay na nagpapanatili sa imahe mong ‘baby’ dahil ganap ka ng binata at dalaga. Mas maarte, mas in. Ihanda ang sarli dahil ito na ang next chapter ng buhay.

            Welcome to high school life!

            Pero isang malaking PERO, hindi pa tapos ang dusa. Kung nung elementarya ka eh medyo magiliw at business-minded pa ang mga nakasama mong guro, pwes, dagdagan ang pananampalataya at pagdarasal bago matulog. Ang high school life ay umuulan ng mga bagay na ‘MAS’. Paano? Eto lang yan:

- Mas mabagsik pa sa anghit ng konduktor ang karakter ng mga tinaguriang ‘terror’ teacher. Kumbaga sa Lord of the Rings, hawak niya ang ‘ring’ na isang wasiwas lang, automatic na titigil ang lahat ng pulso sa katawan mo. Mabanggit pa lang ang apelyido ng terror na teacher, nanaisin mo ng lumindol o bumagyo, ‘wag mo lang masilayan ang mala-horror niyang ngisi at paraan ng pagtitig sa mga estudyanteng natatae o naiihi. At mas pipiliin mo ng mag-alay ng kahit ilang manok (o hayop) sa mga Bathala, ‘wag na ‘wag lang niyang matawag ang pangalan mo tuwing recitation.

-          Mas marami silang oras para magkwento ng kahit ano kung sinapian man sila ng katamaran, o talagang hobby lang. Makinig sa guro. Hanapan na lang ng moral lesson para matuwa kahit papano. Kung medyo interesado, medyo magtanong-tanong para lalong maubos ag oras at marami ang matuwa.
-          Mas madami na silang oras para panatalihing maganda sa paningin ng mga estudyante. Ito ‘yung mga tipo ng gurong mahilig magpakopya ng notes at busy sa salamin at cellphone.
-          Mas mahal na ang tinda ni Ma’am/Sir. Kalimutan na ang yema. Kilalanin na sila Piattos at Clover Chips. Mura na, libre pa ang vetsin. Laking tulong talaga sa pag-aaral.
-          Mas lalaki ang problema mo pagdating sa usaping pinansyal. Kung noon ay pinoproblema mo lang ang pagtitipid sa ngalan ng mga itik na may iba’t ibang kulay at ubod sa sustansyang iskrambol, ngayon, uubusin ang kahuli-hulihan mong barya para lang sa Xerox at ambag-ambag na project. ‘Wag ng magtanong kung bakit dapat magbigay ng 5 piso para sa 2 pages na xerox. Mahal na ang bilihin. At malayo pa ang sweldo ng mga guro.
-          Mas exciting na ang pag-aaral lalo na ang P.E., dahil sasanayin ni teacher ang mga students na mag-enjoy sa basketball o volleyball habang nakatirik ang araw sa tanghali, habang humihigop ng softdrinks si teacher at may dalawang estudyanteng naka-ngiti at may kulani sa kili-kili kaka-paypay kay teacher.
-          Mas mahaba na ang recess (breaktime na ngayon). Ginawa ito upang makapaghanda ang mga estudyante sa ilang oras na pagupo sa silya habang pinipigilan ang daloy ng dugo at pawis sa kili-kili. At para mas marami kang panahon kung maisipan mo man kumain o tumambay na lang sa CR para tumae sa sobrang nerbyos at takot.
-          Mas marami ng mga school activities na hindi mo maintindihan kung para saan o naguubos lang ng oras ang mga guro. Isali mo na rin ang educational field trip na talaga namang educational habang nakasakay ka sa bump car o carousel.
-          Marami pang MAS. Ayaw ko na lang isipin ‘yung iba.

Hindi ko rin lubos maintindihan kung bakit may pamantayan pa ng tamang buhok ang mga lalake. Kung nakakatulong man ito para ganahan ang estudyante na gumising ng maaga para um-attend ng flag ceremony, hindi ko alam. Mas tamang term ata na magmukhang ‘engot’. Ewan ko lang sa ibang mataas na paaralan, pero galing ako sa isang eskwelahang sundalo ata ang nagpapatakbo. Aguinaldo cut? Wow ha! Hindi naman lahat interesado maging sundalo, at hindi lahat nabiyayaan ng magandang hugis ng ulo. Available naman ang clean cut, bakit hindi na lang ganun?

Kung meron man akong subjet na hinding-hindi ko makakalimutan, wala ng iba kun’di Physical Eductaion. PEHM pa ata nung mga panahong ‘yun. Exciting kasi madalas wala ‘yung teacher dahil minsan busy sa pagtuturo ng sayaw, madalas may sakit (sa sobrang pagod na rin siguro), may tonsillitis (Music teacher), o talagang naligo lang ng katamaran. Meron pa akong isang eksena na hindi ko malilimutan. 2nd year high school ako nun. Ganito ang eksena:




Kasalukuyang nagpapalit ng uniporme ang buong klase sa pagsisimula ng PE ng mapansin ako ng guro na ngumuguya ng chewing gum. Dance class kaya naka-chewing gum ako.

Ms. High Blood: Mister [apelyido ko], bakit lagi kang naka-chewing gum sa klase ko? Bad breath ka ba? (nagtawanan ang ilang mga estudyanteng nakarinig. Pakiramdam ko huminto ang oras sa mga oras na ‘yun)

AKO: (Dahan-dahang iniluwa ang chewing gum) Bakit po Ma’am? Nung mga oras na naka-chewing gum kayo habang nagtuturo, bad breath din kayo? (2x na tawanan ng buong klase)

Ms. High Blood: (Namula ang mata) Sa Guidance tayo mag-usap!

*** the end ***

            Nakakatuwa minsan ang mga guro. Ayaw na ayaw nila sa mga estudyanteng hindi alisto o parang walang bitamina sa katawan. Pero kung para ka namang may sapi ng abogado kung mangatwiran, panlilisikan ka na ng mata at mauuwi kayo sa katakot-takot na debate. At kung magpatuloy pa ang palitan ng maaanghang na kuro-kuro, sa guidance office na ang press hearing. Minsan naisip ko ang mga teacher parang si Arnold Schwarzenegger, mahirap ispelengin.

            Kung ang suntukan sa elementary ay natatapos agad kung sino ang unang iiyak at may susugod na magulang sa paaralan, sa high school, parang World War. Riot kung riot. Fraternity wars, gang wars, uso ‘yan. Ewan ko kung sadyang high blood ang mga high school students na parang laging mainit ang ulo. Magkatinginan lang ng masama, suntukan. Magkabanggaan lang sa hagdanan, suntukan. At kung malas-malas pa, damay-damay na ang buong section. Section by section na ang giyera. Yung mga hindi kasali sa away, nagdarasal na sana sunduin ng magulang o bumaha, ‘wag lang masali sa basag-ulo. Kaya exciting talaga ang sports ng high school. Kung hindi man varsity ng basketball o volleyball, UFC fighter. Nakakatakot pa kung may sapi ng Counter-strike.

            Nasa mundo din ng high school nagbubukas ang gate ng tukso. Sa sarili kong pananaw, may 4 na mortal na tukso ang isang estudyante: sigariyo, alak, droga at paghihikaw (sa kalalakihan). Normal type lang akong estudyante na nakaranas at natukso sa mga nabanggit, PERO isa lang ang sa paniniwala ko’y hindi na masayang subukan kahit experience. DROGA. I-try mo na ang lahat ng uri ng sigarilyo at alak, lagyan mo na ng hikaw pati ang kili-kili mo, pero mas magandang kalimutan mo na lang kung ano mang alamat meron ang droga.

            Alam mo kung ano ang exciting sa high school? Yung mga araw na suspendido ang klase dahil sa kalamidad. Walang kasing-sarap! Puno ang mga malls ng mga estudyanteng basang-basa ang uniporme at medyas dahil sa baha. Kung wala namang budget para sa mayayamang gawain tulad ng pagtambay sa mall o sinehan, nauuwi ang usapan sa inuman, kung kanino mang bahay ang pwedeng pagtambayan. At ang inuman ay nahahati sa maraming gawain: kwentuhan, panunuod ng pelikula (kahit anong uri ng pelikula basta interesado ang lahat), foodtrip, ligawan at ang paborito ng mag-irog na lambingan mode.

            Hindi nauubos ang kalaban ng mga high school students. Bukod sa puyat at pagod sa maghapong paguubos ng common sense, andiyan ang mga bangungot ng estudyante gaya ng assignment, homework, project, quizzes, recitation, at ang makapigil-hiningang periodical exam. Ilan lang ‘yan sa mga gawain ng estudyante na uulanin ng angal at tutumbasan ng luha. Sila yung mga bagay na sana kalimutan muna pansamanatala ng guro lalo na sa mga panahong naiwan mo sa banyo ang IQ mo. Dahil pag nagkataon, parang pinatakan ng Zonrox ang papel mo: malinis.

            Pero ano’t ano pa man, hindi maitatanggi na cool pa rin ang high school. Sa loob ng maraming panahon mong nakaupo sa pare-pareho mong upuan, yun ang mga panahon o oras na unti-unti ng hinuhubog ang pagkatao mo. Isumpa mo man ang ilang asignatura, teacher, kaklase mong ayaw magpakopya at nanulot sa unang mong pag-ibig o simpleng school activities, maswerte ka at nagkaron ka ng pagkakataong dumaan sa mundo ng high school. Kahit gaano pa kagulo ‘yan o kasumpa-sumpa, ang importante eh na-experience mo ang isa chapter ng buhay ng tao na hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon.


            Ngayon, isa na lang alaala ang pagiging high school student ko. Nakailang beses na rin akong dumalo ng high school reunion taon-taon. Pag nagku-kuwentuhan kami, wala kaming ibang topic kun’di yung puro masasaya. Kung paano namin iyakan ang mga bagay na naging pasakit sa’min, tinatawanan na lang namin at parang biro na lang. May kanya-kanya ng estado sa buhay. Ang mga hindi inakala at inakala noon, nangyari na. Resulta ng pagbabago o ano man, pare-pareho lang kami naka-experience ng isang bagay na sana lahat ng tao magkaroon din ng pagkakataon. HIGH SCHOOL LIFE. Astig pa rin.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!