Religion: Test of Faith

(Paunawa: Ang sumusunod na blog ay pawang opinyon lamang ng awtor. Pasintabi sa mga mambabasang ‘complete attendance’ sa simbahan)

Hindi ko na talaga matiis. Gusto ng kumawala sa isip ko. May makati sa bandang kaliwa ng utak ko na matagal ko ng gustong kamutin. Eto na siguro ang tamang oras (dahil naguguluhan ako sa ugnayan ni ‘tamang oras’ at ‘bad timing’) dahil tulad ng hadhad at balakubak na kelangan ng matinding atensyon, kailangan ng kamutin at bigyan ng solusyon. Umpisahan na ang diskusyon tungkol sa isang usaping pihadong marami ang magmumura at mag-aalay ng bigas. Ihanda ang sarili para sa makasunog-impiyernong debate at bonding.

            (Basahin ulit yung part ng ‘paunawa’ ng isandaang ulit bago tumuloy sa susunod na paragraph. Please lang. Opo. Ngayon na po.)

            Bale ganito kasi yan.

            Kasalukuyan akong inaantok nun, araw ng martes (7:45 pm). Kaka-time in ko pa lang. Hindi late kahit nakaubos ako ng isang ‘playlist’ sa traffic. Hindi ko alam kung bakit sa dami ng pwedeng pansinin ng katrabaho ko ng gabing yun, yung t-shirt ko pa. “Yan na naman siya. Itim na naman…” na sinundan naman ng isa pang sulsol na “Nagtaka ka pa, lagi namang nakaitim yan. Hindi kasi nagsisimba.” Hanggang sa naubos ang tatlong oras ng pulos relihiyon ang topic---na ang mitsa e ang kawawa kong itim na t-shirt na bukod sa kupas ay amoy pawis ng EDSA.

            Sa lahat ng pwedeng diskusyunan at ubusan ng common sense, mapapansin na trending ang usaping religion, bukod pa sa politika at bagong sex video scandal. Mas humahaba at nagiging interesante kung yung mga nag-uusap ay iba-iba ang pinaniniwalaan at may alak na kasalukuyang ibinubuhos at pinapaikot. Aakalain mong may mga sapi ng mga anito at lasing na anghel ang mga miyembro ng ‘hearing’ na lahat naman ay may punto at tama. Pero gaya ng mga telenobela, mas madalas na malabo ang ending ng usapan. Walang nanalo. Walang humigit. Walang tinubuan ng pakpak at halo. At wala ring umuwing may bubog sa noo.

            Matagal ko ng iniiwasan ang makipagdebate sa ganitong uri ng usapin, pero dahil nabubuhay ako sa curiosity at parang sanggol na inosente pa sa mga bagay-bagay, minabuti ko ng magbigay ng ilang puna at obserbasyon. Hindi para sirain ang pananampalataya at hikayatin kang magpa-convert. Basta curious lang talaga. At walang masama dun. Period.

            Ilang beses ko ng naringgan ang ilang ‘love story’ (lalo na sa radyo tuwing gabi) na hindi ‘happy ending’ dahil sa usaping relihiyon. Kahit pa nga ang dahilan nila e “Mahal na mahal po namin ang isa’t isa…”, mas litaw ang konklusyon na ‘hindi pwede’ at ‘bawal sa relihiyon’. Ending, parehas talo.

            Natatandaan ko pa yung sagot ng isang candidate sa isang pageant kung saan, isinagot nito na kung talagang mahal siya ng lalake, tatanggapin nito kung ano man ang pinaniniwalaan niya, at kahit ano pa mang estado ng relihiyon niya. Palakpakan ang mga tao. Marami ang natuwa at nabilib sa sagot niya. Nabigyan ng korona at naging usap-usapin na sa mga sumunod na araw. Pero ako, gusto kong i-revised yung tanong.

            Paano kung ganun din ang itanong sa kanya ng boyfriend niya? Na kung talagang mahal siya nito, dapat din niyang igalang at mahalin ang paniniwala niya? At kelangan niyang magpa-convert alang-alang sa ‘pagmamahalan’?

            Pero tapos na yun.

            Unang tinuro sa’ten ng relihiyon na mahalin at igalang ang lahat ng uri ng tao. As in lahat. Walang exceptions. Maging mapagpatawad, kahit gaano man kabigat ang nagawang kasalanan sa’ten. Pero bakit relihiyon pa minsan ang unang hadlang sa pagmamahalan ng dalawang tao?

            Hindi pwede kasi iba ang sinasamba niya. Hindi pwede kasi iba ang paniniwala niya. Hindi pwede kasi sumasamba siya sa ____. Hindi pwede kasi yun ang tradisyon at paniniwala natin. Hindi pwede kasi iba siya sa’ten.

            Magulo. Talagang magulo. Problema ko minsan ang pag-fillup ng ilang dokumento sa parte ng ‘religion’. Isinilang akong katoliko, na-convert bilang ‘born-again christian’ hanggang sa ewan. Hindi ko na alam kung ano ba talaga at kanino ba talaga ako maniniwala. Minsan gusto ko na lang laktawan yun, pero hindi pwede kasi baka matagalan ang pagproseso. Nagdasal pa naman ako na sana mai-process agad. Kasi nakasalalay yun sa magiging trabaho ko, na ipinagdasal ko rin sana matanggap ako. At lahat ng yun ay nagsimula sa dasal, tapos lalaktawan ko pa?

            Naging member ako ng kung anong grupo sa simbahan noong elementarya pa lang ako. Katoliko ako nun. Hindi ako sure kung grade 1 o grade 2. Basta yung panahon na yun, sikat pa ang panahon ng mga holen, teks at trumpo. Tuwing linggo ng umaga, na madalas sinusundo pa ko ni Brother (hindi ko na matandaan ang name niya), nagkakaron ng isang pagpupulong o ‘bible study’ kasama ng ilang mga katulad kong chikiting. Hindi ko na rin matandaan kung paano ako nasali dun. Kahit minsang ayaw ko at mas gusto ko pang matulog, hindi ko magawang tumanggi dahil may sundo at may malalakas na kalabit at tapik sa’ken si ermat. Kahiya naman kung tatanggi ako. Na-experience ko kasing manalo ng laruan noon nung minsang magkaron ng activities. Sporsfest ata. At dahil sabik sa laruan at sa pagnanais na magkaron ulit ng bago, napilitan akong sumama sa mga activities tuwing linggo, kahit ang nasa isip ko lang noon at libreng pagkain at laruan. Pero ilang buwan lang ata tumagal yun.

            Hindi ako naging active sa pagiging katoliko. Hindi ko nakumpleto ang ‘7 sacraments’. Nakakapagsimba lang ako nun kung:

  1. Utos ni ermat. Pagtapos kasi nun, meron akong choco butternut sa dunkin donut.
  2. Trip-trip na simbang gabi sa pagnanais na matupad ang wish (kahit ano)
  3. May ka-date
  4. Birthday ng miyembro ng pamilya
  5. Iisip pa ko ng dahilan

            Nang makatapos ako ng elementarya, na-convert naman ako sa pagiging Christian. Mahaba ang istorya kaya wag na natin pag-usapan. Dun natapos ang pagiging katoliko ko, at dun ko rin natutunan na marami pala talagang pagkakaiba ang bawat religion.

            Sa totoo lang, hindi naman magiging katoliko ang bansang Pinas kung hindi lang naligaw ang mga kastila dito sa bansa naten. Kung natatandaan mo pa ang history na itinuro nung elementary ka pa lang, mga kastila ang nagpakilala sa’ten ng paniniwalang katoliko. Iba pa ang sinasamba ng mga ninuno naten noon.

            Malabo para sa’ken ang takbo ng relihiyon ng mg pinoy. Isang magandang halimbawa diyan ang paglalagay ng imahe ng Buddha. Medyo awkward lang kasi na sa ilalim ng krus ni Hesus, ay mayroong relax na relax na estatwa ni Buddha na kadalasan nating makita sa sala. Minsan nakakita pa ko nun sa dyip, sa harap ng driver kung saan nasa ibabaw nito ang rosaryo. May ilan ding nagsusuot ng Buddha beads. Naglalagay din tayo ng bagwa sa likod ng pinto. Marami ang naniniwala sa horoscope. At marami ang sumasamba kay Justin Bieber at Lady Gaga.

            Iba ang politika sa relihiyon. Parehong komplikado. Kaya dapat hindi sila nagyu-unite para lang makagawa o makalutas ng problema ng bansa. May sariling batas ang gobyerno. At ganun din naman ang simbahan.

            Kung talagang mabuti ang hangarin ng mga relihiyon sa buong mundo, at puro kabutihan ang pangaral nila sa’ten, bakit sila mismo ang nag-aaway-away?

            At bakit natin ginugunita ang araw ng patay tuwing November 1? Ang gulo talaga. Di ba araw ng santo yun?

            Ang religion sa ngayon ay parang tradisyon na lang. Hindi mismong ina-apply sa pagkatao. Kelangan mo ng ganitong klase ng asosasyon kasi kasama ito sa mga pi-fill up-an mo sa ilang dokumento. Pero wala itong kinalaman sa aaplayan mong trabaho. Dapat kasali ka dito, hindi dahil sa masaya ka at gusto mo, kun’di minsan o kadalasan, ayon na rin sa paniniwala at tradisyon. O utos ng magulang. Lang. Pero may option ka pa kung sakaling mas gusto mo yung ‘iba’, kesa sa nakasanayan. Mas magandang pumili ng grupo na naaayon sa sariling kagustuhan. Hindi ng dahil lang sa inggit, nang dahil lang sa impluwensya. Dapat ikaw mismo bukal sa loob na “Sasali ako dito kasi masaya dito!”. Hindi isang larong-kalye ang religion na gusto mo ng umayaw dahil hindi ka na masaya at pagod ka na, aalis ka na.

            Pag-aralan mo: May isang empleyado na madalas nagpapaalam para um-absent dahil sa may kung anong activities daw ang kanilang relihiyon. E ang kaso, kelangan siya ng kumpanya dahil sa tambak ang trabaho. At dahil sa konsensya, mas pinili nito ang um-absent. Kinabukasan, sinibak siya ng kumpanya dahil sa AWOL.

            Ngayon, ano ang point nito?

            Una, sigurado akong katakot-takot na dasal ang inusal ng empleyado para matanggap sa kanyang trabaho. At dahil may responsibilidad na siya sa relihiyon at trabaho, may mga pagkakataon na kelangan niyang mamili sa dalawa. Ngayon, alin ang pipiliin niya? Yung relihiyon na dinasalan niya para magkatrabaho, o yung trabaho na nagbibigay sa kanya ng pera para may mailaglag sa ‘donasyon’, pambili ng bagong damit pansimba, pamasahe papuntang simbahan, pagkain at gastusin sa bahay, at smartphone na dinawnlodan ng application na ‘bible’?


            Wag mo ng sagutin.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!