Onli In Da Pilipins Part 2: Tag-araw, Tag-ulan, Tag-Eleksyon
Tatlo ang
kinikilalang panahon sa Pinas. Tag-ulan. Tag-araw. Tag-eleksyon. Mismo. Dahil tulad
nating mga Pinoy na may pinakamahabang selebrasyon ng kapaskuhan, eleksyon ang
sa tingin ko’y pinakainteresante sa lahat ng okasyon ng Pinas.
Kakatapos nga
lang ng barangay eleksyon nitong nakaraan na animo’y pambansang paligsahan na
may kalakip na plake, parangal at gold medal sa Olympics. Marami ang
nagparehistro at marami ang may gusto na makapasilbi sa bayan. Daw. Naging gangwar
pa ang eksena ng pagpaparehistro. Ganun katindi ang pagnanasa nila
makapaglingkod, na kahit sa pagpaparehistro pa lang, alam mo ng hindi
pagkakatiwalaan.
Hindi ko
alam kung seryoso sila sa salitang ‘public service’ o mas target na ang
salitang ‘public exposure’. Ewan lang sa trip nila. Yung iba kasi naniniwala na
wala sa pagsisikap ang ginhawa, kun’di nasa politika. Kaya ganun nila katindi
ang angst at pagpupursige sa ngalan ng salitang ‘kapitan’ at ‘kagawad’. Madali
lang naman daw kasi ang puhuhan sa ganung sistema: kapal ng mukha, tibay ng
sikmura, manaka-nakang pagsisinungaling at pamumudmod ng pwedeng ipamudmod. Pera,
kendi, damit, pamaypay, sombrero, relief goods, payong, etc. Name it, marami
sila niyan. At tumataas ang merkado niyan ilang buwan bago ang eleksyon. Konti
tiyaga lang, makakapagpatayo ka na ng sarili mong sari-sari store kakaabang sa
mga pwede nilang ipagmalaking ‘share your blessings’.
Isa sa
pinaka-ayaw ko sa ganung panahon e yung marami kang nakikitang pagmumukha KAHIT
SAAN ka lumingon. Para silang mga tinda sa
tabi-tabi na halos hindi nalalayo ang pagitan. Masyadong makalat at masakit sa paningin.
Kahit ba peke ang ngiti at natulungan ng photoshop ang mukhang pwede ng gawing
profile picture o passport photo, hindi ko alam kung bakit minsan nakakaramdam
ako ng umay, inis at pagka-badtrip sa maghapon. Kahit saan ka lumingon,
tumingala ka man o yumuko, walang ligtas ang pagkalat ng mga mukhang sa
eleksyon mo lang makikita. Pag oras na ng pangangailangan, tuwing abutan lang
ng relief goods mo makikita. At kung makakasalubong mo naman, hahanapan ka ng ID
at appointment kahit gusto mo lang naman ipaalala sa kanya na panahon pa ni
Voltes V yung proyekto niyang ‘drainage cleanup’.
At eto pa
ang pinaka-badtrip sa lahat. Yung jingle. Oo. Yung mga kantang sumikat na
pinalitan yung lyrics at yung mismong boses. Parang adaptation. Mas okey pa
pakinggan ang revival. At maririnig mo ito ng maagang-maaga gamit ang nakalululang
laki ng mga speaker, sa umaga. Mas
maingay pa sa mga tilaok ng manok. Yung kahit sa panaginip maririnig mo sila. At
sa sobrang badtrip, wala kang magagawa kahit sigawan mo sila na babaaan ang
volume at bilisan ang pagrampa. Kaya malas ang mga manggagawang tulog sa umaga.
Sira ang mood ng mga alagad ni Batman. Parang ako. Gusto ko silang hagisan ng
arinolang punong-puno ng dilaw na likido. Pero hindi pwede. Hindi ata kasama sa
freedom of speech ang ganung klaseng reaksyon. Wala akong magawa kun’di murahin
na lang sila sa utak. Kahit isipin kong gawin silang lullabye sa tenga ko, wala
pa rin. Talo pa rin.
Hindi na
nga mabilang kung ilang beses mo sila maririnig sa radyo o mapapanuod sa tv. Kaya
naman ang mga network company, tuwang-tuwa at masagana ang ekonomiya. Mahal ang
bawat segundo sa media. At katulad ng mga paulit-ulit na commercial, manawa ka
sa mga paulit-ulit nilang plataporma at lintik na ‘sayings’. Mas catchy, mas
cool. Kaya yung mga telenobela, lalong humahaba ang istorya dahil sa dami ng
isiningit na epal(s).
Wala na
ring bago sa paglalagay ng caption/slogan ng isang kandidato pagdating sa
paglalagay ng mga mukha sa kahit saan. Ang nabago lang e yung background color
at font style. Heto ang ilan sa kanila:
Maasahan – anak ka ng tokwa, alangan namang
ilagay ng kandidato na “Mahirap akong hanapin sa oras ng pangangailagan kaya
wag ng umasa”! Natural na kelangang makuha ang loob ng masa sa ganitong klaseng
caption o slogan. Yun bang dapat lagi kang present pag nagdeklara ng state of
calamity sa pamumudmod ng relief goods habang nakangiti sa DSLR. Mas realistic
kung naka-tsinelas lang at pantulog ang suot. Atlis alam ng tao na hindi ka
nag-ubos ng oras para lang maglagay ng wax sa buhok at magsukbit ng kurbata
habang suot-suot ang mamahaling black shoes sa ibabaw ng helicopter.
Mapagkakatiwalaan – madalas ang gumagamit ng ganito e
yung napaglipasan na ng ilang eleksyon. Kun’di man ginaya, nakiuso. Natural
lang naman na dapat pagkatiwalaan ka ng tao dahil unang-una, pera ang
pinagu-usapan dito. Pera ng bayan. Ngayon kung wala ka nito, well, hindi na
bago yun.
Serbisyo, hindi negosyo – paano kung baligtarin ng
kandidato yung caption/slogan niya? “Negosyo, hindi serbisyo”. Ano kaya ang
magiging impact nito sa mga botante? Tatalino kaya sila? Dadami kaya ang mga
negosyante sa bawat barangay? At bakit kelangan nilang magbanggit ng salitang ‘negosyo’,
wala namang nagbibintang sa kanila ng ganun? Depende na lang kung talagang Mini-stop
ang tingin nila sa barangay hall.
Kaibigan ng masa – (sabay-sabay) Wehh? Di nga? E pano yung mga konyo?
Kaaway nila?
Kakampi ng masa – ang tanong, may kaaway ka ba at
kelangang maki-allied sa masa? Wala. Hindi ka pala friendly. Namimili ka ng
kakampihan.
Anak ni ___, Asawa ni ___, Tiyuhin
ni ____ - hindi ko
alam ang magiging reaction dito. Sabihin na nating anak o asawa ka pala ni ___,
pre-requisite ba yun? Kung may alamat man ang tatay o asawa ng kumakandidato, e
ano naman? Minsan babaligtarin pa ang pwesto ng apelyido at middle name para
lang magamit ang kilalang apelyido. Ngayon ko lang naisip na pwede pala yun. Sana sinubukan ko nung
mga panahon ng class officers lalo na sa high school. Pero para lang ata sa mga
malalakas maglagay ng pulbos sa mukha yun. Makapal ang mukha.
Subok na sa serbisyo – malamang. Lagi ka ba namang
present sa eleksyon, ewan ko na lang kung ilang beses ka na ring sinubukan. Parang
naka-program na nga yung pangalan mo sa eleksyon na dapat lagi kang iboto at
dapat madaanan ng ballpen ang pangalan mo. Naisip lang nila na minsan baka
subukan mo magserbisyo.
Hindi ko
gusto ang panahon ng eleksyon sa dahilang para itong nagsanib-pwersa ng panahon
ng tag-ulan at tag-init. Una, umuulan ng katakot-takot na mukha, KAHIT SAAN. Umuulan
ng kasinungalingan, pangako, pangako at pangako. Sa sobrang talino nila, alam
nila ang interpretasyon ng “Promises are meant to be broken”. Bumabaha din ng
mga flyers kaya naman laging mainit ang ulo ng mga street sweepers (mas okey pa
ata ang term na metro-aide). At para lalo kang ma-insipire, ultimo kalendaryong
sinlaki ng atm card na pwede mong isuksok sa wallet, meron sila. Para nga naman hindi mo makalimutan ang mga nagawa (o
gagawin pa lang) nila. Ganyan sila katalino. Bumabaha din ng mga
advertisements, lalo na sa media kaya kahit gusto mong mag-relax sa harap ng tv
o antukin sa tabi ng radyo, hindi ka pa rin ligtas. Talo ang kakapitan ng LSS
(last song syndrome). At kung may swerte mang dala ang eleksyon, yun ay ang pag-ambon
ng pera (depende yun sa budget ng kandidato). Bahala ka na kung magkano ang
prinsipyo mo.
At gaya ng tag-init,
perwisyo ang mga maiingay na jingle na nakakangilo ang lyrics pati na yung
kumakanta. Kung mababa man ang budget para sa artist na yun, hindi na ko
magtataka. Bentang-benta dito ang mga kantang pwede kang yumugyog at madalas
mong mapakinggan sa mga local radio stations. Yun lang minsan hindi ko ma-gets
yung lyrics. Hindi ko alam kung ngo-ngo ba yung kumakanta o basag lang talaga
yung speaker. O dahil sa mas malakas lang yung tugtog ng kalaban.
Natawa nga
ako minsan sa isang picture na nakita ko sa facebook. Nakapaskil kasi sa isang
karatula ng bahay ang presyo ng pwedeng ibayad ng mga kandidatong bumibili ng
boto. Mas mataas ang pwesto, mas malaki ang bayad. Ewan na lang kung naging
masaya yung taong yun sa naisip niya. Pero kung magkataon man, sigurado akong
marami siyang naimbak na alak kaya masaya pa rin siya kahit may liquor ban.
Aminin na naten,
na minsan, wala naman talaga tayong pakelam kung ano man ang nakaraan o
background ng isang kandidato. Kuntento na ‘tayo sa mga jingle(s) at
nakakaawang estado nya sa media. Isa malaking katamaran ang magsaliksik ukol sa
kung ano-ano na ba ang nagawa niya at kung may kakayahan ba talaga siyang
maglingkod sa bayan, nang hindi nahahaluan ng politika at showbiz. Umuulan ng ‘bahala
na’ tuwing araw ng eleksyon. Tapos pag walang nagawa yung kandidato, bahala na
rin ang mga bumoto sa kanya kung may napala man sila o wala.
Ilang beses
na nga tayong pinaalalahanan na maging matalino sa pagboto. Ay punyemas! Hindi naman
effective ang ganung strategy! Ilang termino na ba ang nasayang dahil sa
sobrang talino nating pumili ng mga lider?
Sayang talaga.
Kaya siguro
mas effective kung imbes na sabihing “Matalino akong botante”, palitan na lang
ng “Ang tanga kong botante since birth”. Baka umepekto, kahit konti. E kahit
naman ilang beses tayong paalalahanan ng kahit sinong ponsio pilatong tao, kung
mas naniniwala ba tayo sa sabi-sabi at “Mas pogi ang senador na ‘to!”, ay naku,
wag na magtaka.
Tandaan,
kung naging matalino ka sa elekyson, malamang naging matalino din ang takbo ng
bansa sa mahabang panahon.
Puro ka
angal, hindi ka naman bumoto.
Gusto mo ng
pagbabago, hindi ka naman bumoto.
Bumoto ka
nga, hindi naman karapat-dapat ang binoto mo.
Sino ngayon
ang mas bobo?
Ang talino
mo nga. Walang duda.
Comments
Post a Comment