Ang Kape

Nagmulat ka ng mata. Pumungas-pungas at naghikab. Sinet ang andar ng utak para sa panibagong umaga. Nag-unat, bumangon na parang zombie at nagpainit ka ng tubig. Jumingle ka muna kahit nakapikit, habang hinihintay mo ang pagkulo ng tubig, saka ka nagtimple ng KAPE. Alam mo sa sarili mo na gigisingin ka ng aroma ng KAPE. At ito rin ang unang likidong papasok at gigising sa katawan mong tamad na tamad pa rin ng umagang ‘yon. At sa huling lagok mo ng kape, isa lang ang masasabi mo: GISING NA KO.

            Wala ng tatalo pa sa angas ng kape sa umaga. Gaya ng alak na bida sa gabi, ang kape ay isang instrumento ng ilang mga taong naghahanap ng kakaibang lakas at yugyog sa utak para sa mga gawaing nangangailangan ng matinding konsentrasyon tulad ng pagaaral, pagsusulat ng ilang mga peryodista, kolumnista, nobelista (ehem…), pagtuturo ng mga dakilang guro, maghapong pagupo sa pampasaherong sasakyan ng ilang mga drayber at dagdag talino sa mga kabataang nagbubuhos ng atensyon sa counter-strike at dota. Pero ayon pa rin sa pagaaral, mas epektibo pa rin ang pagkain ng isang mansanas sa umaga kesa sa kape sa larangan ng gisingan ng diwa.

            Masarap ang kape, lalo na pag mainit,(kung kaya mong sumigaw sa loob ng 8 taon, 7 buwan at 6 na araw, makakapag-produce ka na ng sound energy na magpapainit sa isang tasa ng kape) at marami ‘yang variant. Ewan ko ba kung ano ang pumasok sa isip ng ilang mga taong gumawa na ng sarili nilang bersyon ng kape, na kadalasang sa Starbucks ko lang nababasa. Ang alam ko lang eh 3-in-1, brewed, cappuccino at ang pinakahardcore na espresso. Ni hindi ko rin ma-enjoy ang malamig na kape. Tag-ulan pa naman ngayon, sakto ang isang mainit na kape sa piling ng internet, movie trip o ng kahit na simpleng paglilinis mo lang ng kuko.

            Nagpalabas na ng maraming advertisement o commercials ang ilang naglalakihang kumpanya kung ano-ano ang benepisyo ng kape. Dahil alam na naten na ang kape ay naglalaman ng anti-oxidants na tumutulong para makaiwas sa kanser, mas dumami ang consumer nito sa nakalipas na ilang taon, kasabay ng pag-usbong ng Starbucks sa ilang lugar sa Pinas, na isa na rin sa bagong rason para tambayan ng ilang mga taong kayang patagalin ng 2 oras (o higit pa!) ang isang baso ng kape, makapagyabang lang at magkaron ng panibagong primary photo. Pero alam mo bang ipinagbawal ng hari ng Inglatera noong 1675 ang pagpapatayo ng mga “kapihan” dahil sa ito raw ang nagiging madalas na lugar ng mga taong nagbabalak pabagskin ang kanyang kaharian? Sabagay tambayan din ng ilang mga pulitiko ang ilang sikat na kapihan na nagpapabagsak ng Pinas, mismo.

At AALLLAAMMM na naten na kapag kumukonsumo tayo ng kape, nakikipagnegosasyon tayo sa CAFFEINE. Kumpara sa mga itim na softdrink, mas mataas pa rin ang lebel ng caffeine ng isang tasa ng kape. At ito ang dahilan ng pagkagising ng utak ng isang taong lulong na sa kape.

Pero pa’no nga ba nangyari ‘yun?

“Sa utak ng tao, meron tayong tinatawag na “adenosine” at sumasama lang ito sa ilang receptors gaya ng “adenosine receptor”. Ngayon ‘pag nagsama na sila, dito na nakakaramdam ng antok ang isang tao. Pag pumasok naman sa eksena ang caffeine, sasama naman ang receptor dito, at maiiwang naglulupasay ang adenosine. Ang pituitary gland mo naman ay mapupuna ito at iisiping may “emergency” kaya ipagkakalat niya sa lahat ng adrenal glands na mag-produce ng adrenaline (na nararamdaman ng isang taong bumubuhat ng isang refrigerator tuwing may sunog). Pagkatapos no’n, babanggain ng caffeine ang dopamine levels kaya, high ka na ngayon dahil sa caffeine…”

           


Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!