"Philippine Mutants"
Hanggang ngayon nangangarap pa rin ako na balang araw,
magkakaron ako ng ‘special powers’ o ability tulad ng mga superhero-ng nabasa
ko na sa komiks o napanuod sa pelikula. Marami akong pagpipilian: maging
invisible; magkaroon ng ‘premonition’ o malalaman ko in advanced ang eksena ng
limang minuto; makabasa ng iniisip o utak ng ibang tao (pwede ring hayop);
maging magaling sa lahat ng uri ng sugal (lalo na sa lotto!); magkaron ng
sobrang taas na IQ para panisin ko ang lahat ng senador pag may hearing; pahintuin
ang oras; mag-time travel para maitama ko ang mali-maling history books ng
Pinas at; makalipad ng sobrang layo. As in sobrang layo na kaya kong higitan
ang mga space shuttle para makarating ng ibang universe para matapos na ang
debate kung meron mang ibang nilalang sa kalawakan bukod sa tao, nang hindi
gumagamit ng space suit. Sana
lang. Pangarap ko rin kasi magkaron ng tropang alien.
Badtrip ako sa anime na Ghost
Fighter. Mula pagkabata kasi, inisip ko na noon na meron talagang
tinatagong special abilities ang bawat indibidwal. Panahon at practice lang ang
kelangan. Pero ilang presidente na ang lumipas, hanggang ngayon kahit pag-utot
ng walang amoy, hindi ko magawa. Badtrip talaga. Bad influence talaga ang mga
cartoons.
Madalas na sa bawat episode ng Ripley’s Believe It or Not? ay nagpapalabas sila ng ilang tao sa
mundo na may unique na kakayahan. Mga talento na hindi normal gawin ng isang
tao. Ayoko ng mag-elaborate kung ano-ano yun. Basta madaming uri. Yung mga
talentong hindi natin aakalaing kayang gawin ng isang tao. Mga out-of-this
world na talent na hindi ko nakikita sa mga talent shows. Basta, lamang sila ng
sampung puntos sa mga clown o sirkero. Ang kaso, iilan lang silang may
kakayahang gumawa nun. Kung gifted man turing yun, hindi ko alam. Kaya nga
believe it, or change your channel na lang.
Maganda ang tema ng istorya ng X-men kung saan at paano
nagsimula ang mutation, at kung paano isinilang ang mga mutants (see Google for
more details). Simula nga nun, marami ng tao ang nasira ang ulo sa mga komiks
at pelikula kahit hindi naman talaga totoo at walang basehan para maging totoo
sa batas ng tao. At kung totoo man, parang hindi handa ang Pinas sa ganung uri
ng giyera. Mas marami kasing kontrabida dito. Madalas na makikita sila tuwing
eleksyon at senate hearing.
Nito lang nakalipas na ilang oras (siguro almost two hours,
pagkatapos kong magbagsak ng atomic bomb sa banyo), naisip ko kung meron ba
talagang mutant sa mundo. At kung meron man, ano ang pangalan at costume niya?
Pero na-realize ko na dito lang sa Pinas e nagkalat ang mga
mutant. At madami sila, nang hindi lang natin napapansin. Ayaw mong maniwala?
Sige. Ipagpatuloy mo lang ang pag-scroll down para maliwanagan ka.
Heto ang ilan sa mga mutant ng Pinas (sa sarili kong
opinyon lang naman):
Jeepney drivers. Isa sila sa mga hinahangaan kong
trabaho. Di tulad ng mga bus driver na may ka-tandem na konduktor at taxi
driver na iilang pasahero lang ang kayang i-handle, jeepney driver ang sa
tingin ko’y nangangailangan ng maraming skills. Una, dapat magaling magmaneho.
Pro na pro. Yung kahit ga-buhok na lang ang pagitan ng mga sasakyan sa sikip ng
traffic, dapat magawan pa rin ng paraan. Kung sapian man ng pagiging ‘fast and
the furious’ alang-alang sa kikitain, walang problema. Normal yun lalo na kung
araw ng Baclaran at Quiapo. At araw ng biyernes, partikular na sa EDSA. Tsaka
pag hinahabaol ng traffic enforcer.
Pangalawa, dapat updated ang GPS sa utak. Kabisado mo dapat
ang pasikot-sikot ng kakalsadahan, magmula sa mga landmarks hanggang sa mumunting
tindahan ng mani. Pamilyar ka dapat sa daloy ng pasahero, kung kelan sila
dadagsa at kung kelan matumal.
Pangatlo, dapat magaling sa math. Dahil isa ako sa mga
taong galit sa math, bilib na bilib ako sa mga gantong tao. Hindi kelangan ng
calculator sa paraan ng pagsalaysay ng pamasahe, kung ilang kilometro ang
tatahakin, at kung magkano ang sukli. Kahit sabay-sabay magbayad, walang
problema. Hanggang sa kahuli-hulihang piso, alam nila kung paano nila
sisingilin sa’yo. Sabagay, tumatalino talaga ang tao pagdating sa pera.
Pang-apat, dapat matalas ang pandinig at pakiramdam. Dapat alam
mo kung sino sa mga pasahero ang may balak mag 1-2-3, kung sino ang hindi pa
nagbabayad, hindi pa nasusuklian at hindi pa naliligo (joke lang). Kelangang
alerto sa mga katagang ‘bayad’, ‘para’ at “Mama yung sukli po ng wan handred!”.
Pero gaya ng
mga superhero na may kahinaan, may mga pagkakataong pumapalya ang pandinig
nila, lalo na pag usapang sukli. Dun tuloy naglalabasan ang mga kontrabida ng
wala sa oras.
Call center agents. Mga alagad sila ni Batman. Taong
nocturnal. Mga uri ng empleyadong tulog sa mga oras na gumagawa ng balita ang
bansa, at gising sa mga oras na marami ng humihilik at nagpe-premarital sex.
Kaya nilang magtabaho sa dalawang time zone kapiling ang samu’t saring uri ng
kape. Oo, totoo yan. Magmula sa 3-in-1 hanggang sa parang kending kape ng
Starbucks, nasubukan na nila lahat alang-alang sa gising na diwa. Isali mo na
rin ang mga energy drink na ewan kung nagbibigay ba talaga ng energy. Mahirap
kalabanin ang antok, sa parehong paraan kung paano labanan ang nagwawalang
utot.
Bukod sa puyat, kelangan nilang magbaon ng
maraming-maraming English grammar para sa mga customer na may kanya-kanyang
mood. Prone din sila sa mga holdapan at kung ano-ano klase ng krimen lalo na sa
madaling-araw dahil sa kakaibang ‘office hours’, para lang kumita at
makapagbayad ng buwis. Mapipilitan silang mag-aral magyosi para lang labanan
ang stress at problema sa lovelife. May mga pagkakataon pang nawawalan na sila
ng social life dahil sa pangarap na magkaron ng matinong oras ng tulog.
Nakakalimutan na nila ang barkada, na minsan pati ang pamilya.
Ilang beses na ba nagkaron ng headline sa balita na ang
biktima ay call center agent?
Security guards. Aminin na natin, na isa sila sa
uri ng empleyadong delikado ang responsibilidad. Madalas man natin silang
nakikitang nagpa-power nap para labanan ang puyat at antok, hindil lingid sa
kaalaman natin na mas sensitibo at delikado ang trabaho nila. Kelangan nilang
obserbahan ang bawat galaw o kilos ng mga taong nakakasalamuha nila, maging sa
mga taong binanbatayan nila. Ang bawat kakaibang kilos ay naka-log sa
“mahiwagang aklat ng eksena”. Nasa kanila ang huling sisi kung may mangyaring
hindi kanais-nais sa kanilang teritoryo. Gaya
ng mga call center agents, mortal enemy din nila ang antok, lalo pa’t magdamag
silang magbabantay ng isang lugar kung saan tanging bukas na radyo lang ang
kasa-kasama at ang matigas na batuta, kapalit ng sapat na sahod.
Garbage collectors. Maraming tao ang madaling mandiri
sa sipon o kahit na simpleng tinga. Pero ang mga taong tulad nila, wala sa
bokabularyo nila ang maging maselan. Bulag sila sa kung ano-ano mang pautot ng
mga eksperto pagdating sa mga germs-germs o bacteria. Lahat yun, wala silang
pakelam. Hindi nila kelangan ng mga suit o battle gear para labanan ang
nakaambang sakit na pwede nilang makuha, ano mang oras. Ang mahalaga sa kanila
ay maging pera ang kapalit ng pagtatapon mo ng basura.
Maging mabantot o mabaho man ang tingin ng marami sa kanila,
alam naman nating mahalaga sila sa mga oras na puno na ang basurahan at
kelangang may kumilos para alisin ang perwisyong dulot ng mga basura. Sila yun.
Sila na ang bahala na dun. Ang gagawin na lang natin e sundin ang tamang oras
ng pagtatapon. Nakakahiya naman sa kanila kung maglalagay pa sila ng hotline o
emergency numbers para lang magkaron ka ng sariling schedule ng pagtatapon.
Barker. Subukan mong kumanta ng ilang
beses sa videoke. Nakakapaos di ba? Pero iilang kanta pa lang yun. Paano kung
maghapon kang nagsisisigaw para lang magtawag ng pasahero, kapalit ng barya?
Naisip mo na ba kung insured ang lalamunan nila para lang magsisisigaw? Kesyo
mangamoy shawarma sila sa init ng araw at lagnatin tuwing tag-ulan, ang bawat
barya sa kanila ay maaaring maging bigas kinahapunan. O pampaaral sa anak. O
kung ano-ano pang gastusin.
Street vendors na
naglalakad. Isang
magandang halimbawa dito ang mga magtataho at magbabalot. Sila yung mga taong
walang pakelam sa kalyo at layo ng lalakarin. Kung ang mga normal na empleyado
ay nabubuhay sa pa-taxi-taxi at pa-jeep-jeep, pwes, ibahin mo ang superstrength
nila. Kung ang paglalakad lang ng ilang minuto e nakakapagod na, paano pa kaya
kung may bitbit ka?
Traffice enforcers. Isa sila sa kinaiinisan ng mga
motorista at mga jay-walkers. Pero gusto kong i-challenge ang mga ito kung kaya
nilang makipagpalit ng trabaho sa mga tulad nila. Isipin mo na lang kung gaano
kahirap sa kanila ang balansehin ang populasyon ng mga sasakyan. Isali mo na
dyan ang maghapong pagsinghot ng mga usok ng sasakyan habang nakatirik ng araw.
Ewan ko na lang kung hindi uminit ang ulo mo.
Yun nga lang minsan, nasasapak at napapahiya pa sila sa
maraming tao.
Marami pa sila, pero sa tingin ko sila ang may
pinaka-unique na skills.
Hindi pa rin natatapos ang pangarap kong magkaron ng
special powers. Kahit kapalit ng isang kidney ko, payag ako. Gusto ko talaga
makalipad, malayong-malayo. Hindi para maiwasan ang traffic sa EDSA, hindi para
makaiwas sa pamasahe, kun’di makakita ng alien. Sabi ko naman sa’yo, pangarap
kong magkaron ng tropang alien. Kung bakit at ano ang dahilan, wala ka na dun.
Babalitaan na lang kita kung meron man.
Comments
Post a Comment