"2012 Syndrome"

Napanuod mo na ba ‘yung “2012”? Oo, ‘yung super-disaster movie na end of the world, at remake eksena ni Noah? ‘Yung mga eksena na kahit sila Naruto at Sasuke eh wala ng ligtas? ‘Yung kahit magtago ka pa sa Malakanyang eh hindi ka pa rin maliligtas kasi doomsday na?

            Nakakatakot ‘di ba?

            Hindi ko pa man natatanggap ang 13th month ko, curious na ko kung ano ba talaga ang magiging eksena ng sanlibutan kung totoo nga na katapusan na ng lahat. Kung magiging tulad nga ‘yun ng ‘2012’, ano pa ba ang tanging magagawa ng sarili mo kun’di mag-post sa FB ng “Thanks guys! Have a blessed doomsday!”, Para saan pa ang pagsisipag ko (na parang hindi naman) sa trabaho kung alam ko naman na wala namang mangyayari sa lahat ng mga bagay na dito lang sa earth mapapakinabangan? Ano pa ang silbi ng cellphone at notebook (pati na ang internet)?

            Parang ang labo naman kasi na sa edad hindi-na-mabilang ng mundo, magre-resign na rin siya at magpapahinga na ng tuluyan. Sa bilyong taon ni mother earth, bakit sa henerasyon pa naten? Ang dami pang magagandang bagay na hindi pa nangyayari, kahit sa ‘Pinas man lang. Mano bang makatikim muna ng ginhawa at respeto ang lahi ni Juan. ‘Yun bang peso naman ang basehan ng pera sa mundo. Na tayo naman ang tinitingala, kinikilala at pinapalakpakan kung saan mang larangan ‘yan, lalo na gobyerno (gobyerno na naman). ‘Yung sitwasyon na tayo naman ang magandang pamantayan ng lahi. Sana nga lang.

            Dati nakapanuod ako ng dvd copy ‘kuno’ ng ‘Nostredamus 2012’. Documentary ng paggunaw ng mundo, na ewan kung totoo. Kung papanuorin mo ng medyo seryoso at busog sa burger at French fries, masasabi mong parang ganun nga ata talaga ang mangyayari sa mundo. Ang dami ba namang theories at explanations at blah blah blah na kapag napakinggan at napanuod mo eh sasang-ayon ka na lang. May kinalaman daw ang planetary movement whatsoever ni Nostredamus sa sinasabing doomsday na sa December 21,2012 nga mangyayari. Kung paano at kung saan mang hardware niya nakuha ang libreng kalendaryo ng mga oras na iyon, walang makapagsasabi. Magkakaron daw ng isang hanay na pila ang lahat ng planeta sa solar system, at ang blackhole ang magiging platoon leader nila. Magkakaron ng malaking epekto sa kung ano-ano mang klima o atmosphere ng earth na hindi ikatutuwa ng lahat, lalo na ang mga laundry shop na hirap sa pagpapatuyo ng labahin. Tapos katakot-takot na disaster na ang magaganap. Kasali sa theory nito ang 9/11 tragedy at ang bagyon Ondoy. Pero hindi kasali ang ampatuan massacre. Kasalanan daw ng mayan calendar ‘yun. Sila daw kasi ang unang nagbigay ng horoscope kaya alam nilang gugunaw na ang sarili mong mundo bago pa magpasko. End of B’aktun 13 ang tawag nila dun.

            At paano nila nalaman ‘yun kung nung panahon nila eh wala pang Google at Yahoo?

            Dami na ngang naglalabasang nakakatakot at maka-kunot-noong libro, pelikula o simpleng artikulo tungkol nga sa kinatatakutan ng lahat, bukod sa pagtaas ng singil sa MRT/LRT at pagsasara ng facebook. Sila ‘yung mga mutant o extraordinary minds na kayang mag-predict ng hinaharap. Kahit ano mang kalkulasyon, theories o logic, basta matibay ang ebidensya at pag-aaral, sige. Ipakalat sa mundo na ganto ang kahihinatnan naten pagdating ng takdang araw. Nababalutan na tuloy ng takot at curiosity ang tao kung gawa-gawa lang ang istorya o pinakalat lang ng taong gusto makakuha ng maraming shares at likes. Sa sobrang takot, marami ang naniwala, nag-like at parang mangha-mangha sa magaganap na katapusan. Dahil lahat ng bagay sa mundo ay may ending, dapat si mother earth meron din. Kaya ultimo tirahan ng sanlibutan, pinaniniwalaang matatapos na rin ang kontrata, matapos ang ilang milyon o bilyong taon.

            Pero hindi man natin alintana ang mga ganung impormasyon o teorya, totoong nagbigay na ng ilang nakakatakot na trailer at spoiler ang mga disaster nitong mga nakaraang taon. Tanda mo pa ba ‘yung Y2K o millennium bug? ‘Di ba marami din ang nagsabi na katapusan na rin ‘yun? Na kung ano-anong cosmic waves, solar flares, matitinding lindol, ‘land changes’, at ‘seismic explosiongs’ ang mangyayari bago pa sumapit ang petsang May 5,2000? Pero mumurahing scientific calculator lang ata ang nagamit nung mga oras na iyon. Sablay, buti na lang. Naabutan pa naten ang panahon ng I-Phone at facebook. Nakaranas na rin tayo ng matitinding disaster na parang naningil ng malaki si Kamatayan kaya marami ang na-recruit. Sa listahan ng mga nagdaaang disaster mula pa noong 1900’s, milyong tao na ang namahinga sa kanya-kanyang libingan, at kahit ang Pinas ay hindi ligtas. Pero mantakin mong hindi kasali sa listahan ang bansa naten na may pinakamaraming bilang ng death tolls na resulta ng kung ano-ano mang pinaniniwalaang preview ng doomsday? Sa Asya, nangunguna ang China na may pinakamaraming bilang ng burol kumpara sa mga karatig bansa nito. Bakit? Hindi ko alam.

            Pinaniniwalaan din ng mga eksperto na isa sa teoryang wawasak sa mundo naten ang ‘Planet X’ o ‘Nibiru’ noong 1995. Babanggain daw nito ang earth na magiging sanhi ng…gunaw siyempre. Pero sablay din ang ganitong teorya. Bago pa man daw masilayan ng Planet X ang earth, mauunahin na natin siya sa sobrang advanced technologies ng NASA, at makakagawa agad sila ng paraan bago pa man mag eyeball ang dalawa. Salamat sa teknolohiya.

            Pero paano kung totoo nga? Na kelangan na talagang magpahinga ni mother earth?

            ‘Wag muna. Madami pang bagay ang pwede pang mangyari. Marami pang tanong na hindi nasasagot. Marami pang problema ang wala pa ring solusyon. Basta marami pa ang mga bagay na wala pa Gaya ng super-hi-tech na mundo. Mundo na makasalamuha na naten ang mga robot at super sa hi-tech na gadgets at anik-anik. ‘Yung mundo na puro pindot na lang. Pindot dito, pindot dun. Lahat ng bagay, pindot ang sagot. Lahat ng sagot sa problema, pindot lang ang katapat. Walang sawang pindutan. PINDOT ka!

            Kung totoo man, sana dumating muna ‘yung time na ang lahat ng tao makaranas ng saya. ‘Yun bang bati-bati lahat. Nagkapatawaran na. Wala ng giyera. Lahat tinatrato ng tao. May konsensya na at isinama na sa baha ang pride. Kung totoo man na mangyayari ‘yun, dapat marami ng pagbabago dahil, wala na eh. Para saan pa ang problema at mga sikreto? Ano pa ang paghahandaan mong future? Ang mga benefits at insurance? Ang alkansiya? Ang huling pasko? O ang huling birthday?

            Ayon na rin sa dvd na napanuod ko, may choice pa ang tao kung katapusan na ba talaga o bagong simula. Fresh start ng marami, as in. ‘Yung bang ire-reformat lang ang earth, tatanggalin lang ‘yung mga bagay na hindi na kelangan. Parang ang sarap isipin na pwede pang mangyari ang ganung bagay. Bagong genesis. Idi-delete na ‘yung hindi na kelangan. Kung magkaganun man, Pinas ang maraming tatanggaling virus. Sa Malakanyang lang, mahihirapan silang mag-debug.

            Kung bukas end of the world na, ano nang gagawin mo?


Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!