Naalala Ko si Bruce Lee

Ilang araw ng naguulan. Ilang araw na din akong nilalamig. Dati hindi ko naman pinapansin ang serbisyo ni kumot pag matutulog. Ngayon, hinahanap ko siya sa mga oras na bumabaluktot na ko sa ginaw. Pati si electric fan hindi na nakatitig sa’ken. Medyo suplado na yung posisyon niya, tapos number 1 lang ang serbisyo niya. Ayos na din, ilang buwan na din kasing pudpod ang number 3, bihira pa si number 2.

            Sa mga panahong ganto na wala namang pwedeng puntahan at paggalaan dahil ultimo mga ninja hindi makakaligtas sa buhos ng ulang dulot ng nagsamang dalawang bagyo na ewan kung anong trip sa buhay, masarap kumain. Yung mainit. Eto yung mga oras na tropa mo si kape at instant noodles. Natural, malamig ang panahon, buhusan ng mainit na likido ang lalamunan at sikmura, para naman lumabas ang nagdadamot mong pawis. Magandang abusuhin ang panahon sa mga pagkaing hindi malangis, walang value added tax at wala ding sustansiya. 3 steps lang ang kelangan dahil ‘instant’, solve na ang problema. But wait, there’s even more! Mura lang at ilang hakbang lang ang kelangan, mabibili na sila sa mga suking tindahan at sari-sari stores, nationwide!

            Ang galing ng nakaisip nun, as in. Hindi na nga ako nagtataka kung bakit hindi na rin mabilang ang mga nagawang commercial ng mga ‘insant mami o noodles’, magmula sa batang utak matanda at matandang nagutak bata, hanggang sa mga artistang hindi mo akalain na kumakain din pala ng ganung uri ng pagkain. Ang akala ko pa dati, China ang may pakana nun. Taiwanese pala ang nagpauso nun, pero sa Japan unang nadala sa merkado noong 1958. Medyo marami nga lang ang hindi sang-ayon sa ganung uri ng pagkain lalo na ang mga eksperto sa pagkain. Kabilang kasi sa junk food ang instant noodles. Bukod sa mataas na carbohydrates, fats, mababa ang fiber, vitamins, minerals at higit sa lahat, mataas ang sodium. Kaya hindi ito kasama sa listahan ng pagkain ni Bruce Lee.

            Bakit ko nga pala naalala si Bruce Lee? At ano ang kinalaman ng instant noodles sa blog na to?

            Hindi ako ganun ka-fanatic ng mga martial artists. Nakakatuwa lang minsan manuod ng mga ganung uri ng pelikula. Bugbugan at puro sakit sa katawan ang eksena na may kasama pang boses na parang mga pusa na binuhusan ng mainit na tubig (na dapat sana para sa instant noodles o kape). Naisip ko na ganun pala ang uri ng suntukan sa China, samantalang sa Pinas, parang nagsalubong na gagambang talon sa ibabaw ng barbecue stick. Yung mga moves na akala mo sayaw, pero pag tumama naman sa panga o sikmura, mahina ang bulagta o walang malay. Pwede na din mag-check in muna ng ilang araw sa ospital. Sa sobrang lakas, aakalain mong mga mutant na tinurukan ng kung anong super powers. Ultimo kahoy, semento o bato, walang ligtas sa bangis at lakas.

            Isang beses na nakasakay ako ng bus, Ip Man 2 yung movie. Hindi ko gano pansin, hindi na kasi ako ganun kainteresado sa mga ganung uri ng pelikula. Nung una kasi, boring. Tapos lasing pa yung subtitle. Pero hindi ko namamalayan, na sa pelikula na pala yung atensyon ko. Pano ba naman, ang galing ng mga fighting scenes! Medyo realistic kumpara sa mga martial arts film ni Jet Li na may mga zero gravity na eksena. Yung mga oras na yun, manghang-mangha ako sa bida. Bumalik ang interes ko sa ganung uri pelikula. Parang gusto kong mag-enroll sa kanya. Luluhuran at ituturing talagang master. Hindi ko alam, true story pala yun ng master ni Bruce Lee. Hindi na ko nagtaka.

            Hindi ako brutal na tao, pero kung ‘singlakas naman ako ni Bruce Lee, malamang na katakutan din ako, hindi lang dahil sa mukha. Kaya hindi ako naniniwala na lahat ng malakas ay malaki ang katawan. Kita mo naman imahe ni Bruce, wala siyang balak sundan ang yapak nila Batista at Hulk Hogan, pero parang gawa sa bakal naman ang kamao. Kung babasahin mo lang yung biography niya sa wikipedia, dun mo maiintindihan kung bakit ganun ang pangangatawan niya dahil sa disiplina pagdating sa health. Hindi talaga nabanggit dun yung instant noodles.

            Nakakabilib lang minsan panuorin ang mga pelikula niya kahit medyo hambog ang role niya. Sabagay, okey lang naman maging hambog, kung kaya mo namang patumbahin ang mga mas hambog.

            Hindi na ko magbabanggit ng kung ano-anong eksena sa buhay ni Bruce. Mahaba kasi. Baka tamarin ka lang at isipin mo na nag-translate lang ako ng biography niya galing sa wikipedia.

            Naalala ko pa yung true story niya. Bata pa ko nung first time kong mapanuod yung unang labas ng biogprahy niya. Anak pa ata niya o kapatid niya yung gumanap nun. Medyo weird nga lang yung ending, hindi kasi pinakita yung tunay na dahilan ng pagkamatay niya. Basta natapos yung movie, yun na yun. Hanggang sa nakapanuod ulit ako ng isa pang true story niya. “The Legend of Bruce Lee” yung title. Kung pamilyar ka sa “Shaolin Soccer” na movie (Stephen Chow yung bida, idol niya si Bruce Lee), yung gumagaya kay Bruce, yun yung gumanap. Mas detailed yung movie, mas mahaba, may dagdag na eksena at nasolve na din yung kaso kung ano ba talaga ang kinamatay niya. May nakapagsabi kasi sa’ken dati na sa shooting ng “Enter the Dragon”, aksidenteng nalagyan ng bala yung props na baril na dapat blank bullet ang laman. Yung ibang version naman, bangungot. Madalas kasing binabangungot si Bruce. Hanggang sa nalamaan ko na dahil sa ‘cerebral edema’ pala ang dahilan ng pagkamatay niya. Search mo na lang sa wikipedia para lalo kang maliwanagan.

            Gaya nila Kurt Cobain, Bob Marley at Tupac Shakur, bata pa ng mamatay si Master Lee. Paano kung buhay pa siya ngayon? Malamang kasama siya sa cast ng “Expendables”. Nakakapanghinayang lang talaga. Pero atlis kasama siya sa listahan ng mga icon ng 20th century, kasama sina Einstein at Luther King. Dapat lang.

            “There’s no substitute for the real king…” sabi ni Ely Buendia sa “Superproxy 2k6”. Gaya nila Michael Jordan at Larry Bird, wala na nga atang isisilang o papalit sa nagawa ni Master. Mahirap ng higitan o abutin yung nagawa niya, lalo na sa bansa niya. Marahas man, kung titingnan mo naman yung brighter side, lalo na yung lesson ng mga movie niya, iisa lang ang mensahe: good always win against evil. Kahit anong larangan pa yan. Sa maniwala ka man o hindi, meron pa siyang sariling foundation. Astig talaga si master.


            “I always learn something, and that is: to always be yourself. And to express yourself, to have faith in yourself. Do not go out and look for a successful personality and duplicate him", isa yan sa mga pilosopiya ni Master. Kaya kung gusto mo makilala o magpasikat, yung ikaw mismo ang ibandera mo. Tsaka wag mo na idamay yung youtube para lang sumikat.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!