Drink Moderately? Asa...
Lahat na
lang ng bagay sa buhay ng isang tao ay papunta sa alak. Totoo ‘yan. At marami
ng patunay diyan kahit ‘di ka gumamit ng google.
Isa sa mga dahilan ng kawalan ng
“abs” ng mga kalalakihan (lalo na sa Pinas) ay dahil na rin sa katakawan sa
alak. Ang bawat oras sa isang araw ay maaring lakipan ng “drinking session”. Sinagot
ka ng nililigawan mo, inuman. Gumradweyt ka (sa wakas!) ng hayskul o kolehiyo,
inuman. Natanggap o napromote ka sa trabaho, inuman. Lahat ng holiday sa loob
ng isang taon, inuman, isali mo na rin ang birtdey mo na umaabot ng ilang araw.
Binyag, kasal, kumpil, reunion, gimik, simpleng pagtambay, panalo sa sugal, may
bagyo, bagong gupit, bagong sahod, bagong taon, bagong pagawa ng pustiso o
simpleng araw-tanghali-hapon-gabi-madaling-araw-na-walang-magawa ------ iNuMaN.
AlAk. INumAn. INUman. ALak. AAAALLLLAAAKKKK!
Sa Pilipinas lang ata pwede ang sistemang inuman kahit
saan. Na kahit nakaharang na kayo sa dinaraan ng mga tao, pipilitin nyo pa rin
maglatag ng mesa at ilang bench na upuan magkaron lang ng kaunting salo-salo o
selebrasyon. AT ‘YAN ay kahit anong oras, araw o okasyon man ‘yan, basta
nagsimula na ang patak-patak at ambagan, presto!
Lingid na rin sa kaalaman ng lahat, ang simpleng inuman ay
parang isang program sa iskul na nangangailangan ng ilang segment at opisyal.
Tanggero? Hindi nawawala sa listahan. Isa sa pinakamabigat na tungkulin. ‘Yung
para kang bangag sa drugs na dapat alerto ka sa kung sino na ang tatagay at
marunong magdesisyon kung dapat ng taasan, babaan, bagalan o bilisan ang daloy
ng tagay. Musical director. Ang bida sa videoke o tagalabas ng saliw na mga
kanta ng E-heads o Parokya ni Edgar na gitarista. Story teller.
Piiinnaakkaa-makwento at parang tabloid sa dami ng alam at tsismis. Muse. Ang
“hidden pulutan” ng mga kalalakihan na walang ibang ginawa kun’di magpaganda,
magmaganda, at magpacute na sa huli ay una din namang susuka. Stand-up
comedian. Wala pa kong nasaluhang inuman na hindi naglabas ng joke kahit gasgas
na. Aktor/aktres. Eto ‘yung tagabasag ng trip at agaw-atensyon kung magdrama na
kulang na lang abutan mo ng trophy sa galing umarte. At manager. Ang special
treatment sa lahat at “bossy”. Bawal utusan at dapat puro lambing at panguuto
ang dapat gawin ‘pag kausap mo siya.
Ewan ko ba kung ano ang napapala naten sa alak at
tuwang-tuwa tayo sa epekto nito. Bukod sa gastos, hindi maipaliwanag na lasa,
hang-over at mitsa ng aksidente, wala naman talagang magandang nagagawa ang
toma sa katawan ng tao, isantabi mo na ang kasiyahan, bonding, agaw-lakas loob sa
panliligaw, alternatibong paraan ng pagkuha ng tulog, pag-headbang at dagdag na
memorable moments mo. Noon, sumisimbulo lang ng selebrasyon ang paginom ng alak
(hindi pa inuman ang term noon) at ginagawa lang ito pagtapos magsalo-salo,
lalo na nung panahon ni Lapu-Lapu. PERO
NGAYON? Pwede ng ihilera sa mouthwash ang ilang brand ng alak. At minsan na
ring dinadahilan para takasan ang problema.
Sa Germany
matatagpuan ang To Georg Tscheuschner, ang pinakamatapang na beer at
pinakamasagwang lasa na nagkakahala ng 100 Euro. Kung sa Pinas meron tayong
sumisipa, sa Germany ,
meron naman silang nananadyak.
Alam naman naten na ang kasunod ng inuman ay ang parusa ng
hang-over. Dahil sa ang alkohol ay lumilikha ng inflammatory chemical o
“Cytokins” na mabilis iprodyus sa katawan ng tao, nagreresulta ito ng memory
loss, kawalan ng pokus at sakit sa ulo (hang-over na ‘yan p’re…). Dito na papasok
‘yung oras ng pagsisisi at pagbabawas ng kasalanan, at minsang pagdarasal na
rin. Na sana
hindi ka na naginom. Na sana hanggang dalawang
bote ka lang. Na sana
umuwi ka na lang ng maaga at nanuod ng bold kesa napagastos ka sa isang bar. Na
sana mawala
agad ang sakit ng ulo mo matapos mong ibottoms up ang isang litro ng Sprite. Na
sana hindi ka nagtakaw sa pulutan para hindi gaano makalat ng suka ang unan mo.
Na sana pinigalan mo ang sarili mo pero huli na kaya nahalikan mo na walang sa
oras ang babaeng gumanda lang sa paningin mo ng gabing ‘yon. Na sana natutulog ka ngayon sa maayos na kama
kesa sa labas ng pintuan ng bahay nyo na kahit ang lamok ay iniiwasan ka.
Dahan-dahan ang epekto ng alak sa katawan ng tao. Pero
depende pa rin ito sa bahay-alak ng isang tao. Pero para na rin sa kasiyahan ng
lahat, heto ang ilang tips kung lasing ka na o dapat ka ng umuwi:
HENYO – sa mga oras na ito, eksperto ka na sa lahat ng
larangan, mapa-pulitika man o relihiyon. etc. at gusto mong maipasa ang mga
kaalamang ito sa mga ka-jamming mo. Mabilis na nagiging ensayklopidya ang utak
mo at para kang sinasapian ng isang titser. Sa mga oras ding ito ay lagi kang tama AT laging mali ang kausap
mo. Sa kabilang banda, magiging interesante ang inuman dahil lahat kayo ay
HENYO na, ng hindi nyo namamalayan
MISTER SUWABE – ang oras na para kang naliligo sa sex
appeal at pakiramdam mo ay hanging-hanga sila sa’yo kaya panay ang ngiti mo at
pagpapakyut. Pakiramdam mo ay makakausap mo ang lahat ng kainuman mong chicks
at hindi ka mapapahiya sa kanila dahil swaabbee ka.
LUCIO TAN – wala ka ng ibang bukambibig kun’di kahambugan.
Na nakahanda agad ang pera mo sa oras na isang bote na lang ang nalalabi. Na
pakiramdam mo ay hindi ka nauubusan ng pera kaya “sky’s the limit” na ang
inuman. At dahil sa mayaman ka, pupusta ka lagi sa anumang mapagtripan nyo at
dahil sa HENYO ka ay alam mong lagi kang mananalo.
INVINCIBLE – matapos kang sapian ni Einstein, isa ka naman
ngayong ganap na boksingero at walang maglalakas ng loob na patulan ka dahil
malakas ka. At kahit sino, kaya mong hamunin, kahit ang barangay tanod.
Maghahamon ka ng simpleng pustahan ng bunong-braso dahil LUCIO TAN ka na
maraming pera at HENYO ka kaya alam mong matatalo mo sila.
INVISIBLE – ang huling kabanata ng pagkalasing. Sa mga oras
na ito, lahat pwede mo ng gawin. Pwede kang sumayaw sa ibabaw ng mesa para
magpa-impress at wala kang pakelam dahil hindi ka naman nila nakikita. Wala rin
sa paningin ng mga kainuman mo ang sarili mo dahil pakiramdam mo hindi ka nila
nakikita kaya bigla ka na lang nananampal. Mag-aala April Boy ka na sa gitna ng
kalye at wala kang pakelam kung sintunado ka dahil wala namang nakakakita
sa’yo, kahit mali
ang lyrics mo, dahil sa HENYO ka kaya tama lang ang kanta mo.
(shot mo na! puro ka kwento…)
Comments
Post a Comment