Ang Pinaka...

Kung inaakala mong si Bill Gates ang pinakamayaman sa buong mundo, nagkakamali ka. Dahil mula sa bansang mexico galing ang pinakamayamang tao na si Carlos Slim na may net worth na $74 billion. Pangalawa lamang ang founder ng Microsoft na may net worth namang $56 billion. Pero dahil sa patuloy ang takbo ng yaman ni Gates, malamang na siya naman ang manguna sa susunod na taon.

            Si Pacquiao naman ngayon ang may hawak ng titulo na pinakamaraming belt sa walong division ng boxing. Hindi tulad ni Floyd Mayweather na undefeated na may 5 world title lamang.

            Ayon naman sa FHM, si Rosie Huntington-Whiteley ang sexiest woman para sa taong 2011.

            Ang peregrine falcon ang pinakamabilis na hayop panghimpapawid na may 200 mph o 322 km/hr na bilis, samantalang ang sail fish naman ang nangunguna sa tubig na may 68 mph. Cheetah naman ang pinakamabilis sa lupa na may 70 mph o 113 km/hr na record.

Eh ano naman ngayon?

            Marami ng naitalang “pinaka” sa buong mundo. Magmula sa yaman, sports, personality at talent. Pinakamagaling, pinakamasagwa, pinakamabilis, pinakabongga o pinakakorni, meron tayo niyan. Lahat na meron, mapa-tao man o hayop.

            Kamakailan lang nagdebate kami ng mga katrabaho ko kung sino ang pinakamalakas na superhero sa buong mundo. Lahat pabor kay Superman. S-U-P-E-R nga eh. Puwera na lang kung naimbento na si Most Superman.

            Walang nananatili sa kategoryang pinaka. Lahat may katapat. Lahat nababasag ang record. Sabi nga ni Paul Pierce ng Boston Celtics, “records are meant to be broken”. Pinaka ka ngayon, baka bukas hindi na. Ultimong si Superman na “super” na, kryptonite pa rin ang katapat, at tinapatan din ni Doomsday. Kahit ang mga nasa talaan ng Guinness Book of Records, napapalitan din. Pati na ang mga youtube videos na naghi-hit ng ilang milyon.

            Hindi man Pilipinas ang nangungunang bansa sa mundo sa larangan ng kurapsyon (Somalia ang nangunguna), panget pa rin pakinggan. Pupusta ako, kapag may nagtanong sa’yo kung corrupt ba talaga ang Pinas, kung hindi ka man sasang-ayon, ngingiti ka na lang o iibahin mo ang topic. Sawa ka na kasi sa salitang “corrupt” at nakakangilo sa ngipin ‘pag sinabi ng pangulo na “titigil na ang kurapsyon”. Iisipin mong nagdyo-joke lang siya. At kung kelan mabubura ang bahid ng kurapsyon sa Perlas ng Silanganan, walang nakakaalam.

            Wala naman talagang pinaka. Nagbabago ang lahat depende sa panahon at sitwasyon. Dahil ang pinaka, laging may katapat. Ginagawa na lang batayan ng tao ang salitang pinaka para magpursige, magbalak, manahimik o mainggit. Dahil kadalasang ang mga taong may hawak ng titulong pinaka, kun’di man hanggaan ay sinisiraan.

            Ang lahat ay nagbabago. Tulad na lang ni Bin Laden na kasama sa listahan ng “most wanted”. Eliminated na siya. Iba na ang papalit sa titulo niya. At mas nakakabahala ang papalit, kung sino man siya.

            

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!