Nakakainis Magka-Girlfriend

Hindi dala ng inggit o ng ano man kung bakit ko siya niligawan. Hindi rin dahil sa sawa na ko sa status na ‘single’ at pikon na sa tanong na “bakit single ka pa rin?” kaya tinulak ko ang sarili ko na manligaw naman, kahit papano, kahit paminsan-minsan o kahit trip lang para masabi na hindi ako beki. Hindi rin ako naiinggit sa Valentine’s day, dahil wala namang dapat kainggitan sa ganung petsa, bukod sa mga nagkalat na peke at hindi-makatarungang-presyo ng rosas, at “wala na pong bakante sir”  sa mga mumurahing motel. Walang ibang basbas o pamahiin akong pinaniwalaan kung bakit naisipan kong alamin ang numero niya, kausapin siya maghapon (minsan magdamag) sa tulong ng unlimited text, papunta sa “kain tayo sa labas, pwede ka ba?” at manuod ng sine kahit wala naman talaga kaming napapala, hanggang sa pareho na kaming nagbobolahan at nagbabatuhan ng walang kaumay-umay na “kumain k n b?” at “ingat” kahit bibili lang siya ng mamon sa panaderya.
            Lumipas ang mga… (yun na yun, basta), ayun, naging kami. Natapos na ang chapter ng pagiging single (sa wakas!). Pakiramdam ko, maaga kong natanggap ang 13th month pay at bonus, sa iisang sahuran!
            May girlfriend na ko.
            At halos magiisang taon na kami
            Ang bilis, parang kelan lang. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses ako sumaya habang kasama siya.
            Pero ng tumagal, parang nakakaramdam ako ng inis.
            Bakit minsan hindi ako natutuwa sa kanya? Na nakakainis siya?
            Nakakaiinis kasi nagagalit agad ‘pag hindi ko siya nate-text agad ng ‘good morning’ pagkagising. ‘Yun kasi ang bilin niya, para masiguro na buhay pa ko at kung magre-report na siya sa opisina namin na pumanaw na ‘ko. Para nga naman mapaghandaan na rin ng mga kamag-anak ko kung anong flavor ng kape ang mas mabenta sa merkado at kung sino ang may ayaw ng biskwit sa lamay.
Ayaw ko kasing  salubungin ang ilaw ng cellphone habang nagta-type ng ‘good morning’ at pipikit-pikit pa ang mata ko at basag pa ang diwa ko. Wala pang lamang carbohydrates ang katawan ko kaya nanlalambot ako mag-text agad. Sana naman konsiderasyon kahit konti, ‘di ba? Makailang beses na nga naming pinagawayan ang late na reply. Bakit? Hindi lang naman dahil sa walang signal o lowbatt ang cellphone kaya minsan delayed ang text ko. O masyadong malayo ang reloading station. Minsan ba naisip na din niya na naliligaw din ang mga text lalo na napapasama sa hangin tuwing may bagyo? Pwede ko ring sisihin ang biglaang brownout at hindi ko naisipang i-charge ang cellphone. Sana maintindihan din niya na sa mga oras na nagtext siya, kung hindi man ako nagdedeposito sa banyo eh nagtatanggal ng lagkit sa singit at libag. Magre-reply naman ako agad matapos kong lagyan ng deodorant ng kili-kili ko.
            Malaking isyu nga sa’min ang cellphone. Lagi siyang curious kung sino mang nilalang ang nag-text sa’ken. Kung may magtext naman na hindi kilala, hindi daw dapat reply-an. Antayin na magpakilala. Wag ientertain kung babae. Wag na wag tatanungin ng “hu u?”. Basta. Lahat ng pwede niyang malaman sa laman ng messages ko, dapat magawan ng daily report. Pag may nakalusot, lagot. “Bakit hindi mo sinabi sa’ken na nagtext pala sa’yo si kwan?”. Tataas agad ang blood pressure niya sa mga oras na babae ang magpadala sa’ken ng mensahe, lalo na kung quotes o simpleng “hi. Musta n?” bigla na lang siyang mawawala sa mood. Pag tinanong ang dahilan, iiling lang. Mahaba ang nguso, tapos nakakibit-balikat. Hindi niya ko kakausapin. Nakatingin lang sa kung saan. Pag tinanong ulit, ‘wala lang’ ang isasagot. Hanggang sa ihatid ko siya sa sakayan, wala siyang imik. Parang may kasama akong nilalagnat. Pero pagkauwi, saka niya ilalabas ang sama ng loob niya, gamit pa rin siyempre ang cellphone. Ramdam na ramdam mo ang galit niya dahil madalas may exclamation point kahit ‘ok’ lang ang reply.
            Hindi ko man maibalik ang ‘iloveyou too’ sa ‘iloveyou’ na text, isyu na agad. Katakot-takot na eksplanasyon. Iisipin niyang baka hindi ko na siya mahal kaya ayaw ko na mag ‘iloveyou too’. Kasalanan ko na rin siguro minsan.
            At kahit kakauwi ko lang galing sa trabaho, dapat itext ko agad. Baka daw kung saan-saan pa ako dumaan, o baka nakipagpalitan na ko ng cellphone sa holdaper. At baka hindi niya rin magugustuhan na kasama ako sa headline ng balita na nakipag-UFC sa mga tambay na lulong sa pulang kabayo. Ayaw niya lang daw mapanuod ako sa balita na blurred ang video tapos nakahiga sa kalsada. Pangit din daw sa katawan kung may peklat ako galing sa balisong, icepick o basag na bote ng white flower. Hindi niya rin gustong makita ako sa flash report na naglalakad sa baha na hawak ang sapatos at magkaron ng alipunga. Mahal daw ang paracetamol at bawal sa’ken ang biskwit pag gutom. Kung may binili man ako, dapat hindi magtatagal, kahit parang nasa sinehan ang pila sa convenience store.
Nakakainis kasi pag kumakain kami sa labas, ako ang tirador ng left-over niya. Parang lalake kasi kung umorder. Takaw mata. Oorder ng ganito, ng ganyan. Hindi ko naman masisi, may pagka-boyish kasi. Kaya kahit gusto ko magdiet minsan, hindi ko magawa. Inaalala ko lang naman ang pwedeng maging reaksyon ng mga kakilala o kamag-anak niya, “Siya ba yung boyfriend mo? Infairness parang tatlong buwang buntis!”. Ayaw ko din naman isipin ng iba na ako ang dahilan ng biglang laho ng bitamina sa katawan niya kaya siya pumayat. Kaya hinahayaan ko na lang siya kung minsang parang buffet ang order niya. At kahit target niya ang mga unlimited rice na fastfood, sige na lang ako.
            Nakakainis kasi wala man lang siyang hilig sa mga pelikula. Ni minsan, hindi niya ako naaya manuod naman ng sine, lalo na pag wala akong pera. Pag magkasama kami sa bahay, madalas niyang tinutulugan ang pinanunuod namin. Ang akala ko, seryoso sa pagbabasa ng subtitle. Yun pala, gumagawa na ng muta. Minsan akala ko naiiyak siya sa palabas kaya biglang nababasa ang balikat ko. Yun pala, laway na. Madalas na wala siyang ideya sa mga kinukwento kong magagandang pelikula. Nagi-guilty tuloy ako minsan kung bad influence ba ako nung pinanuod naming yung “3 idiots”.
            Nakakainis kasi para siyang nurse kung magbilin, doktor kung mag-diagnose ng sakit, o simpleng manghihilot. “Oh yung gamot mo sa hadhad, wag mo kalimutan. Yung gamot mo sa almoranas, paubos na ba?”. Minsan kahit simpleng sakit lang ng ulo, aabutan niya agad ako ng gamot. Pakiramdam ko tuloy, discounted na ko sa pamasahe. Senior citizen. At kung minsan, napagkakamalan niya akong pamangkin, “Wag ka masyado magpakapagod ha? Pahinga ka rin.” kahit paglalaba lang ng underwear ko ang kasalukuyan kong ginagawa.
            Okey lang naman sa’ken, yun nga lang, minsan parang may sapi siya ni ermats. At madalas, kung ano-anong herbal medicine ang inaalok sa’ken. Napagbintangan ko tuloy siyang miyembro ng networking. Ganun na ba talaga ako kahina? Hindi naman siguro. Nakakapaglaro pa nga ako ng basketball, sa cellphone nga lang.
            Nakakainis kasi bantay-sarado pati account ko sa facebook. Mabanggit ko lang sa kanya na magi-internet ako pagkauwi, alam ko ng may kasunod siyang tanong na “Magpe-facebook ka?”. At dapat alam niya kung sakaling magpe-facebook man ako. Kasama kasi yun sa daily report.
Dapat ko rin ikwento kung ano mang bagong notification o ek-ek sa account ko. Kwestiyonable ang lahat ng maga-add, lalo na kung babae. Dapat kakilala. Mas ligtas kung kamag-anak. Pero kung may salitang “ex”, hindi ko na sinusubukang pindutin ang “confim”. Pihadong away at debate na naman ang mangyayari. Intindihin na lang siya. Malay ko nga naman kung sino man ang naga-add sa’ken. Baka nga panggap lang na babae o pinagkakautangan.
            Ultimo ‘smiley’ na comment, hindi makakaligtas sa kanya. Isama mo na rin ang pag-like. Minsan naisip ko ng wag na mag-facebook, para wala na lang away. Kaso iniisip ko naman na hindi na ko updated sa mga tsismis at trending na viral videos. Sayang naman.
            Kung deskompyado man siya sa mga kwentong-facebook ko, hinahayaan ko na lang na buksan niya ng account ko. Oo, alam niya ang password at email add ko kaya wala akong ligtas, kahit anong depensa ang gawin ko. Minsan sya na ang nagsasabi kung ano mang merong bago sa account ko, kaya madalas tinatamad na ko magbukas. Wala ng excitement.
            Nakakainis minsan lalo na pag may gala ako. Dinaig ko pa si Cinderella. Dapat 10 pm (o mas maaga pa!), nasa bahay na ko. At dapat laging ire-report ang kaganapan sa isang kasiyahan: kung anong oras ako nakarating, sino ang mga kasama, sino ang katabi ko, ano ang pinaguusapan namin, ano ang kinain ko, saan banda ako nakaupo, anong posisyon ng pagupo ko, paano ako matawa sa mga biruan, kanino ako nakipag-apir, anong oras ako balak lumabas ng pinto, anong oras ako makakasakay ng dyip at kung sino man ang bumeso sa’ken pag pauwi na. Pakiramdam ko minsan, ang gwapo ko para ibeso ako ng lahat ng pwede ko makasalamuha sa isang gimik. Pakiramdam ko lang naman yun.
            Kaya mas madalas hindi niya ina-approved ang gala ko. Hindi daw siya komportable sa mga kasama ko, lalo na kung mas marami ang bilang ng eba. Baka nga naman sa kalagitnaan ng binyag eh may mag-pole at strip dance. O bigla akong i-gang rape ng mga babae kaya dapat hindi ako malasing. Hindi din naman niya ako pinapayagan uminom, kaya paano ako malalasing?
May tiwala naman siya sa’ken, sa mga kasama ko lang daw hindi. Ayaw niya lang daw ako mapahamak o mapagod sa pakikipagkwetuhan at biruan, o kahit kamustahan. Mabuti pang manahimik na lang daw ako sa bahay, kesa mangamoy usok ang damit ko at mabundat sa kakakain ng kung ano-ano. Hindi naman daw kasi healthy ang pagkain sa mga party-party.
Sana nga magkaron ng “vegetable party” minsan.
Nakakainis kasi madalas niyang nasisita ang bigote ko, kung makapal na at hindi na kaaya-aya tingnan. Kasama yun sa mga bilin niya panatilihing maayos ang gupit ng bigote. Ayaw niya lang daw mapagkamalan akong miyembro ng terorista o group member ng mga ermitanyo. Dapat daw laging malinis tingnan, kahit minsang pumapasok ako sa trabaho na may bakas pa ng sugat at dugo ang ilang bahagi ng bigote ko.
Nakakainis pag binabawalan niya akong makipagkulitan sa mga katrabaho ko, lalo na sa mga babae. Dapat daw medyo suplado ako. Naiintindihan ko naman. Selosa nga kasi siya. Hindi ako dapat matawa sa mga jokes, kahit pa fresh at witty. Ngiti na lang daw ang dapat reaksyon ko, at hindi lalampas sa 3 segundo ang ngiti.
Sa ilang oras naming magkasama sa trabaho, madalas muntik-muntik na akong magka-stiff neck. Pinipilit ko kasing wag tumingin sa mga magagandang katrabaho, lalo pa kung nabalitaan niyang dati kong crush. Dapat daw, wala na akong crush. Ibig sabihin daw nun, may nagugustuhan pa akong iba kaya nagkaka-crush pa ako. Kaya yung mga dati kong crush, sinisiraan ko na lang sa sarili ko: may pigsa, tinubuan ng an-an sa tanging yaman niya, amoy bulok na diaper ang hininga, nagiimbak ng honey sa tenga, parang corn flakes ang balakubak o malamig ang ngipin (nagye-yellow). Ayaw ko rin magbanggit ng “ang ganda ng katawan ni kwan ‘no?” dahil alam kong irap lang ang isasagot niya sa’ken.
Nakakainis kasi hindi ko mabili ang gusto kong damit. “Ang panget ng print!”, “Dami ng nagsusuot niyan!”, “Hindi maganda ang kulay!”, “Bakat ang tiyan mo diyan!”, yan ang madalas na comment niya sa tuwing kasama ko siyang mamili ng damit. Hirap na hirap tuloy ako sa pagpili ng isusuot. Nagkaron na ko ng sariling fashion designer. Pero wag naman sanang pati sinulid na ginamit, sisitahin niya. Pag nagkataon, baka dahon na lang ang isuot ko. Environmental friendly pa. At kahit maya-maya ako magpalit, okey lang.
Sa kabila ng lahat ng kinaiinisan ko, naisip “Ano ba ang dapat kong ikainis?”
Gusto niya lang masiguro na okey ako pagkagising, kaya ang pagte-text ko ng ‘good morning’ ang garantiya na okey ako, walang sakit at buhay pa.
Ayaw niyang magisip ng kung ano-ano kaya hanggat maaari ay makapag-text agad sa text niya, kahit ano mangyari. Nagaalala siya sa bawat delayed kong text, baka kung napano na daw ako.
Ayaw niya lang mag-alala, lalo na kung nasa galaan ako at inaabot ng gabi. Kaya madalas pinipilit niya akong magtext, kahit ano mangyari. Ayaw niyang pumasok ako na parang may sapi ng zombie kaya madalas na pinapauwi niya ako ng maaga. Pagod na kasi ako sa trabaho, at gusto niya lang na magpahinga ako, kesa madagdagan ang pagod sa gala.
Tipid nga naman kung hindi na ako oorder ng marami sa tuwing kakain kami sa labas. Kesa itapon daw ang tirang pagkain niya, sa sikmura ko na lang daw. Ayaw niya lang din ako pumayat ng dahil sa diet. Marami daw ang nagugutom, diet pa ang nasa isip ko.
Wala naman masama kung babantayan niya ang facebook ko. Natural lang na magselos siya, kasi mahal niya ako. Paano na nga lang kung wala na siyang pakelam sa’ken? Gusto lang naman niya makasiguro na walang ‘the mistress’ o ‘no other woman’ sa relasyon namin.
Hindi nga naman maganda tingan kung parang laos na action star na ang hitsura ng bigote ko. Wala naman daw masama kung laging mukhang malinis. Para sa’ken naman daw yun. At para mabawasan daw kahit papano ang edad ko.
Hindi nga naman magandang tingnan ang kulitan lalo na sa mga babae. Nagmumukha lang akong malandi. At baka sa susunod ay gawin na akong status ng mga nakakakita, instant celebrity tuloy ako. Iniiwasan lang niya na may masabi ang mga tao sa paligid, lalo na trabaho.
Normal naman daw ang crush, pero wala na daw mas gaganda pa kung siya na lang ang crush ko, habang buhay. Ganun din naman sana ako sa kanya.
Gusto niya lang magkaron ako ng originality kaya ayaw niyang magsusuot ako ng damit na naging trending sa kalsada. Wala naman daw masama sa pananamit. Ayaw niya lang maging katawa-tawa ako sa paningin ng iba.
Hindi pala ako dapat mainis.
Na-realize ko na talagang mahal niya ako, kaya minsan dapat maging strikto siya at mahigpit.
Naintindihan ko na.
Ganun lang talaga niya ako kamahal.
Sorry ha?
Hindi na pala ako naiinis.

Salamat…

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!