"Blog Job"
Matapos ang labing-anim na taong pagsusunog ng kilay,
projects, assignment-homework-takdang-aralin, puyatan, bring your parents,
sakit sa ulong tuition fee hikes, traffic, kulang na baon o allowance,
fieldtrip (educational or non-educational), paglalaba ng unipormeng mas malapit
na sa dilaw, walang kasing-sayang class suspension dahil sa bagyo, holiday,
gawa-gawang holiday at katamaran ng guro o propesor, cutting classes, hazing,
riot at kung ano-ano pang aktibidades mo nung mga panahong estudyante ka pa… ano
na ang susunod na kabanata para sa isang tulad mong ‘fresh graduate’?
Trabaho.
Kelangan mo na ng trabaho. Magbanat ng buto o maghanap-buhay, pare-pareho lang
yan. Nasa batas ng tao na sa mga panahong iiwan mo na ang Panda ballpen at ¼
sheet of yellow paper sa mga oras ng quiz, kelangan mo ng mag-trabaho. Tapos na
ang mga panahong umaangal ka sa maliit mong baon o allowance. Oras na para ikaw
naman ang gumawa ng sarili mong accounting. Wala na sila homework at
assignment, pero mas matinding project na ang kelangan mo. Kung nung mga
panahon ng high school o college eh nadadaan sa ‘padulas’ ang ‘last minute
project’ para maka-graduate ka, pwes, ihanda ang sarili sa nag-uumapaw na sama
ng loob dulot ng trabahong magbibigay aral at sahod sa iyo. Kung dati eh
tuwang-tuwa ka sa bagyong paparating, hindi na ngayon. Ang lahat ng mga araw na
‘walang klase’ ay tuluyan mo ng tatanggapin at mamahalin dahil ang salitang
holiday ay isa lamang sa mga araw na ipagdiriwang mo, bukod sa walang pasok
(depende sa mga pribadong kumpanya) at double pay.
Maniwala
sa mga sabi-sabi: mahirap magkaron ng trabaho sa ganitong panahon. Hindi yan
tulad ng paghahanap ng sapatos na walang kasiguruhan kung hanggang kelan
tatagal ang salitang ‘tibay’. Hindi ka man naniniwala sa pamahiin, malamang
maniwala ka na. Kahit pa ang mga degree holder ay nagdarasal at nagaalay ng
manok para lang pumasa at makamtan ang katagang “you’re hired…”. Mas mabangis
ang impact nito kumpara sa mga pasang-awa mong quizzes o exams. Kumbaga sa
ligawan, sinagot ka na. Ganap ka ng empleyado. May silbi ka na sa lipunan at
kasama ka na ring magbabayad ng buwis na ewan lang kung kaninong bulsa
mapupunta. Paalala lang din na hindi porke nakapagtapos ka sa isang kilalang
paaralan/unibersidad/pamantasan ay bida ka na. Maaaring maging advantage(s) ang
nasabing kwalidad, pero ‘wag na ‘wag aasa sa educational background. Maraming
kumpanya ang naniniwala sa ‘experience’ at ang hindi makatarungang ‘pleasing
personality’.
Makalipas
ang ilang araw, linggo, buwan, taon, natapos na ang mga araw na paulit-ulit
kang tatawagan ng mga kumpanyang pinagpasahan mo ng resume, walang katapusang
gastos sa pamasahe at biniling ‘casual’ o ‘formal’ attire tuwing exam o
interview, paulit-ulit na xerox ng mga dokumentong sandata mo sa giyera, pagkahaba-haba
at tagal na proseso sa pagkuha ng NBI, police clearance, SSS, cedula at kung
ano-ano pa… may trabaho ka na. Masaya ka na(?). kaiinggitan ka na ng mga kapwa
mong tambay. May ipagmamalaki ka ng sweldo tuwing kinsenas o katapusan (tuwing
10-25 naman ang karamihan sa mga call center company).
Ang
tanong: tapos na ba ang problema?
Hindi pa.
Maniwala
ka. Magsisimula pa lang ang tunay na problema ng isang empleyado.
Maraming
klase ng problema at stress sa isang trabaho. Kadalasang ang isyu sa sahod ang
numero unong ikinaiinit ng ulo ng marami. Delayed, may discrepancy, BUWIS,
hindi maaprubahang salary increase at hindi nabayarang ‘leave with pay’. Sino
ba naman ang hindi uusok ang tumbong sa mga ganung klase ng pagkakamali?
Itinuturing na pinakaespesyal na araw sa buhay ng tao ang araw ng sahod, pero
bakit may mga pagkakataong nakakatamad buksan at titigan ang payslip? Hindi pa
nga dumarating ang sahod, kumpleto na ang listahan ng sariling mong accounting
para sa mga bayarin, utang at luho. Hindi pa kasali diyan ang hindi inaasahang
gastos tulad ng pakikipag-date, prepaid load at ang pinagiipunang bagong I-POD.
Maituturing din na isang malaking disgrasya para sa mga breadwinner at
pamilyadong tao ang mga nasabing pagkakamali. Kaya hindi lahat ng taong
bagong-sahod ay masaya.
Shift
schedule (lalo na sa mga call center agents, nurse, guwardiya, etc…). Advantage
para sa mga taong sanay magpuyat at inaabot ng pandesal sa madaling araw ang
mga taong nagtatrabaho sa mga oras na dapat natutulog ang tao. Graveyard shift,
ika nga nila. Ano ang meron sa graveyard shift? Night differential. At nasa
dalawang time-zone ka. Malaki nga naman ang ‘difference’ ng isang empleyadong
humikab sa madaling araw at hapon. Bukod sa kalaban nito ang antok at tropa
nito ang kape, tuluyan mo ng makakalimutan ang mga latest na balita at tsismis
sa mundo. Hindi mo na kilala ang mga bagong sibol na artista, bagong kanta sa
radyo at bagong kapit-bahay nyo. Wala ka ng alam sa mga pangyayari sa mundo
dahil tulog ka sa mga oras na gumagawa ng balita ang tao. Kaya mapalad ang mga
taong nagtatrabaho sa tamang oras (may maling oras ba?). Sila yung mga
empleyadong pumapasok ng umaga at uuwi ng hapon. May oras para magpuyat, may
oras pa para gumala. Napakaswerte ng mga empleyado ng gobyerno dahil sa ganda
ng schedule sa pagpasok, nawawalan pa ng pasok dahil sa holiday. At ang dagdag
benefits pa, hindi naman talaga sila naguubos ng 8 oras. Ang buong 8 oras nila
ay nahahati pa sa kung ano-anong ‘extra-curricular activities’. Lalo na kung may
bagyo at kaarawan ni mayor. Nakakalungkot pang isiping sa mga oras na dapat
kapiling mo ang pamilya mo sa mga araw na ‘dapat’ sana kasama mo sila gaya ng
kwaresma, araw ng mga dedo, pasko at bagong taon, heto ka’t bising-busy sa
trabaho at hindi ramdam ang masarap na bakasyon.
Work
environment at kapwa empleyado. Noon nagtataka ako sa mga taong bigla na lang
naisipang mag-resign at iwan ang kumpanyang nakakalula kung magpasahod. May isa
akong kaklase nung high school nun, halos wala pa ata sa kalahati ng sahod ko
ang sahod niya, pero nabalitaan ko nalang na iniwan na niya ang trabaho niya sa
kadahilanang hindi ‘daw’ siya masaya sa trabaho niya. Teka, ano-ano ba ang mga
bagay na masaya sa trabaho?
-
kabiruan
mo ang mga superiors
-
mga
pagkakataon o nakaw na sandaling tsismisan at inuman pagtapos ng trabaho
-
libre
ang kape
-
mababait
at friendly ang mga katabi kahit may problem sa hygiene
-
tunay
na masarap ang pagkain sa canteen
-
hindi
nakaka-stress ang proseso ng trabaho
-
marami
pang iba
Marami daw ang insecure sa kanya kaya napilitan siyang
iwanan ang kanyang trabaho. Sa araw-araw na trabaho niya, pakiramdam niya ay
isa daw siyang malaking taghiyawat na kapansin-pansin at masarap tirisin. May
kagandahan naman ang aking kaklase kaya hindi na ko magtataka sa ganung
sistema. Agaw-atensyon daw sa mga adan. Mga babae nga naman, hindi pa man
kasali sa Bb. Pilipinas, may bangayan
na. Paano pa kung lahat sila eh magkakamukha at pare-parehas lang ang ganda?
Lamang ang laging naka-make up at ligo? Nakasisilaw na alahas katawan na parang
naglalakad na pawnshop? Mamahalin ang suot? Buwan-buwan na haircut?
Paano ka
nga naman gaganahang pumasok kung madalas ka namang headline sa trabaho?
Mabigat at nakasasama sa loob. Alam mo sa sarili mo na wala kang ginagawang
masama. Walang personalan, trabaho lang. Hindi mo naman kasalanan kung
nabiyayaan ka ng kagandahan, kgwapuhan o sex appeal. Gusto mo lang naman
pumorma kaya kakaiba ang fashion mo. O kaya’y sadyang malandi ka lang talaga
maglakad. Ano naman ang magagawa nila sa mga ganung bagay?
Sa
pagkakaalam ko, ugali o attitude ang kadalasang nakakaagaw ng atensyon ng isang
taong kapansin-pansin. Yung iba na parang may sayad. O kaya yung mga taong
hindi sanay sa salitang ‘approach’. Malayo pa lang, alam mo ng suplado’t
suplada siya, at hindi mo nanaising alukin siya ng yosi dahil A. dededmahin ka
niya B. titigan ka ng masama C. aabot ang kilay niya sa kisame D. babarahin ka
na may dagdag pang mura. At kung sa tingin mo ay may problema ka naman sa
hygiene, aba, wag ng magdalawag isip pa! Obserbahan ang mga biro ng katrabho gaya ng “baho ng hininga
mo eh!”, o kaya naman “tumigil ka nga! Baho naman ng kili-kili mo!”.
Iba ang
tinitingnan sa tinitigan. Applicable ang ganyang kasabihan sa trabaho.
Favoritism, normal yan. Hindi yan nawawala sa batas ng trabaho, kahit hindi
naman dapat. Mapapansin may ilang mga taong ubod naman ng sipag at bait, pero
walang epekto sa mata ng mga boss. Kung sino pa ang walang’ya, siya pa ang
pinagpala. Kung sino pa ang hudas, siya pa ang tinataas. Tao nga naman.
Aanhin mo
nga naman ang malaking sahod kung sa impyerno ka naman nagtatrabaho?
Pressured
at stressed. Uso ‘to. Kadalasang kalaban ito ng social life. Eto ang magsasabi
sa iyo na tigilan mo na ang gimik at inuman sa madaling araw dahil pag
nagkataon, pupulutin ka sa pinyahan. Yun bang kahit gusto mong gumala, manuod
man lang ng sine, mag dvd marathon o simpleng pagkain sa tapsilogan ay hindi mo
magawa dahil sa hassle na dala ng trabaho. Overloaded. Overtime. Walang puwang
sa libangan. Ultimo oras ng pagtulog, problema pa rin. Matutulog ka na lang,
stress ka pa.
Sa kabila
ng lahat ng problemang dumarating na hindi kagustuhan at sinasadya, isa lang
ang masasabi ko: MAHALIN MO ANG TRABAHO MO. Bakit? Simple lang.
Maraming tao
ang umiiyak sa gabi at nagdarasal na sana
magkaroon sila ng trabaho kahit ‘sakto’ lang ang pasahod. Sila yung mga
araw-araw mong nakikita sa kalsada na naglalakad suot ang plantsadong damit at
may hawak na folder, bitbit ang mga papeles na magaakay sa kanila sa hirap. Sila
yung mga taong hindi iniinda ang init ng araw at putok ng konduktor sa bus para
lang marating ang pagkalayo-layong main office ng kumpanya tuwing exam o
interview. Sila yung mga taong baon na sa utang dahil sa walang katapusang
gastos sa Xerox, pagpapagawa ng resume, 2x2 photos, at pamasahe.
Mahalin mo
ang trabaho mo. Hindi lahat ng tao namomroblema kung ano ba ang isusuot nila sa
pagpasok, gigising ng maaga kahit labag sa loob at diwa, haharapin na naman ang
boss na may sapi ng abogado at talent show host, makikipagsiksikan sa LRT/MRT,
makikipagunahan sa bus at jeep, makikipaglaban sa init ng araw at ulan,
mamomroblema sa taas ng pamasahe, kung madudugtungan pa ba ang kontrata, at
kung kelan madagdagan ang pantawid gutom na sahod.
Mahalin mo
ang trabaho mo. Hindi lahat ng tao nagkakaron ng pagkakataong makibaka para
lang tumaas ang sahod, nakikipagsuntukan sa mga pulis tuwing rally,
nagwawagayway ng karatulang “DAGDAH SAHOD!”, pakikipaglaban sa mababang
porsyento ng trabaho sa bansa, at hindi makatarungang sibakan sa pwesto.
Mahalin mo
ang trabaho mo. Hindi lahat ng tao nagkakaroon ng pagkakataong magtrabaho ng
marangal sa ibang bansa. Maraming tao ang nababaon sa utang ng dahil sa
pangarap at pangakong maginhawang buhay ng ibang bansa, at walang pagod na
pumipila sa mga agency na pabalik-balik ng dahil sa pagasa. Ituring ang sarili
na bayani ng Pinas kahit walang pagkakataon na mailagay ang pangalan mo sa mga
history books o pagawan ng sariling rebulto, kahit pangalan man lang ng kalye. Labanan
ang homesick. Isipin ang dalang ginhawa kapalit ng nakaiiyak na sandali lalo na
sa gabing nami-miss mo na ang pamilya mo at ang fishball.
Mahalin mo
ang trabaho mo. Maraming tao ang hindi napapagod maglimos para lang may ilagay
na kakarampot na pagkain sa sikmura. Sila yung mga taong hindi alintana ang
paos kasisigaw ng “Quiapo! Quiapo! Waluhan po yan!”, umaraw man o umulan. Sila yung
mga taong hindi naiinsecure ano man ang isuot nila, kahit barya lang ang
kinikita. Hindi pinoproblema ang manicure at hairstyle. Na kahit barya lang,
marangal at malinis naman ang konsensya. Na kahit ilang libong beses na silang
pumapadyak sa kalawanging pedicab kahit may lubak, tuloy pa rin ang pagpila
nila, para lang sa iaabot mong barya na kinagabihan ay hapunan na nila.
Mahalin mo
ang trabaho mo. Masyadong mababa ang porsyentong ng trabaho sa Pinas para
maging choosy sa kung ano ba ang nababagay na trabaho sa iyo. Kainin ang pride.
Ang kumpetensya ay normal, kaya dapat makipagsabayan sa mundo. Hindi nabubuhay
ang mga maaarte.
Mahalin mo
ang trabaho mo. Ito ang bubuhay sa sarili mo, maging ang pamilya mo. Hndi
buhangin ang pera na kahit saan andyan lang. Ang trabaho, may pera. Ang pera,
dapat paghirapan. Kung bakit hindi gaanong naghihirap sa trabaho ang mga tao sa
Malakanyang, hindi ko alam. Wag silang kainggitan.
Kaya sa
mga taong naghahanap at patuloy pa ring nakikipagsapalaran sa ngalan ng
trabaho, goodluck. At sa mga taong maraming angal sa trabaho, sige lang. Madami
din naman akong angal kaya kaisa mo ako. Apir!
Comments
Post a Comment