Ito ang Blog na Babago sa Pananaw Mo bilang Pinoy

Lumaki kang mahirap, salat, walang-wala, malas at puro hinaing sa buhay. Madalas mong nasisisi ang gobyerno na walang ginawang anuman para makakain ka ng maayos, makapag-aral ng libre at makapasok sa mall ng walang diskriminasyon. Kahit ang mga magulang mong sobra-sobra na ang kasipagan para lang masabing “giginhawa din tayo balang araw…” eh nawawalan na ng pag-asa at minsan ng naisipang ibenta ang sariling kidney para lang sa pansamantalang pera na gagastusin sa loob ng ilang linggo (o araw, depende pa sa luho). Madalas mo ding sisihin ang sarili mo kung bakit ka mahirap, at hindi ka mayaman. Bakit sila lang ang kumakain ng sapat, samantalang kulang lagi sa bitamina ang pagkaing madalas mong isaksak sa sikmura. Dumating na din sa puntong sawa ka na sa buhay mo. SAWA KA NG MAGING PINOY.

            Ngayon, ano ang nakakasawa sa sarili mong lahi?

            Naisip mo na ba minsan kung kelan ka natuwa bilang Pinoy?

Third world country ang ‘Pinas, tanggap na ng marami ‘yun. Kahit pa nga siguro pinipilit nating maging ‘iba at cool’ para lang masabi na umuunlad din tayo (kahit papano), pero hindi nito matatakpan ang tunay na imahe ng naghihikahos na bansa, kahit marami ang pilit gumagaya sa porma ni Justin Bieber at nagtitipid makapagkape lang sa mamahaling coffee shop. Pero ang pangit lang na katotohanan --- mismong Pinoy ang nagsasabing malabo na ang pag-asa para kay Juan. Na mas madalas, negatibong komento ang deskripsyon. May makita mang positibo, idinadaan naman sa biro. At mas madalas, pilit ikukumpara sa mga bansang maunlad. Parang tamad na tamad tayo sa originality.

Nakakatawa minsan na nagmamalaki tayong Pinoy sa mga oras na nanalo si Pacquiao. O may isang sikat na singer na naging international artist. O kahit na may isang Pilipino ang nakaimbento ng kahit ano lang na naging trending sa lahat ng website na madalas mong pagubusan ng oras.

Yun lang ang mga oras na nasabi mong ‘proud ako’. Lang. Ni minsan, wala pa kong nabasang status sa facebook na “Ang galing magwalis ng bakuran ng kapit-bahay ko! Kaya I’m proud to be Pinoy!”.

Sa sariling opinyon, ang kawalan ng tiwala sa sariling lahi ay parang pagtitig sa isang pirasong coupon bond. Ang buong kaputian ng papel ang pinupuna, hindi man lang natin tinititigan kung meron mang naligaw na tuldok o bakas ng dumi. Alam lang naten na ganito na tayo, noon pa. Pero hindi naten pansin kung merong bagay na sana binibigyan din ng pagkakataong mapuna. Yung magagandang bagay naman (meron ‘yun, ayaw mo lang ipagmalaki!).

Oo na, ganito kasi tayong mga pinoy [insert your complains and discriminations here] blah blah blah…pero bakit ang dami mong angal? Bakit mismong sarili mo ang pilit mong binababa at kinahihiya? Ano ang magagawa ng kritisismo at reklamo kung gusto mo ng pagbabago? Kung sakali mang marinig ng buong bansa ang reklamo kahit pansariling kapakanan lang, ano ang maidudulot nito sa hinahanap mong pagbabago?

            WALA.

            Hindi paninda sa palengke ang hinahanap ng lahat na ‘pagbabago’. At lalong walang tatanga-tangang genie-ng nabulok sa lampara ang magbibigay sa’yo nito. Tulad ng abs (oo, yung anim na pandesal sa tiyan), mahirap, matagal, mahaba at uubos ng katakot-takot na pawis ang sinasabi mong pagbabago:

Si Juan naglalakad sa palengke, napadaan sa tindahan ng mga damit:

Tindera: Kuya anong hanap?

Juan: (huminto saglit at ngumiti) Pagbabago, meron ka?

Tindera: Ay wala pa kaming ganun kuya!


            Hindi salita o satsat ang babago sa isang sistemang putik. Mahirap tanggalin kung walang tubig at taga-galaw. Kahit naimbento na ang “voice activate” gadgets o anik-anik, pagkilos pa din ang unang magpapausad sa pagbabago. Kahit mamaos ka kakasisigaw para lang layuan ka ng ipis, dededmahin ka lang nito. Dapat, bugawin mo. O hampasin mo ng nilamukos na diyaryo.

            Hindi nauubos ang reklamo ni Juan sa sariling bansa. Kasi nga naman, parang walang nagbago. Sanay na sanay na. At isang malaking trending kung meron mang isang tao na babago sa pangit na tradisyong kinasanayan na ng marami. Yung minsan isang araw pagkagising niya, may kung anong sapi siya ng isang superhero at kelangan niyang gamitin para makatulong o mabigyan ng chance maisapelikula ang buhay.

            Pero pa’no kung ikaw ‘yun?

            Halimbawang IKAW, na madalas nagrereklamo kung bakit hindi makakuha ng maayos na trabaho gaya ng iba. Pero IKAW, nagsumikap ka ba sa pag-aaral? Naranasan mo ba minsan magsunog ng kilay, gaya ng iba? Nagdasal ka ba na sana laging may bagyo o baha para lang masuspindi ang klase at makaggala, na sana talino at sipag na lang ang hiniling mo? Reklamo ng reklamo dahil sa hindi magandang pagtuturo ni Sir/Madam, pero naging interesado ka ba sa leksyon niya?

            IKAW, na madalas sisihin si Mayor dahil sa hindi mapakinabangang estero at kanal. Pero IKAW, ni minsan ba naihagis mo ng maayos sa tamang basurahan ang huling kending kinain mo? Yung huling upos ng yosi mo, sa’n mo tinapon?

IKAW na madalas murahin at isumpa ang mga MMDA o traffice enforcers, pero tama ba yung tinawiran mo? Ginamit mo ba minsan ang salitang displina sa kalsada? Alam mo ba ang ibig sabihin ng mga kulay sa stop light? Naaaninag mo pa ba ang mga pedestrian lanes?

            IKAW, na madalas murahin ang pangulo dahil sa wala kang makitang bilib sa kanya. Pero IKAW din naman ang isa sa naniwala sa mga talumpati at commercial niya sa TV. Isa ka rin sa nakipagunahan para tumanggap ng pera sa eleksyon, at na-LSS sa jingle niya nung mga panahong nagpapapogi siya sa media, ‘di ba? Ikaw din ang nangengganyo sa mga kakilala mo na iboto siya dahil…ganun s’ya, ‘di ba?

            IKAW na nagrereklamo sa serbisyong publiko, kahit man lang sa pagpila sa City Hall, pero nagbabayad ka ba ng tamang buwis?

            IKAW na walang tiwala sa gobyerno, pero ano ba lahi ng gobyerno mo?

            Pinoy din naman ‘di ba?                

            Kung ang lahat ng mga nabanggit eh ginawa mo ng tama, aba, isa kang magandang ehemplo! At dahil marami ang natuwa sa’yo, hindi malayong marami ang mahawa at unti-unti na nitong bubuksan ang pinto ng pagbabago. Pagbabagong susi ng pag-asa.

            Wag pilitin ang sarili na maniwala sa sistema ng gobyerno sa kasalukuyan. Ang paniwalaan mo, yung sarili mong  bansa. Yung bansang tinatapakan mo ngayon, maraming taon na. Yung bansang nagpakilala sa’yo kung anong meron ang mundo. Yung bansang minsan nanindigan sa’yo na balang araw ipagmamalaki mo siya kasi naniniwala siya sa kakayahan mo. Na minsan, may magagawa ka para hangaan naman si ‘Pinas.

Sa kabila ng maraming batikos at masakit sa bangs na kutya at lait ng ibang lahi kay Juan Dela Cruz, one of a kind pa rin tayo. At bakit? Simple lang:

-          meron tayong salitang Po at Opo, Aling At Mang, Kuya at Ate, Manong at Manang…etc, na wala ang ibang  lahi
-          may bayanihan pa rin tayo, kahit minsan, tuwing may sakuna lang nangyayari
-          hindi natin tinatapon sa “home for the aged” ang mga magulang naten
-          sa kabila ng kahirapan, nakukuha pa rin nating maghanda at mag-alok ng kakarampot na pagkain, kahit simpleng hapunan man o tuwing may okasyon
-          dumadami ang mga talentado para takasan at makalimutan minsan ang kahirapan
-          naniniwala pa rin ang mga Pinay kay “Maria Clara”
-          meron tayong close family ties at walang sawang “family reunion” kahit anong panahon


Kung meron ka mang dapat isamang resolution sa darating na bagong taon (kahit malayo pa), yun ay ang pagtigil sa pagpuna sa kung anong merong pangit o putik sa mukha ni Juan. tandaan na ang sarili mong mukha ang hinahanapan mo ng muta. Dapat proud ka pa rin kahit no choice ang pagiging Pinoy. Wag mo sisihin ang mga taong sangkot sa sarili mong kahirapan o dusa. Hindi gobyerno ang magpapadala ng ‘sipag’ sa pinto niyo para umasenso ka. O ang mga variety shows sa tanghali.

Pinili mong maging ganito kasi pinili mong maging ganyan. Hindi hawak ng kung sino man ang sarili mong kapalaran. Wag mo sisihin ang kapit-bahay mong hobby ang videoke. Wala sa horoscope o manghuhula ang magtutulak sa’yo para simulan ang sinasabi mong pagbabago. Wag matakot na gamitin ang common sense para sa tama at mabuting gawain. Wag makornihan sa pagiging disiplinado. Hindi cool ang katagang “Ganyan talaga sa ‘Pinas, parang ‘di ka na nasanay…”. ‘Di ba mas astig kung “Siyempre, Pinoy ako eh!”.

Mas masayang i-post sa status ang linyang “It’s more fun in the Philippines” kung nasabi mo na sa sarili mong “Pinoy ako, kahit anong mangyari!”.



Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!