"Unchained Melody"
Malakas
ang buhos ng ulan. Halos kalahating oras na siyang nag-aabang ng dyip. Mabuti na
lang at malaki ang espasyo ng waiting shed sa tapat ng SM MOA kaya ayos lang na
lumakas ang buhos ng ulan. Pero hindi pa rin siya kumportable. Wala siyang
payong. Agawan pa sa dyip. Muntik na siyang makipag-away sa ilang pasahero
dahil sa tulakan. Minabuti na lang niya maghintay.
~Tangina
kasi, kung kelan naman alam niyang may overtime ako, saka naman siya totopakin.
(Sinilip ang oras sa cellphone, 10:27 PM) Anong oras naman ako makakarating
dun? Putsa talaga!
(Maya-maya’y
tumatawag na ang girlfriend niya)
SIYA: (Inis
na boses) Ano?! Asan ka na?! Pupunta ka ba?!
AKO:
(Malumanay na boses) Oo, wait lang. Nag-aabang pa ng dyip. Agawan e, kaya di
agad makasakay.
SIYA: Pambihira
naman kanina pa out mo di ka pa pala nakakasakay!
AKO:
Sige na magteteks na lang ako pag nakasakay na…
SIYA:
Bilisan mo! Letse!
~Pambihirang
buhay to oh! Parang ang lapit ng Pasay sa Laguna. Tangina talaga…
Alas-onse
pa dapat ang out niya. Pinakiusapan na lang nito ang bisor na maaga papasok
kinabukasan para tapusin ang naiwang trabaho, tutal tatlong oras na ang
overtime niya. Bago makaalis, inulit-ulit ng bisor nito ang oras ng pasok nito
kinabukasan. Kung hindi lang sa bantang pakikipag-breakup ng girlfriend niya,
tatapusin na nito ang trabaho ng araw ding yon.
Bago pa
man siya mag-out, inulan na siya ng text galing sa galit na girlfriend. Ilang araw
na kasi siyang busy sa trabaho, at ilang araw na ding zombie dahil sa overtime.
Hindi niya alam kung bakit hindi siya maintindihan ng girlfriend niya. Sabagay,
estudyante nga lang siya. Wala siyang ideya kung anong buhay ng isang
empleyado.
Hawak ang
maliit na kahon na kanina pa niya pinaglalaruan sa bulsa, palinga-linga siya sa
mga nagdadaang dyip. Maluwag man, hindi niya destinasyon. At kung dyip na niya,
talo ang mahuli sa takbuhan. Kalaban niya ang tuloy-tuloy na buhos ng ulan na
parang nagsa-suggest na wag na siya tumuloy. Basa na ang laylayan ng pantalon niya.
Basa-basang basa na rin ang hawak niyang panyo na ipinapataong niya sa ulo, wag
lang siyang magkasakit.
~Konting
tiyaga pa, lalambot ka din. Ewan ko na lang kung hindi ka pa matuwa sa regalo
ko.
Nag-text
ang girlfriend.
ALM U NG ANNIV NTEN, NG OT K P. E D SNA
KNINA K P DUMATING. LECHE K TLG!
~Anak
ng tokwa hindi ko naman nakakalimutan yun! Kung alam mo lang...kung alam mo
lang talaga!
Hindi na
niya nagawang mag-reply ng masilayan na nito mula sa malayo ang paparating na
dyip na magdadala sa kanya papuntang EDSA LRT. Ayaw na niyang maunahan at
makipagtulakan, kaya sinuong na nito na parang ninja ang ulan saka sinalubong
ang humaharurot na dyip. Hindi pa man tuluyang humihinto, nilundag na nito ang
sasakyan, saka dire-direstong pumwesto sa likod ng drayber.
~JIP N KO. SENXA N TLG.
Wala pang
isang minuto, napuno agad ang sasakyan. Hindi maganda sa pakiramdam ang loob ng
dyip. Walang silbi ang lakas ng ulan na nagpasingaw lang ng matinding init sa
maghapon. Naglabasan na ang mga pawis niya, partikular na sa kilikili na agad
niyang naramdaman. Sinundan pa ito ng pawis sa noo. Hindi na rin maganda ang
amoy niya. Naghalo ang ulan at amoy ng aircon sa kulay asul niyang longsleeve,
na parang itim na rin dahil sa pagkabasa nito.
Reply ng
girlfriend.
SENSYA MO MUKA MO! KHIT KELN K TLG! 1 N LNG.
BI2NGGO K N SKEN !
~Mag-antay
ka! Ang layo pa ng lalakbayin ko. Punyeta!
~KUNG GUS2 U, IDLIP K MUNA. TGAL P N2.
BILISN MO N LNG. LECHE. MGTXT K AGD.
Ayaw na
niyang sumabay sa init ng ulo ng girlfriend niya. Sanay na ito sa hindi
maipaliwanag na topak. Tatlong taon na sila ngayon, at kilala na niya ang takbo
ng utak nito. Ma-pride man, hindi na nito pinatulan ang kahinaan ng nobya.
Mabuti at
walang trapik ng mga oras na yun. Sampung minuto ang lumipas, lulan na siya
ngayon ng dyip patungong Alabang. Umiwas man siya sa ulan, hindi naman
nakaligtas ang damit nito sa galit na panahon. Ramdam na rin niya ang basang
medyas. Gutom na siya, pagod at inaantok. Kung hindi lang dahil sa nobya, mas
pipiliin na nitong dumiretso ng bahay pauwi para maagang makapagpahinga. Ilang araw
na din kasing halos apat na oras lang ang tulog dahil sa ingay ng mga
kapitbahay. Gusto na niyang magreklamo sa barangay dahil sa perwisyong
pagbi-videoke nito. Pero pinili na lang niyang manahimik. Inantay na lang niya
ang gabing mananaw din sila sa kalokohan nila.
~JIP NA ALABANG.
Simpleng
‘K..’ lang ang reply nito. Alam na nito ang ibig sabihin ng text: badtrip at
galit na ito. Pero ano naman ang magagawa niya kung talagang hindi maganda ang
sitwasyon niya ngayon? Ipinikit na lang nito ang mga matang pagod at pinilit
umidlip. Pero tinatalo siya ng isip niya. Paulit-ulit naglalaro sa utak niya
ang salitang ‘breakup’. Pilit niyang nilalabanan ang halo-halong emosyon na
nagkakarambola sa dibdib niya. Mahal na mahal niya ang girlfriend niya. at
kakainin na lang nito ang sariling pride.
“Wala
kang kwenta! Puro ka trabaho! May girlfriend ka, mag-isip ka naman!”
“Baka
naman meron ka ng iba kaya panay ang overtime mo, ano?!”
“Manhid
ka! Pagod, puyat, stress, sawa na ko sa alibi mo!”
“Magpakasaya
ka sa ginagawa mo! Sana
yumaman ka sa bisi-bisihan mo!”
Kung tutuusin,
parang dalawang taon lang ang relasyon nila. On and off kasi ang tatlong taon
para sa kanila. May mga panahon kasing bigla na lang silang mawawalan ng
communication. O isang araw, bigla na lang itong magteteks na break na sila,
saka magpapalit ng cellphone number. Lilipas ang isang buwan, magpaparamdam ang
nobya nito na parang walang nangyari. Inintindi niya, mas matanda kasi siya ng
walong taon.
Alam na
niya ang karakas ng nobya. Hindi minsan, kun’di tatlong beses na nitong
nahuling may ibang lalake. Hindi naman niya magawang magalit sa sarili sa
pagpapakamartir nito sa babae. Hindi niya alam kung anong meron ito at pilit pa
rin niyang iniintindi at inunawa ang estado nito. Kahit niloko na siya. Kahit tinapakan
ang pagkatao niya. Kahit alam niyang nakalimutan niyang may sarili pala siyang
buhay.
Makalipas
ang halos isang oras, nasa Alabang na siya. Isang dyip at traysikel pa, nasa
bahay na siya ng nobya. Palinga-linga siya sa kalsada, nag-aabang ng dyip
papuntang Pacita. Sa kalkula niya, isang oras pa bago siya makarating sa
destinasyon niya. Sinilip ang oras sa celllphone: 11:45 PM. Maghahating-gabi
na, pero madami pa ring tao sa mga kalsada na tulad niya, pauwi galing sa kung
saan man. Muntik na niyang mabitawan ang cellphone ng mag-ring ito.
AKO:
Hello…dito na ko Alabang. Nagaantay pa ng dyip.
SIYA:
Ang tagal ah! Kanina pa ko nagaantay sa’yo! Bilisan mo naman!
AKO:
Sorry na. Wag ka ng magalit. Love mo ko?
SIYA:
Letse! Bilisan mo! (sabay off ng cellphone)
~Haay..babae
nga naman. Pasensya. Pasensya.
Kinakapa-kapa
ulit nito ang kahon sa bulsa. Munting sorpresa para sa mahal niya. Tiyak niyang
mapapalambot nito ang galit na nobya sa regalo nito. Kalahating taon din niya
itong pinag-ipunan. Kahalating taon din siyang nagtiis na malipasan ng gutom. Kinalimutan
niya ang sariling luho para sa regalong alam niyang lubos na ikatutuwa ng nobya
niya. Mahal niya, kaya dapat magtiis siya.
Hindi
naman nagtagal at nakasakay na rin siya ng dyip. Matapos makapagbayad, agad
itong nagteks sa girlfriend.
~JIP NA PA PACITA. WG N INIT ULO.
Sa
pagod, hindi na niya namalayang nakaidlip siya. Saktong naalimpungatan siya sa
babaan. Hindi na umuulan, pero hindi pa rin siya natutuwa sa patak ng ambon sa
ulo niya. Pinaspasan na lang paglalakad papuntang terminal ng traysikel. Ayaw na
niyang maghintay ng ibang pasahero kaya nag-special na siya.
Habang papalapit
siya ng papalapit, naghahalo ang excitement at kaba sa dibdib niya. Sa wakas,
makakabawi na rin siya sa girlfriend niya. Pero napalitan ito ng takot at kaba
ng biglang huminto ang traysikel sa isang madilim na kalsada. Baka nasiraan,
naisip niya.
DRAYBER:
(Naglabas ng kutsilyo saka tinutok sa leeg niya) Akin na cellphone mo at
wallet! Wag kang papalag! Tutuluyan kita dito!
Sa takot,
ibinigay nito ang cellphone pati ang bag kung saan nakalagay ang coin purse
niya. Pilit niyang ikinubli ang munting kahon sa bulsa, na hindi naman
nakaligtas sa paningin ng drayber:
DRAYBER:
Ano yan?! Akin na yan! Tangina mo ko iisahan mo pa ko ah! (saka pilit nitong
abutin ang kanang bulsa ng pantalon ng pasahero, pero agad itong bumaba ng
traysikel at tumakbo).
Ang lakas
ng kabog ng dibdib niya. Ang kaninang pawisang katawa’y tinuyo na ng malamig na
panahon at kaba. Pinilit niyang kumaripas sa pagtakbo. Hirap siya sa blackshoes
niya na malaki ang allowance sa paa niya, bagay na kumokontra sa pagtakbo niya.
Hindi siya lumilingon. Wala siyang ibang iniisip kun’di ang makalayo sa
humahabol. Pero bigla siyang natumba sa lakas ng paghila galing sa likod. Bumagsak
ang likod kasunod ang ulo. Hindi niya gaanong maaninag ang paligid niya dahil
sa ambong pumasok sa mata niya. Wala siyang ibang naririnig kun’di pagmumura at
galit ng taong humila sa kanya. Sinubukan niyang pumalag, pero sa pagod niya,
hindi na niya nagawang ilagan ang isang mabilis na saksak sa lalamunan. Isa pa.
At isa pa. Hindi na niya magawang bumangon o kumilos. Manhid na siya. Pagod na
siya. At doon lang niya naramdaman ang pinakamasarap na antok sa buong buhay
niya.
* * *
Isang
traysikel ang huminto sa tapat ng bahay. Sa tuwa, sinalubong agad ito ng babae.
Pero walang nobyo syang nakita. Walang pasahero ang traysikel. At kilala niya
ang drayber. Kilalang-kilala.
SIYA:
Anong ginagawa mo dito? Baka makita tayo ng syota ko, umalis ka na! Parating na
yun!
DRAYBER:
Ikaw naman, dinadalaw ka lang e. Miss na kasi kita (sabay hagod ng tingin nito
sa buong katawan ng babae). Game tayo ulit?
SIYA:
Letse! Tigilan mo ko! Umalis ka na nga! (sabay dial nito sa number ng
boyfriend. Natigilan ito ng iabot ng drayber ang munting kahon. At ang hawak
nitong nagri-ring na cellphone).
Comments
Post a Comment