Okey sa Pakiramdam

Maraming magandang bagay sa mundo na minsan, hindi mata ang nakakakita (pwera na rin syempre ‘yung aksidente kang makapulot ng P500 habang naglalakad). Minsan mas maganda ilarawan ang “kagandahan” kung naramdaman mo ito ng hindi inaasahan, aksidente at ‘yung pakiramdam na nilamig ang kaluluwa mo at lumabas ang salitang “holy spirit”.

            Maganda ang araw ng sahod. Maganda ang damit ‘pag bago. Maganda ang pelikula kung sa IMAX mo panunuorin. Maganda ‘yung pakiramdam na ihing-ihi/taeng-tae ka na tapos nailabas mo sa kubeta kahit gahol na sa oras. Maganda ang pakiramdam habang sinasabayan mo ang awit ng isang banda sa concert kahit nabibingi ka na at pawisan na ang kili-kilo mo. Maganda rin ang pakiramdam na napapasigaw ka sa mga oras na nakaka-shoot ang paborito mong basketball player lalo na ‘pag finals. Maganda ang bilog na buwan lalo na sa gabing malamig, at sa piling ng jowa mo…

            Pero kung tutuusin, normal na ang mga ganung sitwasyon sa isang tao. Dahil kung may pangit man na dumating, lagi namang nakaabang ang magagandang bagay.



PERO…




            May mga ilang bagay pa na lalong maganda sa pakiramdam na halos hindi na naten alam kung kelan darating. ‘Yung dumarating ng kusa, aksidente, at hindi inaasahan na laging nagdadala ng ngiti at positibo sa mental at pisikal na aspeto ng isang tao. Gaya ng:

MA-INLOVE. Sinong hindi sasaya sa taong bumibilis ang tibok ng puso at rumaragasa ang daloy ng dugo? Eto ‘yung mga oras na napapansin ka ng tao na blooming ka, may bago sa’yo, maya’t maya ka nakangiti at payapa ang aura mo.

MAGKARON NG ISANG ANAK. Na sa sobrang saya eh halos napapaiyak ka dahil may isang anghel na magbibigay ng sigla at saya sa isang mag-asawa. Pero alam naten na may mga taong hindi pinalad magkaron ng ganitong kayamanan, kaya PASALAMAT KA!

TUMAWA HANGGANG SA MANAKIT ANG TIYAN AT PANGA MO. Bihira ito, dahil bihira na rin tayo makarinig o makabasa ng mga joke na fresh at witty. Madalas nakikita lang ito ‘pag may okasyon, simpleng inuman at kwentuhan. Iba ang tawang nakikita mo sa telebisyon, kesa sa hindi inaasahang biro ng taong  bahagi ng buhay mo. At take note: malakas makabawas ng timbang ang pagtawa.

MAKATANGGAP NG LOVE LETTER O NG KAHIT SIMPLENG CARD. Laos na ‘to, pero epektibo pa ring makapagpangiti sa isang tao. Sabi nga nila, mas baduy/korni, mas sweet.

MAKAPAGBAKASYON. Trabaho-bahay-trabaho-bahay-bahay-trabaho. Paulit-ulit. Alam mo ‘yung excitement habang nagpaplano ang grupo ng isang outing, kahit sa simpleng pool o beach sa piling ng adobo, ihaw-ihaw, videoke at alak? Ang saya ‘di ba? Na halos hindi ka nakatulog at hindi ka na rin naligo.

MARINIG ANG PABORITO MONG KANTA. “Ay shet! Peyborit song ko ‘yan!”. Narinig mo na ang linyang ‘yan panigurado. Eto naman ‘yung mga oras na sa gitna ng matinding konsentrasyon eh dadapo sa tenga at eardrum mo ang saliw ng musika at mga lirikong nagdadala ng mga alaala at iba’t ibang karanasan. Wheew… lalim.

MATUTULOG KA NA AT BIGLANG UMULAN. Sino ang hindi aantukin sa lamig na dala ng ulan at musikang taglay ng mga patak nito sa bubong at lawiswis ng tubig sa daan? Tapos magkukumot ka at may kayakap kang paboritong unan. Pero the best pa rin ang may katabi…

MALIGO. Anuman ang rotation mo sa banyo, ginhawa pa rin ang dala nito lalo na sa panahon ng summer.

MASAGUTAN MO ANG LAHAT NG TANONG TUWING MAY PAGSUSULIT. Taas noo ka dapat at magyabang ka dahil wala kang pinalagpas na tanong habang nagdudugo ang utak mo sa isang umaatikabong exam. (pag-aaral man o nag-aapply ka pa lang sa trabaho)

MAKATANGGAP NG ISANG TAWAG MULA SA ISANG TAONG HINDI MO INAASAHAN, AYAW MO KAUSAP, AT GUSTONG-GUSTO MONG KAUSAP. Automatic na nagpapanic ang isang tao sa oras na mag-ring ang cellphone, tapos pagtingin mo sa caller id, numero lang, at curious ka kung sino mang basilio o sisa ang tumatawag sa’yo. Nakatatlong “hello” ka na bago kayo nagkaintindihan at mabibigla ka na A. ex mo ang tumawag at kinakamusta ka B. jowa mo ang tumawag gamit ang ibang numero C. pinagrereport ka na sa trabaho na inaplayan mo at D. magbabayad na ng utang ang may utang sa’yo.

KWENTUHAN. ‘yung hindi mo namamalayan na tulog na ang mga kapit-bahay n’yo sa haba at ganda ng paguusap n’yo. Umikot na sa relihiyon, pulitika, cartoons, pera, artista at kahit na simpleng sinangag ang topic n’yo pero wala pa ring preno ang bibig mo sa kakasalita. At the best pa rin diyan kung ang kausap mo eh nililigawan mo/nililigawan ka.

NAIWANG PERA SA BULSA NG PANTALON. Da best ‘to, lalo na sa mga oras na kelangan mo ng pamasahe o pang-load. ‘Yung pakiramdam na para kang nakakita ng ginto sa gitna ng naghuhumiyaw sa dumi ng pantaloon.

MATAWA NG WALANG DAHILAN. Aminin mo, totoo ‘yan. ‘Yung sa kalagitnaan ng paglalaba mo o ng pangungulangot mo eh may maalala kang nakakatawa, tapos sasabihin sa’yo ng katabi mo na “anong nakakatawa? Siguro ako tinatawanan mo ‘no?”.

ANG MAGISING KA PERO NAISIP MO NA POSIBLE KA PANG MAKATULOG KAHIT ILANG MINUTO PA. natural lang na kalaban mo dito ang alarm clock. Pero parang isang oras na rin ang limang minutong idlip lalo na bago pumasok.

MADAGDAGAN ANG “KAIBIGAN” MO. Sa isang profile site, masaya ka na ‘pag nadagdagan ang bilang ng “friends” mo. Pero mas matinding pakiramdam ang madagdagan talaga ang listahan ng kaibigan mo, na sa mga darating na araw eh magiging parte na ng buhay mo.

MAGING “PART” NG ISANG “TEAM”. Sports man ‘yan, organisasyong gawa-gawa lang o sa trabaho, ang mapabilang sa isang grupo eh talagang okey sa pakiramdam. Magandang halimbawa diyan ang cheerleading squad, o team sa DOTA.

UNANG HALIK. Oo, isa ‘yan sa mahiwagang tanong sa slum note. Sinasama mo rin sa “unforgettable moment” mo at pwede na rin sa “most embarrassing”,

MASILAYAN MO ANG TAONG GUSTO MO. Huminto ang oras. Bumilis ang tibok ng puso mo. Kusang nag-lock ang mata mo sa kanya. Narinig mo sa hindi kalayuan ang isang love song. At sa hindi inaasahan, tumingin s’ya sa’yo. Ngumiti ka. Ngumiti din siya. At nasabi mo na lang sa sarili mo na “SHIT!”.

MAKITA ANG ISANG TAONG MATAGAL MO NG HINDI NAKIKITA. Normal ang magulat sa una, tapos mapapangiti. Tapos hahagilapin mo sa utak mo ang pangalan niya. Tapos ‘pag nabanggit niyo na ang pangalan ng isa’t isa, kasunond na no’n ang shake hands, pagtapik sa balikat, beso-beso, pagtama ng kamao, at ang pinakamatindi, ang automatic na magkayakapan kayo. At bigla mong maalala na siya pala ang unang syota mo n’ung high school.

MARINIG ANG KATAGANG “I LOVE YOU” NG TAONG MAHAL MO. May iba na nakokornihan, pero sa loob-loob nila, kinikilig ang taong nasabihan nito. Pwedeng ngiti lang ang komento niya, ibalik niya ang salitang “I love you too…” at kasunod ang halik na…. ‘yun na ‘yun.

MALAMAN MONG MAY TAONG NAGKAKAGUSTO SA’YO “uyyy…. Crush ka kamo ni <type mo ang pangalan ng taong gusto mo>. At eto ang mabangis diyan: ang malaman mo na crush ka rin pala ng taong crush mo.


MARAMING MAGANDA SA MUNDO, NA KAHIT ANG PERA HINDI KAYANG BILHIN…



Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!