Kelan Ka ba Naging Proud Maging Pinoy?

Nabasa ko ulit yung libro ni bob ong na “Bakit baliktad magbasa ng libro ang mga Pilipino?”. Ganun pa rin ang pakiramdam: nakakainis, nakakabagot at nakakapanghinayang. ‘di rin maiwasan magmura. Kung ‘di ako nagkakamali, pang-apat na beses na ko ng nabasa ‘yun. Sabi ko pa naman sa mga taong nagbabalak din magbasa ng ganung libro, ‘wag sila magmumura. Tinanong nila ako kung bakit. “Basta” lang ang sagot ko.

Tinalakay kasi sa libro na ‘yun kung ano at sino ba talaga ang mga Pinoy. Ngayon kung nabasa mo na, malamang tinamaan ka kasi totoo. Kung nainis ka, wala kang magagawa. Reyalidad yun. At kahit ipagtatanggol mo pa ang mga bagay na nakapagpapangit sa lahi ni Juan, sa kahit anong aspeto o larangan, hindi pa rin kayang pagtakpan ang tunay na dumi ng mukha ng pinoy. Tamad, bobo, tanga, at walang malasakit. Walang dignidad. Kinahihiya ang pagiging pango. Kinahihiya ang dugo. Kahit sumikat na si Charice, kahit naging bukam-bibig na ang salitang major-major mistake ni Venus at kahit nakawalong belt na si Pacman, pangit pa rin ang profile ng mga pinoy sa mata ng mga banyaga, kahit maganda ang profile mo sa facebook.

            Marami ng tinanggap na pangungutya ang Pilipinas hindi dahil sa dahilang “third world country” pa rin tayo, hindi dahil sa paulit-ulit ang sistema ng pamamalakad ng gobyerno, kung ‘di dahil kulang tayo sa pagpapahalaga kung ano at sino ba ang lahi mo. Kulang na lang dalawin tayo ni Rizal at Supremo at tanungin tayo kung ano ang napala nila sa pakikipaglaban noon para sa kalayaang tinatamasa naten ngayon. Ikaw na malayang nakakalakad sa kalsada ng walang mga guwardiya-sibil, walang mananakop at walang aasta-astang hari. Ikaw na may laya at kahit kelan pwede murahin ang pangulo o sulatan ang mga mukha ng pulitika sa mga naglipanang papel tuwing eleksyon. Ikaw na pwedeng bumuo ng union kung sa inaakala mo ay hindi na tama ang nangyayari sa pera ng bayan, kahit pa tungkol sa edukasyon o simpleng pagtaaas ng pamasahe. ‘Di tulad nila, “NOON”, patago at palihim dahil anumang oras pwede silang ipapatay o ipakulong, depende sa trip nila.

Lagi na lang naten sinisisi ang gobyerno. Tingnan mo, tayo ang boboto sa gusto nating mamumuno, pero tayo rin ang sisipa paalis ‘pag walang nagawang maganda. Sasabihan nating tanga ang pangulo, pero tanga din naman ang nagluklok sa kanya. nagpabulag ka at natuwa sa talumpati niya tuwing eleksyon. Naengganyo ka sa mga commercial nya sa tv at nahabag ka sa autobiography niya. Wala kang pakelam kung ano man ang pangit na background nya basta sa sarili mo, siya ang iboboto mo at karapat-dapat siya sa Malakanyang. Nasilaw ka sa mga magagandang pangako niya at nabilib ka sa pananamit niya. Sinunod mo ang daloy ng survey, hindi mo man lang sinubukang magsaliksik kung ano at sino ba talaga ang kandidato mo. Basta napagtripan mo, nirekomenda ng syota mo, ayos na. wala man lang question and answer portion tungkol sa iboboto mo, na uupo sa loob ng anim na taon, depende kung hindi siya maiimpeach. ‘Di na natuto. Paulit-ulit na lang.

            Nung pumanaw si Francis Magalona, marami ang nalungkot dahil sa hindi inaasahan ang pagpanaw niya. May namatay na naming icon ng pinoy. At dun nagsulputan ang mga t-shirt na may watawat ng pilipinas. Hanggang ngayon, naging fashion na ng mga pinoy yun, ngayon lang. bakit hindi noon pa? inantay munang may mamatay. Proud kuno sa pagiging pinoy. May ilan na nagpatattoo pa ng “3 stars and a sun”. at parang dun lang nakita ng pilipinas kung ano ba talaga ang ginawa ni Kiko para lang magtaas-noo ang lahi ni juan. Parang nung panahon na pumanaw din si Cory.

            Alam na alam na naten ang istilo ng pamumuhay sa pinas. Simple lang. ok na yung bulok ang gobyerno, ok na yung sahod na pambayad lang ng utang. Normal na yung balitang may pinatay, nadisgrasya at pinapatay. Normal na yung di kumakain ang isang tao ng hapunan sa pagtitipid. Normal na yung may cellphone ka pero walang bigas. Normal na yung nag-aaral ka ng para wala kang natutunan dahil sa mababang kalidad ng edukasyon. Normal ang pagtaas ng mga bilihin, pati na ang gasolina na parang equalizer sa pagtaas at pagbaba. Normal na ang pagbaha dahil hindi matapos-tapos ang mga road projects ng gobyerno. Normal ang paglaki ng populasyon kasi mang-mang ang tao tungkol sa isyu na to. Normal na tayong nanakawan ng pondo at nakakapagtaka kapag naglabas ng budget ang gobeyrno. Lahat naging normal na, kasi nakagawian na. manhid na tayo. At kung may maganda nang mangyayari minsan sa isang taon, hind tayo natutuwa. Kasi hindi naman lahat makikinabang at maapektuhan. SILA lang, bihira ang TAYO.

            Kung totoong may progress ang pinas, bakit marami pa rin ang bumubuo ng mga samahan kontra sa maling pamamalakad? Bakit meron pa ring naiimpeach? Bakit nag-aaway pa rin  ang gobyerno at relihiyon? Bakit may namamatay pa rin sa gutom? Bakit may mga estudyante ng lumalaban para sa tama? Bakit lalong dumadami ang pulis sa kalsada? Bakit parami ng parami ang pag-gawa ng batas?  Bakit ang daming nagrereklamo kesa nagpapasalamat? KASI WALANG NAGBAGO.

            Dapat may mamatay muna sa lindol bago bigyan ng pondo ang Red Cross. Dapat may mamatay muna sa kawad ng kuryente bago pagandahin ang serbisyo pang-kuryente. Dapat may lumubog munang barko bago inspeksyonin ang mga sasakyang pang-tubig. Dapat may bumagsak munang eroplano bago bumili ng bago at itapon ang delikado na sa paningin ng marami. Dapat may mamatay muna sa mendiola bago pansinin ang reklamo ng tao. Dapat masunog muna ang bahay ng mahihirap bago gumawa ng mga programang pabahay. Dapat may magbuwis muna ng buhay bago tumaas ang sahod. Dapat may matindi munang disaster bago umakyson ang awtoridad. Dapat bumaha muna ng bangkay bago pagbigyan ang maliit na kahilingan, na dapat sana ginawan na ng solusyon muna bago may mangyari pang dapat-may-kung-ano-muna.

            May isa akong tropa, natira na ng states. Dahil sa iba na ang kulturang kinilala, iba na rin ang tabas ng dila. Puro panlalait na ang sinasabi sa pinas, parang di pinoy ang dugo. Kesyo wala na raw pag-asa, kesyo ang layo ng pagkakaiba ng bansa niya ngayon kesa noon, kesyo mas ok ang hangin doon, kesyo mas maangas ang mga gimikan dun. Wala na. kinalimutan na niya na Filipino ang nasa birth certificate niya. Pero isa sya sa mga pumapalakpak pag nanalo si pacquiao sa boxing. Magmamalaki na pinoy din sya.

            Yung ilan din kakilala ko na namamalagi na sa ibang bansa, wala ng balak bumalik dito. Iba daw talaga ang pamumuhay sa ibang bansa kumpara sa pinas. Mas maayos daw ang buhay nila dun, at kampante sila sa kinatatayuan nila. Ewan lang kung totoo, baka pagtanda nila, dito na nila nanaisin magpagawa ng nitso.

            Marami pa rin ang naniniwala na babangon pa rin ang pinas. Kung kelan, walang may alam. Mas marami kasi ang walang pakelam, kesa sa nagmamalasakit. Mas marami din ang gusto ng sa ibang bansa na lang mabuhay. Ubos na ang natitirang pag-asa ng mga pinoy. At Malabo ng magkaron pa ng pagkakataon na dignidad na ang pinaglalaban ng bawat isa sa aten. Pero isa ako sa naniniwala na may natitira pa, kahit ayaw na nilang maniwala. Matalino ang Pilipino, ginagamit nga lang sa pansariling kagustuhan. Kumikilos para hangaan, kesa kumilos para makaimpluwensya ng tama sa nakararami.


Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!