Narcissism (Mga Kwentong Pa-Like, Mag-Comments at I-Share)

Sayang yung Friendster. Successful na sana yung social networking site na yun kun’di lang talaga kinain ng virus at mga hacker. Paano naman kasi, bukod sa naging OA na sa pagko-customize e pinutakti na rin ng mga kung ano-anong malalaswang virus na mas maganda sana kung naging totoo na lang [insert demonic smile here].

Kumpara sa Facebook ngayon, walang-wala ang Friendster noon kung accessibility at convenience lang ang pagu-usapan. Andun na lahat: magmula sa chat, video chat, games, newsfeed, links sa maraming websites, negosyo, etc. Bukod dun, magaling ang maintenance team ng Facebook. Hindi basta-basta natitinag ng mga praning na hacker. Laging may innovation.

Kaya ko lang naman naalala si Friendster e dahil na rin sa negatibong resulta ng Facebook sa buhay ng tao. Kung paano nito pinarami ang mga trolls. Kung paano mabilis kumalat ang mga maling balita. Kung paano pag-awayin ang mga iba’t ibang sector at ahensya ng gobyerno, pati na religion. Kung paano magpatayan ang magtotropa dahil sa NBA, sali mo na rin ang DOTA. At kung paano nagsimula ang pagsilang ng mga narcissist sa mundo.

Kung gaano kabilis dumami ang user ng Facebook, ganun din kabilis dumami ang biglang nag-asam ng atensyon sa cyberspace. Hindi ko alam kung dala ng kahirapan o inggit. Pwedeng insecurity. O sadyang may problema lang sa sarili.

May ‘friend’ ka ba sa friend list mo na kung magpalit ng profile picture e halos araw-araw na? Yung tipong sinakop na niya lahat ng espasyo sa newsfeed mo, na halos puro pagmumukha na niya nakikita mo?

Kairita.

May mga ilang kamag-anak at katrabaho akong ganun ang trip sa buhay. Kun’di man profile picture ang pagdidiskitahan, yung araw-araw na pagkain ang iyayabang. Masakit sa mata. Yung bang kahit ayaw mo ng bad vibes e hindi maiwasan dahil sa kayabangan nila at sobrang pagpapapansin. Buti nauso na yung unfollow. Gumaan na yung pakiramdam ko kahit papano.

Wala namang premyo kung aling status o profile picture ang makakakuha ng pinakamaraming likes. Wala ring biglang yumaman dahil sa milyong-milyong comments. At wala ring nagkaron ng abs dahil sa sobrang dami ng na-share na ewan. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit big deal na big deal sa iba ang numero ng mga ito.

Bakit ba kelangan natin ma-recognize? Kulang lang ba talaga tayo sa atensyon o may kulang sa pagi-isip natin?

Kung saka-sakaling ma-recognize nga tayo ng maraming tao sa buong mundo, ano ang direktang epekto nito sa’tin?

Instant fame? Pwede. Internet sensation? Baka nga.

Ako, hindi big deal sa’ken kung iisa o dadalawa lang ang magla-like everytime na magpapalit ako ng profile picture (matagal-tagal bago ako magpalit ulit, depende sa mood at panahon). Wala akong pake kung wala akong matanggap na emoticons o comments pagpapalit ko ng picture. At isa pa, hindi ko pinipilit ang mga kamag-anak ko na gustuhin nila ang pagmumukha ko. Hindi nila obligasyon, at hindi rin nila responsibilidad. Isa pa, hindi naman magsasara ang butas ng puwet ko kung sakaling walang matuwa sa profile picture ko.

Meron akong kababata noon na iba ang trip sa buhay. Pabida. Ang trip niya e dapat lahat ng topic na paguusapan namin e makaka-relate siya. Mas mainam na kung siya alam na alam niya, at magiging bida nga siya. Isipin mo: magmula sa sports, religion at science, lahat related siya. Hindi siya lasing. Hindi rin siya lulong sa droga. Talagang nature na niya yung maisisingit niya yung opinyon niya kahit alanganin at masyado ng maangas.

Hindi lang dahil sa pagnanasa ng maraming likes, shares, millions of views at comments nakikita ang senyales ng pagiging narcissism. Heto ang ilan sa mga senyales (ayon kay Susan Heitler, Ph.D. mula sa article na Are You Narcissist? 6 Signs Of Narcisssism) na maaaring makapag-bigay ng idea sa’yo kung medyo-medyo narcissistic ka na:

Wala siyang pinapakinggan. Tama ako, mali ka. Maganda opinyon ko, panget yung sa’yo. So kung magsa-suggest ka ng idea, wag ka na magsayang ng laway. Mostly ng mga gantong tropa e yung organizer ng mga lakad. Siya magsisimula ng drawing, siya magkukulay ng drawing at taga-hanga lang kayo ng drawing. Kung papalag ka man para sa mas magandang idea, sisimulan niya ito sa salitang “Pero…”, which means wala ng kwenta yung una mong sinabi. Period.

Lahat ako. Alam ko lahat. Mas interesante ako. Bangka ako lagi sa inuman at mas mahaba ang oras ng pagsasalita ko compare sa’yo. So shut up ka na lang. Mahirap na sila kausapin, dahil kung sisimulan mong higitan ang wisdom niya, ida-divert niya lahat ulit pabalik sa kanya ang usapan. Nang mas maganda, mas interesante at mas pa sa lahat ng mga bagay na sasabihin mo, so babalik ulit sa kanya ang atensyon at focus.

Hindi uso ang rules sa’ken. Ang batas ay para lang sa mga weak. Yung mga sisiga sa eskwelahan. Yung mga hindi takot sa guard, sa teacher at sa guidance councilor. Ipapamukha nila sa’yo na mas maangas pa sila kay Asiong Salonga at Totoy Golem. Ayon kay Susan Heitler, sila yung may mga mga tinatawag na Tall Man Syndrome. Sa sobrang tall e manliliit ka sa angas nila.

Hindi ka kritiko, kaya wag mo ko i-critiziced. Wag mo punahin ang idea ko, masakit. Alam ko may may point ka at gusto mo lang ng constructive criticism, PERO ako lang dapat ang namumuna, at ako lang dapat ang nananama ng mali. Karamihan sa mga gantong tao e yung madalas pikunin sa mababaw na joke at simpleng pamumuna. Sila yung mga taong malakas mang-asar, pero mabilis din mapikon. Mahirap sila kainuman. Pero kung bored ka at gusto mo ng totoong brain storming, sa kanila ka makipag-usap.

Mali ka, Tama ako. So pag nagkaron ng problema, kasalanan mo yun. Wag ka mag-expect na magso-sorry ako sa’yo. No. Never. Over my dead body. Uso yung ganto madalas sa mga telenobela at pelikula. Pabida si bida, na in the end e siya rin pala yung pahamak. Yun nga lang, hindi siya pwede sisihin dahil pogi/maganda siya at mas marami siyang tv commercials kesa sa’yo.

Pag galit ka, galit din ako. Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako galit ngayon. Hindi ka kasi nakikinig. Lagi ka namang mali. Hindi naman ako magagalit kung nakinig ka lang sa’ken. Kaya dapat mag-sorry ka. Sa sobrang confident ng mga narcissistic e madaling ma-trigger ang galit nila. At kapag nagalit na sila, mas madali sa kanila yung magturo. Mas madali sa kanila manisi ng tao.

Ayon na rin kay Heitler, ang narcissism ay simpleng ‘habit-patterns’, at ang habit e pwedeng baguhin. Halimbawa, kung halos araw-araw kang nagpapalit ng profile picture, pwedeng gawing every other day o every other week (mas maganda kung every other six months para hindi gaano nakakapikon). Kung madalas mo namang ipagmalaki ang mga kinakain mo sa Instagram, piliin lang yung mga putahe na bibihira kainin ng mga tao. Yung tipong ikaw pa lang ang nakakakain.

May masama ba sa pagiging narcissistic?


Nuod ka ng tv. Noontime show. Panuorin mo si...bahala ka na.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!