"T A G A L I G T A S"

Sa dami ng superhero-ng puwede kong piliin, si Spider-Man talaga ang gusto ko sa lahat. Period. Bukod sa cool at astig ang costume niya, pa-swing-swing sa matataas na building at nagtataglay ng lakas ng pinagsamang sampung wrestler at isang litrong Cobra, naaastigan ako sa ‘spider-sense’ niya. Kakaiba, parang adik na sobrang alerto. Friendly neighborhood pa. Di tulad ni Superman, isang kryptonite lang ang katapat kahit sinlaki man ng vetsin, wala ng silbi.

Pero totoo to: yung adventure, love story at pakikipagbasag-ulo lang naman talaga tayo updated sa iniidolo nating superhero. Wala tayong alam o idea kung ano ang paborito nilang pagkain, sa’n sila madalas tumatambay at kung ano-ano pa ba ang hobbies/talents meron sila. Hindi natin alam yun. Wala kasi silang social media accounts.

Nakakatuwa nga yung isang scene sa nakalipas na franchise movie ni Spider-man kung saan namimili siya ng gamot, (may sipon at trangkaso ata) at sa kamalas-malasang pagkakataon e kelangan niya pa ring umastang superhero, kaya kahit mukha lang niya ang naka-costume at boses ‘singo’ (boses may sipon na ngongo) on the go pa rin ang responsibilidad niyang maging tagapag-ligtas (natsambahan si kuyang holdaper). Dun ko na-realize at napaisip, paano kung wala sa mood at masama ang pakiramdam ng mga superhero? Broken hearted? Natanggal sa trabaho? Namatayan ng tropa? Kikilos pa rin ba sila?

Yan ang mga bagay na madalas hindi natin napapanuod sa pelikula o nababasa sa comics, isang araw sa buhay ng isang superhero. Bakit? Kasi. Superhero. Sila. Wala sa vocabulary nila ang dapuan ng sakit, dahil sa abnormal na daloy ng dugo at pagiging mutant. Wala pa kong nabalitaang superhero na namatay dahil sa dengue o nagkaron ng HIV. Healthy at fit kasi sila. Kaya nga nilang sumalo ng isang libong suntok at bumagsak mula sa kalawakan na gasgas lang ang epekto. Kinabukasan nun, parang wala lang.

Ayaw nating isiping may weakness sila. Ayaw nating malaman na ang tanging tagapagtanggol ng mga naaapi e kinakapitan din ng sipon. Wala tayong pakelam kung kumain na ba sila o hindi, naligo, nagpagupit o kahit simpleng na-stress sa trabaho. Superhero kasi sila, kaya na nilang i-handle lahat yun. Deadma lang kung bumaho na ang hininga nila o parang tinapay na ang kili-kili nila. Amoy putok. Yung mga babaeng superhero nga hindi rin naman nababanggit kung nireregla o kasalukuyang nireregla habang nakikipagsapakan. Bakit? Sabi ni direk.

Yung pagiging matikas, malakas at tagapagtanggol lang talaga ang alam natin sa kanila. Sabi nga sa kanta ng Five for Fighting, “even heroes have the right to bleed…”.

Paano kung isang araw e mawalan na sila ng gana sa responsibilidad nila? Na isang araw ma-realize nila na wala naman silang napapala sa pinaggagagawa nila dahil hindi rin naman sila binabayaran ng gobyerno? Na napapagod na sila dahil wala na silang social life o kahit vacation leave man lang? Na mas gusto na nilang magkaron ng quality time sa pamilya, o sa kanilang pag-ibig? Paano kung dumating yung panahon na katamaran na nila ang pagiging superhero?

Badtrip. Wala na tayong bagong pelikulang aabangan na mayaman sa CGI. Wala ng spoiler sa youtube.

Kawawa naman ang mga leading lady na walang ibang alam gawin kun’di umiyak at magpahamak. Bukod dun, yung iba sa kanila malandi pa. Nagagawa pang t-um-hird party. Di na nahiya. Buti na lang talaga di pumapatol sa tsiks ang mga superhero. Pag nagkataon, bopis ang mukha nila.

Ang hirap-hirap ng role nila, kung tutuusin. Anytime, puwede na silang kunin ni kamatayan. Walang pinipiling oras ang kapahamakan sa kanila. Hindi ko nga alam kung nakakatulog pa ba sila ng ayos. Sabi ko nga sa isa kong blog, (see “Bakit Hindi Puwede ang mga Superheroes sa Pinas?”), mangangayaw sila magtanggol dito sa bansa natin dahil oras-oras, may krimeng nangyayari.

Pero hindi nila naiisip yun. Ang tanging prinsipyo lang nila sa buhay e tumulong at magligtas. Paulit-ulit nilang iniisip ang katagang “With a great power, comes a great responsibility”. Sayang ang kakaibang lakas at kapangyarihan kung hindi rin magagamit sa tama. Pero kung presidente ka ng bansa, ibang usapan na yun.

Wala pang superhero-ng pinarangalan dahil sa pagiging bayani. Yung mga ka-batch lang ni Rizal at Bonifacio, meron. Wala kasi silang dugong-mutant. Kung maisasa-libro man ang buhay nila, hindi pa rin nila matatalo si Rizal. At hindi rin naman magiging minor subject ang autobiography nila.



Sa kabilang banda, sa totoong buhay e marami tayong superheroes na hindi naman talaga super, walang dugong mutant o lumilipad. Puhunan lang nila e tapang, tibay ng loob, pawis, dugo at dasal. Isama mo ang prinsipyo at dangal. Yan lang. Pero kahit ‘yan lang’ ang rason, mas pinili pa rin nila ang maging tapagtanggol. Tagaligtas. Kahit alam nilang delikado. Kahit nagkakasakit. Kahit sobrang miss na nila ang mahal nila sa buhay. Kahit hindi sila updated sa mga trending. Kahit wala silang panahon magkaron ng android o IOS. Kahit makalaro sandali ng Clash of Clans. Sila yung mga tao na walang social life. Walang oras sa pasarap. Walang panahon gumimik. Walang alam sa latest na teleserye/telenobela. At hindi nasisilayan ang newsfeed. Di gaya ng mga superhero na updated tayo, naaalala lang natin sila kapag nabawian na sila ng buhay, dahil sa pakikipaglaban.

Para sa Fallen 44.

Para sa mga tagaligtas.

Salamat.

Saludo po ako sa inyo.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!