Forever: 404 Error Not Found

Kanina, basketbol lang topic natin. Tapos napunta tayo sa science, religion, gobyerno, problema ng ‘Pinas hanggang sa crush mo…tapos ngayon naman, ex mo? Pusang-gala, tuwing magkikita tayo lagi mong sinisingit yang ex mo na tatlong beses kang niloko! Naga-adik ka na ba?

Sabagay, di kita masisisi. Mahal mo e. Ganyan talaga pag in-love. E ang kaso, niloko ka. Not just once, but three times! Lupit mo din e no? Anong tawag diyan, bayani? Alanganing martir, alanganing engot? Endangered species ba siya kaya hirap na hirap kang makahanap ng kapalit niya? Tapos ngayon, linggo-linggo mo kong aayaing mag-inom para pag-usapan NA NAMAN natin ang alamat ng katangahan mo?

Tutal, kanina mo pa ba bukambibig yang forever-forever na yan, sige, pagbibigyan kita. Pag-usapan natin yang problema mo nang manahimik ka na.

(Ako na ba? Bilis a? Baka dinadaya mo ko kokotongan kita.)

Nakainom lang ako, pero di pa ko lasing ha? Ipapaliwanag ko sa’yo ang opinyon ko about sa forever na yan.

Kita mo to? May dictionary apps ako sa cellphone. Merriam and Webster. Check ko yung meaning…eto: for and endless time, for all time, for a very long time tsaka at all times. Kung full definition naman, sabi dito e “a seemingly interminable time”. Lalim di ba? Nose bleed. Wag mo ng alamin at baka masira pa ulo mo.

Saan? Sa Wikipedia? Teka, search natin…uhm…uhm…wala e. Walang research studies tungkol dun. Puro mga pelikulang ‘endless love’, kanta tsaka libro lang. Ano, okey na? Pati Wikipedia idadamay mo pa sa forever-forever mo.

So, ayon sa literature, ang forever ay walang katapusang oras. Endless. Parang simula ng tuldok ng bilog na magtatapos sa sarili niyang tuldok, paikot-ikot, walang katapusan. Puwedeng eternity kasi nga, endless. Okey? Malinaw tayo sa definition ng forever a? Good.

Tatanungin kita: ano-ano ba ang mga bagay na walang katapusan? Isantabi muna natin ang love. Basta, magbigay ka ng bagay, pangyayari o kahit ano, basta walang katapusan. Ano? Meron ba?

Okey, so wala di ba?

Ang buhay ng tao, nagsimula sa birth, magtatapos sa death. Human nature yun. Kelangang may mamatay para may mabuhay. Lahat ng tao, kesihodang anak ka ng senador o laos na artista, lahat tayo diretso ng libingan. Balance. Kahit nga ang mga idol mong superhero e namamatay din. Kahit super-duper-mega-hero pa yang mga yan, lahat yan, may ending. At wala pang napapatunayang imortal sa mundo, dahil kahit ang mga bampira e sinag lang ng araw ang katapat.

(Nakikinig ka pa ba? Baka lasing ka na, uuwi na ko?)

Ngayon naman, i-apply natin sa pag-ibig. Sa history ng tao, meron na bang nakakamit ng forever? Ng endless love? Sa mythology, meron bang pana si Kupido na gawa sa forever?

Wala. Kahit sa Philippine history, walang naitalang mag-asawa na habambuhay nagmahalan. Lahat-lahat na, kahit isama mo pa world history, walang ganun. Na-deads din lahat. Ultimo mga love story sa bible, wala ding nakamit na forever.

(Joke lang yung kay Kupido, masyado ka namang seryoso.)

Oo, alam ko, idadamay mo na naman ang pag-ibig ng Diyos sa tao na walang katapusan. E di sige, may forever sa Diyos. Pero hindi naman yun ang target natin di ba? Sa tao natin to ia-apply, okey? Tsaka ibang meaning  ng love yun. Pag-ibig ng Diyos sa nilalang niya, hindi sa kabiyak niya o asawa. Gets mo?

‘Lang’ya napasok na naman tuloy tayo sa religion.

Pati yang joke-joke na traffic sa EDSA lang ang may forever, kalokohan yan. Matatapos din ang forever na yan kapag nagawan na ng paraan at solusyon. Pag tumalino na ang gobyerno. Atlis yung EDSA may paraan pa, e yung lovelife ng iba, hanggang ngayon pinagdarasal pa. Sinasama sa pangarap at kung ano-anong wishful thinking. Tsaka, lahat ba ng tao dumadaan ng EDSA?

Anyway, kahit ia-apply mo ang lahat ng branch ng science tungkol sa forever, puro theory pa lang din yun. Puwede mong paniwalaan lahat dahil sa mga theory-theory at sandamakmak na research studies, pero lahat yun, ekis pa din. Pagsamahin mo man ang physics, chemistry, biology o kahit mismong quantum physics, lahat ng mga yan naniniwala na ang lahat ng bagay may simula, at meron ding ending. Kita mo, pinaniwala tayo ng mga matatalinong scientist na masusunog tayo kung sakaling makarating tayo malapit sa araw, pero sa history ng sangkatauhan, meron na bang nakalapit sa araw na astronaut/cosmonaut para patunayan ang theory nila? May nabalitaan ka na bang nasunog na tao dahil nag-power tripping siya papuntang araw?

(Bahala ka kung joke yun. Shot ko na, ang bagal mo e.)

Sige, logic naman. San ba nagsisimula ang love story? Sa ligawan di ba? Tapos, ano-ano ang ending? Break ups. Nangaliwa. Nagloko. Nanulot/sinulot. Nawalan ng gana or hindi nag-work. Kusang nawala ang pag-ibig. Cool off, na papuntang break up din. Minsan, religion issues. O kaya ayaw ng mga magulang. Puwede ring traditional o cultural issues. Meron pa ba? Meron pa. Yun nga, na-deads yung isa sa kanila, or sabay dahil sa tragedy. Merong mga ending kasi na natural, tragedy, accidentally o intentionally. Bahala ka na kung pano mo iisipin lahat yun. Basta ang point ko, lahat yan merong kanya-kanyang ending. Kahit pa galing sa fantasy o reality ang love story, natatapos din ang lahat ng yan dahil sa kamatayan. No less.

Sige, idamay na rin natin ang math. Alam mo yung joke na kung bakit di pa din naso-solved ang “find the missing x?”. Kasi mismong mga teacher naniniwala na kahit ang math, walang forever (yung iba nga sa kanila di na nakapag-asawa). Kahit gaano kahirap ang problem, lahat yan, may solution. MDAS lang ang katapat. Sa geometry, nagsisimula ang mahabang linya sa tuldok, at nagtatapos sa tuldok. Kung lalagyan ng forever ang linya, kelangan mong lumiko ng kanan o kaliwa hanggang sa marating mo yung pinanggalingan ng tuldok. Bahala ka na kung ano yung final figure na lalabas. Kung isang beses ka lang lumiko, puwedeng bilog ang nabuo mo (o oblong). Paikot-ikot ngayon yan, walang ending. Diyan na lumabas ang forever. So, meron na ba? Wala pa rin! Bakit? Bilog ba ang pag-ibig para paikot-ikot lang? Tuldok at linya lang ba ang isang magandang relasyon papuntang endless love? Ano?

Sino-sino lang ba ang nagsasabing merong forever? Malamang, yung mga ‘in a relationship’. Yung mga mag-MU na nagkatuluyan. Yung mga sobrang in-love na akala mo habambuhay na relasyon nila. Yung mga taong kakakasal lang. Madaming ganyan di ba? Naniwala na merong forever, pero nung isa sa kanila ang nagloko, biglang babaliin na ang prinsipyo. WALA NG FOREVER. Bakit? Simple lang: bitter.

Una sa lahat, hindi forever ang meaning ng kasal. Serious commitment na ang tamang term para dun. At isa pa, hindi assurance ang wedding ring para masabi nating merong forever dahil mismong mga kasal e naghihiwalay din, depende sa sitwasyon. Case to case basis. Kalaban ng mga ito ang kabit, tukso at kati.

So…ang forever ba pinaniniwalaan lang ng mga in-love? Tapos ang mga broken hearted at bitter, naniniwala namang walang forever? E di parang awayan lang ng mga religion yan di ba? Ganto paniniwala nila, na wala sa paniniwala niyo, kaya hindi dapat paniwalaan ang paniniwala nila kasi ganto lang pinaniniwalaan nyo? Magulo ba? Ganun talaga ang usaping religion. Walang mananalo diyan. One-sided kasi yung karamihan.

(Oo na, napunta na naman tayo sa religion. Sorry naman.)

Pano ngayon yan? E puwede ngang mag-vice-versa ang utak ng mga in-love at bitter/broken hearted? Pag dumating ang panahon na ang mga bitter naman ang na-in-love, at ang mga na-in-love noon ang naging bitter, gugulo na ang paniniwala nila. Iikot at iikot pa rin lahat sa ganung sistema, na ang ending, WALA PA RING FOREVER.

Puwede kong sabihin na ang forever e para lang sa mga optimistic, pero hindi ako naniniwala na walang forever dahil sa mga pessimistic. Kung logic lang ang pag-uusapan, hindi nage-exist ang forever. At positive ang mga pessimistic diyan. Wag tayo magtanga-tangahan, okey? Kahit nga ang linyang “nothing lasts forever” e sang-ayon sa opinyon ko. Bahala ka na mag-translate sa tagalog.

Oo alam ko, may mga kantang naniniwala sa forever. Madami niyan, mapa-OPM man o international. May ‘forevermore’ pa nga e. Lupit no? Kumbaga sa super, naging duper pa. PERO, hindi ibig sabihin nun e dapat ka ng maniwalang may forever. Pampa-good vibes lang yun. To think positive. Iniiwasan lang nilang masira ang ulo ng mga hopeless romantic. Alam mo naman ang mga kanta, puwedeng pang-fantasy at reality.  Puwedeng posible ang mga imposible.

Kung may life after death man, at magkasama pa rin kayo sa kabilang buhay, baka nga may forever. Pero dahil wala pang patunay na meron ngang life after death, wala pa ring forever.

Uunahin na kita, hindi ako bitter. Pinaliwanag ko lang yung side ko. Sinabi ko lang yung opinyon ko, kaya kahit hindi ka maniwala sa sinasabi ko, okey lang. Opinyon lang naman to e, hindi conclusion. Reference lang kung bakit walang forever para sa’ken, okey? Baka mamaya niyan magbiter-bitter-an ka kasi sabi ko walang forever? Utak din gamitin minsan, utak. Kaya nga nasa taas ang utak kasi mas lamang sa puso. Kung puro ka puso, anong tawag sa’yo? Puno ng saging? Pakikinabangan lang yung bunga mo kasi mabait ka naman at aabusuhin ka nila, tapos dahil wala ka namang utak kaya hindi mo maiisip na inaabuso ka na pala. Kasi nga, may puso ka lang. Baka ganyan na lang ang papel mo sa mundo, abusuhin. Pakikinabangan lang pag may bunga. Pag wala, dadaan-daanan ka lang ng tao.

(Wala na, napunta na tayo sa saging. Tsss…wala na tayong yelo.)

Pag binalikan mo pa yang ex mo, forever ka ng stupid. E kung ako na lang kasi sana sinagot mo, e di sana pati ako naniniwala na ring may forever.


(Joke lang, to naman. Shot mo na, bagal mo.)

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!