E Kung Daanin Kaya Natin sa Reality Show ang Eleksyon?

Ang gulo ng eleksyon no? Lalo na yung mga kakandidato. Yung susunod na uupo sa ‘upuan’, sabi nga ni Gloc-9. Kaya yung mga atat at gusto ng kapangyarihan, lahat na ng pagpapapogi at pagpapapansin sa media, ginawa na nila. Assorted nga yung mga tatakbo. May pabebe na atras-abante ang desisyon. May alanganin ang ‘nationality’. Merong talunan noon na tatakbo ulit ngayon. Merong papogi na dating tambay ng palengke, at meron namang nilalait ang sarili sa ‘paid advertisement’ para makuha ang sympathy ng masa.

Sa seryosong usapan, malaking bagay ang plataporma at mga ‘nagawa’ ng isang kandidato kung balak nitong sumunod na presidente. Sa kalokohang prinsipyo naman, useless lahat yan. Ang batayan daw ng tunay na lider e nakukuha sa pagpapapogi sa media habang ginagatungan ng mga artista na sanay sa talent fee. Base yan sa paniniwala ng mga ayaw ng pagbabago at tamad mag-research na botante. At yan na nga ang resulta ng mga nakaraang eleksyon. Nananalo ang mga hindi naman talaga dapat manalo. Yun ay dahil sa kasalanan KO (oo, aangkinin ko na yung pagiging engot mo nung nakaraang eleksyon, nakakahiya naman sa reputasyon mo).

Take note: 16th president of the Philippines na ang pinaguusapan dito. Pang-16th ngayong 2016. Kung meron mang pamahiin o feng shui sa kambal na ‘16’ number, hindi ko alam. Ang alam ko lang, maingay at makalat na naman ang Pilipinas. Uulanin na naman tayo ng mga pagmumukha at jingle sa kalsada na mas malala pa sa mga lasing sa videoke-han.

Eto naisip ko lang a, tutal paborito naman ng karamihan ang teleserye, na paboritong ring ihaing programa ng tatlong naglalakihang tv networks sa bansa, bakit hindi tayo magkaron ng reality shows na kung saan e masusubok ang tunay na pagkatao ng mga kakandidato? Hindi ba mas interesante? Masusubaybayan natin ang mga galaw nila, 24/7. Dito natin makikilala kung ano at sino ba talaga sila sa harap ng camera. Pero di gaya ng mga teleserye/telenobela, walang babasahing script ang mga kandidato. Natural acting, ika nga nila.

Heto ang ilan sa naiisip kong mechanics ng reality show:

 - 100 days ang labanan. Mag-uumpisa ito, apat na buwan bago ang deadline ng certificate of candidacy. Para pagkatapos ng contest, meron pa silang isang buwan para makapag-decide.

- Iba sa tema ng Survivor, Pinoy Big Brother at Talentadong Pinoy ang target ng reality show. Ipaparanas sa mga kandidato ang pagiging normal na Pinoy sa araw-araw. Sa madaling salita, mamumuhay sila bilang masa, tutal yun naman ang pinaglalaban nila. Ipapasok sila sa iba’t ibang uri ng trabaho na kung saan, minimum wage lang ang sahod. Take note: hindi sila puwedeng gumamit ng sariling pera para sa pangangailangang pansarili. Lahat ng gastusin nila e manggagaling lamang sa normal nilang sahod. Mula sa pagkain, bayad ng renta, baon sa pang-araw-araw, etc. Wala rin silang bodyguard, driver o PA. Sa madaling salita, dadanasin nila ang pagiging commuters. At walang exempted dito. Magbabayad sila ng pamasahe, at walang special treatment. Tipikal na Pinoy sa isang araw.

- Nagkalat ang mga CCTV, hidden camera at camera man sa lahat ng sulok o lugar na puwede nilang puntahan para mabantayan ang lahat ng kilos nila. Hiding in plain sight. Puwede ring kunan ng video/picture ng mga tao ang bawat kandidato kung may kalokohan o against the rules na ginagawa. Gagamitin ang mga ito bilang ebidensya para ma-disqualified ang kandidatong napatunayang gumawa ng mali. Dun pa lang, makikilala na natin sila base sa pagsunod sa batas o simpleng mechanics ng show.

- Mangungupahan sila sa kahit saang sulok ng Metro Manila. Ang pagpili ng trabaho ay base sa kung ano ang mabubunot nila sa unang araw ng show. Hindi na nila kelangang mag-apply, pero halos lahat ng option e patungkol sa ‘labor’ ang posisyon. WALANG OFFICE STAFF na walong oras nakaupo sa de-aircon na opisina habang nakanguso at naglalaro lang ng COC o Solitaire sa PC. Isang beses lang bubunot ang bawat kandidato. Tatanggalin agad ang sinumang magreklamo sa nabunot niyang propesyon. Magsisimula ang trabaho nila kinabukasan, AGAD-AGAD.
- Hindi rin VIP ang treatment pagdating sa trabaho. Kung ano ang trabaho niya, yun ang responsibilidad niya. Hindi siya puwedeng bigyan o mamili ng magaan na trabaho. At hindi rin puwede ang mga instant promotion.

- Sinumang mag-iinarte o susuko sa laban ay automatic ng disqualified. Ibig sabihin, hindi niya kayang mamuhay ng katulad ng isang normal na Pinoy. Kung normal nga ang term dun.
- Puwede ang cellphone/smartphone (bawal ang sobrang mahal), tv (walang cable at hindi LCD) at wifi (yung pinaka-badtrip na plan). Bawal ang laptop o PC.

- Every two weeks may tatanggalin base sa boto ng masa, via text vote o social media. Dahil botante ang masusunod, botante rin ang may kapangyarihang mamili kung sino ang dapat ng tanggalin o patagalin pa ang exposure hanggang finals.

- Director’s cut ang show. Meaning, walang edited o hocus-focus na eksena. Bawal ang scripted. Wala namang special task o ipapakitang talent ang mga kandidato kaya hindi nila kelangang gumawa ng eksena o mag-emo para makakuha ng sympathy. Ang goal lang e bantayan ang lahat ng kilos, salita at emosyon nila sa loob ng 100 days. No less.

- Ang mga mag-iinarte sa kanilang health conditions ay automatic ng nominado para tanggalin sa susunod na eviction.

- Ang mananalo ay base sa boto ng mga televiewers at netizens. Sinumang maka-survive sa 100 days challenge ay automatic ng qualified bilang kandidato sa darating na eleksyon.


Astig di ba? Magkakaalaman na kung sino ba talaga ang bida at kontrabida sa eleksyon. Kung sino ang tunay na makamasa. Kung sino ang may pagmamahal sa bansa. At kung sino yung puro porma at acting lang. Iwas-engot na, na-entertain pa tayo.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!