Ang Huling Karoling ni Carmela

Mag-aalas siyete pa lang ng gabi magkasama na kami ni Carmela. Kumakaway pa siya habang tumatakbo papalapit sa’ken, sa tapat ng tindahan ni Aling Temyang. Dating gawi, hawak niya ang tambol (gawa sa lata ng Nido at pumutok na lobo) at sa’ken naman ang kalansing (pinitpit na tansan na nakakabit sa alambre). Mas cute ang itsura niya ngayon kumpara kagabi. Nakatali ang mahabang buhok na halos umabot na malapit sa puwet.

                “Kanina ka pa?” tanong niya medyo humihingal-hingal pa.

                “Di naman. Tara na, naunahan na tayo nila Mike.”

                “Ang aga a…”

                “Kaya nga.”

                Lumakad na rin kami agad habang tine-testing pa ni Carmela ang medyo bugbog ng tambol. Pang-apat na araw na naming nangangaroling. Marami-raming bahay pa ang pupuntahan namin bago kami makaipon ng pambili namin ng laruan. Yung nasa palengke, yung baril na may ilaw tsaka tunog-laser, yun yung pinagiipunan ko. P100 pesos yun, tapos yung Barbie doll naman ni Carmela nasa P120 naman. P220 ang iipunin namin, pero sa ngayon meron na kaming P65. Okey lang, may ilang araw pa naman bago magpasko. Sayang kasi, di kami nangaroling agad nung 16. Di kasi ako pinayagan ni kuya, wala daw bantay sa bahay. Kung nakapagkaroling na kami nun, siguro nasa P100 na pera namin.

                Nag-iba kami ng ruta ni Carmela. Panigurado kasing naunahan na kami nila Mike dun sa paborito naming bahay, dun kila Mang Rudy. P5 pa man din binibigay nun. Sayang.

                “Sa kabilang kanto tayo magsimula para iba naman. Baka di na tayo bigyan dun sa dati e…” sabi ni Carmela.

                “Sige...”

                Mabilis ang mga hakbang namin na para bang mauubusan kami ng bahay na pagkakarolingan. Nadaanan pa namin ang ibang mga nangangaroling. Yung iba tatlo, yung iba apat naman magkakasama. Ayaw naman namin ni Carmela na magsama pa ng iba kasi mahihirapan kami makaipon. Gusto nga sana sumama ni Dexter sa’min pero hindi pumayag si Carmela. Yun, kila Mike tuloy siya sumama.

                “Sa may bahay, ang aming bati…meri krismas, nawawalhati…!”

                “Patawad!”

                Unang bahay pa lang, malas na agad. Tsk tsk tsk…

                Nagpalipat-lipat kami ng bahay ni Carmela. Puro ‘patawad’. Nasa pangatlong bahay na kami nang abutan kami ng matandang babae ng P20 kahit di pa kami tapos kumanta. “Paghatian niyo na yan, okey? At bukas, wag na kayo babalik dito, naintindihan nyo?” Di ko alam kung galit ba si manang sa’min o talagang mabait lang. Pero ayos na rin, may bente na agad kami, hehehe!

                Masaya kaming nagpalakad-lakad hanggang sa makatawid kami ng kalsada. Maya-maya huminto si Carmela, kasunod ang saglit pero malutong na ubo.

                “Ako na magtatago…” kinuha niya ang lukot-lukot na pera sa kamay ko saka mabilis na ibinulsa.

                “Bilis ng kamay a?”

                Ngiti lang ang sagot niya. Kasunod nun ang magkakasunod ulit na malulutong na ubo. Di na talaga nawala ang ubo niya.

                Maganda si Carmela. Di naman gano maputi, di rin maitim. Morena ata tawag dun. Kahit may bungi siya sa bandang harap, nadadala naman ng bilugan at maamong mata niya ang ganda ng kanyang itsura. Magkasing-tangkad lang kami, at halos pareho lang din ang hubog ng katawan.  Ang akala nga ng iba magkapatid kami. Siya ang una kong kaibigan nung lumipat kami ng bahay sa barangay nila. Naging kaklase ko siya nung grade 2. Minsan, nung isang araw na umaambon, sumabay siya sa’ken pauwi. Wala kasi akong payong nun. Naalala ko pa nun, hello kitty yung dala niyang payong. Simula nun, lagi na kami magkasabay umuwi. Hanggang sa nag-grade 3 hanggang grade 5 magkaklase pa rin kami.

                Halos araw-araw na nga kami magkasama. Pag may pasok, sa school kami nagkikita at naglalaro. Pag sabado at linggo naman, pumupunta siya sa bahay para maglaro ng sungka o kaya baraha. Ayaw niya makisali kila Mike, puro takbuhan kasi ang laro. Nung isang beses na sinama ko siya na maglaro ng patintero, hindi niya kinaya. Ewan ko, bigla na lang siyang huminto. Pawis na pawis. Tapos nun, umuwi siya bigla. Simula nun, hindi na siya nakipaglaro kapag kasama ko sila Mike. Nung tumagal, halos sa bahay na lang kami lagi ni Carmela naglalaro. Minsan pag nagsasawa na kami magbahara at magsungka, nanunuod na lang kami ng cartoons.

                Dumiretso kami sa kalsada na punong-puno ng mga Christmas lights ang mga bahay. Yung iba meron pang malalaking parol at Santa Claus. Yung iba naman halos buong buhay may Christmas lights. Ang ganda-ganda ng pagkakalagay ng mga ilaw lalo na yung isa, may tugtog pa. Sumasabay sa tugtog yung ilaw.

                “Ang ganda nun o!” tinuro ni Carmela yung Christmas lights na korteng Santa Claus kasama ng mga reindeer.

                “Mas maganda yun!” tinuro ko naman yung malaking Christmas tree na napapalibutan ng maraming ilaw at may tugtog. Maya-maya napansin ko sila Mike.

                “Bilisan mo, andiyan na sila Mike!” yaya ko kay Carmela. Walang lingon-lingon, mabilis kaming tumakbo saka huminto sa tapat ng mataas na bahay na may mataas na bakod at gate.

                “Aaaang pasko ay sumapit….tayo ay mangagsi-aaaaaaawit….!”

                Lumingon-lingon ako kila Mike. Nakita kong tinuturo-turo niya kami. Maya-maya nagsimula na rin silang magbahay-bahay. Tsk tsk tsk…mauunahan pa ata nila kami a!

                Natapos ang kanta pero walang lumalabas.

                “Namamasko poooooo!” malakas at matining ang boses ni Carmela. Maya-maya di siya nakatiis, pinindot niya ang doorbell. “Namamasko poooooo…!”

                Nagtahulan ang mga aso. Napaatras kami ni Carmela. Sinilip namin ang ilalim ng gate, nakatali ang mga aso. Maya-maya may lumabas na bata, inabutan ng P5 si Carmela, saka mabilis na sinara ang gate.

                “Teeenk yu….tennnk….”

                “Lika na, baka maunahan pa tayo nila Mike…” yaya ko kay Carmela. Sumunod naman agad siya sa’ken. Wala pa man din kami sa tapat ng kabilang bahay, nagsimula na kaming kumanta. Di pa tapos sila Mike. Sana patawad yung sa kanila, hehehe.

                Di pa tapos yung kanta, may lumabas na matabang lalake. “Ang tagal-tagal pa ng pasko, namamasko na agad kayo?”

                “Sige na po kuya, namamasko po. Kahit piso lang.” si Carmela. Tumigil na din siya sa pagtatambol.

                “Anong gagawin niyo sa nakaroling nyo?”

                “Bibili po kami ng laruan.” Sagot ko, pero tinabig ni Carmela ang kamay ko na halos mabitawan ko ang kalansing.

                “Sandali lang. Diyan lang kayo…” pumasok ulit sa loob yung matanda.

                “Dapat di mo sinabi na laruan bibilin natin.” Sabi ni Carmela.

                “Bakit? Anong masama dun?”

                “Basta. Di naman marunong to…”

                May ilang minuto din lumipas bago lumabas ulit yung matanda. May hawak siyang plastic, saka inabot kay Carmela. “Patawad, niya na lang pamasko ko sa inyo.”

                Sinilip namin ni Carmela ang loob ng plastic. Mga kendi at chocoloate! Jackpot!

                “Teeenk yu…tenk yu….ang babait ninyo, tenk yu!”

                Pumasok na din agad sa loob yung matanda. Sinilip ulit namin yung plastic. Ang daming kendi at chocolate! Halos magkasabay pa kaming dumukot ni Carmela at mabilis na ngumuya-nguya ng medyo matigas at malamig na chocolate.

                “Galing pa sa ref ata yan e.” sabi ko kay Carmela na tuwang-tuwang ngumunguya.

                “Oo nga. Ang dami nito. Maya na natin kainin pagtapos.”

                “Paghatian na lang natin mamaya. Bibigyan ko din si kuya.”

                “Sige, ako din. Bibigyan ko din sila mama at papa…”

                “Uy, anong binigay sa inyo?” si Mike, nasa likod na pala namin. Kasama sila Dexter, Vino at Alex. Halos magkasabay naman kaming nagulat naman ni Carmela.

                “Wala to….tara na Gino.” Hinila-hila ni Carmela ang damit ko. Binilisan na rin niya ang hakbang palayo kila Mike. Pero nakasunod pa rin sila sa’min, na lalong nagpabilis ng mga hakbang namin.

                “Damot nyo a! Penge naman!” si Dexter. Walang sabi-sabi, mabilis kaming tumakbo ni Carmela.

                “Bilisan mo!” sabi ni Carmela na muntik pang madapa sa humps kun’di ko pa hinila agad ang kamay niya. Tumakbo kami ng tumakbo hanggang umabot kami sa kabilang kanto. Di namin napansin ang humaharurot na motor kaya nabangga nito si Carmela. Tumaob ang motor at tumalsik naman yung drayber. Tumilapon ang tambol at mga kendi sa kalsada. Nagsigawan ang mga nagulat sa pangyayari. Napahinto ako. Takot na takot. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ako makagalaw. Si Carmela, hindi rin gumagalaw. Napahinto din yung ilang mga nakakita. Nakiusisa. Yung iba lumapit na rin kay Carmela.

                “Putang…!” galit na galit yung drayber pagkabangon niya. Hinubad niya yung helmet saka mabilis itinayo ang motor. “Bigla-bigla kayong sumusulpot!”

                Sa wakas, naigalaw ko na rin ang mga paa ko kahit nanginginig-nginig pa. Nilapitan ko si Carmela, umiiyak, nakahawak sa bandang bewang nya.”

                “Uwi….na tayo…”

                Yun na ang mga huling salita na sinabi sa’ken ni Carmela ng gabing yun. Dinala siya agad sa ospital ni mamang drayber. Isinama naman ako nung tricycle driver na kakilala nila Carmela sa ospital. Dumating ang mga magulang ni Carmela. Takot na takot ako at iyak ng iyak habang sinisermunan nung nanay ni Carmela. Dumating naman sila Nanay at kuya, sila na ang kumausap sa mga magulang ni Carmela. Kinabukasan, hindi na kami nagkita.

                Isang linggo matapos ang aksidente ni Carmela, lumipat ulit kami ng tirahan. Alam kong dahil sa kahihiyan nila nanay at tatay kaya napilitan kaming lumipat. Di ako kinakausap nila kuya at nanay. Si Tatay lang, inaamo ako. Di na kasi ako pumasok ng school simula nun. Natakot kasi ako. Tsaka iniisip ko din si Carmela nun. Wala na kasing balita sa kanya.

                Lumipas ang maraming taon. Nakalimutan ko na yung aksidente ni Carmela. Naka-graduate na rin ako ng Computer Science, pero mag-iisang taon na simula nung gumradweyt ako, wala pa rin akong trabaho. Ang hirap maghanap ng trabaho, lalo na kung walang experience.

                Isang araw may natanggap akong tawag. Job interview sa Makati. Sinabi na nakita daw nila sa internet yung resume ko kaya kinontak ako. Wala kasi akong natatandaan na nagpasa ako sa company nila. Pero dahil pagkakataon na, pumunta na rin ako.

                Sa isang mataas na building sa Ayala ang destinasyon ko. Nahiya pa ko sa suot kong polo na hiniram ko lang kay kuya. Biglaan kasi yung interview kaya biglaan din akong nanghiram. Bitbit ang envelope na naglalaman ng mga dokumento ko, pawisan akong sumakay ng elevator, diretso ng 14th floor. Pagdating sa reception area, pinapasok ako agad ng guard, pinadiretso sa HR office. Dun ko personal na nakita yung nag-iinterview, si Mam Ella. Maganda siya, at medyo pamilyar ang mukha.


                Umabot nang halos kalahating oras ang interview na parang wala lang. Mas marami pang ang kwentuhan. Bago ko umalis, may inabot siya sa’keng kahon. Sinabi niyang pagkauwi ko na raw buksan. Tapos next week, pwede na daw ako mag-start. Tuwang-tuwa ako, siyempre. Sa wakas, may trabaho na ko. Pero mas natuwa at halos mapaiyak ako sa sa gulat nang makita ko ang laman ng kahon pagkauwi ko. Ilang piraso ng kendi at chocolate, at isang laruan na baril. Laser gun. Sa likod ng kahon nakasulat ang salitang, “PATAWAD”.               

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!