"Hindi Natin Kailangan si Duterte"
Puro rants. Puro parinigan
sa mga social media. Tsismis dito, black propaganda dun, tapos personalan
diyan.
Eksena tuwing papalapit na ang
eleksyon. Nagtaka ka pa.
Kagaya ng mga laban ni Pacquiao, nagkalat
(at dumadami!) ang mga political analyst at specialist tuwing magkakaron ng
trending, maging panget man o maganda sa isang kandidato lalo na sa
pagka-pangulo. Aminin na natin, na kahit hindi tayo kumikibo o nagmumura sa
pagpo-post ng status, nagagalit at naiinis tayo kapag sinisiraan o nababalitaan
nating “Ay putangina si ano pala ganto no? Putang ina talaga! Wag na natin
iboto yang putanginang yan!”
Okey, andun na ko, lahat naman
tayo gusto lang naman ng isang malaking pagbabago sa gobyerno. At marami nga sa’tin
ang umaasa na magsisimula yun etong darating na eleksyon.
Pero teka lang, yung mananalo
bang presidente ang totoong babago sa ‘Pinas? Yun lang ba ang inaantay nating
senyales galing sa langit?
Parang hindi naman. Hindi. Hindi talaga.
Promise.
Kung talagang gusto natin ng
pagbabago, simula natin sa sarili. Oo na, masyadong ng cliché tong banat na to.
Pero hindi mo kelangan ng scientific explanation at daily horoscope para
maintindihan na ang pagbabago e hindi lahat kayang isubo ng gobyerno. Ang gobyerno
ang sistema ng ‘Pinas, tayong mga Noypi naman ang makikinabang at sakop ng
sistema. Kung ang sistema e epic fail, pwede nating sisihin ang gobyerno, at
puwede rin naman ang mga sobrang talinong botante. Ganun lang yun kasimple.
Hindi ko nga alam kung masyado na
tayong na-baby ng pagiging democratic country kaya parang okey na lang sa’ten
ang nangyayari sa ‘Pinas. At karamihan pa sa’ten, mga walang pake. Porke may
aircon ang kwarto at walang alam sa presyo ng bigas sa ngayon, patay-malisya na
sa sistema. Sa sobrang pagka-baby, yung mga kriminal na dapat nakabaon na sa
lupa ngayon, ayun, nagpapalaki ng eggnog sa Bilibid. Dinaig pa nila yung mga
working student na nagtitiyaga sa mga bedspace na tulugan.
Tangina, e kasalanan nga kasi ng gobyerno kaya kami naghihirap!
Puwedeng oo. Halimbawa, sa pag-aaral.
Baka nga dahil hindi sapat ang budget sa DepEd para makapag-aral ka ng wala ng
poproblehamin. Pang-load at pang-DOTA na lang. Pwede nating sisihin ang kulang na
classroom, kulang na libro at kulang sa IQ na mga teacher. Puwede talagang
sisihin yang mga yan, sistema ng gobyerno yan e. Ang totoo nga niyan, nag-aral
ako ng elementarya sa Makati at masasabi kong okey naman mag-aral dun, bukod sa
libre na ang mga gamit at tuition. Mula elementarya hanggang college, hindi ko
naman kinuwestiyon ang sistema ng edukasyon ng Pinas. Nito na nga lang ako
nag-react nung nalaman kong hindi kilala ng mga estudyante sa ngayon si Mabini.
Tsk tsk tsk. Sibika at kultura. Wala na ba to sa K-12 para mainosente ang mga
estudyante sa Philippine History?
Ang tanong: sa milyon-milyong estudyanteng inosente sa
sistema ng edukasyon sa ‘Pinas, wala bang nakatapos sa kanila ng hindi sinisisi
ang gobyerno?
Mag-aral ka. Ganun lang yun
kasimple. Saka ka na lang magreklamo kapag nagbabayad ka na ng buwis at
rehistradong botante ka na. Kung walang-wala, dumiskarte muna. Marami na tayong
narinig at nabasang inspirational stories ng mga estudyanteng halos kupkupin na
ni Lucifer sa impiyerno para lang makatapos ng pag-aaral.
Hindi naman nagsu-supply ng
sipag, tiyaga at talino ang gobyerno para lang magkaron ka ng future diploma na
nakasabit sa pader. Tsaka hindi ka naman sinisita ng mayor niyo kapag
nagka-cutting ka, nagdo-DOTA at nakikipaglandian sa bahay ng kaklase mo di ba? Kaya,
aral-aral din pag may panahon.
Sus, yung mga nagbabayad lang ba ng buwis at botante lang ang puwedeng
magreklamo? Pilipino din naman kami a?
Yan ang tanong ng sobrang
sensitibong utak na tao. Kung ganto man ang nasa isip mo ngayon, puwede mo na
kong husgahan na masyadong maangas at feeling matalino. At isa yan sa senyales
ng kawalang disiplina. Hindi kita pipigilan sa ganyang paratang. Kanya-kanyang
trip yan.
Asan na nga ulit ako? Ayun.
Disiplina.
Karamihan naman sa’ten nagkasala
na sa batas. Magmula sa pinakasimple hanggang sa pinaka-brutal. Eto totoo to,
at mga hinayupak na matatanda at edukadong tao pa ang gumagawa nito. Alam mo
yun, yung mga feeling action star na pasahero? Yung sasakay ng jeep na may
hawak na yosi (o vape)? Ay putang ina, sinasabi ko, napapaaway talaga ako sa
ganun! At wala akong pakelam kung matanda man siya o pamangkin man siya ni
Deadpool. Dati akong nagyoyosi PERO NEVER akong nagyosi sa jeep, kahit pa sa
tricycle o pedicab. Kung tutuusin nga e, hindi na katangahan ang tawag dun e,
sinasadya na. Apathy to the highest level. Nagyoyosi sa tapat ng sticker na “no
smoking”.
Don’t get me wrong, hindi ko sila
inaaway para masabing concern-citizen-habang-may-nakatutok-sa-’keng-hidden
smartphone-na-baka-mag-trending. Malumanay akong nakikiusap na [insert Chiz
Escudero tone here] “Boss, huwag po sana tayong magyosi kasi hindi po lahat ng
pasahero dito nagyoyosi…”. Effective naman yun, kung may hiya siya o may pake
talaga siya. Pero kung dinedma niya ko, minumura ko na lang siya sa utak!
(Note: yung huling sinita ko nun, nurse pa mismo)
Paksyet, gobyerno na naman ang
may mali? “Tangina ang panget nung
ginamit na font at hindi quality yung sticker e, pano ko susundin ang batas na
yan?” Minsan nga gusto kong kotongan yung mga driver na kunsintidor at
walang pake sa mga pasahero. Pamasahe lang ang iniintindi at boundary. Ewan ko
kung puno na ng nicotine utak ng mga yun kaya hindi nila masaway-saway yung mga
ganung pasahero.
Totoo nga, na karamihan pa sa mga
gusto ng pagbabago, yung mga edukado at may utak pa. Yung mga masyadong
maraming hinaing at reklamo sa buhay. At yang mga yan, ang isa rin sa may
kasalanan kung bakit malabo tayong magkaron ng disiplina sa ‘Pinas. Pano,
sila-sila (at tayo-tayo!) rin naman ang may kasalanan kung bakit traffic sa
EDSA dahil masyadong sensitive ang balat natin sa init kaya wala tayong pake sa
‘loading and unloading zone’. Guilty naman tayong lahat dito. “E putangina male-late na ko e! Ang
bango-bango ko umalis ng bahay tapos pagdating ko ng opisina amoy kahapon ako!
Kung wala sanang traffic e di sana amoy Coco Martin ako ngayon!”.
Mali ng driver. Mali ng konduktor. Mali ng pasahero. Hindi
mali ng gobyerno. Yan ang batas ng lansangan ngayon.
Ilang beses na ba nating narinig
ang comparison ng pagsasakay ng mga pasahero sa Singapore? Kung gano sila
ka-disiplinado pagdating sa pagpila at paggalang sa batas? Kung tutuusin nga,
nagiging disiplinado tayo pag nasa ibang bansa tayo. Bakit? Kasi nahihiya tayo,
o nakiki-ride on? Iniiwasan natin may masabi sa’ten ang ibang lahi na wala
tayong disiplina? O guilty lang talaga tayo?
Bakit kapag dumadaan ang mga
sasakyan sa bandang Makati, nagiging disiplinado sila? Bakit pagdating ng Pasay
o kaya Pasig sinusunog na ng usok ang common sense? May sarili bang timezone at
gobyerno ang Makati kaya ganun umasta ang mga driver dun?
Ang nakikita kong problema sa
ganyan e yung mga taong nagpapahawa sa mali. Iniidolo yung mga naga-astigan sa
kalye. Pag may tumawid sa maling tawiran, gagayahin ng iba kasi ang ‘cool’ at
ang ‘astig’ tingnan. Pag may nabulag sa
mga stoplight, magbubulag-bulagan din ang iba. “Breaking the law is astig you know?”
Tangina, kulang ang sahod namin kaya kami nakakagawa ng mali!
Puwede yang reklamo na yan. Pero paano
na lang kung ang lahat ng mga empleyado ganun din ang pag-iisip? Ano na lang
ang iisipin ng mga turista sa’ten sa uri ng transaction natin dito?
Wag ka mag-alala, hindi ko pa rin
nakakalimutan ang ‘laglag-bala’. At sino ang may sala? Hindi gobyerno. Basta,
hindi gobyerno ayon sa NBI.
Maiba lang ako. Alam mo ba, nakaka-badtrip
yung proyekto ng mayor dito sa’min, yung drainage project. Punyemas kung
mag-traffic. Hindi na nga ganun kalapad yung kalsada sa’min, nabawasan pa ng
espasyo! At ang nakakairita pa, bakit ngayon lang ginawa kung kelan papalapit
na ang eleksyon?
Naisip ko, baka may puso at utak din yung mayor.
May utak siya, kasi kelangan
niyang magpakitang gilas ngayong darating na eleksyon. Kelangan niya ng good
publicity. At para mapansin siya ng taong-bayan, kelangan niyang gumawa ng mga
proyektong pakikinabangan ng mga tao balang araw. May puso siya, kasi ayaw na
niyang makaranas kami ng pagbaha etong darating na tag-ulan. Period.
Ngayon, kung hihimayin natin ang
naging aksyon ni mayor, lalabas na naman ang kawalan ng disiplina ng mga tao.
Bakit ba nagbabaha? Sino bang may
kasalanan ng pagbaha? Nakailang tapon na ba ko ng balat ng kendi at stick ng
barbecue sa kalsada? At ilang kilo na ba ng basura ang tinapon ko kung saan ko
lang trip itapon? Kelan ko ba naintindihan ang salitang ‘bawal magtapon dito’?
Sabi na sa ‘yo e, may puso si mayor. Burara kasi ako.
Ngayon, imadyinin nating
disiplinado ang lahat ng tao sa buong ‘Pinas. Ang lupet di ba? Para ka ng
nakatira sa perfect world. Very systematic at organize. Wala kang nababasang
away at reklamo sa mga social media. Puro pagpapasalamat lang. Mga good vibes
status lang. Masaya ang lahat, walang inaalalang takot at kaba sa kalsada at
zero rate ang krimen. Takot ang lahat gumawa ng mali kasi disiplinado sila at ayaw nila ng stress
sa buhay.
Ang daling isipin no?
So kelan yun, etong 2016? O sa
mga susunod na taon?
Wala akong iniendorsong kandidato
dito, pero meron na kong line up ng mga iboboto ko etong darating na eleksyon. Alam
kong may sarili ka na ring line up, at hindi kita pipigilan diyan. Sayang naman
ang common sense nating lahat kun’di rin lang natin gagamitin. Hindi ko naman
sinasabing magsisimula ang pagiging disiplinado ng mga tao etong darating
eleksyon. Puwede naman ngayon na, o bukas, pag nasa mood ka na. Pero hindi
talaga magagawa ang lahat ng gusto nating pagbabago ng iisang tao lang.
Magiging maayos na ba ang ‘Pinas kapag bumuto ako ng ‘wisely’?
Hindi ko yan sure, pero
pagbabago, for sure meron.
Eto ang tip ko kung saka-sakaling
gusto mo ng pagbabago: umayos ka sa pagpo-post ng mga status. Yun lang.
Hindi mo kelangan si Duterte. Ang kelangan mo maging tao.
Comments
Post a Comment