"Ang Pilipinas sa Taong 2022"
Maaga ako nagising. Hindi ko alam, basta parang ang
sarap-sarap ng tulog ko. Naunahan ko pa ang alarm clock ng six minutes. 5:30 AM
ang alarm ko, 5:24 pa lang.
Anong araw na ba ngayon?
Oo nga pala, sahod pala ngayon. Kaya pala
may iba sa araw na ‘to.
Teka, ba’t parang ang bilis naman ata? Himala,
may budget pa ko. Parang kelan lang sumahod ako a?
Matapos
ang kalahating oras ng paliligo, bihis at konting pag-aayos ng buhok, lumarga
na rin ako papasok ng trabaho. Baka ma-late ako. Sa canteen na lang siguro ako
kakain. Mahirap na, warning pa man din ako sa visor ko.
Ang weird,
pagbaba ko ng tricycle. Bente ang inabot ko, pero kinse ang sukli ko. Tinanong
ko kung bakit sobra, ngumiti si manong drayber saka nagsabing “Salamat…”. Yun
lang yung nasabi niya. Itatanong ko pa nga sana kung bakit hindi mismong sa kanto
ako binaba. Dati-rati kasi sa may mismong kanto ang babaan. Ngayon, dun sa may ‘babaan’
na mismo sila nagbababa.
Hindi ko
na lang pinansin. Binilisan ko na lang ang lakad ko.
Ba’t
ganun? Ba’t parang holiday ata? Hindi gaanong matao. Tapos yung kalsada, ang
linis. Di ako sanay. Parang hindi EDSA yung nilalakaran ko. Walang sidewalk
vendor. Walang traffic enforcer, at wala ring traffic. Kitang-kita ko pa kung
pano tumawid sa pedestrian lane yung mga kasabay kong empleyado. Dilaw pa nga
lang yung stoplight, nakahinto na yung mga sasakyan. Yung mga pasaherong dating
nakaharang dun sa ‘No loading and unloading zone’, wala na. Andun sila lahat
nakatambay sa ‘Loading area only’.
Anong nangyayari?
Tinakbo
ko ang hagdan pataas. For sure pila na naman sa MRT. Pero mali ako. Halos wala
gaanong pila. Pagkakuha ko ng ticket, wala pang limang minuto, may tren na
agad. Bagong bagon ng tren. Astig. Parang ang hi-tech hi-tech tingnan. At eto
pa ang isang weird, hindi kami siksikan sa loob. Ang daming bakanteng upuan.
Walang nakatayo. Ang lamig-lamig ng aircon at maaliwalas. Sakto ang takbo ng
tren, at malinaw ang boses ng announcer bawat station na hihintuan namin. Nasa Shaw
Blvd. na ko, pero ang dami pa ring bakanteng upuan. Kapansin-pansin din ang pag-alis
ng tren sa bawat station. Wala pa atang five minutes, lumalarga na kahit wala
pang gaanong pasahero.
Putsa, holiday ba ngayon? Wala naman akong
nababalitaang holiday ngayon a? Weird.
Halos kalahating
oras pa lang ang biyahe ko, pero nandito na agad ako sa Pasay. Grabe bilis ng
biyahe ko. Breaking the record talaga. Parang kanina lang nasa North Ave pa ko.
Wala ng
dyip na nakatambay sa baba pagkababa ko ng MRT dito sa Rotonda. Sinundan ko nga
yung ilang mga commuters, malayo-layo din yung nilakad namin sa may ‘loading
area’. Ganun din, kahit hindi pa puno yung dyip, lumarga na rin kami agad. Nag-abot
ako ng sampung piso, limang piso naman ang sukli. Ibabalik ko sana, pero
napansin ko yung taripa sa likod nung driver: P5.00 minimum fare. 20% discount
for senior citizen, disabled and students.
Shit, nasa Pilipinas ba talaga ako?
Halos ten
minutes lang ang biyahe ko mula Rotonda hanggang SM MOA. Himala pa rin, walang
ka-traffic-traffic. Kanina ko pa rin napapansin ang malinis na EDSA. Kanina sa
Rotonda, ang luwag-luwag ng sidewalk. Maayos na nakakalakad ang tao sa gilid ng
kalsada. Parang wala nga akong narinig na bumusina kahit isa kanina. Kanina pa
din ako naghahanap ng traffic enforcer, pero wala. Pati yung ginagawang
drainage project ni mayor, tapos na rin. Parang last week lang, yun ang dahilan
ng traffic dito. Ngayon, parang wala lang. Ang bilis natapos. Nabasa ko pa nga
yung billboard na, “Para sa mamamayan ng Pasay. This is where your taxes go.” Hinanap
ko nga yung pangalan ni mayor o ni congressman, wala. Basta, yun lang yung
nakalagay.
Nakasalubong
ko yung isang pulis, kausap yung isang empleyado na may hawak na yosi. Ang
pagkakarinig ko e, bawal daw manigarilyo sa lugar na yun kaya pinagmulta siya
saka may pinapirmahan na kung ano (dati pa namang smoking area yun). Bakas na
bakas sa mukha nung kawawang empleyado ang pagkapahiya kaya todo-todo ang
pagso-sorry niya. Maayos at magalang namang nanenermon yung pulis tungkol sa
tamang lugar ng pagyoyosi. Nakita ko pa ngang sinaluduhan pa niya yung
empleyado tapos nagkamay sila. Saka ko lang napansin yung malaking placard sa
may waiting area, “No smoking area”. Kaya pala. Pero bakit last week wala pa
naman yun?
Feeling
ko talaga, wala ako sa Pinas. Pagkadaan ko ng Hypermarket, nakita ko yung
palitan ng dollar: 1 USD = 23 Php. What? Bente tres na lang ang dolyar? Kelan pa?
Pero di
pa nagtatapos dun ang pagka-shocked ko. Sa araw- araw kong nababasa ang presyo
ng manok, ngayon lang ako parang hihimatayin sa pagkabigla. P65 lang ang kilo
ng isang buong manok. Kinusot-kusot ko muna yung mata ko, baka may nakaharang
lang na muta. Whole chicken per kilo: P65.00. Tsk tsk tsk, kelan pa?
Maaga pa
ko ng halos isang oras kaya naisipan ko munang mag-almusal sa isang fastfood
chain malapit sa opisina namin. Di ko alam kung malabo yung mata ko, nabasa ko
kasi yung breakfast meal nila na P50 lang: may tapsilog na, may kape (umlimited
brewed coffee) at libreng diyaryo pa. Putsa, singkwenta? May tapsilog na, may
kape pa? Tapos, may DIYARYO pa? Ano to, joke? O baka naman may promo sila?
Pero hindi,
totoo talaga yung nabasa ko. Natawa pa nga sa’ken yung cashier nung tinanong ko
kung hanggang kelan yung promo nilang P50 breakfast meal. Sabi niya, “Hindi po
yan promo sir. Yan po talaga price niyan.”
Nag-take
out na lang ako kahit hindi naman gaanong matao sa loob ng fastfood chain. Sa canteen
ko na lang kakainin ang almusal ko, habang nanunuod ng balita. Pagkapasok ko,
pagka-time in, dumiretso na ko ng canteen. Napansin kong wala pa ang mga kasama
ko, maliban kay manong guard na nakangiting pinagbuksan ako ng pinto sabay alok
ng almusal niyang mainit na kape at pandesal. Tumanggi at nagpasalamat na lang
ako. Wala pa ring tao sa canteen. Hindi ko alam kung masyado lang talaga akong
maaga. Binuksan ko ang tv at halos maluha ako sa nakakagulat na headline sa
balita ngayon.
Minimum wage, itinaas na sa P20,000.00,
exempted pa sa income tax!
Tatlong senador na sangkot sa
pork barrel scam, hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong.
Pilipinas, top 4 na sa pinakamagandang airport
sa buong mundo!
Presyo ng gasolina, lalo pang
bumaba sa world market. P11 na lang bawat litro.
Singil sa kuryente, halos 65%
ang bawas ngayon buwan.
Hindi ko
alam kung nanunuod ba ko ng balita o horror. Parang ang hirap paniwalaan ng
pinapanuod ko ngayon. Sinubukan kong magpalipat-lipat ng channel, ganun din ang
laman ng balita. Halos hindi ko na nga makain ng maayos yung pagkain ko sa
halo-halong emosyon na nararamdaman ko.
Nagdatingan
na ang mga kasama ko. Laking-gulat ko ng isa-isa nilang akong binigyan ng
regalo sabay kanta ng ‘happy birthday’. Yung visor ko, may hawak pang cake
sabay bati sa’ken. Inabutan din ako ng sobre, may lamang P5,000. Regalo daw ng
kumpanya sa mga birthday celebrant. Para na kong hihimatayin sa sobrang saya.
Anong petsa ba ngayon? Birthday ko ba?
Tiningan
ko ang petsa sa tv: January 22, 2022. Biyernes.
Teka, 2022 na ngayon???
Biglang
nag-blackout ang paningin ko. Nawalan ako ng malay hanggang sa bumagsak ako.
Pag gising
ko, nasa harap ako ng computer. Kinakalabit ng visor ko. Nakatingin naman sa’ken
ang mga kasama ko. Nakangiti. Yung iba parang natatawa pa sa hitsura ko.
Sinenyasan pa ko nung isa na may laway daw ako sa gilid ng labi. Sunod-sunod
ang sermon ng visor ko, pasigaw na halos mawala ang dignidad at respeto ko sa
kahihiyan. Matapos ang ilang segundong sermon, binagsak nito sa tabi ko ang
patung-patong na folder.
For the month of January, 2016.
Shit, sabi na nga ba.
Haha! I knew it, na magiging ganito ang takbo ng kuwentong ito.
ReplyDeletePero sabagay, kahit sino naman sa atin ay nangangarap ng ganyan eh. Sana nga lang bago pa tayo pumanaw, masilayan ng henerasyon natin ang mga ganyang kagagandang bagay.