Miyembro ka ba ng Netizens?


Natatandaan mo pa ba yung eksena na pinagtulungan kayo ng mga kaklase mo sa crush mo, na crush ka rin, hanggang sa naging kayo kahit wala namang ligawang nangyari?

Astig ‘di ba?

E yung nakipag-away ka sa mga kalaro mo pero mag-isa ka lang, tapos tatlo sila? Yung nabugbog ka? Tanda mo?

Kawawa ka di ba?

Eto pa: naaalala mo rin ba yung nag-walkout ka kasi walang nakinig sa idea mo nung huling meeting? At lahat ng mga kagrupo mo e against sa gusto mo?

Badtrip di ba?

So ngayon, alam mo na yung pakiramdam ng napagtutulungan ng marami? Yung kahit tama ka naman, pero mas marami ang bilang ng mali, talo ka pa rin?

You against them. One versus one hundred.

Ganyan na ganyan ang naging ending nila Baron at Kiko. Nagsimula sa kanilang dalawa yung away, binuyo ng netizens, hanggang sa magharap sila octagon ring. Ending, draw ang resulta.

Ang labo.

May isang taon na simula ng sumikat si Yaya Dub. Bago pa man siya magka-loveteam at ulanin ng sari-saring commercials, nakikilala muna siya bilang isa sa mga internet sensation pagdating sa pagdada-dub. Ng kahit ano lang. Basta nakakatawa, dinab na niya. At nakahakot nga ng milyong views ang mga video niya, na siya ring nagdala mismo sa kanya sa entablado. Isa na siya sa mga miyembro ng longest running noontime show ngayon. At parang siya lang ata ang nakilala kong instant-artista na nagkaron ng teleserye, commercials, pelikula sa loob lang ng isang taon. Mismo. Ganun kabilis.

At dahil yan sa tuwa ng netizens.

Nakakatuwa minsan kung pano magkasundo ang trip ng mga netizens sa mundo ng cyberspace. Magmula sa nakaka-inspire na quotations, papunta sa mga hugot na photo message, na napunta na rin sa mga viral videos, hanggang sa mga opinion at kuro-kuro na marami ang nakaka-relate. Tulad ng pulitika.

Gaya nitong huling eleksyon.

Dalawa o tatlong linggo bago ang eleksyon, para akong na-trauma sa mga social media sites. Bangayan dito, bangayan dun, siraan dito, sisihan diyan, hanapan ng butas dito, etc. Inulan ng usaping pulitika ang newsfeed ko, na dapat sana’y pangangamusta at pagsilip lang sa mga kamag-anak at kakilala kung ano na ang meron sa buhay nila. Nakibalita naman ako, pero tungkol din sa pulitika. Hindi ko naman puwedeng sitahin na “Uy pag-aaral mo muna pakelaman mo!”, baka i-tag din yung pangalan ko sa isa sa mga pakelamerong botante, o pasikatin ng mga taong tinubuan ng insecurity sa puwet sa sobrang sensitive. Aakalain ko bang mangengelam din siya sa pulitika, samantalang nung mga nakaraang buwan e pulos Jadine at KathNiel lang naman ang pino-post niya.

Gusto ko sanang matuwa sa mga concern netizens pagdating sa ‘change is coming’ (nanalo na siya kaya wala akong iniendorso dito, okey?), pero bakit umaabot sa personalan? Pati grupo ng mga relihiyon, damay din. So, pulitika + religion = netizen war. E ang kaso, may mga ilan na ayaw magpatalo, pero meron din naman pinili na lang manahimik. Ang siste, yung mga ayaw makelam, nakikitawa at nakiki-like na lang. Yung iilang mga concern naman na bigla na lang nakatapos ng Political Science at nag-instant political analyst dahil sa ilang oras na pagbababad sa mga social media sites, tinubuan ng sobrang taas na IQ. “Yung iba kasi wala namang alam e, so shut up na lang!”. Ayaw magpatalo. Iisa lang pinaniniwalaan, at yun ay dahil sa mga naglabasang viral videos, photos at survey, na gawa-gawa din naman ng mga kapwa netizens.

So may nanalo ng presidente, okey na. Ilang araw at linggo matapos ang eleksyon, may mga naiwan parang hangover. Dayaan. Dayaan. Dayaan. Dayaan is everywhere. Ganyan naman ang naging tema ng newsfeed ko. As usual, pulitika pa rin. Wala naman akong magagawa, trip ng mga ‘friend’ ko yan sa friends list ko. Pupurihin ko sana sila sa pangengelam at pagbibigay ng atenson sa pulitika, kaso hindi na lang. Baka isipin e sarcastic ako. So shut up na lang ako.

Pagkatapos ng pulitika, sports naman. NBA finals.

Oo, fan din naman ako ng isa sa mga team na naglaban nitong finals (at nanalo ako sa pusta!). natural mente, sing-init ng mga ulo ng mga kandidatong talunan nitong nakaraang eleksyon, na umabot ng game seven. Parang dalawang linggo may laban si Pacquiao, natatahimik ang Metro Manila ‘pag may laban. Damay-damay na lahat, estudyante man o empleyado. Prinsipyo sa prinsipyo. Fans labans sa fans. Pusta laban sa pusta. Hindi naman ako nakisali sa asaran. Nanahimik ako dahil dehado ang team. E ang kaso, may milagrong nangyari. Ewan kung pumusta si San Pedro kay Lebron kaya kinausap nito ang diyos ng mga bola kaya nagkaron ng history. Unexpected ending. Maraming naiyak. Sa sama ng loob. At sa laki ng pusta.

Gaya ng inaasahang ending, asaran ulit sa mga social media sites.

Pero hindi lahat ng gusto ng marami, nakakatuwa at tama. May iilang bagay pa rin na ewan kung bakit sinasang-ayunan na lang, ayon sa kagustuhan ng marami. O depende pa rin ata sa trending na hashtag, million views at share-share. Sali mo na rin yung biglang guesting sa mga tv programs, na hindi mo talaga akalain, at hindi mo talaga inaasahan.

Good example? Etong mga nakalipas na eleksyon. Yung mga naupong presidente. Nakailang impeach na ba tayo dahil sa kakulangan ng bitamina sa utak nitong mga nakaraang eleksyon? Kung naging okey lang ba sana ang mga sulsol at pagpapalabas ng advertisements ng mga higanteng tv network stations sa ‘Pinas, baka nga iba na ang mukha ng bansa natin ngayon. Kahit papano.

Hindi ko alam kung hawa-hawa na lang talaga o sunod sa daloy ang iilan. Kita mo, sa kagustuhan ng lahat ng telenobela, tinatambakan na tuloy tayo ng mga telenobela, magmula local hanggang foreign. Drama sa umaga, drama sa tanghali, drama sa hapon at sulutan sa gabi. At yan e dahil sa kagustuhan ng iilan na nasanay na sa laos na sistema. Kita mo, imbis na station ID, parental guidance at titulo ng pelikula ang makikita sa sulok ng mga tv, pati hashtag episodes, meron na rin. Bakit? Para maka-relate ang netizens.

Balik tayo sa cyberspace.

Nakakatuwa minsan kung pano gamitin ng netizens ang internet para mangalap ng tulong, magbigay ng atensyon sa dapat atensyunan at pakikipagkapwa-tao. Wala magn personal touch, kapansin-pansin ang iilang miyembro ng netizens na active pagdating sa humanitarian. Share mo to, pagpapalain ka. Type Amen, susuwertihin ka. Like mo ‘to, may biglang darating na swerte sa’yo. Ang galing di ba? Instant good vibes. Hindi kelangan ng effort. Pindot lang. As in isang mabilisang pindot lang galing sa hinlalaki, nakatulong ka na agad sa kapwa. Ang hindi ko lang maintindihan e bakit sapilitan minsan? Yung totoo a, wala pa kong nakitang yumaman o umasenso sa dahil sa pagpupursige na makapag-like ng lahat ng swerteng photo message simula ng maging miyembro na rin ako ng netizens.

Tao 1: Tang ina, nag-share ako ng gintong baboy kagabi sa FB! Nagulat ako paggising ko, punum-puno na ng barya yung bulsa ko!
Tao 2:  Yun lang? E last week ni-like ko yung status nung ex ko, nagkaron agad ako ng bagong lovelife. Mapera pa!
Tao 3: Tsss…wala ‘yan sa pinost kong status. Yung kwarto ko, halos hindi ko na mabuksan yung pinto sa dami ng pera. As in, pagkagising na pagkagising ko, limpak-limpak na salapi agad yung bumungad sa’ken.
Tao 4: Shit, yung pinost mo ba kagabi? Yun ba yun?
Tao 3: Yun nga!

Ilang personalidad na ba ang tinulak natin sa entablado, tv, hanggang sa industriya ng musika ang sumikat na ngayon? Dahil yan sa kagustuhan nating lahat! Nagkasundo-sundo ang sulok ng utak natin pagdating sa entertainment na pasikatin sila at bigyan ng atensyon. Para bang fulfillment sa buhay ang maging parte ng isang tagumpay ng isang tao, kahit pansamantala lang naman talaga ang success niya.

Totoo yan, at witness tayong lahat sa ganyan.

Aminin na natin, na karamihan sa mga tsismis at balita na nalalaman natin sa ngayon e galing lang sa mga social media sites. Na kahit mismo ang mga balita sa tv/radyo e dun na rin nangunguha ng ilang isyung naging viral at usap-usapin, na pasa-pasang impormasyon din naman galing sa….netizens. Mismo. Name it: magmula sa mga blog, podcasts, tweets, status. Yang mga yan ang source ng impormasyon/balita/tsismis sa ngayon na mas mabilis pa sa pananalita ni Mike Enriquez.


(What’s on your mind?)

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!