"High School Menudo"

Hindi siya mapakali. Panay ang silip niya sa bulsa ng naninilaw na polo sa pinagpuyatan niyang love letter na tinupi sa tatlo. Hiningi pa ni Louie Altano sa kaklase niyang si Jennifer Belmino ang stationery paper na sinlaki ng ¼ na yellow pad para sulatan ng mga salitang i-intro sa pagpaparamdam niya kay Marie Tanya Conde, ang kaklase niyang nagbigay ng meaning sa kanya ng ‘first crush’. Maingat niyang isinilid sa bulsa ito pagkapasok saka maya’t maya kinakapa. Natatakot siyang baka mahulog ito sa isang maling galaw. Hindi sa hindi na niya kayang sumulat pa ulit, kun’di dahil ayaw na niyang humingi ulit ng stationery kay Jennifer, na alam niyang lihim na may gusto din sa kanya. Mabuti’t nabola niya ito sa pagkukunwaring sasamahan niya itong mag-aral sa library mamaya pagkatapos ng unang break. Magpapaturo sa asignaturang ‘English’. Hindi niya alam kung, o feeling niya lang magaling siya sa english kaya yun ang naging deal nila ng kaklase niya. Consistent na 90 lagi ang grado nito sa nasabing subject kaya okey na rin minsang iyabang ang kakaunti niyang talino.

Nakaka-dalawang subject na sila ng araw na ‘yun, at hindi na rin niya mabilang kung ilang beses niyang sinisilip-silip ang mukang manyikang si Tanya. Alon-alon ang buhok nito na halos umabot hanggang bewang sa haba. Animo’y buhok ng rebulto ni Sto. Nino na madalas niyang nakikita sa bahay ng kapit-bahay niyang si Rap-Rap. Hindi niya mawari kung medyo mataba ba ito o chubby dahil sa malalaking braso at hita na minsan na niyang nasilip ng magpalit ito ng damit pam-P.E. Maputi ang dalaga at laging mukhang mabango at malinis tuwing papasok. Ni minsan hindi pa niya ito nakitang mukhang mabantot kahit pa naglalangis ang mukha nito sa tindi ng init. Gustong-gusto din nito ang amoy prutas na buhok tuwing flag ceremony, na swerte niya dahil katabi niya lang ito sa pila, ayon na rin sa pagkakasunod ng mga apelyido nilang magkaka-klase mapa-lalake at babae. Iisa lang naman ang ayaw niya dito: ang malaking balat sa braso na sinlaki ng limang piso, na may dalawang buhok. Madalas na maging tampulan ito ng asaran ng mga kaklase niya, ngunit hindi naman ito pansin ng dalaga. Ni isang beses hindi niya nakitang nagalit o umiyak ito tuwing aasarin ng mga kaklase niya ang balat nito. Di tulad ng kaklase niyang si Mildred Ramones, may tatlong beses na itong umiyak at nagsumbong sa magulang dahil na rin sa pagtawag sa kanyang ‘multong bakla’ ng mga kaklase niyang lalake. Natigil lang nung isang beses sumugod ang nanay nito sa guidance. Buti’t hindi siya nakikisali sa ganung trip ng mga kaklase kahit pa isa din siya sa mga mapang-asar sa klase nila. Yun nga lang, iniiwasan niyang mang-asar ng mga babae. Bukod sa mahiyain at phobia, hindi niya magawang lumapit o makipag-usap sa mga babae. Walang dahilan. Basta hindi lang kaya ng confidence niya.

Tahimik at halos walang kibo si Tanya sa klase. Madalang niyang makitang magsalita ito kahit pa tinatawag ng guro, o kahit pa kinakausap ng mga katabing kaklaseng babae (hiwalay ang upuan ng lalake sa babae). Sa sobrang tahimik at mahiyain, hindi na magawang tawagin ito ng mga guro para sa recitation o anumang school activities. Parang nakasanayan na ng buong klase ang pagiging tahimik ni Tanya. Mula first year hanggang ngayong magtatapos na sila sa fourth year, kahit isang beses e hindi niya nasaksihang naging madaldal ito sa kahit anong sitwasyon. At isa yun sa nagustuhan ni Louie sa kanya. Tahimik at mahiyain. Kabaligtaran niya na bukod sa maingay, mapang-asar at makulit.

Hindi uubra ang kakulitan niya kung si Tanya ang pag-uusapan. Nung isang beses nga na nakasabay niya itong maglakad pauwi, ‘sabay tayo?’ lang ang nasabi niya sa kaklase na sinuklian naman ng ngiti at matipid na ‘sige’. Hindi na rin niya nagawang magba-bye man lang dito pagkasakay ng jeep. Sa hiya, dinaan na lang nito sa mabilis na paglalakad hanggang makarating ng bahay, kahit isang tricycle pa naman talaga ang layo ng bahay nila mula sa kanto ng paaralan. Ganun siya pag si Tanya na ang nasa tabi niya. Tuliro. Tameme. Urong-dila. Minsan nakakalimutan niyang makulit at mapang-asar siya tuwing sisilipin niya ang kagandahan ng kaklase.

Buo na ang loob niya, ibibigay niya ang sulat kay Tanya pagkatapos ng klase. Pasimple niyang sasabayan ito umuwi saka palihim na iaabot ang sulat. Magandang tiyempo na rin ito para sa bahay na lang ng kaklase basahin ang love letter. Natatakot siyang baka may makakita sa kanya na nag-aabot ng ganung sulat, lalo pa kung si Vladimir Sasono. Mas malakas mang-asar sa kaniya ito, at hindi niya gugustuhin makipag-away dito dahil sa malaking-bulas at malapad na katawan. ‘Kingpin’ nga ang bansag sa kanya ng karamihan, at miyembro ito ng mga gang-gang sa paaralan nila. Minsan na niyang naka-away ito dahil sa basketball, ngunit naging magkaibigan din matapos ang ilang linggong bangayan. Basketball din ang naging daan para maging magkaibigan sila ulit.

“Ano? Tara?” yakag sa kanya ni Jennifer Belmino matapos ang Social Studies. Lumapit ito sa kanya pagkalabas ng classroom. Muntik na niya makalimutan ang tungkol sa pangako. A, oo nga pala! Stationery! Pero may isang problema: gutom na siya. Na-giling na sa sikmura niya ang tatlong pirasong pandesal na may palamang tortang corned beef at isang basong Milo na almusal niya kanina. Naisip niyang kumain muna sandali sa canteen saka siya susundan sa library.

“E nagugutom na ko e, pwede bang kumain muna? Saglit lang naman, dun ako sa canteen kakain. Sunod ako sa library, okey lang?” pahawak-hawak pa siya sa sikmura nito. Hindi niya matagalan ang pagkakatitig sa kanya ng kaklase kaya papalit-palit ang tingin nito sa mga kapwa estudyanteng dumadaan at sa katabi. Hanggang tenga niya ang taas ni Jennifer kaya halos mailang ito sa laki ng kaklase. Iilang pulgada lang din ang distansiya nila sa isa’t isa. Natatakot siyang mapagkamalan silang merong ‘lihim na ugnayan’ kaya pasimple itong humahakbang paatras.

Bukod sa simpleng kagandahan, matalino si Jennifer. Isa siya sa magagandang kaklase niya sa section nila kaya marami din ang nagkakagusto dito. Matangkad, morena at singkitan ang mga mata, bukod sa perpektong alignment ng mga ngipin. Ang problema, masyado itong grade conscious at nakikipag-kompetensya ng katalinuhan kay Esther Manolo, ang top 1 at president ng section nila. Madalas sila ang nagdedebate pagdating sa discussion at recitation, na lihim namang kinatutuwa ng mga kaklase nito dahil sa pag-iwas na rin sa nakakatuyot na lalamunang recitation. Anak din ng guro sa ibang paaralan si Jennifer, kaya hindi na rin nakapagtatakang ismarte at masipag mag-aral. Yun nga lang, minsan OA na. Sa sobrang OA, siya pa mismo ang nagtatanong sa mga guro kung may takdang-aralin ba sila sa mga araw na walang ipagagawang takdang-aralin ang mga guro. Bagay na madalas ikayamot minsan ng mga kaklase nito.

“Sabagay, gutom na din ako,” luminga-linga ito saglit. “Gusto mo sabay na tayo? May baon akong ulam, menudo. Luto ni mama. Kaso konti lang kanin ko e, bili ka na lang.”

Menudo. Lalo siyang nakaramdam ng pagkalam ng sikmura ng marinig niya ang salitang menudo. Paborito niyang ulam ito at paniguradong madadagdagan ng husto ang bitamina at sigla niya sa mga susunod na subject kung iyon ang uulamin niya. Pero tinatalo ng hiya at pride ang konsensiya niya kaya nagdadalawang-isip siya kung papayag ba siyang sumabay ito sa kanya. May sapat naman siyang baon pambili ng kanin at kakarampot ng ulam. Gusto niyang maging praktikal at makatikim ng ibang luto ng menudo kaya nalilito siya sa sitwasyon niya.

“Wuy? Di ka na nakasagot diyan?” may pagsundot pa ng sikmura ang dalaga sa kanya na hindi naman gaanong dumiin.

“Tara na nga.” Matipid nitong sagot habang palinga-linga ito sa paligid. Kakalimutan muna niya ang pride alang-alang sa menudo.

“Anong gagawin mo sa stationery? Love letter?” tanong ni Jennifer pagkababa nila sa ground floor. Nasa third floor ang room nila at nasa kabilang building pa ang canteen kaya malayo-layo din ang lalakarin nila. Mainit ang tanghali. Nakakalagkit ng mukha at leeg. Pawisan na ang pandoble niyang puting Blue Corner na amoy na amoy ang fabric conditioner. Gusto niyang hubarin ang polo ngunit naalala niyang nasa bulsa nito ang sulat. Tiniis na lang nito ang maalinsangang panahon.

“Pag stationery love letter agad?” sagot nito na hindi tumitingin sa katabi.

“E para sa’n nga?”

“Wala.”

“Wala? Pwede ba naman yun?”

Hindi na ito sumagot. Nilakihan na lang ang mga hakbang. Gutom na siya. Wala sa mood magpaliwanag. Ayaw niya ding malamang tama ang hinala ng kausap niya at baka kung ano pa ang isipin nito.

Maingay ang loob ng canteen. Nagtatalo ang mga boses at kalansing ng mga kutsara’t tinidor. Nangingibabaw ang amoy ng mga ulam na halos araw-araw na niyang nakikita. May ilang mesa ang bakante, swerte. Dun sila pupuwesto sa may duluhan sa sulok. Bibihira ang umuupo dun dahil sa kalapit na CR. Buti’t wala ni isa sa mga kaklase niya ang kumakain sa mga oras na yun. Iwas issue.

Sinabihan ni Louie ang kaklase na mauna na sa tinurong lamesa at pipila pa ito para sa dalawang order na kanin. May apat pang estudyante ang nasa unahan niya. Gutom na siya, at lalong nagpagutom ang mga ulam na naka-display sa harap niya. Pasimple niyang inamoy ang hininga: amoy bituka. Wala na ang almusal kanina. Nakatambay na sa bahay-tae.

Muntik pa niyang hindi mabayaran ang kahera sa pagmamadali. Napakamot na lang siya ng ulo pagka-abot ng singkwenta pesos. Buti na lang hindi pa siya gano nakakalayo sa kahera. Naalala niyang hawak pa niya ang buong singkwenta pesos at nagmamadaling inabot ang bayad.

“Ang dami mong ulam a,” bungad nito kay Jennifer na nagsisimula ng kumain. Isang malaking Tupperware ang ulam nito. Mapula ang menudo. Tambak ng patatas, hotdog at carrots. Hindi niya mawari ang laman sa atay. Mukhang masarap. Swerte niya.

“Ewan ko kay mama, ang daming nilagay.” Inusog nito ang Tupperware palapit sa plato ni Louie.

“Pano kung wala kang kasabay? Sino kasama mo uubos nito?” nagsimula na siyang sumandok ng ulam. Bahala na kung maparami, tutal siya naman ang inaya. Mukhang mahina din naman kumain ang kasabay niya. Kakaunti lang ang kanin na nakalagay sa mas maliit na Tupperware. Dalawang magkasunod na subo agad ang ginawa niya. Masarap nga. Iba ang sarap kumpara sa luto ng Tita Fely niya. Masarap mag-menudo ang tita niya, pero ang iba sarap ng nginunguya niya ngayon. Mabuti palang sumabay na siya. Hindi na siya magsisisi.

“Edi wala.”

“Pano pag di mo naubos?”

“Tapon ko. Mapapanis lang e. Pagagalitan lang ako ni mama pag nalaman niyang hindi ko naubos.”

“Ngek? Sayang naman.”

“Ano? Masarap ba?” iniba na nito ang usapan.

Hindi nakasagot ang binata. Busy ang bibig nito sa pagnguya-nguya kaya binitawan nito ang hawak na tinidor saka nag-thumbs up. Ngiti naman ang tugon ng dalaga. Pinagpatuloy na rin ang pagkain.

Isa’t kalahating oras ang breaktime pero halos kinse minutos lang nila ginugol ang oras sa pagkain. Matapos makakain at makapagpahinga saglit, dumiretso na rin sila sa library na nasa itaas ng Science Building. Dalawang building muna ang dadaanan nila bago marating ang Science building na may apat na palapag. Nasa bandang dulo ang library na halos dalawang classroom ang laki.

Mangilan-ngilan lang ang estudyanteng nadatnan nila sa loob ng library. Hindi na nagtaka si Louie, hindi naman na uso ang pag-aaral sa library lalo pa kung hindi naman ganun kalalim ang pagre-research. May Google na. Kung may gagamit man ng library, yun e bilin ng mga guro na ayaw sa modern style ng pag-aaral. Specific ang aklat na babanggitin ng mga guro para hindi makapandaya ang mga mag-aaral. Pero meron din namang mga guro na ayos lang naman kung hindi manggagaling sa library ang sagot sa takdang-aralin. Ang mahalaga e nakagawa sila.

Gaya ng canteen, sa bandang sulok ulit pinili ni Louie pumwesto. Ayaw niyang may makakita sa kanya. Alam niyang uulanin siya ng kantiyawan at isa yun sa iniiwasan niya lalo pa’t babae ang topic. Nahihiya siya. Umuurong ang dila pag babae na ang usapan. Buti nga’t nakapag-adjust na siya sa kasama niya ngayon. Hindi na gano kinakabahan.

Sampung minuto bago ang susunod na subject, nilisan na nila Louie at Jennifer ang library. Nauwi sa kwentuhan ang dapat sana’y pag-aaral ng dalawa. Mabuti’t hindi sila gaanong napapasin ng librarian kahit pasulpot-sulpot ang mahihina nilang tawanan. Napunta sa love letter, crush at sa planong kursong kukunin pagka-graduate ang usapan, na na-enjoy din naman ni Louie kinalaunan. Masasabi niyang nabawasan na ang hiya at takot niya sa pakikipag-usap sa mga babae. Salamat kay Jennifer, salamat sa menudo at salamat sa stationery.

Hindi sinasadya, naisampay ni Louie ang polo sa kaliwang balikat nang matapos ang huling subject. Naalala niya lang ang sulat ng makasabay niyang lumabas sa classroom si Tanya. Matinding kaba at takot ang naramdaman niya ng mga sandaling yun. Paano kung nalaglag? Paano kung may nakapulot? Paano kung binasa? Dali-dali niyang kinapa ang sulat sa bulsa: andun pa ang sulat. Buti’t sakto ang lapad nito sa bulsa kaya siguro hindi basta nalaglag kahit pabalagbag ang pagsampay nito sa balikat. Nakahinga na siya ng maluwag. Tumigil ang biglang tagas ng pawis sa noo at leeg. Mabuti na lang talaga.

Nilingon-lingon niya si Tanya. Sasabayan niya ito. Ito na ang pagkakataon. Wala ng ibang araw. Wala ng ibang chance. Gusto niyang malaman na ng dalaga ang nararamdaman nito para sa kanya.

Pero sa isang iglap, nagbago ang isip niya.

Nakasalubong niya si Jennifer. Nakangiti. Kumakaway sa kanya at nagpapaalam. Ngayon niya lang nakita ang ganun kagandang ngiti ng kaklase. Iba. Masaya. Maganda. May haplos sa puso. Slomo niyang itinaas ang kamay para kawayan din si Jennifer na unti-unti na ring humakbang palabas ng main gate.

Si Jennifer. Ang ganda ni Jennifer.

Napailing siya. Kinapa-kapa ang love letter sa bulsa. Dinukot. Binuksan saka binasa ulit ang laman.

Dear Tanya,

Gusto ko lang malaman mo na crush kita.

Louie.

Menudo. Ang sarap ng menudo. Nabusog ako


Napangiti siya. Tumingala at saglit tinitigan ang humihinang sikat ng araw sa hapon. Humakbang siya palapit sa basurahan. Nilukot ang liham saka itinapon. Nagmamadali siyang lumakad. Sasabayan niya si Jennifer.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!