Dear Eraserheads: An Open Letter to Sir Ely, Raimund, Buddy and Marcus

Dear Sir Ely, Marcus, Buddy at Raimund,

            Magandang araw sa inyo mga idol.

            Hindi ko sana magagawa ang liham na ito kun’di lang dahil sa astig na balitang napanuod ko nung nakaraang linggo: naglabas kayo ng dalawang bagong kanta. Ayaw ko sanang maniwala sa balita kaya lumapit ako ng bahagya sa tapat ng telebisyon para lalo kong maintindihan ang balita. Dalawa. Bago. Kanta ng Eraserheads. Sa loob ng isang dekada, simula ng mailabas niyo ang huling single na “Maskara”, ngayon na lang ulit ako nakarinig ng astig na kanta galing sa bandang nagbigay ng inggit at inspirasyon sa isang tulad kong panggap na musikero. Impluwensya galing sa local band, ika nga ng ilan. Bukod pa dun, naging cover kayo ng isang magazine, kung saan e tinawid niyo rin ang pedestrian lane ng Abbey Road gaya ng Beatles. Astig at priceless.

            Natuwa ako. Literal na nagkaron ng goosebumps. Nanumbalik ang pagka-excite sa kanta niyo na parang nanumbalik ang mga alaala ko nung kabataan ko. Isa akong proud na batang ‘90s sa panahon kung saan namamayagpag ang banda niyo. Eraserheads, wala ng iba.

            Habang kasalukuyan kong pinanunuod ang ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’ kung saan episode ang “Eraserheads Forever”, naisipan kong gumawa ng liham para sa isang malabo pero sana matupad na pangarap. Hindi ko na pahahabain ang intro: request ko lang at ng milyon-milyon nyong fans e sana makagawa kayo ng huling album. Kahit sa huling pagkakataon man lang.

            Masaya naman na ulit ang samahan niyo, di gaya ng dati lalo pa nung kasagsagan ng pagka-disband niyo. Kumbaga sa Voltes V, binuo niyo ulit ang higanteng robot na may ultraelectromagnetic pop. Lumipas na ang halos tatlong dekada, pero nasa puso at ispiritu niyo pa rin ang pagiging musikero. Nagbago man ang pisikal niyong anyo, di naman nagbago ang pagmamahal niyo sa musika. Astig pa rin kayo mga sir.

            Alam kong lahat kayo ay may kanya-kanya ng proyekto, aktibidades at takbo ng banda, bukod pa sa mga out-of-country na concert, gigs at kung ano-ano pang endorsements. Bilang isa sa pinakasikat at kinikilalang Pinoy Rock Band ng Pinas, masasabi kong halos hindi na rin kayo magkamayaw sa kaliwa’t kanang gawain, pero nagawa niyo pa rin maglabas ng kanta. Hindi lang isa.

            Posible din kayang makagawa kayo ng album, ulit?

            Nami-miss ko na ang mga tugtuging pang-college. Mga kantang masarap sabayan habang nagiinuman, nakatambay, bumabyahe o simpleng nagsa-soundtrip lang. Hinahanap-hanap ko ang mga kanta niyong aabutin muna ng ilang ulit na pagpapatugtog ang kanta bago ko ma-gets ang meaning ng lyrics. Mga kantang malalalim ang mensahe at parang hinahanapan ng ginto sa bawat stanza. Yung ‘tunog-kalye ng dekada nobenta.

            Natatandaan ko pa noon kung paano ko paulit-ulit na kinakanta ang “With a Smile” pauwi galing sa school. Nilalakad ko ang kahabaan ng Pasong Tamo na parang praning na paulit-ulit kumakanta kahit umuulan at basang-basa ang medyas. Sinimulan yun ng mga kantang “Ang Huling El Bimbo”, papunta sa “Alapaap”, “Magasin” at “Pare Ko”. Bata pa lang ako nun, mulat na ko sa musika ng ‘90s, at isa kayo sa pinakamalaking impluwensya ko noon. Bata pa lang ako nun, pero naiintindihan ko na ang musika dahil sa mga kanta niyo. At kahit bata pa ko nun, maaga ko nang niyakap ang mundo ng musika, kahit sa murang edad. Natatandaan ko rin noon kung paano kami nag-ambagan ng utol ko para makabili ng album niyong “Natin 99” at “Sticker Happy” (paborito ko yung kantang “Fruitcake”, “Para sa Masa” at “Spoliarium”). Nakabili din ako ng Asian Album na “Aloha Milkyway”. Kaya pa kasi ng budget ang tape noon, kahit papano.

            Natatandaan ko rin kung paano ko pinagtatiyagaang kabisaduhin ang mga kanta niyo gamit ang mga lumang songhits. Nanira pa ko ng tape ng tiyuhin ko para gawing blank tape, mai-record ko lang galing sa radyo ang mga kanta niyo, saka paulit-ulit na patutugtugin, kahit halos pukpukin ko na ang mga bateryang naubos ang enerhiya sa paulit-ulit na pakikinig sa mga kanta niyo.

            Nga pala, habang ginagawa ko ang liham na ’to e background music ko ang “Sabado”.

            Hindi ko na hinihiling na ibalik niyo ang dating E-heads, kahit gustong-gusto ko rin naman talaga. Kung makagagawa lang kayo ulit ng album, pihado akong sasabog ulit ang industriya ng musika ng Pinas, kasunod ng pagbubukas ng bintana ng OPM. Yung tunay na kahulugan ng OPM, gaya ng dekada nobenta. Sigurado akong tatangkilikin pa rin ito ng milyon-milyon nyong fans, gaya ng pagtangkilik sa mga sold-out niyong concert. Bilang personal na kahilingan na rin. Bilang kahilingan na rin mga taong nananatiling sumusuporta at naniniwala sa musika niyo.

            Last na talaga mga sir, please lang.


Lubos na umaasa at gumagalang,
Juan Mandaraya

PS:

            Di na mapipilitang buhayin ang ating pinagsamahan. Ngunit kung sakaling mapadaan baka ikaw ay aking tawagan, dahil minsan tayo ay naging tunay na…magkaibigan.


            

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!