Si Kolorete at Burloloy: Mga Kuwentong Loom Bands at Alahas
First time ko makatanggap ng relo galing
kay erpats nung nasa elementary pa lang ako. Di ako sure kung anong grade na.
Pinadalan kaming magkapatid ng relo na mas lamang ang kulay pula at manaka-nakang
gold at silver. Parang kulay pamasko. Basta, pambata talaga yung itsura.
Nagalangan pa ko kung talagang gumagana yun dahil dalawa lang ang kamay.
Missing in action yung para sa seconds.
Kung isusuot mo yun pagdating mo ng high school, baka magdalawang isip ka pang
ipagyabang. Hindi naman siya pangit, hindi rin naman ganun kaangas. Simple na medyo hindi ako komportable. Hindi
dahil sa mas maangas ang G-Shock ng
katabi kong kaklase, kun’di dahil sa hindi ako sanay na may nakasabit na
burloloy sa braso ko. Mas sanay pa ata ako sa mga goma na pilit pinagkakasya sa
braso tuwing maglalaro ng dampa. Mas maraming goma, mas maangas.
Hindi
rin nagtagal sa’ken ang relo sa tatlong dahilan: nakakalimutan ko; nabasag nung
isang beses ako sumubok mag-diablo habang naglalaro ng ‘follow the leader’ at;
hindi na pinalitan yung battery. Dun na siya nagtapos. Hindi ko na matandaan
kung saan na siya napunta, pero sigurado akong malabong sinanla yun ni ermats.
Yung sumunod na nagkaron ako ng relo
(pero hindi naman talaga), galing sa lolo ko (RIP po). At dahil medyo may
katandaan na at wala ng panahong pumorma at magpaka-gengsta, napagpasiyahan
niyang ibigay sa’ken ang isang relo na panigurado akong anytime e malalaglag
sa’ken. Pano ba naman, sa payat ko nun, malaki ang tsansang mahulog yun ng
walang kahirap-hirap sa haba ng brace (payat talaga ako, as in). Tatanggihan ko
sana pero para
hindi sumama ang loob, tinanggap ko na rin (mamahalin yung relo!). May kasama
pang pera yun. Akala ko pambili ng vitamins para tumaba-taba ako. Dumiretso na
daw ako sa pagawaan ng relo para bawasan yung brace. Kinabukasan, hindi ko rin
naman sinuot.
Sa totoo lang, hindi ako kumportable
na may burloloy sa katawan. Ayoko ng bling-bling. Ayoko ng may mga bato o bakal
sa katawan ko para lang ipamporma. Dati pinilit ko magsuot ng mga kuwintas,
hikaw at bracelet. Pero hindi talaga para sa’ken ang mga ganung luho. Naiilang
ako at ayoko din naman magmukhang sosyal. Tama na sa’ken na sa cellphone ako
tumitingin ng oras, at ayaw ko din namang maya’t maya ko nililingon ang oras sa
braso. Ang kinikilala ko lang naman na burloloy e itong limang anklet na
tigbe-bente sa bangketa. Yun lang. Lagmas sampu na sana to kun’di lang talaga sumuko yung iba
matapos mabasa ng ilang daang beses dahil sa araw-araw na paliligo at pagsugod
sa baha. Hindi ko namamalayan, nababawasan na pala sila.
Ilang beses na nga ako naregaluhan
ng iba’t ibang klase ng alahas, magmula sa singsing, kuwintas, bracelet at
hikaw (naghikaw din ako para mag-level up ang pagiging rakers ko). Pero lahat
sila, nakatambak lang sa cabinet. At kahit isa-isa na silang nawala, di naman
ako nakaramdam ng pighati o panghihinayang.
Wala akong mapapala. Hindi ako
sosyal. Pabigat at mainit sa katawan. Papansin. Agaw-atensyon. Takaw-gulo. Ilan
lang yan sa mga sarili kong rason kung bakit hindi ko tinuturing na necessity
ang pagsusuot ng alahas. PERO, hindi ako against sa gantong uri ng kultura
KAHIT dumarami ang bilang ng krimen dahil dito. The more alahas you have, the
more chances of…bahala ka na.
Walang direktang taon kung kelan at
paano nagsimula ang trip ng mga tao na magsuot ng iba’t ibang klase ng bato o
bakal sa katawan. Pinaniniwalaang nagsimula ang luho na’to sa Africa mga 75,000
taon na ang nakalipas sa Blombos
Cave . Nagsimula ito sa
pagsusuot ng mga shell jewelry na gawa sa sea snail shells. Nasundan naman ito
ng pagkahumaling sa bato at bakal ng mga tao pagpasok ng metal ages. Maski ang
mga Cro-Magnons ay nakaisip ding magsabit ng kuwintas at bracelets na gawa sa
pinagtali-taling mga buto, ngipin, berries, at bato. Ginamit din nila ito sa
pananamit kaya noon pa man ay uso na ang fashion statement.
Tao 1: Aba ! Ang ganda naman ng batong ito!
Tao 2: Ay oo nga! Parang mamahalin!
Tao 3: Subukan mong lagyan ng tali at
isabit mo sa leeg mo, tapos irampa mo sa tribu natin para magmukha kang
maangas!
Tao 1: Pero teka, ano namang itatawag
natin dito? (kasalukuyang nilalagyan ng tali ang bato saka dahan-dahan isusuot
sa leeg)
Tao 2: (Biglang natakot ng makakakita ng
ahas sa likod ni Tao 1) Hala! Ahas!
Tao 1: Ano kamo?
Ta
o 3: Hala-ahas daw, binge!
Tao: Ah…alahas. Puwede! Alahas ang
itatawag natin dito!
Tao 1: (Kumaripas ng takbo) Epic
faaaiiillll!
Ayon sa wiki, may mga dahilan kung
bakit gumagamit ng alahas ang tao. Bukod sa pagiging artistic, ginagamit din
ito bilang functional lalo na sa pananamit, pag-aayos ng buhok at para may
matanungan ng oras sa gitna ng kalsada. Maaari din bilang social o personal
status, gaya na
lang ng wedding rings at hikaw sa dila. Simbulo din ng mga organisasyon,
brotherhood at religion. Puwede ring proteksyon sa kung ano-ano mang masasamang
elemento o pang-attract ng mabubuting elemento gamit ang amulet atbp. Higit sa
lahat, para makapagpatayo ng libo-libong sanglaan.
Kelan nga lang e naging trending ang
loombands. Biglang nauso, bigla ding nalaos. Kung tutuusin, pinaliit lang naman
na lastiko yun, naging sosyal na lang nang bansagang loombands. At bakit ang
mahal ng isang set nun?
Pero hindi dun nagtatapos ang alamat
ng loombands aka rainbow loom. Nagsimula pala ito kay Cheon Choon Ng, isang
mechanical engineer sa Nissan Motor Company. Isang araw nang makita nitong
naglalaro ng goma ang mga anak nito, tinuruan nito kung paano gawing bracelet
ang pinagsama-samang goma. Medyo napahiya ito sa mga anak kaya gumawa ito ng
paraan para mas maging effective ang paggawa nito kaya naisipan nitong gumawa
ng scrapboard na may maraming hilera ng pushpins para mas madaling maikabit ang
pinagsama-samang goma at maging bracelet. Naging popular ito sa mga kapitbahay
at naisipan ng mga anak nito na magbenta para makabili ng I-Phone 6, pero pauso
ko lang yun. Sa loob ng halos anim na buwan, lumikha siya ng improvised na loom
kit na may 28 na versions. Nag-invest siya ng $10,000 at nakahanap ng factory
sa China
para mag-manufacture ng imbensyon nito, kung saan kasama nito ang asawa na
naga-assemble sa kanilang bahay noong June 2011.
Napansin mo ba, sa music industry e
mga rapper ang may pinakamaraming bilang ng alahas sa katawan sa mga music
video, kasunod ang mga pop stars? Bakit? Ano ang scientific explanation nito?
Kilala mo ba si Lupin III? Yung
anime na walang ibang ginawa kun’di magnakaw ng mga mamahaling bagay sa kung
saan-saan kasama ni Fujiko na talaga namang…? Wala lang. Naalala ko lang.
Malaki man ang diamond na “Heart of
the Ocean Diamond” sa pelikulang Titanic, hindi pa rin ‘to ang pinakamahal na
alahas sa buong mundo. Dahil ang “The Graff Pink” na na-classify bilang type II
color diamond (literal na kulay pink) ay nagkakahalaga lang naman ng halos
$1.85 million per carat (na hindi ko alam kung ilang carat), kumpara sa replica
ng “Heart of the Ocean Diamond” na $20 million. Sa laki ng halaga nun, maaari
ka ng bumili ng sarili mong bansa at pangalanan ayon sa trip mo.
Ngayon, ano ang pinaglalaban ko?
Wala.
Pero sa totoo lang, ang alahas sa
ngayon e hindi na yari sa mga mamahaling bato o bakal. Hindi rin ito nasusuot o
puwedeng isabit. Hindi mga alchemists o chemists ang gumawa nito. Mas target
ito ngayon ng mga snatcher at holdaper dahil sa lakas ng bentahan nito sa
merkado. Dumarami ang bilang ng mga gumagamit at bumibili nito, na halos buwan-buwan
kung magpalit ng model, kasabay ng pagdami ng sungay ng ilan para lang dito.
Comments
Post a Comment