"The Art of Extra"



5:17 AM, nag-out na ko sa trabaho para sa isang lakad na ilang linggo kong bubunuin. Mula Pasay, babiyahe ako ng Quezon City ng puyat, gutom, medyo natatae, may morning breath at may ulap sa utak. In short, zombie mode. At kahit araw ng sabado, sigurado akong hindi ko malalaktawan ang sisiga-sigang trapik ng EDSA, kaya umiskor muna ko ng ilang minutong power nap sa bus. Malamig naman sa bus kaya medyo madali ako inantok.

            Ilang minuto lang, nakaidlip na ko kahit nakasaksak ang headset habang nagwawala ang Metallica sa tenga ko. Di ko namalayan, nasa Shaw Blvd. na pala ako makalipas ang halos isang oras.  Mag-aalas otso na ng makababa ako ng bus. Hayup talaga.

            Kelangan ko ng carbohydrates at sipa sa utak kaya napagpasiyahan kong kumain muna. To the rescue naman ang isang fast food ilang dura lang ang layo sa babaan, kaya diretso na ko sa loob. Medyo maraming tao, fill in the blanks ang upuan. Bahala ka kung sa’n pupuwesto. Kelangan lang maka-order agad. Buti’y hindi naman tulad sa pagkuha ng NBI yung pila. May pag-asa pa.

            Ito ngayon ang problema ko: ano ang okey kainin? Sa sitwasyon ko ngayon, hindi ako puwede sumobra sa carbohydrates---baka sa sobrang pagkabusog e kuhain ako agad ng liwanag. Kelangan sakto lang, pero medyo mabigat sa tiyan para hindi agad magwala ang micro-organisms sa sikmura ko. Sa kabilang banda, nakakaramdam naman ako ng red-alert mula sa kalikasan. Medyo nasa critical level na ang bahay-shit ko, kelangan ng magbawas. Nagugutom na natatae. Pang-apat ako sa pila, may ilang minuto pa para mag-decide.

            Umiikot ang utak ko sa lahat ng value meal. Hirap mag-decide. Merong masarap pero wasak sa budget. Merong mura pero mabibitin. Merong okey na parang hindi naman talaga. Bellshit, ang aga-aga namomroblema ako sa logic, samantalang sikmura ko lang naman ang nagrereklamo. Pati pala bulsa. Kaya ayun---ending---spaghetti na may kasamang French fries at regular na softdrink.

            Sa pagkain, ayoko ng ‘lang’: ganito lang at yan lang. Hindi puwedeng burger at softdrink lang, dapat may pulutang French fries. Ganun din sa canteen, ayoko ng iisa lang ang ulam. Bukod sa hindi naman ako mabubusog, nabo-boring-an ako sa itsura.  Kaya mas madalas na dapat dalawa ang ulam ko. Yung pangalawa, dapat gulay o may sabaw. Pero hindi ibig sabihin nun e masyado akong magastos sa pagkain. Inaabot ko lang ang satisfaction ko, dahil yun ang gusto ko.

            Isa pa sa style ko sa pagoorder-order e yung may dagdag na serbisyo. May extra. Yung simpleng burger, ina-upgrade ko sa cheeseburger o kung ano man ang trip ko. Ang rules lang e hindi dapat ganto lang ang itsura niya. Kung meron mang puwedeng i-upgrade sa simpleng pagkain, go lang hanggat kaya ng budget. Kung puwedeng gawing special ang plain rice, mas mainam. Kung kelangang dagdagan ang arte ng simpleng pagkain para lalong mag-enjoy, go. Dahil ang mga pagkain sa fast food e laging may value added tax, dapat meron din akong value added taste. VAT, in short.

            Kung tutuusin, puwede naman talaga akong umorder ng simpleng spaghetti lang at softdrinks. Ayos na yun, puwede na yun. Pero dala ng kawalan ng satisfaction at kaartehan, mas madalas na tina-target ko ang goal na sulit, kahit mas magastos. Ma-extra.

            Nitong nakaraang buwan nga lang nasiraan na naman ako ng headset, bagay na ikinapu-frustrate ko talaga. Sa taong ito, nakaka-tatlong bili na ko. Isa pa naman yan sa mga weapons ko tuwing papasok sa trabaho, bukod sa cellphone, ID, panyo at coin purse. Nakaka-badtrip. Ang mahal pa naman ng bili ko nun. Basta, hindi lalagpas ng isang libo yung presyo, hindi rin bababa sa P950.00. Ayun nga, halos tatlong buwan ko pa lang nabili yun. Tatlong buwan ko pa lang nagagamit, paralyze na agad yung kaliwang parte. Andun pa naman yung part na may volume control at play/pause. Mabuti at may one-year warranty. Napapalitan ko naman agad.

            Oo, alam kong mahal yung headset. Meron naman talagang sariling headset yung cellphone ko, pero dehins ko trip yung tunog. Bukod pa dun, masakit sa tenga pag ilang oras ng nakasuksok. Kaya napagpasyahan kong bumili, kahit labag sa bulsa ko. Masunod lang ang layaw ng tenga ko.

            Natatandaan ko pa kung paano ako pinulikat kakalibot sa mall para lang humanap ng trip kong headset. Ang goal lang e dapat ganito: maganda ang quality ng sounds, ear-bud type, may volume control at higit sa lahat, dapat okey sa budget. Pero hindi ganun kadali ang misyon ko. Maraming ek-ek factor ang ilang headset. Minsan, hindi ko trip yung kulay. Yung iba, masyadong manipis yung wire (prone yun sa pagiging grounded). Meron namang okey, pero presyong-hari naman ang punyeta. Yung iba, walang volume control. Kung hindi lang talaga maarte ang tenga, okey na sa’ken ang mga tigbe-benteng earphone sa bangketa.

            Napansin ko lang na kung alin ang mas maraming special features, mas mahal. Meron namang item na halos pareho lang ang features, kulay at style lang ang pinagkaiba, mas mahal pa rin.

            Pero bakit nga ganun? Pag mas maraming arte ang isang bagay, mas mahal?

            Sabagay, hindi mo naman masisisi ang dagdag-bayad para sa dagdag-serbisyo, para sa dagdag-ginhawa. Pinaghirapan at nag-brain-storming pa ang mga magagaling na imbentor para lang lalong gumanda at umarte ang mga produktong ipinakikilala nila sa’ten. Tulad ng mga smartphones ngayon, halos pare-pareho lang din naman sila ng puwedeng gawin. Nagkakatalo-talo lang sa presyo dahil sa brand name, battery-life, internal memory at processor. Kung ang mga nabanggit ay may “mas”, mas mahal talaga.

            Sa tingin ko, hindi pa naaabot ng tao ang kahulugan ng satisfaction. Dala ng usaping necessity, marami pa ring bagay sa mundo ang hindi lang nagi-stay sa pagiging simple. Isang magandang halimbawa diyan ang cellphone. Magmula sa pagiging black and white, papunta sa pagiging smartphone, hanggang sa parang ginagawa na tayong tanga dahil sunud-sunuran sa uso. Mas uso, mas cool. Mas maraming features, mas astig. Mas maraming extra, mas magastos.

            Sa pelikula, hindi mo makikita ang aura ng bida at kontrabida kung wala sa paligid ang extra. Dito papasok ang dagdag kulay sa istorya, bukod sa pampadami ng casts at budget. Maliit lang ang role at kita sa pagiging extra, pero malaki ang ambag nito pagdating sa pagiging blockbuster at “Bosing namber wan! Namber wan! Namber wan!”. Sige nga---sa buong buhay mo---nakapanuod ka na ba ng pelikula na ang casts lang e yung bida at kontrabida (pati yung manunulot)? Lalo na yung mga action movies, mahalaga ang role ng mga extra. Kelangan sila kasi kelangang maraming mapatumba yung bida at masasayang yung bala. Sabi ni direk.

            Bago pa man matuto ang tao na gumamit ng android at IOS, at bago pa man mapraning ang ilan sa clash of clans, nagsimula muna ang lahat sa pagiging basic at simple. Madali lang ang buhay. Walang extra-curricular activities. Ang routine lang nuon e gumising, humanap ng pagkain, kumain, matulog at makipag-sex. Yun lang. Matagal-tagal bago nadiskubre ang kauna-unahang kantang naisulat, kahit wala sa tono at wala naman talagang nota. Inabot ng ilang libong taon bago natutunang mag-drawing, sumulat, mag-hand signal, sumayaw, mag-wiggle at mag-rap. Lahat ng mga yan e extra lang sa buhay. Walang social-social life na hinahanap ng ilan. Walang gym class, martial arts, trip to Tagaytay, hiking, swimming at pabar-bar hopping. Naka-survive silang lahat ng walang wi-fi at sobrang mahal na iPhone.

            Pero dahil ang tao ay patuloy na tumatalino dahil sa MSG, hindi rin tayo tumitigil sa paghahanap ng mga bagay na puwedeng i-extra sa kanya-kanyang schedule. Iniiwasan natin ang maburyong at patuloy tayong naghahanap ng entertainment, kahit ang kapalit nito ang ilang araw na pagkabawas sa lifespan ng tao. Yosi. Alak. Drugs. Mabubuhay ka ng walang ganyan. Magastos at bad-influence na extra sa buhay.

            Yang mga alahas at palamuti mo sa katawan, extra lang naman yan. Yung mga appliances at gadgets, extra lang din sa buhay. Pero bakit ginugusto pa rin natin sila?

            Simple lang. Lahat tayo ay extra sa buhay ng mundo. Iikot ang mundo kahit walang tao. Mabubuhay ang mga hayop ng wala tayo. Hindi kelangan ni mother earth ng mga nilalang na katulad natin. Pero sa ngalan ng evolution at balance, nababasa mo ngayon ang blog na to. Congrats.


            Kaya nauso ang extra rice dahil marami ang hindi agad nabubusog. Kaya may extra features sa dvd e para lalong magmahal. Kaya may extra-curricular activities sa school e para masabing busy at nag-aaral na estudyante. Kaya may extra sa pelikula e para hindi magmukhang engot ang mga bida. Kaya may extra-allowance e para sa extra-gastos. Kaya may extra-service e dahil sa…uhm…yun. Basta. Kaya may extra-terrestrial e para maisip natin na hindi lang tayo ang nagma-may-ari ng solar system. Kaya nagkaron ng X-Men e dahil sa extra-ordinary sila kumpara sa mga normal na tao. Pero hindi ko pa nami-meeet si Wolverine.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!