Bakit Hindi Puwede ang mga Superheroes sa Pinas?


Merong isang programa sa isang cable channel na nagpapalabas ng ilang mga taong merong super abilities o yung mga taong ‘kakaiba’ ang abilidad. Sinabi kong kakaiba kasi hindi normal at hindi lahat ng tao, merong kakayahang taglay nito. Iba ang konsepto nito sa Ripley’s Believe it or Not dahil mas hardcore pa sa hardcore ang mga personalidad na pinalalabas dito. Di gaya ng Ripley’s na naka-focus sa mga bagay na weird at hindi kapani-paniwala.

Nung isang beses napanuod ko yung isang lalake na merong matibay na dibdib. Sa sobrang tibay e pati bulldozer, walang panama sa dibdib niya. Mapapaniwala ka naman talaga kasi may mga ekspertong nakaantabay sa kanya at maya-maya din kung mag-side comment. Nung matapos daanan ng bulldozer yung dibdib ni lalake, parang wala lang sa kanya. Para lang siyang nag-bench press sa gym.

Pero may mas hardcore pa dun. Nung sumunod na episode, isang monk naman ang may kakaibang trip sa buhay. Isipin mo---barena---itututok sa sentido para testing-in kung mabubutas ba o mapurol ang barena. Hanep sa tibay si kuya, as in! Walang panama yung barena habang pinipilit itong binabaon sa sentido ng nagsisisigaw na monk. Panis ang adamantium ni Wolverine sa kanya. Literal na matigas ang ulo.

Ngayon ko naisip, paano kung ang lahat ng tao may kanya-kanyang super abilities? As in lahat?

Lahat siguro ng bagay na normal e magiging abnormal. Against the human law. Kung yun ngang napapanuod nating mga superheroes e nagkakandaletse-letse ang buhay pati mga kamag-anak nito, paano na lang kung lahat tayo e may kakayahang lumipad? Maglakad sa pader? Kontrolin ang mga bakal o basahin ang utak ng iba?

Kung ngayon pa nga lang na normal tayong nilalang, nakalimutan na nating minsan maging tao, paano pa kaya kung higitan natin ang pagiging normal? Ang saya nun, para na nating ginawang literal na impiyerno ang planeta natin.

Napanuod mo na ba yung Lucy? Yung babae na aksidenteng naapektuhan ng kakaibang droga na nagresulta sa paggamit niya ng utak na higit sa average na paggamit ng normal na utak ng tao? Yung babae na aakalain mong naglalakad na diyos sa mundo? Paano kaya kung totoong nage-exist ang ganung uri ng droga? Wala na sigurong tatawaging bobo sa mundo. Tatanggalin na rin sa eskuwelahan ang lahat ng mga pautot na award dahil laging pasok sa top class o valedictorian. O baka wala na ring itayong eskuwelahan nun kasi nga, bakit ka pa mag-aaral kung ang tali-talino mo na? Lahat ng tao magiging past time ang debate na parang lasing kahit hindi pa nakakainom. At baka dumating yung oras na ang dasalin ng tao e sana maging bobo naman siya.

Kaya nga tingin ko, hindi welcome ang mga superheroes sa Pinas. Walang uubrang superheroes sa bansa natin dahil tingin ko, hindi rin naman nila pipiliing manatili o gawing habitat ang bansa natin sa dami ng isyu. Kahit sabihing superheroeos sila, hindi nila iisiping tumulong sa bansa natin kasi baka ma-pulitika sila.

Si Superman? Malabong magbakasyon dito yun. Una, wala ng mga phonebooth sa mga kalsada ngayon. Mahihirapan siyang maghanap ng lugar na pwede siyang mag-transform bilang Superman dahil karamihan sa mga kalsada natin ngayon e meron ng cctv. Naisip ko rin na baka mawalan siya ng gana dito sa init ng uri ng klima natin. Kung yun ngang naka-sando tayo e naiinitan pa rin tayo, paano pa kaya kung nakasuot pa yung costume niya na merong dobleng amerikana? Tsaka baka tuksu-tuksuhin lang dito yun na ‘supot’ kasi nga hindi pa siya tuli, at wala rin namang magtatangkang tuliin siya dahil hindi rin naman kakayanin.

Pati si Spiderman, mabo-bored lang dito, kahit pa sa Makati siya nakatira. Hindi uubra yung mga pa-swing-swing niya dito sa baba ng mga building. Bahala na lang siya kung yung mga nagkalat na matataas na billboards e patulan na rin niya. Sa dami ng maii-spider sense niyang krimen, baka mapraning lang siya kung sino ang uunahin. Sa maya’t mayang aksidente at krimeng nangyayari sa bansa natin, baka mas piliin na lang niyang mag-networking kesa tumulong.

Wala ring pag-asa si Hulk. Sa init ng klima natin, baka halos araw-araw mainit ang ulo niya at mapagbuntungan pa niya ng galit yung mga manginginom sa bawat kanto. Baka gawin niya lang fertilizer ang mga celebrities o showbiz couples sa bansa natin pag napikon siya sa pagsisinungaling ng mga to. Mapo-postponed lahat ng eleksyon sa bansa dahil pipigilan nito ang mga pulitikong bwakanginangsyet kung magtalumpati, pati na yung mga nakakangilong jingle ng mga kakandidato. Hindi niya rin tatangkaing sumakay ng mrt dahil pag na-highblood ito sa sikip, nanaisin na lang niyang tumalon ng tumalon ng pagkaaaaaaaa-taas-taas para maiwasan ang traffic sa EDSA. Kung may sarili man siyang sasakyan, walang traffic enforcer na tatangkaing inspeksyunin siya kahit wala namang violation (o hihingan ng pang-almusal) dahil kung magkataon e gagawin lang bopis o giniling ang ulo nito. Kahit simpleng batok lang ang gawin nito, paniguradong ICU ang bagsak ng kawawang traffice enforcer.

Wag mo na ring hilingin si Ironman. Madami ng junkshop sa Pinas, wala siyang mapapala dito. Kaiinisan pa sya ng mga magbabakal. Bukod dun, mahal ang singil ng kuryente at baka sa unang paggawa pa lang ng robot niya e magwala na siya sa taas ng bills. Speaking of bills, baka pasabugin lang nito ang mga network companies sa bagal ng internet kahit kumuha pa siya ng pinakamahal na internet deal sa bansa. Imbis na kalmado lang ang boses ni ‘Jarvis’, baka maya’t maya rin magmura to. Baka mapikon lang din siya kung isang araw e may imitation na yung mga suit niya. At panigurado akong sunod-sunod na death threat ang matatanggap nito galing sa Abu Sayyaf o NPA.

Sa dami ng nangyayaring krimen tuwing gabi, baka mapuyat at mangayayat si Batman sa bansa natin. Alam mo naman siya, tuwing gabi lang rumarampa. Laging puyat kaya lagi ring mainit ang ulo. Pag nagkataon, lahat ng mga kriminal e hindi na aatake pagsapit ng gabi. Mawawalan siya ng gana at baka mapagbuntungan pa niya ng galit yung mga lasing sa gabi at mga matitigas ang mukhang nagbi-videoke tuwing madaling-araw. Hindi rin uubra ang batmobile niya sa soooooobrang luwag ng mga kalsada natin, lalo na ang EDSA na soooooobrang luwag tuwing rush hour. At gaya ni Spiderman, wala rin siyang puwedeng tambayang rooftop sa baba ng mga building natin. Masisiraan lang din ng bait ang mga tauhan niyang gumagawa ng gadgets niya sa bagal ng internet at mahal ng kuryente.

Kaawa-awa naman ang magiging sitwasyon ni Mask Rider Black. Kung bakit naman kasi kung saan-saan na lang sumusulpot ang motor niya. Pagiinitan lang lagi ang motor nito na kung saan-saan naka-park. Hindi rin siya agad makaka-responde sa hardcore na traffic. Mamumulubi rin siya sa mahal ng gasolina. At kung mamalas-malasin pa, baka manakaw pa yung motor niya.

Dahil uso ang sulutan dahil sa impluwensya ng mga telenobela sa ngayon, malamang e ganun din ang kahinatnan ng mga Power Rangers. Maaga silang mabubuwag dahil sa tukso.  At kung mamalasin pa, baka pati sila maglaban-laban. Magtitirahan sila ng status sa facebook, magpaparinigan sa twitter at magpapakalat ng mga walang sawa nilang suntukan at bakbakan sa youtube. Ending, sila-sila rin ang magpapatayan. Kung may magsakripisyo man, maswerte na yung magkakatuluyan. Side effect na lang kung sino ang mabubuntis.

Wag lang din sana magtangkang mag-invest ang mga lahi ni Ultraman dito. Bukod sa madaling wasakin ang mga pinagmamalaki nating building, lalo lang silang magdadagdag ng trapik sa bansa, kung saka-sakali mang may siraulong higanteng halimaw ang maka-engkwentro nito. At kung bakit naman kasi kelangan pang mag-wrestling sa mga building, kung pwede namang sa dagat o disyerto na lang sila magpapawis. Sabagay, hindi rin pala pwede sa katubigan. Mainit ang isyu ng agawan ng teritoryo sa ngayon, baka pati sila madamay. Angkinin din sila. Hindi ko nga rin maintindihan kung anong klaseng breastmilk o super-advanced na gatas ang iniinom ng mga yun at lumalaki sila ng wala sa ayos. Bakit hindi na lang sila sumali sa NBA, baka matuwa pa ko?

Isa pa yan, si The Flash. Maghahari-harian lang yan sa EDSA. Pero maswerte na rin siya kung maisisingit nya yung katawan niya sa abilidad ng mga bus driver natin na ga-bigote na lang ata ang pagitan, magbabanggaan na sa sobrang kaskasero. Kung yun ngang mga matitinong driver nga natin naaaksidente pa, siya pa kaya na hayup sa bilis? Tsaka mapu-frustrate lang siyang magligtas dito sa dami ng nakaharang na traffic enforcer with matching stoplight at nakatagong pulis sa gilid-gilid, lalo na kung araw ng sahod + araw ng biyernes + umuulan. Goodluck na lang talaga. Ewan ko na lang din kung gumana pa bilis niya tuwing magbabaha sa Maynila. Baka mabugbog lang din siya ng taung-bayan pag napagkamalan siyang snatcher.

 Basta, hindi welcome ang mga superheroes sa bansa. Magdadagdag lang sila ng problema. Imbis na makatulong e baka mahikayat lang silang mamulitika o pumasok sa showbiz. At kung medyo makapal ang mukha, baka sumali na rin sila sa mga talent shows. Di lang ako sure sa networking.


Takdang-aralin:


  1. Ano ang tatak ng costume ng mga superheroes? Saan at kanino sila nagpapatahi? Magsaliksik ukol dito.
  2. Magbigay ng limang superheroes na walang abs at sinlaki ng tatlong buwang buntis ang tiyan. Ipaliwanag kung bakit.
  3. Saan nagdi-gym ang mga superheroes? Totoo?
  4. Ano ang mobile number ni Darna? Wala lang. Crush ko kasi siya.
  5. Maituturing bang special abilities ang baktol? Bad breath? Panunulot? Pagiging kabit? Bakit?
  6. Ano ang religion ng mga superheroes?
  7. Sumulat ng sanaysay kung bakit gusto mong maging superhero. Salungguhitan ang mga salitang abs, sexy, sikat, showbiz at pulitika.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!