"Paki-spell ang Typographical Error"

Yuck Fou. Hindi ako nagmumura. Nakita ko lang yan na nakatatak sa isang damit habang naglalakad sa kahabaan ng EDSA. Bold na bold ang pagkakatatak. Yuck Fou. Sa unang tingin, hindi na maganda ang mensahe sa parte ng utak kung saan masyadong sensitive. Nahusgahan pa agad ng sobrang linaw na eye sight. Pero makalipas pa ang ilang hakbang at muni-muni, saka ko lang na-realize na madumi lang talaga ang utak ko. Walang masama sa mensahe ng damit niya, ako lang ang nagbigay ng meaning.

Kung aayusin sa utak ang totoong mensahe ng damit niya, magiging foul at ‘masyadong cool’ sa makakabasa. Lantarang pagmumura, na parang naghahanap ng hindi inaasahang atensyon at pagpapapansin. Pero dahil nga sa jumbled letters naman ang pagkaka-spelling nito, masasabing naging playsafe ang sino mang nakaisip nito---hindi man rekta pero sigurdong may impact.

Kasalanan na siguro yan mismo ni mata at ni utak. Masyadong mabilis manghusga. Sila ata nagpa-uso ng ‘love at first sight’ kahit wala naman talagang ganun. Hindi ako bitter.

Big deal sa’ken ang spelling, hindi dahil sa mataas ang score ko noon tuwing may quiz (hindi ko rin naranasan sumali sa spelling bee), kun’di dahil nagdadala ito ng misinterpretation at confusion. Makapangyarihan ang mga salita, na binubuo ng mga letra at pagkatapos ay bibigyan ng mensahe makaraang masilayan ito ng mata at i-interpret ng utak. Isang letra lang ang missing in action o sumobra sa isang salita, hemorrhage na agad sa utak. Minsan nagreresulta pa ng away, o trending sa media.

Naiinis ako sa MS Word dahil sa pakelamerong auto-correct. May mga time na hindi ko napapansing bigla na lang umaatras ang letra sa naunang salita (automatic na gumagawa ng English vocabulary) o kaya bigla na lang malalagyan ng espasyo. Itinatama ako ng auto-correct sa bokabularyo ng ingles, na hindi ko naman kelangan. Hindi ko alam kung senyales yun ng katangahan o pagwawalang bahala ko sa spelling kaya niya ko sinisita. Pati sa ‘medyo’ smart phone ko, meron ding ganung features na hindi ko talaga kelangan dahil may sariling spelling ang text-lingo. Pero may time na okey din naman, lalo na kung hindi naman talaga ako sigurado sa spelling lalo pa kung salitang ingles. Yaan mo na.

Gusto ko nga minsan sisihin ang pagbulusok ng cellphone (hanggang smart phones) kung bakit nagkakandaletse-letse na tayo sa spelling. Oo nga, madali namang intindihin at common sense na rin naman minsan kung babasahin ang pagkaka-construct ng text message. Sa libo-libo ba namang mensaheng natatanggap natin, malamang sa malamang na matagal ng nakapag-adjust ang utak natin sa pagiging creative natin, lalo na sa sariling version ng spelling at grammar. Meron lang mga pagkakataong nagiging double meaning dahil sa katamaran at, yun nga, sobrang creative.

Text ng tropa (panahon pa ni nokia 3310):

2l, b2 d2.

Unang translation ng utak ko: Tol, bato dito.

Yung totoong meaning: Tol, baba dito.

O di ba? Kung hindi ba naman sobra sa vetsin ang utak, malay ko ba naman sa meaning ng text niya? Mali ba ko dahil hindi ko pinaulit ang text niya, o mali siya dahil hindi naman ako gumagamit ng bato?

Nato-tolerate ko naman ang ilang text-lingo. Meron lang talagang ewan kung pinaglihi sa pagong o idol si Juan Tamad. Isa sa pinaka-badtrip ang salitang ‘ako’ o ‘ko’. Marami-raming version yan pagdating sa text message. Halimbawa:

D pde now. Meron aq.

D q alm e.jejeje

Wg n u. Akoh n lng.

D k0w alm ung sp3ll1ng e, sowee poh

Kht aqo mgglit s u.

Aku b kausp u?

Txt m0 k0 h?

Ano ba ang benefits natin sa sobrang shortcut? Tipid sa character? Iwas sa carpal tunnel (see google)? Todo-bilis sa reply? Word evolution? Creative???

Ipagpalagay na natin na effort talaga ang pag-spell ng mga salita dahil sa keypad ng cellphone. May mga letrang hindi uubra sa unang pindot lang, kaya nga ang simpleng “OK” na reply e hindi rin naman agad naise-send sa dahilang pangatlo sa keypad number 6 ang letrang ‘O’, at pangalawa naman sa keypad number 5 ang ‘K’. Yung iba, ipinapalit na lang ang zero sa letrang ‘O’ dahil mas effortless. Pero dahil halos majority na ng cellphone sa mundo e gumagamit na ng keypad na qwerty, wala ng dahilan para magreply pa ng nakaka-highblood na “K”.

Marami-rami na rin akong nabiling libro, at halos lahat ng yun e hindi nakaligtas sa typographical error. Okey lang yan, normal yan lalo na kung 0.1% lang naman nito ang pagkakamali. Kung yung mga exams at quiz nga hindi nakaligtas sa typo, mga libro pa kaya? Ang dami-daming characters nun, as in libo.

Naglipana nga sa facebook ang ilang photo message kung saan, tsina-challenge ng mambabasa kung gaano pa kalinaw ang mata natin. Marami-rami yan, at ilang beses ng dumaan yan sa newsfeed ko. Okey naman ang ganung trip, pero ang hindi ko lang talaga matanggap minsan e yung mga nagpapakalat ng quotations o ‘sayings’ na---anak ng pagong---text-lingo pa din. Binigyan ng effort yung pagkakagawa ng artistic na message sa tulong ng photoshop, etc, pero typo naman. Keyboard sa PC na nga ang gamit, pero pang-text message pa din ang spelling. Maganda naman ang mensahe ng ‘mensahe’ nila, pero mas maganda sana kung maiaayos ang spelling. Pano mo naman paniniwalaan yun, kung sa spelling pa lang e kwestyonable na?

Makapangyarihan ang media pagdating sa pagpapakalat ng mga mensahe o tsismis. Bida dito ang mga sinungaling. At dahil bukas ito sa publiko at maraming bahay na ang may sariling wi-fi, hindi na nakapagtataka kung bakit nabuo ang komunidad ng mga critics na ‘netizens’. Hates, bashers, gramatista, perfectionists---lahat yan automatic na isinisilang sa mundo ng media dahil sa pagiging sensitive at sobrang advance ng utak. Meron ilang isyu na sana’y pinalampas na lang o hinayaan dahil sa not-so-big-deal naman ang pagkakamali ng dahil sa spelling. Pero kung usapang showbiz o politika, ewan kung bakit marami ang umuusok ang puwet at dumudugo ang retina sa ilang trending na isyu, ARAW-ARAW.

Ilang tweet na ba sa twitter ang naging isyu dahil lang sa mali-maling spelling?

Hindi ko alam kung direkta ba kong naging member ng jejemon, pero alam kong hindi ako nakaligtas sa batas ng spelling. Tamad ako sa vowel, madalas. Pero magkasunugan na ng brief, hindi ko pa nasubukang magpadala ng text message na “0n d w@y n k0w, w8 !ng powhzzz…”. Parang bakal na kinikiskis sa pader: nakakangilo basahin.

Katawa-tawa minsan, pero sana hindi dumating yung panahon na maisama sa literatura natin ang kulutrang jejemon. Aaminin ko, 80% ng mga blog ko e hindi makaliligtas sa typo, pero malaki ang kompiyansa kong hindi ko pa nagamit---kahit minsan---ang salitang jejemon. Hindi ko trip. Maling-mali at sobra-sobra sa effort. Kaya ko pang tiisin ang mas short pa sa shortcut, pero talagang nangingilo ako sa salitang nabuo dahil sa jejemon. Puny3+@!

Nakakainis man, pero aaminin ko din namang may mga ilang salita o babala na hinahayaan na lang natin, hindi dahil sa obvious naman ang mensahe, kun’di nakakatuwa (nakakatawa?) naman, paminsan-minsan lalo na sa bawat sulok ng komunidad. Wala itong ligtas, mapa-eskinita man o express way. Ewan kung pampa-goodvibes. Real entertainment sa kalsada habang lumalanghap ng panis na oxygen at anghit ni mamang drayber o aleng kundoktor. Madami yan, at ikaw na mismo ang susuko kung poor-eye-sight-na-ba-ko o “…mataas lang talaga ang IQ ko, sorry”. Mas nakakatawa pa sa joke ng mga kandidatong nagpapatawa tuwing eleksyon.

“Life is like a typographical error; we’re constantly writing ang rewriting things over each other…”

-Bret Easton Ellis


Takdang-aralin:

  1. Bilangin ang typo ng blog na ito. Ilagay sa comment box ang sagot kasunod ng salitang “weak”.
  2. Ano-ano ang mga salitang hindi na dapat i-spell ng maayos? Pangatwiranan.
  3. Pag-tripan ang mga magulang. I-challenge sila kung kaya nilang i-spell ang salitang “supercalifragilisticexpialidocious”. Hingan ng allowance pag nagmura at sumuko.
  4. May mga pagkakataon bang nainis/na-badtrip ka dahil hindi na-spell ng tama ang pangalan mo? Bakit? Anong naging reaksyon mo? Anong ginawa mo pagkatapos mo mainis/ma-badtrip?
  5. Magbasa ng ilang artikulo, blog o essay hinggil sa history ng typographical error. Hanapan ng typo at i-status, sa facebook o i-tweet sa twitter agad-agad. @s !n n0w n@ phowzz.


            

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!